Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Oktubre 2022

Pambungad
Batayang pangangailan upang mabuhay ang pagkain kaya ang pagkain ay batayang usapin para sa lahat ng mamamayan. Gayunpaman, may sentral na halaga ang epekto at papel dito ng mga magsasakang pangunahing lumilikha nito.
Hindi rin ito ang unang beses na sinubukan nating magkamit ng sariling kasapatan sa pagkain o “wakasan ang gutom,” kaya kailangan nating matuto mula sa kasaysayan. Kung hindi, matatali tayo sa pag-uulit sa mga bulok at palpak nang hakbang.
Binuo ang balangkas at gabay sa pagtalakay na ito para sa masklaw na pag-unawa at pagpapaliwanag kaugnay sa krisis sa pagkain, sa tunay nitong ugat panlipunan, sa mga patakarang nagpapanatili at nagpapalala rito, at sa mga hakbang na kailangang tuparin para sa paglulutas dito.
Nilalaman
- Ano ang krisis sa pagkain?
- Bakit may pandaigdigang krisis sa pagkain?
- Bakit lubhang bulnerable ang Pilipinas sa panlabas na krisis?
- Bakit lugmok sa krisis ang agrikulturang Pilipino?
- Anong mga patakaran ang nagpapalala sa krisis sa agrikultura?
- Ano ang neoliberalismo?
- Ano-ano ang mga pangunahing patakarang neoliberal sa agrikultura?
- Ano ang pekeng reporma sa lupa?
- Ano-anong mga patakaran ang karugtong ng pekeng reporma sa lupa?
- Anong pananagutan ng mga Marcos sa krisis sa agrikultura?
- Paano ipinapataw ang mga patakarang nagpapalala sa krisis?
- Anong plano ng administrasyong Marcos Jr kaugnay ng krisis?
- Paano ganap na reresolbahin ang krisis sa agrikultura at pagkain?
- Paano kakamtin ang isang maka-Pilipinong sistema sa pagkain?
- Ano-anong mga patakaran ang nagtataguyod sa sariling-kasapatan at maka-Pilipinong sistema sa pagkain?
- Anong mga magagawa natin sa ngayon?
1. Ano ang krisis sa pagkain?

Ang kasalukuyang krisis sa pagkain ay ang lumalalang kakulangan sa abot-kayang pagkain para sa mamamayan.
Tuloy-tuloy ang pagsirit ng mga presyo ng iba’t ibang produktong pagkain. Mula sa krisis sa bigas noong 2018, pananalasa ng African Swine Flu sa industriya ng baboy mula 2019, at pagsirit ng presyo ng abono mula 2021, ngayong 2022 ay may malubhang problema na rin ang asukal, sibuyas, bawang, asin, mantika, patatas, kamote, at iba pang pagkain.
Kasabay nito, nariyan pa rin ang pana-panahong pagkasira ng tone-toneladang kamatis, repolyo, at iba pang sobrang produktong pagkaing hindi naibebenta/nabibili.
Samantala, hindi na nga tumaas, bumagsak pa ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa ngayon kumpara noong 2016. Gayundin, sa kabila ng mga nagtataasang presyo ay pabagsak ang kita ng mga magsasaka.
Sinasaklaw ng krisis na ito ang kabuuang sistema ng pagkain na binubuo ng produksyon, distribusyon, at pagkonsumo.
Dahil sa mga ito, paparami ang bilang ng nagugutom sa bansa kahit bago pa ang pandemya.
Hindi nag-iisa ang Pilipinas sa ganitong kalagayan. Buong mundo ang kasalukuyang saklot ng krisis sa pagkain. Pinakamalala ang epekto nito sa mga bansa sa Africa na ilang sigong pinagnakawan ng mga kolonyalista, at sa mga bansang saklot ng digmaan o pinapatawan ng sanctions ng iba pang bansa. Subalit hindi rin ligtas sa krisis maging ang mga pinakaabanteng bansa.
2. Bakit may pandaigdigang krisis sa pagkain?

Ang pandaigdigang krisis sa pagkain ay naka-ugat sa lumalalang pandaigdigang krisis ng imperyalismo.
Nauna nang nagbabala ang World Health Organization (WHO) ng malawakang taggutom pagputok ng pandemyang Covid noong 2020. Pinalala pa ito ngayon ng pagsirit sa pandaigdigang presyo ng langis at abono mula 2021, digmang proxy sa Ukraine mula Pebrero 2022, at patuloy na paglala ng nagbabagong klima (climate change). Lahat ito ay ibinunga ng monopolyo kapitalistang labis na produksyon at mga inter-imperyalistang ribalan.
Ang proxy war ng US laban sa Rusya sa Ukraine ay tulak ng sumisikip na inter-imperyalistang ribalang pandaigdig sa gitna ng pagguho ng katayuan ng US bilang solong superpower at pag-abante ng katangian ng China at Rusya bilang mga karibal kaysa kasosyo.
Ang pandemyang Covid (at pagdami ng mga sakit mula sa hayop) ay ibinunga ng tumitinding imperyalistang pandarambong sa kalikasan, partikular ng kapitalistang industriyal na paghahayupan at pagsasaka sa isang banda, at ng pribatisasyon at kumersyalisasyon ng kalusugang publiko sa kabila.
Gayundin, ang nagbabagong klima ay bunga ng historikal at nagpapatuloy na kapitalistang labis na produksyong nakasalalay sa pagsusunog ng fossil fuel at pagwawaldas sa kalikasan.
Samantalang ang pagsirit ng presyo ng abono, langis, at iba pang gastusin sa produksyon, ay nakatuntong sa monopolyong kontrol ng iilang bansa sa produksyon at distribusyon ng mga ito.
Relatibong humuhupa na ang digma sa Ukraine at nakakaangkop na ang pandaigdigang ekonomya sa mga naging biglang epekto nito. Pero kahit matapos na ito, hindi naaalis ang posibilidad ng panibagong armadong sigalot sa pagitan ng mga imperyalistang bansa sa iba pang sulok ng mundo. Relatibong humuhupa na rin ang pagkalat ng Covid at patuloy na umuunlad ang mga bakuna kontra rito, pero hindi naaalis ang posibilidad ng muling pagputok ng pandemyang dulot ng bagong sakit mula man sa hayop o hindi.
Sa kabilang banda, walang anumang paghupa ang pagragasa ng nagbabagong klima at wala ring pagbabago sa mga monopolyo sa abono, langis, at iba pang gastusin sa produksyon.
Bilang kanilang tugon sa krisis sa pagkain, nagpatupad na rin ng pagbabawas o pagtitigil sa food export ang ilang mga bansa na lalong magpapaliit sa umiikot na suplay ng pagkain.
Hindi maiiwasang maapektuhan ang mga atrasadong bansa gaya ng Pilipinas ng mga pandaigdigang kaganapan at kalagayang ito. Pero iba-iba ang tindi ng pagtama ng pandaigdigang krisis sa bawat bansa depende sa mga panloob nitong kalagayan. Hindi aksidenteng lalong bulnerable ang Pilipinas sa mga ito.
3. Bakit lubhang bulnerable ang Pilipinas sa panlabas na krisis?

