Karumal-dumal at walang patid na pamamaslang sa magbubukid sa panahon ng krisis

Hindi pinigil ng pandaigdigang pandemya, malalang krisis pangkabuhayan, at sunod-sunod na kalamidad ng 2020 ang terorismo ng rehimeng Duterte laban sa masang magbubukid. 

Higit sa kriminal na kapabayaan nito sa pagharap sa krisis, aktibo pa nitong pinalala ang kalagayan ng magsasaka dahil sa walang patid na patakaran ng pamamaslang, militarisasyon, peke at pwersahang “pagpapasuko,” arbitraryong pag-aresto, ilegal na pagkukulong at mga gawa-gawang kaso, at red tagging.

May kabuuang 59 dokumentadong pagpatay sa mga magsasakang nagsusulong ng karapatan sa lupa. Kung kukunin ang average, isang magsasaka kada linggo ang pinaslang noong 2020. Halos lahat o 54 dito ay naganap mula nang magpatupad ng lockdown kaugnay ng COVID-19 noong Marso 2020. Sa kabuuan, mula 2016, umabot na sa 311 ang bilang ng magsasakang biktima ng politikal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. 

Kung bilang lang ang titingnan, aakalaing may paghupa ang pamamaslang sa magbubukid sa ilalim ng rehimeng Duterte. Nagrurok ito noong 2017 sa kasagsagan ng Martial Law sa Mindanao, at nakapagtala noon ng 92 kaso sa buong taon. Bumaba ang bilang na ito sa 73 kaso noong 2018 at sa 67 noong 2019. 

TaonKaso
Hul – Dis 201620
Ene – Dis 201792
201873
201967
202059
Peasant killings under the Duterte regime by year

Malaking bahagi ng mga kaso noong 2018 at 2019 ay naganap sa isla ng Negros. Kasunod ito ng pagpapasimuno ng noo’y PNP Region 7 Chief Debold Sinas sa kontra-insurhensyang Oplan Sauron at mga operasyong SEMPO (Synchronized Enhanced Management of Police Operations), alinsunod sa Memorandum 32 na inilabas ni Duterte. Kasunod mismo ng mga patakaran ng rehimen ang pagdami ng bilang ng pamamaslang sa mga magsasaka.

Gayunpaman, hindi nangangahulugan ang tila pagbagal na ito ng pagbuti ng kalagayan ng karapatang pantao ng mamamayan,  lalo na ng magbubukid. Maski isang kaso lamang ng politikal na pamamaslang sa magsasaka ay kalabisan na. Dagdag pa, nagpapatuloy ang pamamaslang sa gitna ng malalang krisis. Marka ito ng sukdulang kawalang malasakit at pagiging kontra-magsasaka ng rehimeng Duterte.

Nananatili rin ang panawagan para sa pagpapanagot sa mga maysala at sa hustisya para sa mga biktima. Dapat na itaas pa ang paglaban ng mamamayan sa bangis-bangisang terorismo ng estado. Ang mga padron ng pamamaslang ay dagdag na batayan para palakasin pa ang kampanya sa pagpapatigil sa pamamaslang sa mga magsasaka, pagpapanagot, pagkakamit ng hustisya, at pagsusulong sa tunay na reporma sa lupa.

Buong bansa

RehiyonKaso
Western Visayas15
Bicol12
Soccsksargen 10
CALABARZON8
Caraga4
Central Visayas4
Eastern Visayas4
MIMAROPA1
NCR1
2020 peasant killings by region

Pinakamaraming magsasakang pinaslang ngayong taon sa rehiyon ng Western Visayas kung saan may 15 naitalang kaso. Halos lahat o 11 sa mga ito ay pinaslang sa mga operasyong SEMPO, kabilang ang siyam na biktima sa Tumandok Masaker noong Disyembre 30 sa Capiz, at ang dalawang pinaslang noong Hunyo 6 sa Iloilo. 

May 12 naitalang kaso sa Bikol. Kasama ang Negros at Samar, kung saan may tig-apat (4) na kaso at gaya ng Bikol ay sinasaklaw nito, may kabuuang 20 kaso sa mga eryang saklaw ng Memorandum 32. 

