[Kilusang Magbubukid sa Bikol] Pahayag ng Paninindigan para sa Pagpapabasura sa Rice Liberalization Law (RA 11203)

Kami, mga magsasaka, manggagawang-bukid, konsyumer at mga stakeholders sa industriya ng bigas ay naninindigan laban sa at nanawagan ng pagbabasura sa Rice Liberalization Law (RA 11203).

Hindi nakatulong, sa halip ay lubhang nakasama sa mga magsasaka at sa aming mga pamilya ang RA 11203 o liberalisasyon sa industriya ng bigas na pinayagan ng administrasyong Duterte.
Isang taon na makalipas na aprubahan at ipatupad ang Rice Liberalization Law, ramdam na ramdan namin ang masahol na epekto nito sa aming kabuhayan at sa seguridad sa pagkain ng mamamayan.

Sinalanta ng batas na ito ang mga magsasaka ng palay at mga manggagawang bukid sa mga palayan. Lubhang naapektuhan din ang mga rice retailers, at rice millers at rice mill workers. Dahil ang bigas ay pangunahing pagkain natin, naapektuhan din ng batas na ito ang halos 6 na milyong Bicolano.

Mistulang kamatayan na ipinataw sa lokal na industriya ng bigas at sa kabuhayan ng 75% ng populasyon ng Bicol na mga magsasaka.

Unang naging direktang epekto nito ang higit pang pagbagsak ng presyo ng palay. Lalong binabarat ng mga traders ang presyo ng palay sa mga baryo. Umabot sa Php7 – Php12 ang average na presyo ng palay noong isang taon at hanggang sa kasalukuyan ay Php12/kilo pa rin ang average na halaga nito. Sobra ang pagkalugi, sobra din ang pagkakautang ng mga magsasaka. Umaabot sa average na P30-P40,000 ang gastos sa 1 ektaryang palayan ay ito ay halos utang ng isang maliit na magsasaka na hindi nabayaran dahil sa napakababang presyo ng palay at nasalanta pa ng tagtuyot at bagyo. Nawalan at lumiit din ang kita ng mga manggagawang bukid dahil sa mababang presyo ng palay at pagkalugi ng mga magsasaka sa palayan kung saan sila nakikipagtrabaho.

Sa kabilang banda, mataas pa rin ang presyo ng bigas, mula P36-P50/kilo sa pamilihan. Ang pagpayag ng gobyerno sa walang taning o unli-rice imports ay nagpalakas lang sa kontrol ng mga pribadong traders at kartel sa suplay at presyo ng bigas. Gaya ng inaasahan, nagdudulot ng delubyo sa lokal na agrikultura at ekonomya ang naturang batas. Inaalisan nito ng kabuhayan ang mga magsasaka at maliliit na traders habang inilalagay ng buong-buo sa kamay ng kartel sa bigas ang kontrol sa industriya ng bigas.

Ang P10-bilyong Rice Competitiveness Enhancement Funds na ipapautang pa sa mga magsasaka ay palyatibo lamang. Ang kautusan naman ng administrasyong Duterte sa NFA na bilhin ang lahat ng aning palay ng mga magsasaka ay pabalat bunga lamang sapagkat kahit noong wala pa ang RA 11203 ay hindi naman sapat ang pondong pambili ng NFA at hindi naman nabibili ng NFA ang mga palay ng mga maliliit na magsasaka at manggagawang bukid na nasa mga baryo dahil wala namang NFA satellite buying stations sa mga lugar ng palayan.

Gayundin, walang katiyakan na ligtas at walang kontaminasyon ang mga pumapasok na imported na bigas dahil sa kawalan na ng kontrol at regulasyon ng gobyerno sa pagpasok ng malalaking bolyum ng rice imports.

Isang malaking kamalian na ang isang bansang agrikultural gaya ng Pilipinas ay aasa na lamang sa imported na bigas para sa pagtiyak ng suplay ng bigas para sa mamamayan.

Nananawagan kami na ibasura ang RA 11203 at sa halip ay isabatas ang Rice Industry Development Act (RIDA) o House Bill 477 na panukala ng Makabayan block sa Kongreso. Layunin ng RIDA na: 1) mapaunlad ang pambansa at lokal na industriya ng bigas sa pinakamataas sa produktibong kakayanan nito; 2) Pagtiyak ng sapat at abot-kayang bigas para sa mga konsyumer; 3) Pag-abot sa likas-kaya at nakasasapat sa sarili na industriya ng bigas at tunay na rice self-sufficiency; 4) Pagtigil ng dependency o lubhang pag-asa sa importasyon ng bigas at; 5) Pagtitiyak sa pananatili sa lupa ng mga magsasaka, ang pagpapatupad ng Tunay na Reporma sa Lupa at pagpapaunlad ng kanayunan.

Karapatan ng mamamayan ang kasapatan sa pagkain, dapat natin itong sama-samang ipaglaban at protektahan. “Save the Philippine Rice Industry”! Itaas ang presyo ng palay. Abot kayang presyo ng bigas, sapat at ligtas para sa taong bayan.

Mga partikular na kahilingan:

  1. Bilhin ang palay ng mga traders at NFA sa halagang hindi bababa sa P20/kilo nang walang masyadong rekisitos.
  2. Magbigay ng Cash Assistance (hindi pautang) sa halagang P25,000 sa mga maliliit na magsasaka at ayudang pinansyal naman sa mga manggagawang bukid sa palayan.
  3. Tumulong ang DA sa pag-istabilisa ng presyo ng bigas sa merkado sa abot-kayang presyo (P25-27/kilo).
  4. Itaas ang kakayahan ng NFA sa pagbili ng palay sa mga magsasaka nang walang masyadong rekisitos.
  5. Maglagay ng mga NFA ‘satellite buying station’ sa mga baryo upang malapit sa mga palayan.
  6. Suportahan ng DA ang NFA’s ‘functions’ para sa kaunlaran ng industriya ng palay at istabilisasyon ng presyo ng bigas; Itigil ang ‘restructuring plan’ ng NFA na magreresulta ng ‘mass lay-off’ ng mga manggagawa nito.

Marso 5, 2020
KMB, AMIHAN-Bicol, BANTAY BIGAS-Bicol

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s