Sa kabila ng hitik na likas-yaman kabilang ang 12.4 milyong ektaryang sakahan, pitong milyong ektaryang kagubatan, 220 milyong ektaryang katubigan, lubhang bulnerable ang Pilipinas sa panlabas na krisis sa pagkain dahil malaon na itong kumakaharap sa isang panloob na krisis sa agrikultura.
Sa kabila ng ilang siglong pagiging agrikultural, nananatiling atrasado, maliitan, at hiwa-hiwalay ang pagsasaka sa bansa. Kalakhang mano-mano, nakaasa-sa-ulan, at kada-pamilya pa rin ang agrikulturang Pilipino.
Dumausdos pa ang kalagayan ng agrikultura sa mga nagdaang dekada. Lalo pang lumiit tungong 1.3 ektarya ang karaniwang sukat ng sakahan sa bansa mula sa halos 4 ektarya noong 1960s. Halos hindi na rin nadagdagan hanggang ngayon ang humigit-kumulang 10 milyon trabaho sa agrikultura mula 1990s sa kabila ng mahigit pagdoble ng populasyon. At dahan-dahang bumagsak nga ang hati sa ekonomya ng agrikultura mula sa 24% noong 1960 tungong 10% na lang nitong 2020.
Katumbas ito ng pagkawasak ng kapasidad ng bansa sa produksyon ng sarili nitong pagkain. Gayundin, ang pagbagsak o pagkawala ng kabuhayan ng mga magsasaka at iba pang nagtatrabaho sa agrikultura, ay katumbas ng pagguho ng kakayanang bumili o kumonsumo ng pagkain ng milyon-milyong Pilipino.
4. Bakit lugmok sa krisis ang agrikulturang Pilipino?

Nalulugmok sa krisis ang agrikulturang Pilipino dahil sa lumalalim na imperyalista o dayuhang pagsandig/dominasyon sa agrikultura (at kabuuang ekonomya), at sa nanunuot na monopolyo sa lupa at iba pang rekurso ng iilang lokal na naghaharing uri.
Sa mga nagdaang taon ay lalo pang nalalantad ang labis na pagsandig (dependence) ng bansa sa dayuhan. Ang pagsandig na ito paimbabaw lang na repleksyon ng lumalalim na dayuhang dominasyon sa agrikultura at ekonomyang Pilipino.
Noong 2021, nasa 25% na ng pagkain ang ini-import ng Pilipinas. Dekadang 1990s pa nabaligtad ang posisyon ng bansa bilang dating net food exporter tungo sa pagiging net food importer. Sa pagitan ng 1988 at 2019, gumuho ang self-sufficiency ng bansa sa bigas mula 97% tungong 80%, sa bawang mula 100% tungong 8%, sa monggo mula 97.5% tungong 50%, at sa kape mula 122% tungong 32%. Kasalukuyan na ngang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo ang Pilipinas.
Mismong ang lokal na produksyong agrikultural ay nakasandig sa imported. Bago ang 1970s ay nananaig ang tradisyunal at likas-kayang pagsasaka na gumagamit ng mga lokal na binhi at mga organikong abono. Pero ngayon, humigit kumulang kalahati na ng binhing gamit ay hybrid o kumersyal na pawang kontrolado ng dayuhan. Noong 2020, nasa 58% ng mga kumersyal na binhi ang mula lang sa tatlong pinakamalalaking dayuhang agro-korporasyon (Pioneer, East-West, at Monsanto). Kasabay nito ang pamamayani ng kemikal na abono, pestidsidyo, at iba pang input sa pagsasaka, na pawang mga imported din. Sa pamamagitan ng mga ito, nagagawang pagkakitaan ng dayuhang kapital ang bawat hakbang ng lokal na produksyong agrikultural.
Mismong malalawak na kalupaan ay nasa kontrol ng dayuhan. Hindi bababa sa 1.2 milyong ektarya ang sinasakop ng mga plantasayong pang-eksport. Samantalang may mahigit 700,000 ektarya ang nasa ilalim ng mga makadayuhang mina. Sa mga ito, ang produksyon ay para tugunan ang pangangailangan ng dayuhang merkado para sa saging, pinya, niyog, goma; at ginto, copper, nickel, atbp.
Mahigpit na nakakadena ang agrikulturang Pilipino sa mga dayuhang interes. Nagagawa nila ang dominasyong ito sa pakikipagkutsabhan sa mga lokal na naghaharing uring may monopolyo sa lupa at iba pang rekurso.
Sa huling tala ng gobyerno, konsentrado sa kamay ng 11% lang ng may-lupa ang nasa 52% ng erya ng mga sakahan sa bansa. Katunayan, anim (6) sa bawat 10 sakahan sa Pilipinas ang may sukat na mas maliit pa sa isang ektarya. Sa kabilang banda, nasa kamay naman ng iilang pamilya ang libu-libong ektaryang lupa. Kabilang sa may pinakamalalaking inaaring lupa ang mga Yulo (47,100 ektarya), si Ramon Ang (37,307 ektarya), at ang pamilya Villar (11,210 ektarya).
Mula sa monopolyong kontrol nilang mga kumprador at panginoong maylupa sa pinakabatayang produktibong rekursong agrikultural, naitatakda nila ang katangian ng ekonomya. Dahil ang kanilang pangunahing layunin ay pagpapalaki ng kita, hindi paglikha ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mamamayan, wala silang interes paunlarin ang agrikulturang Pilipino. Sila ang mga kasosyo ng dayuhan sa mga plantasyon, mina, at iba pang operasyon nito sa bansa.
Napakadali para sa kanila na mangamkam, magbenta, at magpalit-gamit ng lupa para sa dagdag na kita. Hindi bababa sa 97,592.5 ektaryang lupang saklaw ng CARP ang pinalitan ng gamit mula 1988 hanggang 2016. Sa hiwalay na bilang ng NIA, nasa 64,525.5 ektaryang irigadong sakahan din ang pinalitan ng gamit mula 1996 hanggang 2020.
Sa kanayunan, silang may monopolyo sa lupa rin ang may monopolyo sa iba pang kagamitan, pasilidad, kapital, at merkado. Mula rito, nagagawa nilang maningil ng napakatataas na upa sa lupa, interes sa utang, at renta sa kagamitan o hayop. Bilang mga monopolyong trader o komersyante, nagagawa rin nilang baratin ang presyo ng at patawan ng mga arbitraryong kaltas ang produktong magsasaka. Noong 2017, may rehistradong 7,606 miller, 3,820 wholesaler, at 304 importer lang ng bigas para sa mahigit 2.4 milyong magsasaka ng palay sa buong Pilipinas.
Dahil sa mga ito, kahit may sapat na nalikhang pagkain ang magsasaka sa loob ng bansa, kayang kontrolin ng mga monopolista ang merkado para baratin ang magsasaka at pataasin ang mga presyo sa palengke. Sa ganitong paraan sila nakakakpagpalaki ng kita. Sa ganito, binabalikat ng magsasaka at mamamayang Pilipino ang pagkita ng dayuhang monpolyo at mga lokal na monopolistang naghaharing uri. Pabigat ang mga ito sa lokal na pag-unlad ng agrikultura batay sa mga lokal na pamamaraan at teknolohiyang angkop, mura, at sustenable.
Ang ganitong kalagayang pangekonomya ay naipapanatili at naitataguyod sa pamamagitan ng mga patakaran ng gobyerno.
5. Anong mga patakaran ang nagpapalala sa krisis sa agrikultura?