Kasunod ng Bicol ang Soccsksargen kung saan may sampung (10) naitalang kaso. Hindi nalalayo ang bilang ng mga kaso sa Timog Katagalugan (CALABARZON at MIMAROPA) na siyam (9). Kagaya sa Western Visayas, kalakhan sa mga bilang na ito ay mga biktima ng masaker.

Ang Bikol at Timog Katagalugan, na may pinagsamang 21 kaso ay parehong sinasaklaw ng AFP SOLCOM (Southern Luzon Command) na pinamumunuan ni Major General Antonio Parlade Jr., isa sa mga sagad-sagaring red tagger ng rehimen. Pinamumunuan naman ni Lieutenant General Corleto S. Vinluan Jr. ang AFP WESTMINCOM (Western Mindanao Command) na sumasaklaw sa Soccsksargen. 

IslaKaso
Visayas23
(Panay)(12)
(Negros)(4)
(Samar)(4)
(Bohol)(3)
Luzon22
Mindanao14
2020 peasant killings by island

Nagpapatuloy ang pamamaslang sa Visayas kung saan may kabuuang 23 kaso. Sa isla ng Negros, bagamat patuloy ang pamamaslang, ay bahagyang humupa ang mga naitalang kaso ng pagpaslang sa magsasaka.  Nakapagtala sa naturang isla lang ng 23 kaso noong 2018 at 25 naman noong 2019. Gayunpaman, lubhang tumindi ang pamamaslang ngayong taon sa isla ng Panay kung saan may 12 naitalang kaso. Pinamumunuan naman ni Lieutenant General Roberto Ancan ang AFP CENTCOM (Central Command) na sumasaklaw sa buong Visayas. 

Mula sa rurok noong 2017 kung saan may 59 naitalang kaso, may 14 pang naiulat na kaso ngayong 2020 sa Mindanao. Muli, mga biktima sa masaker ang nagpalaki sa bilang na ito. Malamang na mas malaki pa ang aktwal na bilang ng mga kaso dahil sa matinding limitasyon sa komunikasyon at pag-uulat sa naturang isla dahil sa tuloy-tuloy na militarisasyon. Matapos ang tatlong taong Martial Law na ipinataw sa Mindanao, nananatili itong nasa ilalim ng walang-taning na “state of emergency.” 

Si Lieutenant General Jose C. Faustino Jr. naman ang namumuno sa AFP EASTMINCOM (Eastern Mindanao Command) na sumasaklaw sa Davao, Caraga, at Northern Mindanao, kung saan may apat (4) na naitalang kaso ng pamamaslang sa magsasaka ngayong taon.

Mahigit kalahati o 139 sa kabuuang bilang ng naitalang pagpaslang sa magsasaka sa ilalim ng rehimeng Duterte mula 2016 ay naitala sa Mindanao.

Samantala, sa buong 2020 ay may kabuuang anim na kababaihang magsasaka ang pinaslang.

Red at terror tagging

Gaya sa mga nagdaang taon, halos lahat ng kaso ay matingkad ang padron ng red at terror tagging bago at pagkatapos maganap ang mga pamamaslang. 

Marami sa mga biktima ay binansagan ng mga sundalo at pulis bilang mga NPA, milisyang bayan, tagasuporta ng NPA o terorista sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang mga pangalan o larawan sa mga tarpolin, polyeto, o sa mga pahayag. Marami rin ang nauna nang nakatanggap ng mga pagbabanta sa kanilang buhay. Mayroon din na mga nasa listahan ng mga tinaguriang wanted sa lokalidad. Kundi man bilang mga indibidwal, mismong mga organisasyon ang tinataguriang ‘fronts.’ Ang KMP ay matagal nang biktima ng ganitong malisyoso at mapanganib na akusasyon at red tagging.

A red tagging post fromt the NTF ELCAC Facebook page

Pagkatapos maganap ang mga pamamaslang, karaniwang iginigiit ng militar na napaslang ang mga biktima sa isang armadong engkwentro o di kaya ay nanlaban habang sinisilbihan ng mga warrant. Sa lahat, pinaparatangan silang mga NPA o tagasuporta ng agumga ito. Sa mga piling kaso, pinagbibintangan ng militar o mga opisyal ng gobyerno na mga NPA rin ang pumaslang sa mga biktimang pinagbibintangan din nilang NPA.

