[Hinggil sa krisis sa baboy at pagkain] Agresibong palakasin ang lokal na produksyon!

Sumisirit ang presyo ng karneng baboy at iba pang produktong pagkain. Umabot na sa P400 kada kilo ang presyo ng pork liempo habang nasa P360 kada kilo ang pork kasim sa pagtatapos ng Enero 2021. Hindi pa pumalo sa P300 kada kilo ang presyo ng karneng baboy mula 2017.

Bumagsak sa 2.1 milyon metriko tonelada (MT) ang produksyon ng baboy sa bansa noong 2020, o katumbas ng -8.7% pagbagsak mula sa 2.3 milyon MT noong 2019.

Pero bahagi lang ang mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain ng lumulubhang krisis sa buong ekonomya ng bansa.

Umabot na sa 4.2% ang inflation rate, o bilis ng pagtaas ng mga presyo, ngayong Enero 2021, pinakamataas sa loob ng halos ng dalawang taon. May pinakamalaking bahagi rito ang inflation sa mga pagkain na umabot sa 2.5%. Malayong kasunod nito ang sa transportasyon na nasa 0.6%. Sa mga pagkain ay may pinakamalaking kontribusyon naman ang karne (2.8%), gulay (1.8%), isda (0.6%), at prutas (0.4%).

Nauna na ring naiulat ang -9.5% pagliit ng ekonomya ng bansa noong 2020. Pinakamalala ito sa kasaysayan. Dahil dito, pinakakulelat na ang ekonomya ng Pilipinas sa buong Southeast Asia. May 5.8 milyong Pilipino ang walang trabaho, pinakamalala uli sa kasaysayan, habang 26% ng maliliit na negosyo ang nagsara na.

1. Ang krisis sa baboy at pagkain ay bunga ng kapabayaan, kapalpakan, at panatikong pagpupumilit sa neoliberalismo ng Rehimeng Duterte

Nasasadlak ngayon sa krisis sa pagkain ang bansa dahil sa kapabayaan, kapalpakan, at panatikong pagpupumilit sa mga mapanirang patakarang neoliberal ng Rehimeng Duterte.

Pinabayaan ng gobyerno na pilayin ng African Swine Flu ang industriya ng baboy sa bansa.

Sa una pa lang ay walang sapat na pasilidad ang pamahalaan para sa inspeksyon ng mga inaangkat na baboy at iba pang pagkain. Hanggang ngayon ay hindi pa nasisimulan ang konstruksyon sa kauna-unahang first border inspection facility sa bansa. Ito ay matapos ang mahigit isang taon mula nang unang ianunsyo ng DA ang plano para rito at walong taon matapos itakda sa Food Security Act ang pangangailangan para rito. P2 bilyon ang nakalaan para sa proyektong ito.

Kaya sa kabila ng pagbabawal ng importasyon mula sa mga bansang may ASF, nakapasok ito sa bansa noong Agosto 2019 sa pamamagitan umano ng smuggled na mga baboy mula sa China. Naitala ang unang kaso sa mga backyard hog raisers sa Rodriguez, Rizal.

Naging kampante ang gobyerno sa pagharap sa ASF. Setyembre 2019 ay iisa ang tono ng DA, DOF, at Malacanang sa pagsasabing walang dapat ipag-alala kaugnay nito.

Ang naging pangunahing tugon ng DA ay pagpatay (culling) sa mga baboy. Pinatupad nito ang 1-7-10 protocol kung saan awtomatikong pinapatay ang mga baboy na nasa 1 km radius sa isang positibong kaso ng ASF, kinokontrol ang paggalaw ng mga nasa 7 km, at minomonitor ang nasa 10 km. Gaya sa COVID19, hindi nagkaroon ng agresibong testing at tracing. Dahil dito, maraming maliitang magbababoy ang natulak na hindi na lang mag-ulat at patagong magbenta ng baboy.

