










Binabati ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang Sandigan ng Samahang Magsasaka (SASAMAG) ng San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan sa pagdiriwang ng kanilang ika-tatlumpung anibersaryo. Ang SASAMAG ang unang asosasyon ng mga magsasaka na nabuo sa Brgy. Tungkong Mangga.
“1985 unang dumating ang 13 na pamilya ng mga magsasaka sa tiwangwang na lupa, na ngayong ay kung tawagin nang Baryo Bisaya. Gubat pa lamang ito at talahiban.” kwento ni Manny Edaño, pangulo ng SASAMAG. Kinalaunan ang 13 na pamilya ay naging 40, at noong Setyembre 25, 1994 ang makasaysayan na unang asembliya at pagkakatatag ng SASAMAG.
Sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng mga magsasaka, hinarap ng SASAMAG ang napakaraming kahirapan sa harap ng pyudal at mala-pyudal na reyalidad. Noong Hunyo 18, 1999, apat na magsasaka ng SASAMAG ang pinaslang at dalawa ang nasugatan ng humigit-kumulang 20 armadong tauhan ng mga Araneta, sa tinaguriang “Tungkong Mangga Massacre”. Si Greggy Araneta III, bayaw ni Ferdinand Marcos Jr., ang nag-aangkin sa Araneta Estates — 3,500 ektaryang lupang agrikultural at bulubundukin, na siyang sentro ng alitan laban sa mga magbubukid ng SJDM. Sa panahon ng Diktadurang Marcos, na-foreclose ng Manila Banking Corporation ang pag-aari ng mga Araneta sa lupa sa SJDM na ginamit bilang kolateral sa pagkuha ng utang mula sa Bangko Sentral. Noong 1999, nakatakdang ipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs) sa mga magsasaka nang maghain ng exemption ang mga Araneta. Sa pamamagitan ng sama-samang bungkalan, naigiit parin ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa.
Hanggang ngayon, ang SASAMAG at iba pang asosasyon ng mga magsasaka sa SJDM ay madalas na target ng pagmamanman, pananakot, at iba pang anyo ng panunupil ng estado. Sa isang Solidarity Mission na inilunsad noong Agosto 20 2024, maraming ulat ng sapilitang pagpapasuko, intimidasyon, red-tagging, at pananakot ang naitala na ginawa ng 80th Infantry Battalion na nakakampo pa rin sa mga komunidad ng Brgy. Tungkong Mangga. Ginagamit ng kasundaluhan ang Anti-Terror Law bilang ligal na batayan ng terorismo ng estado at winawasiwas ito sa mga komunidad ng mga magsasaka. Dagdag pa rito, ang pag-apruba ng pagtatayo ng MRT-7 noong 2012, kung kailan ang noo’y Kalihim ng Transportasyon at Komunikasyon na si Mar Araneta Roxas na pinsan ni Greggy Araneta III, ay nagdulot ng malawakang demolisyon at pagpapalayas sa Brgy. Tungkong Mangga sa mga nakalipas na taon.
“Basta may lupa, merong magsasaka. Sila ang pangunahing nagpo-prodyus ng pagkain na nilalako din natin sa mga Bagsakan; kaya ang lupa pag hindi dinipensahan ng mga magsasaka, ito ay aagawin.”, banggit ni Cecil Rapiz, tagapangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan. Ang mga magsasakang miyembro ng SASAMAG ay mga kilalang kalahok ng Bagsakan, isang inisyatiba upang tumalilis sa hindi makatarungang presyuhan ng mga middleman at direktang magbenta ng kanilang produkto sa mga mamimili. Ang kawastuhan ng Bungkalan bilang pagpapatibay ng kanilang karapatan sa lupa ang siyang inani ng mga magsasaka bilang pagkain at kabuhayan.
Ang matatag na pamana ng SASAMAG ay nagpapatuloy, nagtatagumpay, at lalagpas pa sa tatlong dekada ng kanilang pag-iral, hanggang ang lupa ay tuluyang mapasakanila. Ang istorikong pakikibaka ng mga magsasaka sa Brgy. Tungkong Mangga at sa Bulacan sa kabuuan ay nasaksihan ng buong bansa at ng buong daigdig bilang katibayan ng di magagaping lakas ng sama-samang pagkilos.
Mabuhay ang SASAMAG! Makibaka, huwag matakot! Militar sa kanayunan, palayasin! Tunay na Reporma sa Lupa, Ipaglaban!