Sa mga kaso naman ng lehitimong engkwentro sa pagitan ng NPA at AFP, may malinaw na padron ng paganting pag-atake (retaliatory) ng mga sundalo sa mga kalapit na komunidad ng mga sibilyan. Isa itong krimeng pandigma sa ilalim ng mga internasyunal na makataong batas.

Paglapastangan sa mga pinaslang

Isa sa mga unang kaso ang pagpaslang kina Emerito Pinza at Romy Candor mula sa PUMALAG (Pinagkaisang Ugnayan ng mga Magsasaka sa Laguna) sa Laguna noong Enero 19, 2020. Kagaya sa marami, pinagbintangan silang mga armadong kasapi ng NPA. Ayon sa noo’y bagong talagang hepe ng SOLCOM na si Antonio Parlade, napaslang ang dalawa sa isang engkwentro laban sa RMFB (Regional Mobile Force Battalion) 4A ng PNP (Philippine National Police). 

Pinabulaanan ito ng kanilang mga kaanak at iginiit na sibilyan ang dalawa. Aktibo sina Pinza at Candor sa PUMALAG, at kilala sa kanilang komunidad bilang mga pangkaraniwang magsasaka.

Mislabeled grave of Pinza

Madaliang inilibing ng militar ang kanilang bangkay sa ilalim ng mga gawa-gawang pangalang “Leo San Jose Dela Cruz” at “Bipar.” Ito ay matapos na maglunsad ang militar ng pekeng lamay kasama ng mga pekeng “kamag-anak” na binigyan din umano nila ng “burial assistance.” Pebrero 5, 2020 pa lamang nakuha at kinilala ng mga tunay na kamaganak ang labi ng mga pinaslang na magsasaka.

Hinahanap pa ang bangkay ng dalawa nang maganap ang pagpaslang at madaliang paglibing sa tabing kalsada kay Jay-Ar Mercado, kabataang magsasakang kasapi ng BALATIK (Bigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog Katagalugan). Pinaslang si Mercado noong Enero 31, 2020 ng mga elemento ng 4th IBPA ng AFP.

Sinimulan ng AFP SOLCOM sa ilalim ni Parlade ang 2020 sa sukdulang paglapastangan sa buhay at kamatayan ng mga sibilyang magsasakang pinagbibintangang armadong NPA. Ilang beses pa mauulit sa nakaraang taon ang ganitong pagbastos sa bangkay ng mga pinasalang na magsasaka at aktibista. Walang respeto ang rehimen sa nabubuhay man o sa patay at bangkay na.

Samantala, araw mismo ng paggunita sa Mendiola Masaker noong Enero 22, 2020 nang paslangin si Pelagio Compoc ng HUMABOL-KMP sa kaniya mismong sakahan sa Barangay Dagoho, Bilar, Bohol.

Kamatayan sa baril at sa kapabayaan

Noong Pebrero 2, 2020, naitala sa Pilipinas ang unang pagkamatay dahil sa COVID-19 labas sa Tsina. Mula noon, tuloy-tuloy na kumalat sa iba pang mga bansa ang sakit at tumaas ang bilang ng mga namamatay. Sa kasalukuyan, umabot na sa 8,730 ang namatay sa bansa kasunod ng kriminal na kapabayaan ng rehimen sa pagtugon sa pandemya. Araw-araw itong tumataas kasabay ng bilang ng mga kumpirmadong kaso na aabot na sa halos kalahating milyon. Para umano pigilan ang pagkalat ng sakit, pinatupad ng rehimeng Duterte ang serye ng ibat-ibang antas ng lockdown sa bansa mula noong Marso 15, 2020.

Maraming bagay ang pinatigil ng pandemya at mga lockdown subalit hindi kabilang dito ang bilis ng pagkalat ng COVID, at maging ang patakaran ng rehimen na pagpaslang sa mga nakikibakang magbubukid. Isang araw matapos ipatupad ang unang lockdown, pinaslang si Marlon Maldos sa Tagbilaran City noong Marso 16, 2020.

