[ILOCOS] Panawagan ng mga magsasaka sa gitna ng kinakaharap na krisis sa COVID19

Ika-limang araw na na nararanasan natin ang Enhanced Community Quarantine o ‘lockdown’ sa buong Luzon dahil sa deklarasyon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte.

Napakaraming bayan sa buong Luzon ang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pagtigil ng araw-araw na hanapbuhay pangunahin ang mga manggagawa at magsasaka.

Mula nang ipinatupad ang ECQ, halo-halo na ang problemang kinakaharap ng mamamayan. Sa ibang lugar, pinapabayaran ang travel pass mula P50-80, na magagamit mo lang naman sa loob ng isang araw. Maliban pa sa nilalakad pa ng ilang kilometro para makarating sa mga barangay hall kung saan naman napakahaba ng pila para mabigyan ng travel pass.

Sa ganitong panahon sa mga nakalipas na taon, kalakasan sana ng pagbebenta ng tabako, mais, bawang, at sibuyas at maski pangingisda. Pero dahil sa lockdown, naging limitado ang pagkilos ng mamamayan para ibenta ang kanilang produkto-bagay na nagpalala sa deka-dekadang problemang dinaranas; ang mababang presyo ng mga produkto, mataas na gastos sa produksyon, mataas na renta sa lupa at pagkabaon sa utang. Sa kasalukuyan, ang presyo ng isang kilong mais batay sa pumapasok na impormasyon ay P11-13, habang ang Grade A ng Virginia tobacco ay P70/kilo, na dapat ay P82 kada kilo batay sa resulta ng Tobacco Tripartite Conference. Malinaw na isa itong pananamantala sa mga magsasaka sa gitna ng kris na kinakaharap natin.

Sa gitna ng kalagayang ito, marapat lang na magkaisa ang mga magsasaka na igiit sa mga panginoong maylupa at negosyanteng nagpapautang na tanggalin na ang upa sa lupa at pautang ngayong panahon ng anihan, o di kaya’y ipagpaliban ang bayad hanggang sa susunod na taon na walang dagdag na interes. Ito ang pinakamaiging paraan para matulungan ang mga magsasaka sa krisis na ito. Hinihiling natin sa mga panginoong may lupa at mga negosyante ang pang-unawa, kooperasyon at konsiderasyon para sa mga magsasaka sa panahong ito.

Sa nakalipas na taon, sunud-sunod ang kalamidad na dumating sa ating bayan at hindi lang natural na kalamidad kundi ang kalamidad na ibinigay mismo ng gobyerno tulad ng TRAIN LAW at RA 11203- Rice Liberalization Law. Ang mga kalamidad na ito na bunga ng mga neoliberal na polisyang pang-ekonomiya ng rehimeng US-China-Duterte ang lalong nagpalubog sa kalagayan ng mga magsasaka na hanggang ngayo’y hindi pa rin nakakabangon.

Inuulit namin na ang panawagan at kahilingan sa lahat ng pampublikong opisyal sa Ilocos na NGAYON ang tamang panahon para gamitin ang pondo mula sa RA 7171 at RA 8240 para ipambili ng mas maraming pangangailangang medikal at pasilidad, maidagdag sa pondo para sa mga pampublikong ospital, tulong para sa health workers at pambili ng pagkaing ipapamahagi para sa mamamayan.

Panghuli, tinatawagan namin ang mga miyembro ng Kongreso, na agad na gumawa ng kongkretong hakbang para mabigyan ng dagdag na pondo ang Department of Health (DOH) para maibigay ang nararapat na serbisyo-medikal para sa lahat lalo na sa mga biktima ng COVID-19. Hinihiling namin na ang bilyun-bilyong pork barrel ‘insertions’ ng mga kongresista at senador, intelligence funds ng AFP at ni Presidente Duterte ay ilaam sa DOH at DSWD para madagdagan ang pondong gagamitin para sa sapat na suplay ng pagkain at sustenidong serbisyo-medikal para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa buong bansa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s