Dinadahas ang mamamayan sa Bagong Pilipinas!

Sa dalawang taon ng panguluhan ni Bongbong Marcos Jr, malalang terorismo ng estado ang nanalasa sa mamamayang Pilipino. Laganap ang pasistang atake sa mamamayan, karahasan sa mga komunidad ng magsasaka, pagdakip ng mga lider-aktibista, pagpaslang, sapilitang pagpapasuko, pinatinding militarisasyon sa kanayunan, pagbobomba at strafing sa mga komunidad na nagtutulak sa libo-libong mamamayan na sapilitang magbakwit mula sa kanilang mga komunidad. Sa naisadokumentong datos, hindi bababa sa 48,000 ang bilang ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng rehimeng US-Marcos nitong taon.

Kamakailan, nagpakana ang Malakanyang ng kampanya at slogan na “Bagong Piliipinas” — para linlangin ang mamamayan na may pagbabago sa bansa, subalit sa katunayan, lalong naghihirap at sinusupil ang mamamayang Pilipino. Gaya ng nangyari sa panahon ng kanyang diktador na ama, talamak pa rin ang pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao. Namamayani ang teroristang atake ng estado sa mamamayan at duguan ang kamay ni Marcos Jr.

Sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), patuloy ang pagyurak sa karapatan ng mamamayang Pilipino sa kanayunan man o sa kalunsuran. Takot ang estado sa pakikibaka ng mamamayan kaya buong lakas nitong sinasagkaan ang patuloy na malayang pagkilos, pag-oorganisa at pagpapahayag. Sa pagsunod sa interes ng mga dayuhan, patuloy na sinusupil ang ating mga karapatan at paglaban sa mga maka-imperyalistang pakana at mga neoliberal na polisiya ng rehimeng US-Marcos.

Patuloy ang paggamit ng Anti-Terror Law at financing of terrorism para kasuhan ang mga organisasyon at gamitin ang mga batas para isulong ang kanilang adyenda. Kinakasangkapan ang batas para patahimikin ang mga kritiko, oposisyon at tumitindig para sa katarungan at katotohanan. Ang mga progresibong indibidwal at organisasyon na nagsusulong ng mga pambansa demokratikong demanda ay binabansagang “terorista.”

Kasabay nito, pagtindi ang militarisasyon sa kanayunan at mga focused military operations. Bata-batalyong pwersang AFP ang dine-deploy sa komunidad ng mga magbubukid at pambansang minorya at tinatarget ng karahasan ang komunidad at binabansagang mga sumusuporta sa terorismo kuno. Sa tala, hindi bababa sa apat (4) ang nagiging biktima ng pulitikal na pamamaslang bawat araw. Ganito kalala ang terorismo ng estado — sa halip na bigyang solusyon ang mga lehitimong hinaing ng mamamayan ay dahas at pamamaslang ang tugon.

Ginawa nang patakaran ng estado ang teroristang pambobomba at strafing sa mga komunidad sa iba’t ibang probinsya kabilang ang Abra, Ilocos Sur, Kalinga, Quezon, Camarines Sur, Cagayan, Nueva Vizcaya, Aurora, Nueva Ecija, Northern Samar, Eastern Samar, Capiz, Iloilo, Negros Occidental, at Bukidnon. Sa lahat ng kaso ng pagbobomba sa mga komunidad, libu-libong pamilya ang nakaranas ng matinding panganib at takot, pwersahang nagbakwit at naialis mula sa kanilang kabuhayan at paninirahan.

Mula nang mailuklok ang rehimeng US-Marcos, malagim na teroristang atake ang naranasan ng mamamayan. Sa tabing ng counter-insurgency program nito, pinatindi ang paglabag sa karapatang pantao at pagbalewala sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Napakaraming naging biktima ng pamamasista at terorismo ng estado at pangunahing biktima rito ay ang mga magbubukid.

Hindi terorismo ang paglaban para sa tunay na reporma sa lupa at paggiit ng pambansa demokratikong alternatiba na kapalit ng bulok na umiiral na sistema. Ang tunay na terorista ay ang estadong sumusupil sa interes ng mamamayang Pilipino. Kaya sa darating na July 22, sama-sama nating singilin ang teroristang rehimeng US-Marcos sa People’s SONA! Sa harap ng pagtindi ng atake, nararapat at kinakailangan nating ipakita ang pagkakaisa ng mamamayan upang singilin at panagutin ang rehimeng US-Marcos. #

Leave a comment