Si Maldos ay isang kabataang magsasaka at direktor ng Bol-anong Artista nga may Diwang Dagohoy (Bansiwag), isang pangkulturang organisasyon ng mga kabataan sa kanayunan. Marso 31, 2020 naman ay pinaslang din si Nora Apique ng Kahugpungan sa mga Mag-uuma sa Surigao del Sur (KAMASS-KMP). Si Apique o “Nanay Nora,” ay isa nang lider-magbubukid mula pa dekada ‘80. Naging kasapi at opisyal sya ng Agrarian Reform Committee ng DAR (Department of Agrarian Reform) mula antas barangay hanggang antas probinsya. Si Maldos at Apique ay parehong pinagbabaril ng mga nakamotorsiklo o riding in tandem.

Abril 18, 2020, lagpas lang isang buwan mula mag-lockdown, ay pinaslang si John Farochilin ng Pamanggas sa Miag-ao, Iloilo. Muli, pinagbintangan siyang NPA ng militar at napaslang umano sa isang armadong engkwentro laban sa 61st Infantry Battalion ng AFP. 

Bukod sa pagiging mga lider-magsasaka, sina Maldos, Apique, at Farochilin ay matagal nang biktima ng pananakot at red-tagging ng mga pwersa ng pulis at militar sa kani-kanilang mga probinsya. Una sila sa listahan ng mga pinaslang na magsasaka sa ilalim ng militaristang lockdown.

Pagkulong sa mga tumutulong

Pati mga mga humanitarian actions ay hindi pinatawad ng rehimeng Duterte. Pinalala ng lockdown ang kawalan at kakulangan ng trabaho at kita ng mamamayan. Maraming magsasaka at manggagawang bukid ang pinigilang makapunta sa kanilang mga sakahan. Higit na marami ang pinagbawalang magbyahe ng mga produkto sa pagitan ng iba’t ibang bayan. Ang pagpapatigil o pagbabawas lang sa pampublikong transportasyon ay nagdulot ng pagbagal ng produksyon at distribusyon ng mga produktong agrikultural.

Arbitrarily arrested Sagip Kanayunan volunteers

Samantala, kulang na kulang ang ayudang ipinamahagi ng gobyerno sa milyon-milyong apektado. Maraming organisasyon at indibidwal ang nagsikap mag-abot ng tulong sa maraming nangangailangan. Kasama rito ang mga organisasyong magsasaka at mga advocate. Gayunpaman, maging relief delivery operations at community kitchens ay naging target ng panunupil ng kapulisan. Ang pito-kataong volunteer team ng Sagip Kanayunan, kasama si dating Anakpawis representative Ariel Casilao, ay arbitraryong inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso noong Abril 19, 2020. Binansagan din silang mga NPA. Ang Sagip Kanayunan ay ang programa ng KMP para sa relief and rehabilitation sa mga magsasakang biktima ng iba’t ibang kalamidad.

Asasinasyon kay Ka Randy Echanis at ibang peace consultants

Walang kapantay sa mga nagdaang rehimen ang atake ni Duterte laban sa mga peace consultants ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa nakaraang taon ay apat na peace consultants ang naging biktima ng asasinasyon. Kabilang na rito si Randall “Ka Randy” Echanis, dating Deputy Secretary General ng KMP at Chairperson ng Anakpawis Partylist. 

Pinaslang si Ka Randy, 71 taong gulang, noong Agosto 10, 2020, sa inuupahan niyang tirahan sa Quezon City. Lumabas sa autopsy ni Ka Randy na nagtamo siya ng napakaraming saksak at tinortyur bago tuluyang pinatay. Sapilitang inagaw ng Quezon City PNP ang kanyang bangkay at ilang araw na ipinagkait sa kanyang pamilya. Arbitraryo ring inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso ng mga pulis si Paolo Colabres, paralegal ng Anakpawis na nagbabantay sa bangkay ni Echanis. Nakulong si Colabres ng walong araw sa Camp Karingal kung saan nahawa sya ng COVID-19. 

