TERROR LAW IBASURA

Gabay sa Pagtalakay

Nilalaman
  1. Ano ang ATL o Terror Law ni Duterte?
  2. Bakit tinututulan natin ang Terror Law? Pabor ba tayo sa terorismo?
  3. Ayon sa Terror Law, ano ang “terorismo” at sino ang “terorista?”
  4. Ayon sa Terror Law, sino ang may kapangyarihang magtukoy kung sino ang “terorista?”
  5. Posible bang mabansagang “terorista” dahil lang sa mga sinabi, sinulat, o pinost? Ano pang mga karaniwang aktibidad ang maaaring ituring na “terorismo” sa ilalim ng Terror Law?
  6. Ayon sa Terror Law, ano ang mga maaaring gawin sa mga mapaparatangang “terorista?”
  7. Ano ang mga dapat nating gawin?

1. ANO ANG ATL O TERROR LAW NI DUTERTE?

Ang Terror Law ay isang bagong batas (Republic Act 11479) na kilala rin bilang Anti-Terrorism Act of 2020. Binibigyan nito ng ibayong kapangyarihan ang pulis, militar, at iba pang elemento ng estado na maniktik o mag-surveillance, manghuli, magkulong, at mag-freeze sa ari-arian ng sinumang mapagsuspetsahang “terorista.”

Pangunahing awtor nito si Senador Ping Lacson, at matapos ratsadahin ng Kongreso at Senado ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 3, 2020 sa kabila ng malawak na oposisyong publiko. Nakatakda itong magkabisa sa Hulyo 18, 2020. Papalitan nito ang Human Security Act (HSA) of 2007.

2. BAKIT TINUTUTULAN ANG TERROR LAW? PABOR BA TAYO SA TERORISMO?

Ang terorismo ay ang pagtarget at marahas na pag-atake sa sibilyang populasyon para sa mga oportunistikong layunin. Tinututulan natin ito. Subalit hindi talaga terorismo ang susugpuin ng Terror Law. Sa halip, susupilin nito ang mga legal at demokratikong pagkilos para sa pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mamamayan, ang makatwirang pagbatikos sa mga kapalpakan ng gobyerno, at lehitimong paniningil sa mga nasa posisyon at kapangyarihan. Kritisismo ang nais sugpuin ng Terror Law.

Sa kasalukuyan, mismong gobyerno ang may pinakamalakas at pinakamalaking armadong pwersang sumasaklaw sa pinakamalawak na teritoryo sa bansa. Ito rin ang may kapangyarihan at karaniwan ngang nagpapataw ng banta o mismong armadong dahas sa mamamayan para sa interes ng iilang mayayamang pamilyang naghahari. Nariyan ang mahigit 30,000 pinatay na maralita sa ngalan ng pekeng gera kontra droga, ang 262 pinaslang na magsasakang nakikibaka para sa karapatan sa lupa, ang lampas 600 na bilanggong politikal, at iba pang porma ng panunupil ng estado.

Lalo pang walang kahit anong katuturan ang batas na ito sa gitna ng pandemya at krisis pangkabuhayan na kinakaharap ng mamamayan. Sa kabila ng pagpataw sa pinakamahabang lockdown sa buong mundo, lagpas 52,000 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa bansa at walang-patid pa ring dumarami ang mga kaso. Pinakamalaki na rin sa kasaysayan ang 13.7 milyong bilang ng wala at kulang ang trabaho. Daan-daang milyong Pilipino ang dumaranas ng tumitinding kahirapan at kagutuman.

Ang makikinabang lamang sa ATL ay mga pulitikong hayok sa kapangyarihan. Ang Terror Law hindi lamang aabusuhin; ito mismo ay abuso at lehitimasyon ng malaganap na pang-aabuso ng estado na malaon nang dinaranas ng mamamayan.

