STATEMENT: February 20, 2018
Sining na Naglilingkod sa Bayan (SINAGBAYAN)
Noong February 17, 2018 bandang 3:00 pm, 24 kabataan at mga batang delegado ng isang cultural training na Youth Action Anti-drug Workshop na ginanap sa Dalaguit Elementary School sa New Dalaguit, Montevista, probinsya ng Compostela Valley ay dinukot ng mga militar mula sa 25th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang mga kalahok ay kasapi ng Kabataan Ayaw sa Droga.
Dinukot din ang trainer na si Eugene Laurente, isang community teacher, at ang kanyang kasamang si Roshelle Mae Selorio, 17 yrs old. Hanggang ngayon ay hindi pa alam kung saan sila dinala ng mga militar.
Kami mula sa Sining na Naglikingkod sa Bayan (SINAGBAYAN), na kapwa mga manggagawang pangkultura, ay mariin na kinokondena ang pagdukot sa mga kabataan at batang nagsasagawa ng cultural training. Walang katinuan sa pag-iisip ang rehimeng ito upang dukutin ang mga kabataang naglulunsad ng cultural workshop upang malayang itanghal ang mga isyung kinakaharap ng mamamayan at magbigay-aral sa mga mamamayan hinggil sa masamang epekto ng droga sa kabataan.
Ilan lang ito sa mga walang habas na paglabag sa karapatang pangtao na ginagawa ng rehimen kasapakat ang kasundaluhan sa ilalim ng Martial Law sa Mindanao. Habang tumatagal ang Martial Law, tuluy-tuloy ang militarisasyon sa mga komunidad. Tumitindi ang harassment na nararanasan ng mga sibilyan, pagpatay sa mga magsasaka at pagbobomba sa mga Lumad. Bahagi din ito ng pagkokondisyon ng rehimeng US-Duterte sa madla, ng kanyang walang hanggang kapangyarihan sa balangkas ng niluluto nilang Charter Change o ChaCha, kung saan ilalagay lantaran sa konstitusyon na ang AFP ay tagapagtanggol ng naghaharing uri.
Hibang ang rehimeng ito sa pag-aakalang ang pag-ulit sa Martial Law ang solusyon sa lahat ng problema ng bansa. Lalo pa nitong binubulok ang hanay ng kasundaluhan sa pamamagitan ng pag lalako ng pabuya sa makakapatay sa mga rebolusyonaryo. Ngunit sa karahasan ng estado na dinaranas ng sambayanan, lalong lumilinaw sa kanila kung sino ang kanilang tunay na kaaway.
Lumalala ang krisis ng lipunan. Sa desperasyon ng rehimeng ito, itinutok niya ang baril sa mga sibilyan. Ngunit nagkakamali ang rehimeng ito dahil habang nasusugatan ang mga anakpawis ay lalo itong tumatapang.
Dapat nang ilitaw ng mga duwag na kasundaluhan ang mga kabataan at mga manggagawang pangkultura na kanilang dinukot, na ang nais lang ay mapaunlad ang kaalaman at maisaayos ang kabuhayan. Kung hindi nila ito gagawin ay lalo lang nilang pinatutunayan na wala silang mga silbi sa lipunan kundi sumunod lang sa kahibangan ng asong ulol sa Malakanyang.
Wala nang aasahan pa sa rehimeng ito. Sa kanyang lagpas dalawang taon sa panunungkulan ay sinagad nya na ang pasensya ng mamamayang api sa pamamagitan ng pamamaslang, pagdukot, pagtortyur, pandarahas at iba pang porma ng pagpapahirap. Hindi na magdadalawang-isip ang mamamayang Pilipino na magmartsa sa mga kalsada upang patalsikin ang hibang na presidenteng ito. Tanging ang landas ng pakikibaka ang magtuturo ng daan upang makamtan ng mamamayan ang kanyang lehitimong karapatan sa lupa, trabaho, sahod at edukasyon.