Randall “Ka Randy” Echanis

Iginiit ng PNP at Malacanang na hindi politikal at isa lamang ordinaryong krimen ang naganap. Ang mga pinakasagad-sagaring militarista ay tinangka pang palabasing pinaslang si Echanis ng umano’y mga kapwa nito NPA bilang bahagi ng isang “purge.” Gayunpaman, malinaw na walang may ibang motibong paslangin si Ka Randy kundi mga militarista mismong tutol sa mga makabuluhang reporma at makatarungang kapayapaang buong buhay niyang isinulong. Gayundin, naganap ang krimen sa ilalim ng “General Community Quarantine” kung saan kontrolado ng kapulisan ang Kamaynilaan. Hindi malayong may direktang partisipasyon mismo ang PNP sa pagpaslang. Kung hindi man, bahagi ng kanilang kapabayaan sa tungkulin ang pagtatagumpay at ang pagtakas ng mga salarin. 

Naganap ang asasinasyon sa ilalim ng noo’y National Capital Region Police Office Chief Major General Debold Sinas. Pagsapit ng Nobyembre 10, 2020, eksaktong tatlong buwan matapos ang pamamaslang, itinalaga ni Duterte bilang PNP Chief si Sinas.

Ikatlo nang NDFP peace consultant na pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte si Ka Randy Echanis. Naunang pinaslang sila Randy Malayao noong Enero 2019 at Julius Giron noong Marso 2020. Sinundan naman ang pagpatay kay Echanis ng karumal-dumal na pagpatay sa mag-asawang Agaton Topacio at Eugenia Magpantay sa Angono, Rizal noong Nobyembre 25, 2020. Sa kabuuan, lima na ang pinaslang na peace consultants sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.

Matagal nang sinusuportahan ng KMP ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP bilang bahagi ng pagsusulong nito sa tunay na reporma sa lupa at kapayapaang nakabatay sa katarungang panlipunan. Ang mga naganap na pagpaslang ay lalong nagsasara sa posibilidad ng muling pagbubukas ng negosasyon.

Karumaldumal na paraan ng pagpatay

Karumaldumal ang lahat ng pagpaslang subalit partikular na sukdulan ang ilang kasong ginawa laban sa magbubukid. 

Pinaslang ng mga myembro ng 62nd Infantry Batallion ng AFP ang 24-anyos na si Reken Remasog noong Agosto 14, 2020 sa Guihulngan City, Negros Oriental. Binugbog at winasak muna ang mga binti nito bago barilin. Itinuturing ng AFP na tagumpay ang pagkapaslang kay Remasog na binansagan nilang NPA. Arbitraryo ring inaresto ang kaniyang dalawang nakababatang kapatid.

Pinagbibintangang NPA din ang limang Aeta na dinakip, binugbog, at sapilitang pinakain ng dumi ng tao ng mga sundalo ng 7th Infantry Division noong Agosto 21, 2020 sa San Marcelino, Zambales. 

Noong Setyembre 26, 2020, natagpuang pugot ang ulo ng bangkay ng magsasakang si Bernardo Guillen sa isang bangin sa Kabankalan City, Negros Occidental. Bago ito ay pinalikas ng mga sundalo mula sa 302nd Brigade ng AFP ang pamilya ni Guillen mula sa kanilang tahanan kasunod ng isang lehitimong engkwentro laban sa Mt. Cansermon Command ng NPA. Bumalik si Guillen sa kanilang bahay subalit bangkay na ito nang muling matagpuan ng kaniyang pamilya matapos ang siyam na araw na pagkawala. Ang hinala nila ay pinagbalingan ng mga sundalo si Guillen kaya galit na galit na pinugutan ito ng ulo. Si Bernardo ay ama ni Bernard Guillen, isang bilanggong politikal na kabilang sa Mabinay 6 na inaresto noong 2018 at pinagbintangan ding NPA ng militar. Ito ang unang kaso ng pamumugot sa ilalim ng rehimeng Duterte. 

Pamamaslang at mga atake sa gitna ng kalamidad

Oktubre 25, 2020 nang pumasok sa bansa ang Bagyong Quinta. Sinundad pa ito ng malalakas na bagyong Rolly, Siony, at Ulysses noong buwan ng Nobyembre. Nagdulot ang mga bagyong ito ng mabilisang pagbaha, pagbuhos ng lahar, at pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas. Hindi bababa sa P12.3 bilyon ang halaga ng nasira sa mahigit 275,000 ektaryang sakahan at mahigit 150,000 magsasakang apektado.