Ayon sa DA, nasa 406,899 baboy ang pinatay o namatay dahil sa ASF. Katumbas ito ng 3.6% ng kabuuang 11.27 milyon populasyon ng baboy sa bansa. Samantala, nasa 5 hanggang 6 milyong baboy ang taya ng ilang nasa industriya ng baboy sa totoong bilang ng mga pinatay.

Hinayaang malugi ang mga lokal na prodyuser ng baboy.

Nalugi na ng ‘di bababa sa P56 bilyon ang mahigit 6 milyong naghahayupan dahil sa ASF. Nabura ang mga bahagyang paglago sa produksyon ng baboy sa bansa sa mga nakaraang taon (1.5% noong 2017 at 2.4% noong 2018). Natapos ang 2019 sa -1% growth rate at ang 2020 sa mas mababang -8.7%. Nagbababala ang ilang internasyunal na tagamasid na kumpara noong 2019 bago manalasa ang ASF, babagsak pa hanggang kalahati ang produksyon ng baboy sa Pilipinas ngayong taon.

Pinakamalala ang mga pagbagsak sa Central Luzon, Caraga, CALABARZON, Bikol, Davao, at Central Visayas, mga rehiyong pinakamalalaking prodyuser ng baboy. Nasa mga rehiyong ito ang hindi bababa sa kalahati ng kabuuang imbentaryo at produksyon ng baboy sa Pilipinas.

Mas malala ang naging epekto ng ASF sa commercial farms kung saan nakapagtala ng -27% pagbagsak, habang -5.4% ang sa backyard farms. Mayorya o 69% ng kabuuang swine inventory ng bansa ang kasalukuyang nasa backyard farms habang 31% ang nasa commercial farms. Gayunpaman, sunod-sunod ang pagsasara ng backyard hog raisers dahil sa pagkalugi. Pinapangambahang lamunin ng pinakamalalaking korpasyon sa industriya ang maliliit na magbababoy sa mga susunod na buwan. Nauna nang nag-anunsyo ang San Miguel Corporation (SMC), pinakamalaking korporasyon sa pagkain sa bansa, na “ipapagamit” nito ang mga pasilidad nito sa maliliit na magbababoy. Noong 2020 ay kumita ang SMC ng P265 bilyon.

Sa kabila ng malalim na mga pinsala, napakaliit ng inilaang badyet para sa mga apektado ng ASF. Nasa P1.3 bilyon pa lang ang inilabas ng DA para bayaran ang mga napinsala (indemnify) sa halagang P5,000 kada baboy. Katumbas lang ito ng 260,000 baboy na nabayaran ng DA. Halos kalahati lang ito ng mahigit 400,000 kabuuang bilang ng baboy na pinatay ayon mismo sa ahensya. Napakaliit din ng halagang P5,000 kada baboy kung ikukumpara sa P9,000 hanggang P20,000 presyo ng buhay na baboy sa merkado.

Walang napaunlad na bakuna sa ASF ang gobyerno. Nagsimulang makipagusap ang DA sa UK noong 2020 at sa Vietnam ngayong Enero 2021 para sa akses sa kanilang mga bakuna. Hindi pa tiyak kung magagamit na ang mga naturang bakuna sa bansa ngayong 2021. Samantala, ngayong Pebrero 2021 pa lang inaasahang magsisimula ang maramihang produksyon ng ASF rapid test kits na pinaunlad sa Central Luzon State University.

Hanggang sa kasalukuyan, apektado pa rin ng ASF ang 11 rehiyon, 34 probinsya, 392 munisipyo at 2,061 barangay. Nagpapatuloy pa rin ang mga pagpatay o culling sa mga baboy. Ayon sa ilang internasyunal na tagamasid, malabo nang makarekober ang industriya ng baboy sa Pilipinas ngayong taon o hangga’t hindi nareresolba ang problema sa ASF.

Pinabayaan ding bumagsak ang produksyon ng baboy dahil sa pandemya at lockdown.