Sa pamamagitan ng pagapataw ng monopolyo sa lupa at di-direktang dayuhang dominasyon, inilatag ng apat na siglong direktang paghaharing kolonyal ng Espanya at US ang krisis sa agrikultura sa Pilipinas.
Matapos gawaran ng pekeng kalayaan ang Pilipinas noong 1946, kalakhang ipinagpatuloy ng mga nagsunod-sunod na rehimen ang mga makadayuhan at makamonopolyo sa lupang patakarang nakahulma lang sa ipinataw ng mga kolonyalista. Sa kasalukuyan, pangunahing nag-aanyo ang mga ito sa mga patakarang neoliberal at pekeng reporma sa lupa.
Sa ganitong konteksto, matutukoy ang mga patakarang neoliberal at pekeng reporma sa lupa bilang mga patakarang nagwawasak sa seguridad sa pagkain at lumilikha ng gutom.
6. Ano ang neoliberalismo?

Ang neoliberalismo ay balangkas ng mga patakarang nagpapalakas sa dominasyon ng dayuhang monopolyo sa mga atrasadong bayan (gaya ng Pilipinas) sa tabing ng “malayang pamilihan/kalakalan” at “globalisasyon.” Kinatatangian ito ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon.
Una itong umusbong bilang kaisipang pangekonomya noong 1930s sa Europa ngunit naging dominante lang pagsapit ng 1980s matapos isalin sa mga aktwal na patakaran sa US at UK.
Ipinatupad ito sa buong mundo sa pamamagitan ng mga internasyunal na institusyong pampinansya gaya ng World Bank – International Monetary Fund (WB-IMF) at mga internasyunal na organisasyon/kasunduang pangkalakalan gaya ng General Agreement on Tariffs and Trade – World Trade Organization (GATT-WTO).
Ipinagpatuloy nito ang pagkakakadena ng Pilipinas sa partikular nitong papel sa tinaguriang global value chain bilang taga-suplay ng murang hilaw na materyales at lakas-paggawa; at tambakan ng labis-labis na dayuhang yaring produkto at kapital
Sa Pilipinas, nagsimula ito sa paghaharing Marcos Sr. at rehimeng Cory Aquino noong 1980s. Nalubos na ng neoliberalismo ang dominasyon sa mga batayang larangan ng ekonomya ng bansa sa ilailm ng rehimeng Fidel Ramos noong 1990s. Mula noon ay patuloy itong isinulong ng mga sumunod na presidente at tila nagsisimot na lang ng panghihimasukan na iba pang larangan ng ekonomya.
7. Ano-ano ang mga pangunahing patakarang neoliberal sa agrikultura?