Kabilang ang mga tsapter ng KMP at mga kaalyado nito sa unang rumisponde sa mga nasalantang kapwa magsasaka at iba pang maralita. Maagap na nangalap, nagkoordina, at naglunsad ng donation drive at relief delivery operations ang Sagip Kanayunan. Samantala, hindi pinatigil ng mga kalamidad ang pamamaslang at pandarahas sa magsasaka. 

Pinaslang noong Nobyembre 5, 2020 si Rico Jacaba sa Moises Padilla, Negros Occidental. Si Jacaba ay kasapi ng lokal na tsapter ng KMP. Nangyari ang pamamaslang kasunod ng pagsira ng Bagyong Quinta sa P45.28 milyong halaga ng pananim at mga hayop sa naturang probinsya. Nobyembre 14, 2020 naman nang paslangin si Armando Buwisan, tagapangulo ng Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (CLAIM) – Catanauan sa Barangay Santa Maria, Catanauan, Quezon Province. Sa naturang probinsya unang lumapag ang Bagyong Ulysses dalawang araw lang bago naganap ang pamamaslang. Nagdulot ang naturang bagyo ng mahigit P1 bilyong pinsala at ng pagbakwit ng mahigit 100,000 katao sa buong rehiyon ng CALABARZON. 

Grabe ring binaha ang Cagayan Valley matapos ang sunud-sunod na bagyo at pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam. Nalubog sa baha ang 21 sa kabuuang 37 bayan ng Isabela, at 16 sa 28 bayan ng probinsya ng Cagayan. Ito na ang pinakamalalang pagbaha sa Cagayan Valley sa loob ng nakaraang 40 taon. 

Sa kalagitnaan ng mga relief operations sa Cagayan, sabay na nireyd ng mga pulis noong Disyembre 2, 2020 ang mga bahay nina Amanda Echanis ng Amihan Cagayan at Isabelo Adviento ng Danggayan – Cagayan Valley. Madaling araw naganap ang pagpapatupad umano ng Cagayan PNP sa search warrants para sa dalawa sa magkaibang barangay ng Baggao, Cagayan. Parehong pinalibutan ng nasa 100 kapulisan ang kanilang mga bahay bago sapilitang pinasok. Hindi inabutan si Adviento sa kaniyang bahay, samantalang inaresto si Echanis kasama ng kaniyang noo’y 21-araw pa lang na sanggol. Tinaniman siya ng ebidensyang matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog, at sinampahan ng gawa-gawang kaso. 

Si Amanda Echanis ay anak ni Ka Randy Echanis at isang mandudula-aktibista bago naging organisador ng magsasaka sa Cagayan. Kabilang siya sa mga indibidwal na pinaratangang NPA sa pagdinig ng Senado hinggil sa redtagging. Pinangangambahang matulad ang sanggol niyang pinangalanang Randall Emman kay Baby River, anak ng bilanggong politikal ding si Reina Mae Nasino. Namatay noong Oktubre 2020 ang noo’y tatlong buwang sanggol ni Nasino matapos itong ihiwalay at sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi makatarungang nakapiit si Echanis kasama ng kaniyang sanggol.

Bago nangyari ang reyd at pag-aresto, sina Echanis at Adviento ay parehong abala sa pagkokoordina at paglulunsad ng mga relief operations para sa mga magsasakang biktima ng pagbaha sa Cagayan.

Mga masaker

Nagtapos ang 2020 sa dalawang masaker sa magsasaka.

Naganap sa Rizal, ang masaker sa Baras 5 noong Disyembre 17, 2020. Ang limang manggagawang bukid aybmga tagapangalaga sa isang pribadong manggahan sa lugar. Ayon sa kanilang mga kapitbahay, madaling araw nang pagbabarilin ng mga sundalo mula sa 202nd Infantry Brigade ng AFP ang bahay ng lima. Pagkatapos ng insidente ay binalot ng takot ang buong komunidad na binalaan pa ng mga sundalo na huwag lumabas ng kanilang mga bahay noong gabi bago naganap ang pamamaslang. Sa kabila nito, pinalalabas uli ng militar na mga armadong kasapi ng NPA ang lima at namatay sa isang engkwentro. 