Bahagi ang industriya ng baboy sa naapektuhan ng militaristang lockdown na naging pangunahing tugon ng Rehimeng Duterte laban sa pandemya. Pinapatupad sa bansa ang pinakamahabang lockdown sa buong mundo. Nagdulot ito ng pagbaba sa pagkonsumo ng mamamayan, pagkalugi ng maraming negosyo, paglala ng kawalang trabaho, at pagbagsak ng produksyon. Ayon sa NEDA, nalugi na ng P1.4 trilyon ang ekonomya ng bansa sa ilalim ng halos isang taon ng lockdown, katumbas ito ng P2.8 bilyon pagkaugi kada araw.

Bumagsak mismo ang konsumo sa baboy ng mamamayan mula 18.3 kilo kada tao sa buong taon noong 2018 at 17.3 kilo kada tao noong 2019, tungong 13.5 kilo kada tao noong 2020. Noong nakaraang taon pa lang ay may pagbaba na sa produksyon, deliveries, at mga order ng baboy at manok.

Hindi pa rin maalis ang lockdown dahil sa nagpapatuloy na kawalan ng libreng mass testing, contact tracing, at quarantine facilities. Bulag na umaasa ang gobyerno sa bakuna sa kabila ng pagbabala ng World Health Organization na hindi ito magic solution laban sa pandemya.

Gayundin, bago pa man ang mga lockdown ay itinaas na ng TRAIN at sunod-sunod na oil price hikes ang gastos sa produksyon, partikular para sa transportasyon. Bago pa ang ASF at COVID19, isa na ang Pilipinas sa may pinakamataas na gastos sa produksyon ng baboy sa buong Southeast Asia dahil sa pananatiling atrasado ng industriya (hal. kawalan ng cold storage facilities) at matataas na burukratikong bayarin at kurapsyon.

Hindi lang din industriya ng baboy ang apektado sa naging pagbagsak nito. Apektado rin ang mga karugtong nitong lokal na industriya gaya sa feeds, mais, pagkatay, pagpoproseso at pagbebenta ng pagkain. Nasa 70% ng kabuuang gastos sa produksyon ng baboy ay nakalaan sa feeds, habang hanggang 60% naman ng feeds ay mula sa mais.

Sa huli, apektado sa pangkalahatan ang kalusugan ng buong mamamayan. Isa ang karneng baboy sa mga mayor na pinagkukununan ng proteins, calories, at fats ng mga Pilipino. Lalong malaking usapin ito sa gitna ng isang pandaigidigang krisis pangkalusugan.

Pero bago pa man ang ASF at COVID, bulnerable na sa pagkawasak ang lokal na industriya ng baboy at agrikultura dahil sa malaon nang pagpapabaya rito ng Rehimeng Duterte.

Sa kabila ng pananalasa ng ASF sa lokal na industriya ng baboy noong 2019, at ng lalo nitong paghina sa ilalim ng COVID19 at mga lockdown, napakaliit pa rin ng pondong inilaan para sa pagpapaunlad ng industriya ng baboy sa 2021. Sa kabuuang P66 bilyong pondo ng DA, P1.2 bilyon o 1.8% lang nito ang nakalaan para sa paghahayupan kung nasaan ang industriya ng baboy, manok, at iba pang hayop.

Napakaliit din ng inilaan ng rehimen para mismo sa DA at pagpapaunlad sa kabuuang produksyon ng pagkain sa bansa. 2.21% lang ng kabuuang P4.5 trilyong badyet ng gobyerno ang nakalaan para sa produksyon ng pagkain. Matagal na ring pinapabayaan ng Rehimeng Duterte ang agrikultura sa usapin ng badyet.

Nag-uulat din ang DA at ilang mga nasa industriya ng baboy ng hoarding at profiteering sa karneng baboy. Nariyan ang technical smuggling kung saan sinasadyang ideklara bilang ibang produkto ang mga iniimport para makatamasa ng mas mababang taripa.

