Pagwawaldas at magarbong SONA 2024, hindi aprub sa mga magsasaka

Binatikos ngayong araw ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang napakagarbo at magastos na paglulunsad ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. Hindi aprub sa mga magsasaka at iba pang taxpayers ang malaking badyet para sa SONA na nagkakahalaga ng Php20 milyon.

Ayon sa grupo, ang pagwawaldas na ito ay patunay ng engrandeng pamumuhay ng mga Marcos at Unang Pamilya. “The Php20-million SONA budget is a proof of the Marcoses’ legacy of excess and corruption. Maaring “barya” o maliit na halaga lang ito para sa mga Romualdez-Marcos subalit labis-labis ito para sa karaniwang Pilipino.”

Ayon mismo sa House of Representatives Secretary General Reginald Velasco, ang Php20 milyon ay para sa pagkain at inumin; mga uniporme ng mga empleyado ng KAMARA, gastos sa security, mga imbitasyon at giveaways; equipment rental; at mga halaman at bulaklak na pandekorasyon para sa SONA. Ayon sa KMP, kalabisan ang gumastos ng milyun-milyong piso mula sa buwis ng mamamayan para sa SONA habang lugmok sa hirap ang mamamayan. “Ito ang tunay na SONA — walang pakialam at malasakit ang administrasyong Marcos Jr sa mamamayang nahihirapan dahil sa malalang krisis. Gagastos ito magwawaldas para pagandahin ang imahe ng bansa na kabaligtaran sa tunay na kalagayan ng masang Pilipino,” ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos.

Taun-taon, nagmimistulang “red carpet event o fashion show” ang SONA dahil sa sa mga engrandeng kasuotan at alahas na idini-display ang mga Kongresista, mga Senador at kanilang mga asawa, pati mga opisyal ng gobyerno at myembro ng Gabinete. “Isang malaking kabalintunaan o irony ang SONA sa aktwal na danas ng mga magsasaka, manggagawa na bali na ang likod sa pagtratrabaho dahil sa hirap ng buhay.”

Ayon pa sa KMP, ang Php20 milyon na gastos sa SONA 2024 ay katumbas na ng halos 689,000 kilo ng bigas kung batay sa Php29 kada kilo ng bigas sa KADIWA markets. Katumbas na sana ito ng lampas 68,000 pinakamahihirap na pamilyang mabibigyan ng tig-10 kilo ng bigas. Ang Php20 milyon na gastos sa SONA ay katumbas din ng isang araw sa sahod ng lampas 31,000 manggagawa o minimum wage earners gaya ng mga saleladies, security guards at factory workers kung batay sa kasalukuyang Php645/araw daily minimum wage sa National Capital Region (NCR).

“Sigurado kami na lampas sa Php20 milyon ang tunay na gagastusin para sa SONA ni Marcos Jr sa Hulyo 22. Dagdag na batayan ito para lumabas sa lansangan, magpahayag at magprotesta sa ikatlong SONA,” pagtatapos ng KMP. ###

Leave a comment