Disyembre 30, 2020 naman naganap ang Tumandok Masaker. Sa magkakahiwalay ngunit sabay-sabay na operasyong SEMPO ay pinaslang ang 9 magsasaka at arbitraryong hinuli ang 17 iba pa sa siyam na barangay sa Iloilo at Capiz. Ayon sa salaysay ng mga saksi, pinalabas muna ng kanilang mga bahay ang mga kaanak ng biktima bago pumasok ang mga sundalo at pinagbabaril ang mga ito. Hindi bababa sa dalawa ang pinagbabaril habang natutulog. Sinakay sa helicopter ang kanilang mga bangkay nang hindi pinapaalam sa mga kaanak kung saan ito dadalhin. Sa parehong araw ay pinaslang din si Lorenzo Paña ng HUMANDA KA (Hugpong sa Mag-uuma Dapit sa Kasadpan) sa Bohol.

Gayunpaman, bago pa ang Disyembre ay may tatlo nang naganap na masaker sa 2020. Mayo 8, 2020 naganap ang masaker sa limang magsasaka sa Bulan, Sorsogon. Madaling araw nang dakpin ang mga biktima mula sa kanilang mga bahay bago sila pinaslang ng 9th Infantry Division ng AFP. Tinakot at binugbog din ng mga sundalo ang ilan pang residente sa lugar. Ito ang unang masaker ng magsasaka sa nakaraang taon. 

Nasundan ito ng masaker sa siyam na magsasaka sa North Cotabato noong Agosto 29, 2020 ng mga pinaghihinalaang pwersa ng lokal na pulisya. Iginiit ng kapulisan na namatay ang siyam matapos ang isang shoot out. Isa uling masaker ang naganap sa Bikol noong Setyembre 28, 2020. Dinakip at sama-samang pinatay ng mga pwersa ng 2nd Infantry Battalion ng AFP at Masbate PNP ang tatlong magsasaka sa Mandaon, Masbate. Pinagbintangan din silang mga NPA. 

Sa kabuuan ay may naitala nang 19 masaker ng magsasaka sa ilalim ng rehimeng Duterte, lima rito ang naganap sa 2020.

Nakapaibabaw sa krisis pangkalusugan, pangkabuhayan, at pangkalikasan ang lumalalang krisis sa karapatang pantao sa bansa. Marka ang nagpapatuloy na pamamaslang at iba pang atake ng Rehimeng Duterte laban sa magsasaka at mamamayan hindi ng lakas at katatagan nito kundi ng tumitindi nitong pakahiwalay sa mamamayan at desperasyong manatili sa poder. Nararapat at makatarungan lang ang pagpapatuloy at pagpapaigting pa sa pakikibaka ng magsasaka at mamamayan para sa katarungan, tunay na reporma sa lupa, at pangmatagalang kapayapaan. #

In every meal, we need a farmer. Stop killing farmers!