Sa kabila ng lahat ng ito, nalilikha sa bansa ang nasa 85% o malawak na mayorya ng kinokonsumong baboy ng mamamayan. Gayunpaman, patakaran ng gobyerno na mag-angkat ng karagdagang baboy bilang pagsunod sa mga alituntunin ng World Trade Organization.

Noong 2020 ay nag-angkat ng 256,017 MT ng karneng baboy ang Pilipinas mula sa Espanya, Canada, US, at iba pang mga bansa. Bunga na rin ng pandaigdigang pananalasa ng ASF at COVID19, mas mababa ito kaysa 320,990 MT noong 2019 at 330,300 noong 2018. Pero mula magsimula ang Rehimeng Duterte noong 2016 hanggang 2018, bago manalasa ang ASF, unti-unti nang bumababa ang bahagi ng lokal na produksyon sa kabuuang konsumo ng baboy kumpara sa bahagi ng imported.

Sa mga imported na baboy ay umiiral ang 30% taripa (buwis sa import) sa kasalukuyang 54,000 MT Minimum Access Volume (MAV o quota sa import na tinakda sa WTO). Samantala ay 40% ang taripa para sa mga lagpas sa MAV. Mula 2015, may espesyal ding 5% lang na taripa para sa mga kasapi sa ASEAN (Association of SouthEast Asian Nations) sa ilalim ng ATIGA (ASEAN Trade in Goods Agreement). Nagsisilbing proteksyon sa lokal na industriya ang mga taripa para maiwasan ang pagbaha sa lokal na merkado ng mga produktong imported. Isa na ang Pilipinas sa mga may pinakamababang taripa sa karneng baboy sa Southeast Asia; ang Myanmar halimbawa ay nagpapatupad ng 139% taripa at ang Indonesia ng 50%.

Matagal nang pinapatay ng mga patakarang neoliberal ang lokal na produksyon ng pagkain sa bansa. Itinali ng pagsali ng gobyerno ng Pilipinas sa WTO noong 1995 ang mga ekonomikong patakaran ng bansa sa neoliberalismo. Ito ang pagpapangibabaw sa interes ng dayuhan at dambuhalang negosyo kaysa sa interes ng bayan at mamamayan. Ginagamit nitong tabing ang “malayang pamilihan at kompetisyon” para pasaklawin at palalimin ang kontrol ng monopolyong kapital sa lahat ng aspeto ng buhay ng mamamayan.

Sa ilalim ng Agreement on Agriculture ng WTO, inaalis ang mga proteksyon at suporta ng mga atrasadong bansa sa kani-kanilang mga lokal na magsasaka at prodyuser, habang hinahayaan ang mga abanteng bansa na magbuhos ng subsidyo sa kanilang mga lokal na produksyon at magtambak sa ibang bansa ng kanilang mga surplas na produkto.

Naglalaway ang malalaking negosyante at korporasyon sa agrikultura mula sa US, Europe, at iba pang bansa para tambakan ng kani-kanilang produktong baboy ang Pilipinas. Tinatanaw ng mga ito ang pananalasa ng ASF at COVID19 sa produksyon ng baboy sa bansa bilang oportunidad para ibuhos ang imported at lamunin ng malalaking negosyante sa industriya ang maliliit na prodyuser at manininda.

2. Balak pa ng Rehimeng Duterte na pabayaang muli ang masang anakpawis dahil sa kawalan ng signipikanteng suporta sa kanila, habang sinusuportahan nito ang importasyon at malalaking kapitalista

Sa esensya, ang tugon ng Rehimeng Duterte at DA sa ilalim ni Secreatry William Dar ay pabayaang muli ang masang anakpawis dahil sa kawalan ng signipikanteng suporta kanila, habang sinusuportahan nito ang importasyon at malalaking kapitalista

Noong Enero 23, 2021, nagrekomenda ang DA ng price freeze sa retail price ng karneng baboy (P270 kada kilo sa kasim at P300 para sa liempo) at manok (P160 kada kilo). Pagsapit ng Pebrero 1, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon at inilabas ang EO 124. Epektibo ito hanggang Abril 2.

