Nadiskubre sa isang pagdinig sa Senado kaugnay sa Maharlika Investment Fund (MIF) na mayroon pang nakatabi at hindi ginagalaw na pondo ang Landbank of the Philippines (LBP) na nagkakahalaga ng ₱1.3 trilyon.
Nagtatanong ngayon ang mga magsasaka kung para saan ito at kung bakit hindi nagagamit sa kabila ng mahigpit na pangangailangan ng mga magsasaka para sa suporta at subsidyong agrikultural. “Huwag naman sanang mangyari, pero baka mapunta sa DA secretary ang nakalagak na pondo ng Landbank.”

Batay sa rekord, noong 2022, mayroong kabuuang ₱3.04-trilyon na assets ang banko na pangunahing nagpopondo sa agrikultura at sa mga magsasaka.
Noong 2022, kumita pa ang Landbank ng ₱hp30.1 billion — lagpas ng halos P5-bilyon sa target nitong ₱25.7 bilyon na kita at mas malaki ng 38.2% kaysa sa kinita nito noong 2021 na ₱21.7 bilyon.
Gustong kumuha ng ₱50-bilyong pondo sa Landbank para ilagay sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) at P25-bilyon naman mula sa Development Bank of the Philippines. “Ang Landbank ang nag-iisang bangko na may natatanging pokus sa paglilingkod sa mga pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda. Bakit ilalagak sa MIF ang multibilyong pondo na dapat ay para sa mga magsasaka at sa buong agrikultura,” ayon kay KMP chairman emeritus at dating DAR secretary Rafael Mariano.
Nais paimbestigahan ni Mariano sa Kongreso kung para saan ang lampas ₱1-trilyong pondo ng Landbank at hindi inilalaan sa lubhang kinakailangang agricultural subsidies para sa mga magsasaka. “Dapat malaman ng publiko kung ilang magsasaka ang natutulungan ng Landbank at kung anong mga tulong ang naibibigay nito sa sektor,” ani Mariano. “Dapat din makita ng mga magsasaka kung saan pang mga negosyo nag-iinvest ang Landbank.”
Nauna nang tinutulan ng KMP ang MIF dahil sa pagiging hindi produktibo nito at sa pangambang maulit lamang ang nangyari sa multibilyong pondo ng coco levy na hindi pa rin naibabalik sa mga magniniyog.
Pangunahing programa ng Landbank ang pagpapautang o lending programs para sa mga magsasaka, mangingisda at agribusinesses. Mayroon din itong scholarship program para sa 60 estudyantang anak at/o apo ng mga magsasaka bawat taon. ###