Mensahe ng Pakikiisa
Ni Jose Maria Sison
Tagapangulong Emerito ng International League of Peoples’ Struggle
Hulyo 25, 2020
Mahal na mga kapanalig sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Malugod akong nagpapaabot ng maalab na pagbati at pakikiisa sa inyo sa ika-35 anibersaryo ng
Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Isang malaking karangalan ko na sa pagtatatag ng KMP, nakapagbigay ako ng mensahe ng pakikiisa kahit na ako ay nasa bilangguan pa subalit tumatanaw na sa pagpapabagsak sa pasistang diktadura ni Marcos.
Angkop na sa okasyong ito ipagbunyi ninyo ang inyong anibersaryo at naipong mga tagumpay sa
pakikibaka, patatagin ang pagkakaisa at pagkilos ng magbibukid para sa lupa at hustisya, ipagtanggol ang mga tagumpay na nakamit sa pakikibaka at labanan at biguin ang mga sagabal sa patuloy na pagsulong, tulad ng batas ng terorismo ng rehimeng Duterte.
Ang pagtugon sa hinaing ng uring magsasaka laban sa kawalan ng lupa at sa pagsasamantalang pyudal at malapyudal, ang pangangailangan at pagsasakatuparan ng tunay na reporma sa lupa, ay pangunahing tungkulin at nilalaman ng demokratikong revolusyon sa ating bayan. Ito ang pangunahing prioyoridad sa pagpapatupad ng demokrasya, hustisya sosyal at pag-unlad ng ekonomya.
Hanggang ngayon, ang uring magsasaka ang pinakamalaking bloke ng batayang produktibong pwersa kahit na pinaliliit ng mga imperyalista at mga lokal na reksyonaryo ang bilang ng mga magsasaka at ang halaga ng produkto sa agrikultura. Ang industriyal na sektor ng ekonomiya ay pinatatakbo ng angkat ng makinarya at hindi sustenable ang sektor ng serbisyo na pinalobo ng pangungutang sa ilalim ng patakarang neoliberal.
Hindi maaaring magkaroon ng pagyabong ng demokrasya at pag-unlad sa ekonomiya kung walang
makatarungan at tunay na reporma sa lupa na kaakibat ng pambansang industrialisasyon na pinagkaisa sa isang programa. Kung hindi maipatupad ang ganitong programa, lalong darami ang walang trabaho at lalong darami ang tatahak sa landas ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan.
Malaking kataksilan ni Duterte na tinanggahin niya ang alok ng Pambansang Demokrating Prente na maging batayan ng makatarungang kapayapaan ang programa ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon na tutustusan ng ng kikitain ng bayan mula sa likas na yamang gas at langis sa exclusive economic zone sa West Philippine Sea na tantiyadong USD 26 trillion ang halaga.
Pinili ni Duterte na pagtaksilan ang bayan at hindi na ipinaggumiit ang panalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration alinsunod sa UN Convention on the Law of the Sea sa apat na taong siya’y nasa trono.
Sa halip, pinili niyang ibenta ang mga soberanong karapatan ng sambayanan sa Tsina at parang pulubi na humingi ng mga pautang sa mataas na interes para sa mga proyektong imprastuktura na pinalobo ang halaga. Pinagbabawalan ng Tsina at ginagamitan ng dahas ang mga Pilipinong mangingisda sa sarili nilang dagat.
Pangunahing interes ni Duterte ang pagkakamal ng kapangyarihan at paggamit nito sa pandarambong sa loob ng naghaharing sistema ng mga malaking komprador, panginoong may lupa at mga korap na opisyal. Obsesyon niya na maging pasistang diktador at magkaroon ng lisensyang mandambong tulad ng idolo niyang Marcos. Kung gayon, hinarang niya ang usapang pangkapayapaan para isagawa niya ang terorismo ng estado at lubusin ang pasistang diktadura.
Pinagsasabay ni Duterte ang pagiging papet ng dalawang imperyalistang amo dahil sa kasakiman niya sa kapangyarihan at pandarambong. Sa kabila ng magkukunwaring may independiyenteng patakarang panlabas, sumakay siya sa Oplan Pacific Eagle-Philippines para patuloy na tumanggap ng mga kagamitang militar mula sa US. Kasabay nito, gusto niyang kumita sa mga pautang ng Tsina at sa pagpapasok ng droga at mga kasino sa pakikipagsabwatan niya sa mga Tsinong kriminal na triad.
Dahil sa tinahak ni Duterte ang landas ng neoliberalismo at pasismo, pinabilis niya ang paglubha ng krisis ng naghaharing sistema. Binangkrap niya ang eonomiya at sariling gobyerno dahil sa mabilis na paglaki ng supertubo ng mga dayuhang monopolyo at malaking komprador, korupsyon at pag-agos ng pera sa militar at pulis sa patuloy na pagsasamantala at pagmamalupit sa mga magbubukid at sambayanang Pilipino.
Magkasabay ang mabilis na paglubha ng krisis ng lokal na naghaharing sistema at ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lalo pang pinalubha ng pandemyang COVID-19.
Dahil sa tumitinding pang-aapi at pagsasamantala, ibayong lumalaban ang sambayanang Pilipino sa rehimeng Duterte at sa buong naghaharing sistema. Dahil sa mga garapal at laganap na krimen ng rehimen, hiwalay na sa sulok ito at naging makitid na target ng malawak na nagkakaisang hanay ng mga manggagawa, magsasaka, mga panggitnang saray at mga anti-Duterte na konserbatibong pwersa.
Lumalakas ang kilusan ng pagpapatalsik kay Duterte at lalo siyang hinog na patalsikin sa ibayong paggamit ng terorismo ng estado at pasistang diktadura,
Mabuhay ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas!
Ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon!
Mabuhay ang uring magsasaka at manggagawang bukid!
Isulong ang pambansang demokratikong kilusan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!