3. AYON SA TERROR LAW, ANO ANG “TERORISMO” AT SINO ANG “TERORISTA?”

Napakasaklaw ng itinuturing na “terorismo” at “terorista” sa ilalim ng Terror Law. Ayon dito, ang anumang gawaing may intensyong maglagay ng buhay ng tao sa panganib, puminsala sa mga pampublikong pasilidad o pribadong pag-aari, magpalaganap ng takot, o impluwensyahan ang gobyerno o anumang internasyunal na organisasyon, sa anumang yugto ng pagsasagawa nito, ay maituturing na “terorismo.” Sa madaling sabi, ginagawang krimen ng ATL ang intensyon at nagbibigay-kapangyarihan sa gobyerno na mang-aresto at magparusa kahit wala pang nagagawa o nagaganap na krimen.

Kasama rin sa mga maaaring bansagan na “terorista” ang mga magpapanukala, magbabanta, mang-uudyok, magpaplano, magsasanay, maghahanda, at mangangasiwa ng ipinagpapalagay na “terorismo.”

Bagaman nakasaad sa batas na hindi ituturing na “terorismo” ang pagsusulong ng mga adbokasiya, mga protesta, pagtutol, pagwewelga, at iba pang paggamit sa mga sibil at pampulitikang karapatan, ito lang ay kung wala itong intensyong mapanganib. Ibig sabihin, kung paratangang mapanganib ang intensyon, totoo man o hindi, maaari pa ring bansagang “terorista.” Ang mga organisasyon ay maari ring bansagang “terorista.”

Sa batas na ito, ang sinumang bumabatikos sa pamahalaan at nagpoprotesta para magsulong ng mga karapatang pampulitika at pang-ekonomya, kabilang ang karapatan sa lupa, trabaho, at sahod – dahil nagsusulong ang mga ito ng reporma sa gobyerno at pagbabagong panlipunan, ay maaaring bansagang “terorista.” Sinumang indibidwal o alinmang organisasyon na magpahayag ng kritisismo at oposisyon sa mga anti-mamamayang patakaran o hakbang ng gobyerno ay maaaring bansagang “terorista.”

Nakasalalay sa wisyo ng mga magpapatupad ng Terror Law ang interpretasyon sa mga intensyon at pagtatakda kung sino ang “terorista.”

4. AYON SA TERROR LAW, SINO ANG MAY KAPANGYARIHANG MAGTUKOY KUNG SINO ANG “TERORISTA?”

Lilikhain ng Terror Law ang Anti-Terrorism Council o ATC, isang konseho ng mga kinatawan ng gobyerno na pangunahing magpapatupad ng Terror Law. Nasa kanila ang natatanging tungkuling tukuyin kung sino ang maituturing na terorista. Napakalawak na kapangyahiran ang ibinibigay ng Terror Law sa ATC.

Bubuuin ito ng walong (8) miyembro ng gabinete – mga kalihim ng mga kagawarang nasa ilalim ng Office of the President. Ang mga bumubuo sa ATC ay ang mga sumusunod: ang Executive Secretary na magsisilbing chairperson (kasalukuyang si Salvador Medialdea); ang National Security Adviser na magsisilbing vice-chairperson (Hermogenes Esperon); ang mga kalihim ng Department of Foreign Affairs (Teddy Boy Locsin, Jr.), National Defense (Delfin Lorenzana), Interior and Local Government (Eduardo Año), Finance (Carlos Dominguez III), Justice (Menardo Guevarra), at Information and Communications Technology (Gregorio Honasan); at ang pinuno ng Anti-Money Laundering Council (Benjamin Diokno).

Lahat sila ay itinalaga ni Duterte, at napatunayan nang kumikiling pabor sa interes at kagustuhan ng Pangulo. Ilan sa kanila ay makailang ulit na rin na iresponsableng nag-akusa o nagbansag sa mga kilalang personalidad o organisasyon bilang mga “terorista.”

Binibigyan ng kapangyarihan ang ATC na magtukoy at basta-bastang magbansag kung sino ang “terorista.” Labag ito sa Konstitusyon dahil binibigyan nito ng kapangyarihan ang gobyerno o ehekutibo ng kapangyarihang nakalaan lamang dapat sa mga Korte o hudikadura. Sinisira nito ang balanse ng estado at dumudulo sa isang diktadurya. Ayon sa dating Hukom ng Korte Suprema Antonio Carpio, mas malala pa ang Terror Law kaysa sa Martial Law.