Sa mahigit apat na dekadang pamamayani nito sa bansa, sandamukal na ang naipasang neoliberal na batas at programa sa agrikultura.
Isa sa pinakakamakailan at may dambuhalang pinsala ang Rice Tariffication Law o RTL (2019). Pinahintulutan nito ang unlimited na importasyon ng bigas sa pamamagitan ng pagtatanggal sa mga limitasyon sa dami (quantitiative restriction) ng maaaring i-import na bigas, kapalit ng mga buwis sa importasyon (tariffs o taripa). Naging pangunahing importer ng bigas sa buong mundo ang Pilipinas matapos itong ipatupad. Lalong bumagsak ang presyo ng palay samantalang nanatiling di abot kaya para sa marami ang presyo ng bigas. Hindi bababa sa P200 bilyon na ang ikinalugi ng mga magsasaka ng palay mula ipatupad ang RLL.
Ang RLL ang pinakahuli at isa sa pinakamapaminsala sa mga batas at programa para sa liberalisasyon ng agrikultura. Nauna nang isabatas noong 1996 ang Agricultural Tariffication Act na nagpahintulot sa walang taning o unlimited na importasyon ng sibuyas, bawang, kape at iba pang produktong agrikultural kapalit ng mga taripa. Ito ang patakaran sa likod ng makasaysayang pagkawasak ng lokal na industriya sa mga naturang tanim. Direktang resulta ito ng pagsali ng Pilipinas sa WTO noong 1995.
Nagbabanta pang lalong maging liberalisado ang kalakalan sa ilalim ng Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP (2020). Nakatakda nitong higit na ibuyangyang ang lokal na merkado sa mga imported na produkto ng Tsina, Japan, Australia, at iba pang bansa sa ASEAN. Kasunod ito ng mga neoliberal na kasunduan sa “malayang kalakalan” na European Free Trade Association o EFTA (2018), ASEAN Trade in Goods Agreement o ATIGA (2008), at Japan-Philippines Economic Partnership Agreement o JPEPA (2003).
Kabilang din sa mga patakarang neoliberal ang sunod-sunod na batas na nagpalalim ng dayuhang panghihimasok sa bawat hakbang ng produksyong agrikultural.
Sa mga binhi, isa sa pinakahuli ang pag-apruba noong 2021 sa kumersyal na pagpapalaganap sa Golden Rice na maaaring magkontamina sa mga katutubo at tradisyunal na binhi ng palay. Karugtong ito ng pag-amyenda noong 2016 sa DOST-DA-DENR-DOH-DILG Joint Department Circular No.1 na ginawang walang-taning ang biosafety permits na dating may limang taong bisa lang. Pinabilis din nito ang pag-apruba sa mga permit mula apat tungong tatlong buwan na lang. Nauna na ring pahintulutan ang paglaganap ng BT Corn noong 2002.
Sa iba pang hakbang sa produksyon, pinakahuli ang iskemang digitalisasyon sa agrikultura. Itinutulak nito ang paggamit sa imported at magastos na hardware (mula SD cards hanggang database machines, mula cellphones hanggang drones) at software (mula mobile apps hanggang artificial intelligence) kapalit ng tradisyunal-organikong pagsasaka.
Nagbubuo ito ng monopolyo sa datos kaugnay ng agrikultura gaya ng sa Registry System of Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at electronic titles. Sa pamamagitan nito, ginagawang abot-kamay para sa dayuhang kapital, kumprador, at panginoong maylupa ang mahahalagang impormasyon sa agrikultura. Ipinapasok nila ang mga datos sa sari-saring computer program na nagpoproseso rito para makabuo ng plano paano pagkakitaan ang lupa at magsasaka, sa anyo ng market research, investment plans, atbp.
Sinundan ng iskemang ito ang Agricultural and Fisheries Modernization Act o AFMA na umiiral na noon pang 1997. Hinihikayat nito ang paglalilm ng dayuhang kontrol sa agrikultura sa anyo ng mga imported na makina, teknolohiya, at maka-isang panig na mga kontrata sa pagpapatanim (contract growing).
8. Ano ang pekeng reporma sa lupa?

Ang pekeng reporma sa lupa ay mga programa ng gobyernong nagpapanggap na mamamahagi ng lupa sa magbubukid pero nagpapanatili lang ng monopolyo sa lupa ng iilan. Makasaysayang layunin nito ang pagpapahupa sa diskontento at pag-aalsa ng masang magsasaka at mamamayan.
May 14 batas sa pekeng reporma sa lupa na ang ipinatupad sa kasaysayan ng Pilipinas. Dahil nga pawang mga peke, bigo ang lahat ng ito na wakasan ang monopolyo sa lupa. Ang pinakahuli sa mga ito ay ang Presidential Decree (PD) 27 ni Marcos Sr, Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ni Cory Aquino at CARPER sa panahon ni Gloria Macapagal Arroyo.
Idineklara ng PD 27 bilang layunin nito ang “pagpapalaya sa magbubukid mula sa pagkakatali sa lupa” para tugunan ang “marahas na tunggalian at panlipunang ligalig.” Inilabas ito 50 taon na ang nakakalipas noong Oktubre 21, 1972.
Dahil palayan at maisan lang ang saklaw, iniiwas nito sa programa ang lupa ng mga kroni ni Marcos Sr. Siningil din nito ng amortisasyon at 6% taunang interes ang mga magbubukid, samantalang binayaran ng kompensasyon ang panginoong maylupa. Umabot sa 90% ng mga benepisyaryong magsasaka ang pumalya sa pagbabayad (default). Sa kabilang banda, naging “pangunahing pinagkakaabalahan” ng gobyerno ang kumpensasyon sa mga panginoong maylupa. Umabot sa 72% ang overpricing sa lupa para sa mas mataas na kompensasyon.
Sa huli, pinalala lang ng PD 27 ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka. Pagsapit ng 1980, halos dumoble ang mga walang-lupang anakpawis sa kanayunan sa 61% ng kabuuang populasyon, mula sa 31% lang noong 1966.
Ang malaking protestang magbubukid sa Mendiola noong Enero 1987 ay para sa pagpapabasura sa PD 27 pabor sa bagong programa sa reporma sa lupa. Ito ang naging makasaysayang Mendiola Masaker matapos pagbabarilin ng pulis. Nananatiling walang hustisya para sa 13 magbubukid at tagasuportang pinaslang noon ng mga berdugo ng rehimen.
Isinabatas noong 1988 kasunod ng malawak na panawagang publiko, ipinagpatuloy ng CARP ang pekeng reporma sa lupa. Ipinagpatuloy nito ang paniningil ng amortisasyon mula sa mga magsasaka at pagbabayad ng kompensasyon sa mga panginoong maylupa.
Hindi limitado ang saklaw nito sa palayan at maisan, pero nagdagdag ito ng mas mahabang listahan ng mga eksempsyon gaya ng pagkakaroon ng 18% slope at iba pa. Kaya, mahigit kalahati ng kabuuang mga sakahan sa bansa ang hindi sinaklaw ng CARP.
Gayundin, dalawa lang sa bawat sampung magsasaka ang benepisyaryo nito. Sa mga benepisyaryo, halos 90% ang hindi buong makabayad sa amortisasyon at maaaring madiskwalipika. Kahit ang napakaliit na bilang ng mga nakabayad ng amortisasyon ay walang katiyakan sa karapatan sa lupa dahil sa iba’t ibang iskema gaya ng AVAs, Stock Distribution Option, pagpapalit-gamit, diskwalipikasyon, at kanselasyon na pawang pinahihintulutan sa batas na CARP.
Sa ilalim ng iskemang AVAs o agribusiness venture arrangements, ipinapasa ang mismong “ipinamahaging” lupa sa dayuhang kontrol sa pamamagitan ng makaisang panig na mga kontrata.
Napaso na noong 2014 ang mandato ng CARP na magsaklaw ng bagong lupa. Pero makalipas ang mahigit tatlong dekada, hindi pa rin nito natapos i-”award” ang hindi na lumaking saklaw nito.
9. Ano-anong mga patakaran ang karugtong ng pekeng reporma sa lupa?

