
Sa Hulyo 1, sa pagtuntong ng ikatlong taon ni Bongbong Marcos Jr sa poder, dadagsa sa lansangan ang mga magbubukid, kababaihang magsasaka, mangingisda, manggagawa sa agrikultura, kakapit bisig ang iba’t ibang sektor upang singilin ang pahirap, peste at pasistang rehimeng US-Marcos Jr.
Napatunayang bigo ang pangakong bente pesos kada kilo ng bigas ni Bongbong Marcos Jr, Walang bago sa Bagong Pilipinas ng Malakanyang! Palaging kapos ang badyet sa pagkain dahil sa napakamahal na mga presyo. Palaging butas ang bulsa dahil sa mataas na gastos sa pamumuhay.
Hindi naging bente pesos kundi naging abot-langit ang presyo ng bigas na nasa P55 hanggang P60 kada kilo na ngayon. Pinakamataas sa kasaysayan ang 14.6% na rice inflation. Nakaka altapresyon rin ang mahal na mga pangunahing bilihin, lingguhang oil price hikes at pagtaas ng singil sa kuryente, tubig at iba pang serbisyo. Mas maraming Pilipino ang nakakaranas ng gutom at hirap dahil sa lumalalang krisis habang mas lalong yumaman ang mga bilyonaryong Pilipino.
Sinungaling ang gobyerno at Department of Agriculture (DA) sa pagsasabing importasyon ng bigas at pagpapababa ng taripa ang solusyon para maibaba ang mga presyo. Ginawa na ito sa nakaraan. Nakita at naranasan na natin ang malalang epekto at danyos ng Rice Liberalization Law na ipinatupad noon ni Duterte at pinasahol pa Marcos Jr. Sa laki ng bolyum ng iniimport na bigas ng Pilipinas na 4.2 milyon metric tons o 4.2 bilyong kilo ng bigas, tayo na ang pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo kasunod ng China. Tuloy ang import at tuloy din ang pagtaas ng mga presyo.
Taliwas sa sinasabi ng NEDA, hindi bababa sa susunod na isa o dalawang buwan ang presyo ng bigas. Malaking insulto sa masa laluna sa mga bulnerableng sektor ang Bigas 29 na lumang bigas na inilalako sa KADIWA.
Grabeng naapektuhan ng El Nino at tagtuyot ang agrikultura at lampas kalahati ng P12 bilyong pinsala ng tagtuyot ay sa palay. Bagsak ngayon ang halaga ng piso kontra dolyar kaya’t mas mataas ang presyo ng mga imports.
Naninindigan ang mga magsasaka, mangingisda, kababaihang magbubukid at mga manggagawa sa agrikultura na Tunay na Reporma sa Lupa ang tunay-pangmatagalan, at pambansa-demokratikong solusyon sa krisis sa pagkain na nararanasan ng mga Pilipino. Kailangan magkaroon ng lupang mabubungkal ang mga magsasaka, kailangan ng buong suporta at subsidyo sa pagsasaka, at kailangang protektahan at palakasin ang lokal na agrikultura. Sa ganitong paraan lang natin makakamit ang tunay na food self-sufficiency o kasapatan sa pagkain ng bansa.
Agrikultural at agraryong bansa ang Pilipinas subalit isa tayo sa may pinakamahal na presyo ng bigas at pagkain sa Asya. Atake sa kabuhayan ng mamamayan ang walang humpay na pagtaas ng mga presyo. Habang ang gobyerno, patuloy lang sa pagpapatupad ng mga kontra-magsasaka at kontra-mamamayang patakaran. Gusto pang ibukas lalo sa mga dayuhan ang ekonomya sa pamamagitan ng ChaCha.
Ang mga magsasakang nagtatanim ng ating pagkain ang siya ring biktima ng kawalan ng lupa at pang-aagaw ng lupa. Habang nagpupustura ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamimigay ng mga titulo ng lupa o CLOA, hinahayaan nito ang malawakang land grabbing at land-use conversion ng mga developer at negosyante, pati na ang pagbawi sa lupa ng mga agrarian reform beneficiaries.
Taong 2024 na subalit nariyan pa rin ang mga hacienda! Nasa kamay pa rin ng iilan ang malalawak na lupa. Sa Central Luzon na rice granary ng bansa, kumikitid ang mga sakahan ng palay at napapalitan ng mga kalsada at highway sa ilalim ng Build, Better, More ni Marcos Jr. Sa Timog Katagalugan, kabilaan ang kumbersyon at palit-gamit ng lupa. Napakalawak ng mga lupain para sa mga plantasyon, minahan, ekoturismo, megadams, solar farms at iba pa, habang patuloy ang palayasan at demolisyon sa mga magsasaka at reklamasyon naman sa mga pook-pangisdaan.
Sa halip na pagpapalakas ng lokal na agrikultura at produksyon ng pagkain, kaliwa at kanang importasyon ang bukambibig ng gobyerno. May badyet sa pag-iimport pero walang pondo para sa subsidyo at ayuda para sa mga magsasaka at mangingisda. Namamayagpag pa ang mga hoarder, smuggler, malalaking traders na may kontrol sa suplay at presyuhan ng bigas, asukal, gulay at iba pa. Ito ay patakarang maka-imperyalista o pagpabor sa dayuhang monopolyo, at pag-abandona sa kapakanan ng mga magsasaka bilang prodyuser, at maralitang mamamayan bilang konsyumer. Ito ay kontra-mamamayan at kontra-Pilipino, at pagpapakapapet sa imperyalismong US!
Sa ikatlong SONA ni Marcos Jr, mas gutom ang masa na pinahihirapan ng mataas na presyo, kawalang trabaho at kabuhayan, mababang pasahod at mga makadayuhang patakaran.
Batayang karapatan ng bawat tao ang pagkain subalit kahit ito ay inaalis at ipinagkakait sa atin ng rehimeng US-Marcos Jr. Makatuwiran lamang na singilin ng mamamayan si Marcos Jr. na siyang pasimuno ng krisis sa bigas at pagkain. Peste si Marcos Jr sa magbubukid at mamamayan!
Rehimeng US-Marcos, Singilin Sa Krisis Sa Agrikultura At Pagkain!
Labanan Ang Imperyalistang Pandarambong Sa Agrikultura!
Palakasin Ang Lokal Na Produksyon, Hindi Importasyon!
Tunay Na Reporma Sa Lupa, Ipaglaban!