Peasant victims of 2020 political killings

#Given NameSurnameSOrganizationProvinceRegionDate
253Jennifer TonogFNorthern SamarEastern Visayas1/17/2020
254EmeritoPinzaMPinagkaisang Ugnayan ng mga Magsasaka sa LagunaLagunaCALABARZON1/19/2020
255RomyCandorMPinagkaisang Ugnayan ng mga Magsasaka sa LagunaLagunaCALABARZON1/19/2020
256PelagioCompocMHumabolBoholCentral Visayas1/22/2020
257Jay-ar MercadoMBigkis at Lakas ng mga Katutubo sa Timog KatagaluganOriental MindoroMIMAROPA1/31/2020
258MarlonMaldosMBansiwag BoholBoholCentral Visayas3/16/2020
259NoraApiqueFKahugpungan sa mga Mag-uuma Surigao del SurCaraga3/31/2020
260JohnFarochilinMAlyansa sang mga Mangunguma sa Miag-ao (Alliance of Farmers in Miag-ao) and PamanggasIloiloWestern Visayas4/18/2020
261JaimeTañadaMSorsogonBicol5/8/2020
262JericVunoMSorsogonBicol5/8/2020
263JerryPalancaMSorsogonBicol5/8/2020
264RaymundoTañadaMSorsogonBicol5/8/2020
265Robert VillafuerteMSorsogonBicol5/8/2020
266RicoJacabaMNegros OccidentalWestern Visayas11/05/2020
267AllanAguilandoMChairperson of Northern Samar Small Farmer’s Association Northern SamarEastern Visayas5/26/2020
268Rogen OrcalesLanguidoMMasbateBicol6/17/2020
269Danny Boy TibayPepito Sr.MMasbateBicol6/17/2020
270BebeTobinoFNorthern SamarEastern Visayas6/20/2020
271ZaldyMerayaMNorthern SamarEastern Visayas6/20/2020
272HaroldTablazonMFederation of Iloilo Farmers AssociationIloiloWestern Visayas6/20/2020
273GlenBundaMIloiloWestern Visayas6/20/2020
274Jose JerryCatalogoMNational Federation of Sugar WorkersNegros OccidentalWestern Visayas6/23/2020
275ElderMoinaMOrganisasyon ng Magsasaka sa Albay (OMA)AlbayBicol6/24/2020
276Jose ArthurClementeMOrganisasyon ng Magsasaka sa Albay (OMA)AlbayBicol6/24/2020
277RandallEchanisMMetro ManilaNational Capital Region8/10/2020
278Reken RemasogMNegros OrientalCentral Visayas8/15/2020
279Bae MildaAnsaboFCotabatoSoccsksargen8/24/2020
280BenladinDimanalaoMNorth CotabatoSoccsksargen8/29/2020
281BudsalLipusanMNorth CotabatoSoccsksargen8/29/2020
282Datu FahadMandiganMNorth CotabatoSoccsksargen8/29/2020
283EsmaelPagayonMNorth CotabatoSoccsksargen8/29/2020
284NasherGuiamanMNorth CotabatoSoccsksargen8/29/2020
285Nasurdin KalilanganMNorth CotabatoSoccsksargen8/29/2020
286RomeoPiotoMNorth CotabatoSoccsksargen8/29/2020
287SandiganZailonMNorth CotabatoSoccsksargen8/29/2020
288ZaidenMusaedMNorth CotabatoSoccsksargen8/29/2020
289BernardoGuillenMNegros OccidentalWestern Visayas9/26/2020
290JerryRegalaMMasbateBicol9/28/2020
291Joey AsneMMasbateBicol9/28/2020
292JudyBarrugaFMasbateBicol9/28/2020
293Maco Cagaran MaitomMSurigao del SurCaraga10/3/2020
294Freddie Miyarez ZamoraMSurigao del SurCaraga10/3/2020
295Paulino Perez Maitom Jr.MSurigao del SurCaraga10/3/2020
296ArmandoBuwisanMCoco Levy Funds Ibalik sa Amin (CLAIM)QuezonCALABARZON11/14/2020
297VilmaSalabaoFRizalCALABARZON12/17/2020
298WesleyObmergaMRizalCALABARZON12/17/2020
299JhonatanAlbergaMRizalCALABARZON12/17/2020
300Niño AlbergaMRizalCALABARZON12/17/2020
301CarlitoZonioMRizalCALABARZON12/17/2020
302LorenzoPañaMHUMANDA KABoholCentral Visayas12/30/2020
303JomerVidalMTUMANDOKCapizWestern Visayas12/30/2020
304DalsonCataminMTUMANDOKCapizWestern Visayas12/30/2020
305RoyGigantoMTUMANDOKCapizWestern Visayas12/30/2020
306Reynaldo KatipunanMTUMANDOKCapizWestern Visayas12/30/2020
307MarioAguirreMTUMANDOKCapizWestern Visayas12/30/2020
308EliseoGayas Jr.MTUMANDOKCapizWestern Visayas12/30/2020
309ArtilitoKatipunan Sr.MTUMANDOKCapizWestern Visayas12/30/2020
310MauritoDiazMTUMANDOKCapizWestern Visayas12/30/2020
311RolandoDiaz Sr.TUMANDOKCapizWestern Visayas12/30/2020

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s