Karugtong ng pekeng reporma sa lupa ang iba pang mga batas at patakarang nagtutulak sa dayuhang kontrol sa lupa at pagpapalit-gamit sa lupa.
Maliban sa nabanggit nang AVAs, nalulusutan ng dayuhang kapital ang restriksyon ng Konstitusyon sa dayuhang pag-aari sa lupa sa maraming paraan.
Pinakahuli sa mga ito ang programang Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o SPLIT na sinimulan noong 2020. Sapilitan nitong winawatak-watak ang mga kolektibong CLOA na sumasaklaw sa 1.3 milyong ektarya para itransporma ang mga ito tungong kolateral sa pautang o ipasok sa makadayuhang AVAs. Pinondohan ito ng P19 bilyong utang sa WB.
Bago pa ang SPLIT, marami nang patakaran ang nagpahintulot sa dayuhang kontrol sa lupa. Isa sa mga nauna ang Investors’ Lease Act na isinabatas noong 1993. Pinahintulutan nito ang dayuhang pangungupahan sa lupa ng hanggang 75 taon. Sinundan ito ng Philippine Mining Act noong 1995 na nagpahintulot sa 100% dayuhang operasyon sa mapanirang mina kapalit ng kakarampot na 4% buwis sa kita. Sinundan pa ito ng Indigenous Peoples’ Rights Act o IPRA noong 1997, Fisheries Act noong 1998, at National Greening Project o NGP at Executive Order 28 noong 2011.
Kalakhang agrikultural pa rin ang gamit sa mga lupang saklaw ng mga patakarang nabanggit subalit dayuhang interes ang namamayani. Dahil dito, hindi lokal na pangangailangan sa pagkain at iba pang produkto ang pangunahing tinutugunan ng produksyon sa milyon-milyong ektaryang lupain ng bansa.
Subalit kahit lupang nakalaan sa agrikultura ay malawakan nang pinapalitan ng gamit. Pinakalitaw ang pagpapalit-gamit o land-use conversion na idinulot at itinulak mula 2016 ng programa sa pagpapatayo ng mga pampublikong imprastrakturang pangtransportasyon, ang Build! Build! Build! (BBB). Bukod sa mismong lupang pinagtatayuan ng mga imprastruktura, itinutulak din nito ang pagpapalit-gamit sa mga katabing lupain. Nagkakahalaga ito ng higit P5 trilyon at pinopondohan din pangunahin ng dayuhang utang.
Pinakahuli sa mga patarang nagpapadali pa sa pagpapalit gamit ang DAR Administrative Order (AO) No. 1 series of 2019 na nag-alis sa mga dating rekisitong sertipikasyon mula sa HLURB at DA para sa pagpapalit-gamit sa lupang saklaw ng CARP. Pinaiksi rin nito ang proseso mula anim na buwan tungong isang buwan na lang.
Nagsimula noong 1972 ang malawakang pagpapalit-gamit sa lupa sa anyo ng export processing zones o EPZs ni Marcos Sr. Ipinagpatuloy ito ng mga rehimen pagkatapos ng diktadura. Gaya ng nabanggit, pinahintulutan ito ng CARP.
Binigyang-kapangyarihan din ng Local Government Code (1991) ang mga lokal na pamahalaan na magreklasipika ng lupa. Pinalaki at pinasaklaw ng special economic zones sa ilalim ng PEZA Law (1995) ang dating EPZs. Binigyan naman ng BOT Law (1990) ng kapangyarihan ang pribadong negosyo sa pagpaplano, pagtatayo, at pagpapaandar sa papumblikong imprastruktura. Ito na ang dinugtungan ng programang PPP para sa imprastraktura (2010) ng rehimeng Noynoy Aquino na hinalinhan naman ng BBB ng rehimeng Rodrigo Duterte.
Pinabilis ng mga ito ang urbanisasyon nang walang kaakibat na industriyalisasyon, at ang pagwasak sa agrikultural na kapasidad ng Pilipinas.
10. Anong pananagutan ng mga Marcos sa krisis sa agrikultura?

May mabigat na pananagutan ang mga Marcos sa pagpapalala sa krisis sa agrikultura dahil malalim at nagpapatuloy ang mga pinsalang idinulot ng mga patakarang ipinataw ni Marcos Sr sa agrikultura sa loob ng mahigit dalawang dekada nitong paghahari mula 1965 hanggang siya ay mapatalsik ng people power sa pag-aalsang EDSA noong 1986.
Nabanggit na ang pagpapalala ng PD 27 sa kawalang lupa ng magsasaka. Patuloy din nitong minumulto ang masang magbubukid. Maraming kasong agraryong nagsimula rito ang nagpapatuloy hanggang ngayon gaya ng sa Dumarao Stockfarm sa Panay, Lupang Ramos sa Cavite, atbp.
Winasak naman ng Masagana 99 (1973-1978) ang tradisyunal-organikong pagsasaka at ginawang palaasa sa imported na binhing high yielding variety (HYV) at kemikal na input ang magsasakang Pilipino.
Kasapakat ang International Rice Research Institute (IRRI), pribadong institusyong kontrolado ng mga dambuhalang dayuhang kapitalistang Rockefeller at Ford, ipinalaganap sa mga sakahan ang mga HYV ng palay na nangangailangan ng mas maraming kemikal.
Pinalobo nito ang gastusin sa pagsasaka habang nananatiling mababa ang kita. Milyon-milyong magsasaka ang nabangkarote at nabaon sa utang habang tiba-tiba ang malalaking dayuhang korporasyong gumagawa at nagbebenta ng mga kemikal, at mga importer nito sa Pilipinas. Idinulot din nito ang pagkawala ng nasa 4,000 tradisyunal at katutubong binhi ng palay, binura ang kultura ng bayanihan sa kanayunan (gaya nang pagpapalitan ng binhi), at inilagay sa panganib ang kalusugan ng mga magsasakang natulak gumamit ng paparaming kemikal.
Biktima rin ng sukdulang korapsyon at kroniyismo sa ilalim ni Marcos Sr. ang agrikultura. Ninakawan nito ng ngayo’y katumbas ng P150 bilyong pondo at ari-arian ang mga magniniyog sa pamamagitan ng Coco Levy (1971-1983). Halos lahat dito ay napunta sa mga kroni ni Marcos gaya nina Cojuangco, Juan Ponce Enrile at iba pa. Ipinangako ng lahat ng dumaang administrasyon ang pagbawi sa pondong ito subalit hanggang ngayon, hindi ito napakikinabangan ng mga magsasaka sa niyugan.
Binigyan din ni Marcos Sr. ng monopolyong kapangyarihan sa asukal ang kaniyang kroning si Roberto Benedicto. Ang pandarambong nito sa bentahan ng asukal ay nagdulot ng taggutom (famine) lalo sa Negros noong 1984. Hanggang ngayon ay nananatiling nakatayo ang monopolyo sa lupang tubuhan at kabuuang industriya ng asukal.
Ginawaran din niya ng malalawak na konsesyon sa pagtotroso ang iba pa niyang kroni na nagkalbo ng walong milyong ektaryang kagubatan. Hanggang ngayon ay hindi pa buong narerekober ang mga kinalbong gubat na ito.
Pinangunahan naman ni Imelda Marcos ang importasyon sa golden kuhol noong 1983. Kasalukuyan itong pinakamalaking peste ng palay at naninira sa milyong ektarya ng palayan taon-taon.
Sinimulan rin ang pagpapapataw ng neoliberalismo sa Pilipinas sa huling bahagi ng paghaharing Marcos Sr noong dekada 1980s.
Sa ilalim ng Diktadurang Marcos Sr, pumasok ang Pilipinas noong 1979 sa GATT, internasyunal na kasunduang nagtutulak ng neoliberal na “malayang kalakalan” at hinalinhan ng WTO. Kapalit ng USD 200 milyon dayuhang utang, si Marcos Sr ang unang nagpaloob sa bansa noong 1980 sa strucutral adjustment program. Itinakda nito ang Tariff Reduction Program (1981-1985) at Import Liberalization Program (1986-1988) na nag-alis sa mga proteksyong pangkalakalan sa mga agrikultural at iba pang produkto.
11. Paano ipinapataw ang mga patakarang nagpapalala sa krisis?