Kaagad na umalma ang maliliit na maninida sa price freeze. Sing-aga ng January 30 ay nananawagan na ng pork holiday, o pagtigil sa pagbenta at pagbili ng mga produktong baboy, ang ilang grupo bilang reaksyon sa noo’y panukala pa lang ng DA. Bilang reaksyon din sa paglalabas sa EO 124, nagbabala naman ang iba ng lalong pagliit ng suplay ng baboy dahil sa banta ng o pagkalugi ng mga magbababoy.

Nalulugi ang mga manininda dahil mataas ang kanilang bili sa baboy mula sa malalaking trader. Sa kabilang banda, dumadaing ang backyard hog raisers na binabarat naman sila ng mga wholesale trader sa farmgate price ng baboy. Malawak ang konsensus na hindi sapat kundi pa nga mapanira sa ekonomya ang price freeze sa retail kundi kasabay ng matinding suporta sa mga mamimili at prodyuser.

Kasong Aralin: Nagsisimulang small scale. San Jose del Monte, Bulacan. Pebrero 2021. 15 fattener. 4 buwan. Labas sa nakalista ay gumastos na rin ng P14,000 para sa pagpapagawa ng mga kulungan. Naibenta ang 15 fattener baboy na may kabuuang timbang na 803 kilo sa halagang P172 kada kilo.

ITEMCOST
BiikP3,500 kada isang Dorox x 15P52,500
FeedsP83,400
Pre-starter feeds P56 kg x 25 kg/sack x 15 sacksP21,000
Starter feeds P1,460/sack x 15 sacksP21,900
Grower feeds P1,250/sack x 15 sacksP18,750
Finisher feeds P1,150/sack x 15 sacksP17,250
Sapal P100/sack x 45 sacksP4,500
GamotP1,350
Betracine P300/bag x 1 bagP300
Dextrose powder P250/garapon x 3 garaponP750
Molasses P100/bote x 3 boteP300
PabuhatP250 x 3 weeks x 4 monthsP3,000
Resiko (bawas sa kilo)2 kilo resiko x P172/kiloP344
Kabuuang gastosP140,594
Gastos kada baboyP140,594 / 15 baboyP9,373
Gastos kada kiloP140,594 / 803 kiloP175/kilo
Presyo ng bentaP172/kg x 803 kiloP138,116
Netong kitaP138,116 benta – P140,594 kabuuang gastos-P2,478

Para umano tugunan ang kakulangan sa suplay, tinutulak ng DA ang pagpapalobo sa importasyon ng karneng baboy.

Iniaabante ng DA na itaas ang MAV tungong 404,210 MT o halos 749% mas malaki kaysa kasalukuyang quota. Dagdag pa, plano nitong ibagsak ang taripa sa baboy tungong 5% para sa mga pasok sa MAV at 15% naman para sa mga lagpas pa.

Dahil ‘di hamak na mas malaki ang iniimport na baboy na lagpas sa MAV (21% lang ito ng kabuuang imports noong 2020), maaaring umabot ng kulang-kulang 2 milyon MT imported na baboy ang bumaha sa bansa ngayong 2021. Halos katumbas na ito ng kabuuan o 100% ng lokal na produksyon sa isang taon. Kung matutuloy, ito na rin ang pinakamalaking bolyum ng imported na baboy sa kasaysayan ng bansa. Tiyak na pipinsalain nito ang milyon-milyong maliliit na Pilipinong magbababoy. Labas pa rito ang bolyum mula sa smuggling.

Gayunpaman, hindi maaasahan ang dagdag na importasyon sa pagpapababa sa presyo ng mga bilihin. Gaya sa bigas at iba pang kalakal, walang consistent at direktang relasyon ang dami ng importasyon sa presyo ng karne sa bansa. Kahit bumuhos ang imported, walang katiyakang bababa ang presyo.