Malala pa, inaalis ng Terror Law ang parusa sa mga pulis na magkakamaling magkulong ng pinaratangang terorista. Sa dating batas na HSA, may multang P500,000 kada araw ng maling pagkukulong. Ang pag-alis dito ng Terror Law ay maghihikayat sa mga bara-barang pag-aresto.

5. POSIBLE BANG MABANSAGANG “TERORISTA” DAHIL LANG SA MGA SINABI, SINULAT, O NAI-POST? ANO PANG MGA KARANIWANG AKTIBIDAD ANG MAAARING ITURING NA “TERORISMO” SA ILALIM NG TERROR LAW?

Sinabi na mismo ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, maaaring mabansagang “terorista” ang isang tao batay sa kanyang mga ipino-post kahit sa social media kahit hindi lantarang nakasaad sa Terror Law na may-kapangyarihang mambusal ang pulisya at militar. Bago ito, nauna na rin ang mga pag-atake ng rehimen sa mga kritiko nito at sa mismong malayang pamamahayag. Isang patunay dito ang garapal na pagpatay sa prangkisa ng ABS-CBN.

Malaganap na takot o “chilling effect” din ang epekto ng malabo at masaklaw na depinisyon ng “terorismo” sa sinumang nais magpahayag ng pagsusuri, batikos, opinyon, o paniningil sa estado.
Halimbawa, ang talumapati sa isang kilos protesta na nananawagan para libre at maramihang testing para sa COVID-19 ay maaaring palusutin bilang “pagmumungkahing gumawa ng terorismo.” Ang polyetong ipinamahagi sa lansangan para itanong kung nasaan ang ayuda at pondong inutang ng gobyerno para sa COVID-19 ay maaaring palusutin bilang “bantang gumawa ng terorismo.” Ang plakard na isinabit sa bukid para kondenahin ang pamamaslang sa mga magsasaka ay maaaring palusutin bilang “pang-uudyok na gumawa ng terorismo.”

Ang mga diskusyon at babasahing tumatalakay sa mga pagkukulang ng pamahalaan ay maaring bansagan bilang mga materyal na “nangangasiwa sa terorismo”, gayundin ang mga mapagpalayang pag-aaral tungkol sa mga kalagayang panlipunan at kahit pagbibigay ng mga donasyong pagkain o kagamitan sa mga maka-maralitang organisasyong binabansagang “terorista.”

Tahasang paglabag ang mga ito sa karapatan at kalayaang mag-isip, magsalita, at mag-organisa ng mamayang Pilipino na nakasaad at pinoprotektahan ng ating Konstitusyon.

6. AYON SA TERROR LAW, ANO ANG MAAARING GAWIN SA MGA MAPAPARATANGANG “TERORISTA?”

Una, maaaring ipabilang ang isang tao o organisasyon sa listahan o proscription list ng mga babansagang terorista nang hindi niya nalalaman. Ang paglingid ng ganito kabigat na akusasyon ay labag sa karapatang malaman ng akusado ang paratang sa kaniya ng estado.

Ikalawa, maaari siyang tiktikan o i-surveillance matapos makakuha ang pulis o militar ng kauukulang kasulatan mula sa Korte. Maaaring i-wiretap o pakinggan ang kanyang mga pribadong usapan sa telepono, o basahin ang kanyang mga pakikipagpalitan ng mga mensahe. Labag sa karapatan sa privacy ang ganitong panghihimasok.

Ikatlo, maaari siyang arestuhin kahit walang arrest warrant mula sa Korte. Maaari siyang ikulong mula 14 hanggang 24 araw. Napakalayo nito sa tatlong araw lang na pinapahintulutang pagkakakulong nang walang kaso ayon sa Konstitusyon. Malala pa, matapos ang 24 araw halimbawa at makalabas na ang pinaratangan, maaari uli siyang aretuhin para makulong uli ng hanggang 24 araw. Ito ay paglabag sa ating karapatan sa due process of law o kaparaanan ng batas, at gayundin sa Konstitusyon.