Ipinataw ang mga mapanirang patakarang neoliberal at pekeng reporma sa lupa sa pamamagitan ng malawakang panlinlang at pandarahas sa mamamayan.
Pinalaganap ng mga nagdaang rehimen at kanilang mga economic manager ang kasinungalingang mabuti sa magsasaka at mamamayan ang mga mapanirang patakarang ito.
Sa pangaraw-araw na mga pahayag, nag-aanyo ang panlilinlang na ito sa pagbibida kung paanong pauunlarin ng dayuhang pamumuhunan ang Pilipinas, “imomodernisa” ng dayuhang teknolohiya ang agrikultura, at pabababain ng importasyon ng dayuhang produkto ang mga presyo. Ang lahat ng ito ay pagkukubli lang sa pagpapalalim sa panghihimasok ng dayuhang kapital sa agrikultura at ekonomya. Pinasisinungalingan ang mga ito ng kasalukuyang lugmok na kalagayan ng agrikultura at ekonomya ng bansa matapos ang ilang dekada ng “modernisasyong” nakasalig sa dayuhan.
Ginagamit na daluyan ng mga kasinungalingang ito ang radyo, TV, dyaryo, at social media na araw-araw kinokonsumo ng milyon-milyong mamamayan. Dinadaluyan din nito ang mga tradisyunal na institusyong pang-edukasyon at pangkultura.
Ang mga indibiwal at grupong hindi madaan sa panlilinlang ay ginagamitan ng pananakot at dahas.
Nariyan ang red-tagging at terrorist-labelling o ang bara-barang pagbabansag na komunista at/o terorista ang sinumang magpresenta ng kritisismo sa mga patakaran ng gobyerno. Nariyan din ang pagbabanta ng o aktwal na pagsasampa ng mga gawa-gawang kasong kriminal (gaya ng trespassing o theft) laban sa mga magsasakang naggigiit ng karapatan sa lupa. May mga kaso rin ng ilegal na pag-reyd o pag-aresto sa mga progresibong indibidwal nang wala o gamit ang depektibong warrant. Minsa’y humaantong pa sa pamamaslang at masaker ang pagtatanggol at paggigiit lang ng magsasaka sa kanilang mga karapatan.
Ang mga ito ay nagdudulot ng malawakang pangamba at takot sa hanay ng magsasaka at mamamayan sa layuning itulak silang manahimik at “sumunod na lang.”
Umiiral pa rin ang ganitong mga iskema hanggang sa kasalukuyang administrasyong Marcos Jr.
12. Anong plano ng administrasyong Marcos Jr kaugnay ng krisis?

Sa kabila ng maraming pahayag kaugnay sa agrikultura, walang bago sa mga plano at aksyon ng bagong administrasyong Marcos Jr. Nananatili itong nakaayon sa neoliberalismo at pagpapatupad ng pekeng reporma sa lupa.
Mula pa kampanyahan, may partikular nang diin si Marcos Jr sa pagkain at agrikultura. Marami itong ipinangako gaya ng pagpapababa sa presyo ng bigas sa bente pesos kada kilo, pagsuspinde sa RTL, at pagpigil sa importasyon – pero mabilis niyang binawi ang lahat ng ito matapos maluklok sa pwesto.
Naglabas siya ng Executive Order No. 4 para sa isang-taong moratoryum sa pagbabayad ng amortisasyon ng mga benepisyaryo ng CARP. Bago ito, ipinangako niya rin ang kondonasyon sa natitirang amortisasyon.
Ang mga ito ay matagal nang panawagan at karapat-dapat lang tamasain ng masang magsasaka. Sa una pa lang, wala naman sanang problema sa amortisasyon kung hindi ito itinakda at siningil ng pekeng reporma sa lupa. Dagdag pa, sa kawalan ng bagong batas, ang mga ito ay mananatiling nakatuntong sa pekeng reporma sa lupa na CARP.
Ang moratoryum sa amortisasyon ay pagkilala lang sa malawak na katotohanang halos lahat ng benepisyaryo ay hindi buong makabayad nito. Ang kondonasyon sa natitirang amortisasyon ay kondisyunal at sumasaklaw lang sa 20-25% ng mga benepisyaryo at lupang bahagi ng CARP.
Kasama ring ipinangako ni Marcos Jr ang pagpapataas sa badyet para sa agrikultura. Pero nanatiling imprastrakturang pangtransportasyon (22.8%), pambayad utang (11%), militar (4.6%), at mga programang lapitin ng kurapsyon ang prayoridad sa pambansang badyet. Samantala, nananatiling 3.5% lang ang nakalaan para sa agrikultura sa 2023.
Nakatakda ring ulitin ang pagpapatupad sa palpak at mapanirang Masagana 99 sa anyo ng Masagana 150 at 200. Mula sa HYVs ng 1970s, malamang na lamanin na ng mga programang ito ang GM crops, digitalization, at food fortification. Ito rin ang itinutulak ng malalaking dayuhang korporasyon sa agrikultura ngayon para sa “transpormasyon” ng sistema sa pagkain.
Wala na ring bago sa pahayag ni Marcos Jr. na pagsasaayos sa “value chain” sa agrikultura. Kung walang tunay na reporma sa lupa, pagpapaunlad sa tradisyunal-organikong pagsasaka, at plano sa pambansang industriyalisasyon, ngangahulugan lang ang pag-aayos ng value chain sa dati nang pagsalig o pagkakadena sa dayuhang inputs at mga merkado.
Kung walang bago at uulit-ulitin lang at mga patakarang napatunayan nang palpak, hindi talaga mareresolba ang krisis sa pagkain at agrikultura.
13. Paano ganap na reresolbahin ang krisis sa agrikultura at pagkain?