Lalong hindi maaasahan ang importasyon bilang mayor na pagmumulan ng karneng baboy o pagkain ng bansa dahil hindi ito estable. Bulnerable ito sa mga biglaang pagtaas o pagbagsak dahil sa mabuway na katangian ng internasyunal na pamilihian at sari-saring kalagayan ng iba’t ibang bansang pinagmumulan nito, lalo na ngayong may pandemya.

Dagdag pa, nananatili ang problema ng ASF sa buong mundo at wala pang bakuna laban dito hanggang ngayon. Sa kawalan ng sapat na pasilidad at kapasidad para suriin ang mga iniimport na baboy sa bansa, nananatili ang panganib ng karagdagang impeksyon ng ASF mula sa ibang bansa. Dahil din sa pananatili ng ASF, tumataas ang mga pandaigdigang presyo karneng baboy dahil sa pag-aagawan sa imports ng mga apektadong bansa.

Sa rekomendasyon ng DA, bumuo ang gobyerno ng “Task Force on Economic Intelligence” na kinapapalooban ng sampung ahensya. Nakatakda nitong imbestigahan at parusahan ang mga kaso ng profiteering at smuggling. Nauna nang ginawa ito ng DA sa usapin ng bigas noong 2018 subalit wala namang kartel ang napatigil, nahuli, at naparusahan.

Sa kabila ng availability ng mga pondo, kakarampot ang planong gastusin ng Rehimeng Duterte para isalba ang naghihingalong industriya ng baboy, agrikultura, at kabuuang ekonomya ng bansa.

Bilang suporta sa lokal na industriya, inaalok ng DA ang inilaang P500 milyon ng Agricultural Credit Policy Council, P12 bilyon ng DBM, at P15 bilyon ng Landbank para sa pautang sa mga magbababoy. Gayunpaman, marami ang hindi interisadong umutang dahil sa mataas na risk malugi.

Labas sa mga pautang, may nakalaan lang na kabuuang P600 milyong pondo ang DA mula sa Quick Reaction Fund (P400 milyon), National Livestock Program (P125 milyon), at Agricultural Competitivenes Enhancement Fund (P75 milyon) para umano sa repopulasyon ng baboy sa bansa. Walang bago sa mga pondong ito at dati nang laman ng maliit na badyet ng DA. Naglaan naman ng P1 bilyon mula sa P24 bilyon alokasyon ng DA sa Bayanihan 2 para sa mga multiplier at nucleus breeder farms.

Nangako rin ng P30 kada kilo suporta sa transportasyon ang DA sa pamamagitan ng reimbursements. Hindi pa malinaw kung paano ito matatamasa ng mga eligible na magbababoy. Samantala, hindi nito masasaklaw ang milyon-milyong maliliit na backyard raiser na nagbebenta lang sa mga trader at walang kakayanang magbyahe ng kanilang produkto.

Labas sa mga pautang at kung kasama ang P1.3 bilyong ginastos sa indemnification at P1.1 bilyong pondo para sa livestock program ng DA, napakaliit pa rin ng kabuuang pondong P2.9 bilyong nilabas at planong ilabas ng gobyerno para isalba ang lokal na industriya ng baboy. Napakalayo nito sa P56 bilyong inilugi na ng industriya mula 2019.

May pera ang gobyerno. Makasaysayan ang paglobo ng pangungutang ng Rehimeng Duterte. Noong 2020 lang ay nangutang ito ng P1.9 trilyon. Dahil dito, umabot na sa P9.6 trilyon ang kabuuang utang ng bansa. Tinatayang aabot pa ito sa P13.7 trilyon sa 2022, o mahigit doble mula noong 2016. Nakatakda itong bayaran ng mamamayan sa pamamagitan ng mga buwis at alokasyon sa pambansang badyet. Lumagpas din ng 15% sa target ang nakolektang buwis noong 2020.

