Mga magsasaka lugi na naman dahil sa kalamidad, tulong ng DA kapos

Lalampas na sa naitatalang annual average ang danyos o damage sa agkultura ng magkakasunod na epekto ng mga El Nino, mga bagyo at Habagat. Ayon mismo sa Department of Agriculture (DA), nasa Php8.5 bilyon na ang danyos sa rice production ng El Niño, Amihan, trough of a low-pressure area, bagyong Aghon, Super bagyong Carina, Habagat at bagyong Enteng mula Enero hanggang Setyembre. Katumbas na ng 386,990 MT bigas ang nawala dahil sa mga nabanggit na kalamidad. Umabot na sa P350 milyon ang inisyal na danyos ng bagyong Enteng na nakaapekto sa 13,623 magsasaka.

Nasa average na 600,000 MT ang annual average losses sa produksyon ng bigas (rice production) sa bansa dahil sa epekto ng mga bagyo. Dahil sa La Nina, tinatayang tataas pa ito. Sa kabuuan, nakapagtala na ang DA ng lampas P23 bilyong danyos sa agrikultura o katumbas ng 979,125 MT volume loss ng ibat-ibang pananim sa buong bansa. Ayon sa KMP, sa bilyon-bilyong halaga ng danyos sa produksyon ng palay at mga pananim, siguradong lugi na naman ang maraming magsasaka.

Sinabi ng lider magsasaka na hindi sumasapat ang tulong at pagtugon ng DA sa epekto ng mga kalamidad sa mga magsasaka. “Puro pautang at farm inputs ang binibigay ng DA. Ang kailangan na ngayon ay karampatang kompensasyon sa nawala o nalugi sa mga magsasaka dahil sa epekto ng El Nino, mga bagyo at pagbaha. Hindi natin maiiwasan ang epekto ng climate crisis, at papalala ang mga kalamidad at epekto nito, kailangan nang magbigay ng kompensasyon,” ayon pa kay Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Sinabi pa ng KMP na kahit umaabot sa multibilyon ang pondong pangkalamidad, hindi ito nararamdaman ng mga magsasaka.

Dalawang bagyo pa ang inaasahang pumasok sa bansa ngayong Setyembre. ###

Leave a comment