Ganap lang na mareresolba ang krisis sa pagkain at agrikultura kung ganap na magagamit at mapakikinabangan ng magsasaka at mamamayang Pilipino ang lupa at likas-yaman nito para sa paglikha ng sarili nitong pagkain at iba pang mga pangangailangan. Nararapat palitan ang kasalukuyang makadayuhan at makamonopolyong sistema sa pagkain at agrikultura, at kamtin ang isang tunay na maka-Pilipinong sistema.
Para maisakatuparan ito, kailangang wakasan ang mga harang sa pagkakamit ng sariling-kasapatan sa pagkain ng bansa: dayuhang dominasyon at monopolyo sa lupa, at ang mga patakarang nagpapanatili sa mga ito. Dapat palitan ang pekeng reporma sa lupa at mga patakarang neoliberal, ng tunay na reporma sa lupa at mga patakarang tumatanaw sa pambansang industriyalisasyon.
14. Paano kakamtin ang isang maka-Pilipinong sistema sa pagkain?

Mula 2021, pinasimulan ng network na AEX ang pagbubuo at pagpapaunlad sa isang komprehensibong adyenda kaugnay ng sistema sa pagkain at agrikulturang Pilipino. Pinamagatang Adyenda tungo sa Maka-Pilipinong Sistema sa Pagkain, nilalaman nito ang mga sumusunod na punto:
- Itigil ang liberalisasyon at dayuhang dominasyon sa pagkain;
Nasa unahan nito ang reoryentasyon sa mga patakaran sa agrikultura at kabuuang ekonomya, palayo sa bulok nang neolilberalismo at iba pang makadayuhang impluwensya, tungo sa pagpapaunlad ng nakasandig-sa-sariling agrikultura, industriya, at kabuuang pambansang ekonomya.
- Magpatupad ng tunay na reporma sa lupa;
Ang tunay na reporma sa lupa ay ang demokratikong pagpapatupad sa isang programang mapagpasyang magwawakas sa monopolyo sa lupa at libreng magpapamamahagi nito sa mga nagbubungkal.
Nasa pinakasentro nito ang pagkilala, pagtatanggol, at pagsusulong sa mga karapatan at kapangyarihan ng magbubukid – lalo ang karapatang magbungkal ng lupa. Pagkilala ito sa mga katotohanang magbubukid ang tunay na nagbibigay-halaga sa lupa at sila mismo ang may kapangyarihang magkamit sa mga hangaring ito.
Ang pagbubuwag sa monopolyo sa lupa ay magpapalaya sa milyon-milyong ektaryang matabang lupa at masaganang likas-yaman ng bansa mula sa kontrol at pakinabang ng dayuhan at iilan. Lubos nitong pahihinain ang impluwensya ng mga mapagsamantalang trader na nagmumula ang kapital sa inaaring lupa. Bahagi rin ng pagbuwag sa monopolyo sa lupa ang mga hakbang laban sa muling konsentrasyon ng pag-aari rito.
Palalayain naman ng libreng pamamahagi ng lupa sa nagbubungkal ang produktibong kapasidad ng magbubukid, pangunahing pwersang pamproduksyon. Pahihintulutan nitong buong mapakinabangan ng magsasaka at mamamayan ang mga bunga ng kanilang pawis at kapital. Bibigyan nito ng kabuhayan ang milyon-milyong anakpawis sa kanayunan.
- Kamtin ang makatarungang mga presyo at sahod;
Kailangang maging nakabubuhay para mismo sa mga magsasaka at manggagawa ang kita at sahod sa agrikultura. Ito ang magbibigay sa kanila ng kakayahang bumili ng pagkain at iba pang produkto, at mag-ipon para sa pagpapataas ng antas ng kanilang kabuhayan at produksyong agrikultural.
- Palakasin ang agrikulturang Pilipino at magpaunlad ng mga industriya sa kanayunan at buong bansa;
Hindi nagtatapos sa lupa at magsasaka ang agrikultura. Para tugunan ang tuloy-tuloy pagdami ng mga pangangailangan ng lumalaking populasyon, kailangan ang tuloy-tuloy na pagpapaunlad sa produksyon.
Tutugunan ng nakasasapat-sa-sariling agrikultura ang pinakabatayang pangangailangan ng mamamayan para sa pagkain. Lilikhain din nito ang iba pang mga hilaw na materyales para sa produksyon ng iba pang produktong kailangan ng mamamayan.
Ang pagwawaksi sa dayuhang dominasyon ay magbubukas ng pinto para sa pagyabong ng lokal at angkop na mga binhi, abono, pakain, at iba pang pamamaraan sa pagsasaka. Gayundin, ang mga lokal na industriya sa kanayunan gaya ng pagpoproseso ng pagkain, pangangarpintero, pagpapanday, atbp. Magbubunga ito ng mga trabahong lokal na lumilikha ng mga pangangailangang lokal.
- Pondohan ang pagkaing Pilipino;
Kinakailangan din ang sapat, napapanahon, at tuloy-tuloy na suporta at subsidyo para sa agrikultura. Alinsunod sa prinsipyo ng pagsandig-sa-sarili, nararapat lang magmula ito pangunahin – hindi sa dayuhang pamumuhunan – kundi sa publiko, sa pamamagitan ng pambansang gobyerno.
- Tiyakin ang sapat at kagyat na suporta sa panahon ng mga kalamidad;
- Isulong ang pananaliksik at pagpapaunlad na pinangungunahan ng magsasaka
Para sa tuloy-tuloy na pagpapataas sa antas ng kabuhayan at produksyon, dapat suportahan ang lokal at angkop na pananaliksik at pagpapaunlad na hindi nakapailalim sa interes ng dayuhan at negosyo.
- Isulong ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan.
Mahirap isulong ang mga repormang ito sa isang lantarang kontra-demokratikong espasyo. Nararapat lang depensehan at isulong ang mga demokratikong karapatan ng magsasaka at mamamayan sa pagpapahayag, organisasyon, at iba pa. Dapat basagin ang kasinungalingang mabuti sa magsasaka at mamamayan ang neoliberalismo at pekeng reporma sa lupa. Dapat basagin ang katahimikan at takot.
15. Ano-anong mga patakaran ang nagtataguyod sa sariling-kasapatan at maka-Pilipinong sistema sa pagkain?