Ikaapat, maaaring i-freeze ang kanyang bank account. Ibig sabihin, hindi niya maaaring galawin ang laman ng kanyang account sa banko, hindi maaaring makapag-deposit at hindi maaaring makapag-withdraw.

Ikalima, ang pagbabansag at proscription sa isang indibidwal o organisasyon bilang “terorista” ay naglalagay sa kanilang buhay sa peligro. Karaniwang kasunod ng pagbabansag na terorista ang pulitikal na pamamaslang.

Lahat ng ito ay maaari ring gawin sa mga myembro o ka-ugnayan ng mga organisasyong babansagang “terorista;” maaari silang tiktikan o i-surveillance; maaring damputin ang kanilang mga kasapi at mga lider, at ang assets o ari-arian ng organisasyon ay maaari ding kunin ng gobyerno; pati ang pondo ng organisasyon sa bangko ay maaaring i-freeze.

Ilang tampok na probisyon sa Katipunan ng Karapatan (Bill of Rights) ng ating Konstitusyon na nilalabag ng Terror Law

Seksyon 2. “…hindi dapat maglagda ng warrant sa paghalughog (search warrant) o warrant sa pagdakip (warrant of arrest) maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom matapos masiyasat ang mayhabla at ang mga testigong maihaharap niya sa ilalim ng panunumpa o patotoo…”

Seksyon 14. (1) Hindi dapat papanagutin sa pagkakasalang kriminal ang sino mang indibidwal nang hindi kaparaanan ng batas.

Seksyon 18. (1) Hindi dapat idetine ang sino mang indibidwal dahil lamang sa kanyang paniniwala at hangaring pampulitika.

7. ANO ANG MGA DAPAT NATING GAWIN?

Kailangan nating depensahan at ipaglaban ang ating mga karapatan. Kailangang lalo pa nating palakasin ang ating pagtutol sa napakamapanganib na batas na ito. Kailangang pahigpitin pa ang ating pakikipagkaisa sa mga lahat ng nagpapahalaga sa ating mga karapatang mag-isip, magsalita, at mag-organisa. Alamin natin ang ating mga karapatan at hikayatin natin ang ating mga ka-komunidad na aralin din ito. Magsalita tayo saanman tayo maaaring mapakinggan: sa mga bukirin o pagawaan, maging sa mga opisina o tanggapan ng gobyerno, sa mga kanto at palengke, at sa social media.

Huwag nating hayaang lansakang balewalain at yurakan ng estado at mga pwersa nito ang ating mga karapatan. Kung tayo o sinumang kakilala natin ay paratangang “terorista,” dapat ay panindigan natin ang ating mga karapatan at isiwalat o ilantad ang kawalang-batayan ng paratang. I-dokumento natin ang lahat ng paglabag sa ating karapatang-pantao, sa pamamagitan ng pagkuha ng mga larawan o bidyo at pagtatala o pagsusulat kung ano ang mga nangyari.

Patatagin natin ang ating mga pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa ating mga organisasyon. Paramihin natin ang mga nakakalam tungkol sa atake ng Terror Law sa ating mga karapatan at kalayaan.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang pitong petisyon sa Korte Suprema na layuning ipawalambisa ang Terror Law. Tiyak na madadagdagan pa ang mga petisyong ito. Pinangungunahan ang mga ito ng ilan sa mga pinakamahuhusay na abogado sa ating bayan. Suportahan natin ang inisyatibang ito sa pamamagitan ng pagpapahayag sa lumalakas nating pagtutol kontra sa Terror Law ni Duterte. ###

#JUNKTERRORLAW
MAKIBAKA HUWAG MATAKOT!
MAGKAISA AT LABANAN ANG TIRANIYA NG ESTADO!
PATALSIKIN ANG PAHIRAP AT PASISTANG REHIMENG DUTERTE!

Leave a comment