Nakipagdayalogo sa SJDM City Mayor’s Office ang Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB) noong Agosto 13, 2024. Tinalakay dito ang nagpapatuloy na operasyong militar ng 80th IB-PA sa mga komunidad ng magsasaka, gayundin ang kanilang mga laban sa lupa.

Ipinahayag ng mga magsasaka ang kanilang pangamba at pagkabalisa dulot ng presensya ng mga sundalo. Ibinahagi ni AMB Chairperson Cecil Rapiz na dumaranas siya at kaniyang pamilya ng trauma dahil sa mga nagaganap. Nilahad din ng iba pang magsasaka na apektado maging ang kanilang pagtatanim dahil hindi na sila buong-layang makapunta sa kanilang mga sakahan at pastulan.

Mula sa City Mayor’s Office, kinilala ni Atty. Miguel San Pedro ang paglaganap ng takot o “chilling effect” dahil sa ginawang reyd at pagbabahay-bahay ng 80th IB noong Hunyo 18 – na hindi man lang ipinagbigay-alam sa lokal na gobyerno. Sinang-ayunan nito na hindi dapat takutin ng mga sundalo ang mga magsasaka at iba pang residente. Habang nagaganap ang dayalogo, napa-ulat na dalawang sasakyan ng mga sundalo ang pumasok at nagkampo sa Baryo Bisaya sa Bgy. Tungkong Mangga. Muli, hindi man lang ito ipinaalam sa pamahalaang panlunsod.

Ayon umano sa 80th IB, ang mga aktibidad nito sa lugar ay para sa “intelligence gathering” at “security visibility”. Pero ayon mismo sa mga magsasaka, hindi seguridad kundi takot ang dala ng mga sundalo, lalo sa ginagawa nitong red-tagging sa kanilang mga samahan at pagbibintang sa kanila bilang mga terorista.

Giniit ng mga magsasaka na legal at lehitimo ang kanilang mga samahan, na binuo nila para ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa, kabuhayan, at tirahan. Ipinanawagan nilang paalisin na ang mga sundalo sa kanilang komunidad.

Napag-usapan din ang mga tangkang pangangamkam sa lupang sakahan at tirahan ng mga magsasaka. Ibinahagi ni Redo Pena ng AMB ang ginawang ilegal na demolisyon sa kanilang bahay at marahas na pagpapalayas ng mga gwardya ni Greggy Araneta.

Tinanggap ng City Mayor’s Office ang mga panawagan ng magsasaka. Sa tulong ng SENTRA, naghain din ang AMB ng panukalang ordinansa para ideklarang red-tagging-free city ang SJDM. Nagtapos ang dayalogo sa pagkakaisang hindi iyon ang huling pagharap ng City Mayor’s Office para pakinggan at tulungan ang mga magsasaka.

Mga magsasaka sa ilalim ng AMB ang pinagmumulan ng mga produkto at naglulunsad sa Bagsakan farmers’ market. Kilalanin pa sila rito: linktr.ee/Bagsakan

#TanggolMagsasaka#StandWithFarmers#MagsasakaMayKarapatan

Leave a comment