Ipinagmamalaki ng NEDA na paglago ng GDP, hindi tumatagos sa mahihirap na pamilyang Pilipino

Patuloy ang pag-iilusyon ng gobyerno na gumaganda ang ekonomiya sa sunud-sunod na mga datos na inilalabas nito, pinakahuli ang sinasabing paglaki ng Gross Domestic Product (GDP) na 6.3% sa Q2 (second quarter) ngayong taon. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), kaya naman parang lumaki ay dahil galing sa 5.7% ang GDP noong Q1 (first quarter). Sa kaparehong panahoon noong 2023, nasa 6.4% ang Q2 GDP. Hindi rin bilib ang grupo ng mga magsasaka sa sinasabi ng gobyerno na ang Pilipinas sa ngayon ang “Asia’s best-performing major emerging economy.” Ayon sa mga magsasaka, butas pa rin ang bulsa ng mas maraming pamilyang Pilipino dahil sa mga taas-presyo, mababang kita at kapos na kabuhayan.

Ayon sa KMP, kakaibang “mental gymnastics” ang ginagawa ng gobyernong Marcos Jr at mga economic managers nito para palabasin sa mga datos ang iniilusyon nitong pagbuti ng lagay ng ekonomiya at performance ni Pangulong Marcos Jr. Nauna na dito ang pagmamalaki na ang 3.1% unemployment rate ang pinakamababa sa nakaraang dalawang dekada. “Kahit hindi natin pag-usapan ang mga datos ng GDP at unemployment rate, ang pang-araw-araw na kalagayan ng mga Pilipino ang buhay na patunay na mas lumalala ang kalagayan sa ngayon sa ilalim ni Pangulong Marcos Jr. Kung may Olympics lang sa pagbabali-baligtad ng mga numero at datos, makakakuha ng Gold Medal ang NEDA,” ayon pa sa KMP.

Kung GDP ang pag-uusapan, patuloy ang pagbagal ng GDP sa kabuuan: 2017 (6.9%), 2018 (6.3%), 2019 (6.1%), 2020 (-9.5%), 2021 (5.7%), 2022 (7.6%) at 2023 (5.6%). Mas nakakabahala pa ang lalong bumabagal na produksyon ng bansa. Nasa 8.6% na lang ang share ng agrikultura sa GDP at pinakamaliit ito sa kasaysayan. Sa manufacturing naman, nasa 17.9% na lang ang share sa GDP, sinasabing pinamababa sa nakalipas na 75 taon. “Habang dumadausdos ang produksyon at hindi umuunlad ang produktibong sektor gaya ng mga manggagawa at magsasaka, walang masasabing tunay na paglago ng GDP.”

Lalong hindi nararamdaman ng masa ang sinasabi ng National Economic Development Authority (NEDA) na lumalago ang GDP. Napakarami ng mga Pilipinong walang trabaho at kulang ang trabaho. Mabilis lang na kinain ng mga taas-presyo ang kakarampot na daily minimum wage increase sa NCR. Sa buong bansa, tumataas ang tantos ng kahirapan at gutom. Dumami ang bilang ng self-rated poor na pamilya mula 13 milyon noong 2023, tumaas sa 16 million nitong Hunyo 2024. Mayroon ding 18.5 milyong Filipino households ang walang naitatabing ipon batay sa sarbey ngayong Q2. Dagdag pa, may halos isang milyong trabaho rin ang nawala o nalagas sa sektor ng agrikultura. Hindi pa rin nakakabangon sa epekto ng El Nino at mga pagbaha ang mga magsasaka.

“Walang silbi ang GDP growth sa masa kung patuloy ang pagtaas ng inflation o taas-presyo at bawat isang Pilipino ay may halos P140,000 na utang dahil sa lumolobong P15.4-trilyon na utang ng gobyerno. Posible pang umabot sa P20-trilyon ang utang ng bansa na hindi naman talaga napapakinabangan ng mamamayan,” pagtatapos ni Danilo Ramos ng KMP. ##

Leave a comment