
Sa ika-1 ng Hulyo, habang nagbubunyi ni Bongbong Marcos Jr. sa pagpasok ng kanyang ikatlong taon sa kapangyarihan, hinihikayat namin ang malawak na hanay ng mamamayan na magkaisa at magprotesta upang singilin ang pahirap at mapanupil na rehimeng US-Marcos. Walang pag-unlad sa ilalim ng rehimeng ito, lubog sa lumalalang kahirapan at kagutuman ang mamamayang Pilipino laluna ang mga magsasaka at iba pang batayang sektor.
Sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Jr., umabot sa napakataas na presyo ang bigas – nasa P55 hanggang P60 piso o lagpas pa kada kilo, na nagpapalala sa hirap at gutom na nararanasan ng ating mga magsasaka at konsyumer. Ang sektor ng agrikultura, na dapat sanang tulay ng seguridad sa pagkain ng bansa, ay sinasalakay ng mga patakarang pabor sa dayuhang interes at pinapabayaan ang pangangailangan ng lokal na mga prodyuser. Pinalala pa ng husto ng kasalukuyang administrasyon ang importasyon kaysa suportahan ang ating mga magsasaka at tiyakin ang kasiguraduhan sa pagkain ng mamayang Pilipino.
Kailangan nating magbigkis at igiit ang tunay na reporma sa lupa at mga pambansa-demokratikong solusyong sa lumalalang krisis sa agrikultura at pagkain. Ngayong Hulyo 1 at hanggang sa Hulyo 22 sa SONA ni Marcos Jr, itaas natin ang ating mga panawagan, itakwil ang imperyalistang pandarambong ng Estados Unidos, at lumaban para sa karapatan ng masang Pilipino para sa lupa, pagkain at hustisya. Sumama sa pagmartsa, kondenahin ang mga anti-mamamayang patakaran ng rehimeng US-Marcos, at isulong ang pagpapalakas ng lokal na produksyon, tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Sama-samang kumilos para sa kinabukasang nagpapahalaga sa interes ng masang magbubukid at sa pagtitiyak na may may pagkain sa mesa ang bawat pamilyang Pilipino. Lumahok sa pambansa-koordinadong protesta sa ika-1 ng Hulyo. Makibaka, huwag matakot!