May mga kasalukuyan nang batas at patakaran na maaaring tuntungan ng pagsusulong sa sariling-kasapatan sa pagkain.
Una na rito ang pinakamataas na batas sa bansa mismo, ang Konstitusyong 1987. Sa ilalim ng Artikulo 3 o Bill of Rights, tinitiyak nito ang mga karapatang politiko sibil ng mamamayan. Samantalang nasa Artikulo 13 ang tungkulin ng gobyerno sa manggagawa at pagpapatupad ng repormang agraryo.
Isabatas naman noong 1992 ang Magna Carta of Small Farmers na nagdeklarang patakaran ng gobyerno ang “pagbibigay ng pinakamataas na prayoridad sa pagpapaunlad sa agrikultura para tuparin ang patas na distribusyon ng benepisyo at oportunidad sa pamamagitan ng pagbibigay-kapangyarihan sa maliliit na magsasaka.”
Taong 2010 naman isinabatas ang Organic Agriculture Act. Kasalukuyan itong tuntungan ng ilang inisyatiba sa pagpapaunlad sa lokal na organikong pagsasaka.
Kasunod ng mga pagsisiwalat sa tindi ng epekto ng ismagling, isinabatas noong 2016 ang Anti-Agricultural Smuggling Act. Nagpapataw ito ng parusa laban sa mga ismagler subalit sa kasalukuyan ay madali pa nila itong nalulusutan. Wala pang kahit isang nasampahan ng kaso sa paglabag nito.
Naisabatas na rin noong 2018 ang Free Irrigation Services Act o FISA na itinulak ng Anakpawis Partylist. Itinatakda nito ang libreng patubig para sa mga sakahang mas maliit sa walong ektarya.
Bilang tugon sa malakas na pagtutol sa RTL, isinabatas noong 2019 ang Sagip Saka Act. Naghihikayat ito sa mga lokal na yunit at ahensya ng gobyerno na bilhin ang mga lokal na produktong agrikultural.
Bagaman umiiral ang mga batas na ito, nananatili silang minorya sa namamayaning makadayuhan at makamonopolyong oryentasyon ng mga patakaran ng gobyerno.
Tuloy-tuloy ding itinutulak ng masang magbubukid at iba’t ibang organisasyon ang sumusunod na mga progresibong panukalang batas:
Genuine Agrarian Reform Bill
Naglalaman ng programa para sa tunay na reporma sa lupa na magwawakas sa monopolyo at libreng mamamahagi nito sa nagbubungkal.
Rice Industry Development Act
Naglalaman ng programa para sa pagkakamit ng sariling kasapatan sa bigas, pangunahing pagkaing butil sa bansa
P15k Subsidy for Farmers & Fisherfolks
Magbibigay ng P15,000 subsidyong pamproduksyon para sa mga magsasaka at mangingisda.
National Minimum Wage
Magtatakda sa iisang pambansang antas ng minimum wage batay sa nakabubuhay na antas
Billionaire Wealth Tax
Magpapataw ng buwis sa kita ng iilang pinakamayayamang indibidwal sa bansa.
16. Anong mga magagawa natin sa ngayon?

Sadyang malalim ang ugat ng mga kasalukuyan nating problema subalit marami tayong maaaring magawa na sa ngayon. Sa totoo lang, marami na tayong ginagawa.
Kailangang malawakang maisiwalat kung paano tayo nalugmok sa ganitong krisis sa simula pa lang. Dapat basagin ang mga kasinungalingan sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng mga masisiglang talakayan at diskurso tungkol sa mga tunay na ugat at sanhi ng ating kagutuman at matinding krisis sa ekonomya. Mahalaga ang paglulunsad ng mga protesta laban sa mga patakarang neoliberal at pekeng reporma sa lupa. Kailangan din patuloy na ilantad at labanan ang mga maka-imperyalistang patakaran at imposisyon na higit na nagpapalala sa ating kalagayan.
Kasabay nito, dapat ipagpatuloy natin ang pagsusulong sa ating mga panukalang patakaran para sa pagkakamit ng sariling-kasapatan at tunay na maka-Pilipinong sistema sa pagkain.
Maglunsad tayo ng mga talakayan sa mga komunidad, eskwelahan, at iba pang tipunan. Manguna tayo sa pagdaraos ng mga dayalogo sa lokal at pambansang ahensya ng gobyerno. Maaaring mag-apruba ng mga lokal na resolusyon na sumasalubong sa diwa ng pagtataguyod ng sariling kasapatan sa pagkain. Ang gawaing ito ay maaaring lahukan ng lahat ng mamamayan.
Ang mga magsasaka, manggagawa, maliliit na negosyante sa agrikultura, at kanilang mga organisasyon ay kailangang tuloy-tuloy na magbungkal, magtanim, at lumikha ng pagkain. Para magawa ito, mahalaga ang konsolidasyon ng mga organisasyon, ang diwa ng pagtutulungan sa mga myembro, at ang pakikipagkaisa sa iba pang mga sektor. Kailangan ang pinakamahigpit na paninindigan para sa pagtatanggol at pagsusulong sa karapatan ng magsasaka sa lupa sa pamamagitan ng mga batarisan, bungkalan, at iba pa. Palaganapin pa natin ang matatagumpay nating kolektibong pagsisikap sa iba pang magsasaka at iba pang sektor.
Mahalagang alamin, ipagtanggol, at suportahan ng mga manggagawa sa ibang industriya, intelektwal, kabataan, at iba pang konsumer ang mga pagsisikap ng mga tagalikha ng pagkain.
Para sa mga mambabatas, malinaw na nating inihanay ang mga patakarang mapaminsala at sumusuporta sa sariling kasapatan sa pagkain. Hikayatin natin ang mas marami pang kinauukalan na maging food self-sufficiency champions. ###