Sa kabilang banda, babawasan ng CREATE ang binabayarang buwis ng malalaking korporasyon. Nakatakda itong magdulot ng P251 bilyong pagkalugi sa gobyerno, na pupunan ng dagdag na pangungutang sa dayuhan at buwis sa maralita.

3. Dapat agresibong gumastos ang gobyerno para suportahan ang mga Pilipinong prodyuser at konsumer

Dapat agresibong gumastos ang gobyerno para suportahan ang Pilipino anakpawis. Tanging pagpapalakas sa lokal na produksyon ang makakapagtiyak sa sustenableng suplay ng baboy sa bansa.

Sa pinakakagyat ay dapat mamahagi ng ayuda para sa masang anakpawis. Kailangan ito para magkaroon ng panggastos ang mamamayan at patuloy na umikot ang ekonomya. Umaabante ang panawagan para sa P10,000 ayuda buwan-buwan para sa magsasaka, pinakamaralita, at mga nawalan ng trabaho o nabawasan ng kita dahil sa lockdown. Dapat bayaran ng karampatang halaga ang mga magsasakang napinsala ng ASF at mga kalamidad. Makatarungan ang panawagan ng masang manggagawa para sa karagdagang P100 emergency wage relief.

Makakaginhawa ang pagbabawas sa mga pabigat na bayaring binabalikat ng maliliit na prodyuser at manininda. Makakatulong ang pagbabasura sa TRAIN, na nagdagdag ng excise tax (o buwis sa mga bilihin) sa mamamayan, at ang CREATE na nagbawas sa buwis ng malalaking koporasyon. Ang kailangang magtamasa ng tax holiday ay mga tunay na maliliit na prodyuser.

Positibo ang hakbang ng ilang LGU na i-waive o hindi na muna singilin ang renta ng maliliit na manininda. Dapat i-streamline ang proseso at mga bayarin kaugnay ng sirkulasyon ng baboy at mga produktong agrikultural sa bansa.

Kailangang agresibo at mabilisang palakasin ang lokal na produksyon ng baboy at pagkain. Sumusulong ang panawagang P15,000 subsidyo kada anihan para sa agrikultural na produksyon. Dapat tuparin ng DA ang ipinangako nitong P30 transport subsidy kada kilo ng baboy. Dagdag pa, mas malaking tulong sa mas maliliit na magbababoy ang paglalaan ng subsidyo para sa feeds na bumubuo sa pinakamalaking gastos sa produksyon ng baboy. Makakatulong din ito sa lokal na industriya ng feeds at mais.

Hindi dapat gamiting katwiran para sa karagdagang importasyon ang kasalukuyang krisis dahil lalo lang nito wawasakin ang lokal na industriya ng baboy. Dapat itigil ang pagbaha ng mga imported na baboy at iba pang produktong pagkain sa bansa. Hindi na dapat taasan pa ang MAV o quota sa imported na baboy, hindi rin dapat ibaba ang taripa para rito.

Makakatulong ang product tagging o pagtutukoy sa palengke kung aling baboy ang lokal o imported para masuportahan ng mga mamimili ang gawang-Pilipino.

Makatarungang itigil at parusahan ang malalaking trader o kartel na nagmamanipula sa presyo at nag-i-smuggle ng baboy. Ang pagpapatupad ng price freeze ay dapat pangunahin sa wholesale traders at hindi lang sa retail. Gayundin, dapat ay katambal ito ng agresibong suporta at subsidyo sa produksyon mula sa gobyerno. Ang panawagan ng maliliit na magbababoy ay P200 kada kilo presyo ng baboy sa farmgate at P300 kada kilo karaniwang presyo ng mga karneng baboy.

Kailangang resolbahin ang ASF. Imbes na malawakang pagpatay, kailangang magsagawa ang DA ng malawakang testing sa mga baboy. Kailangang makakuha ng bakuna sa pinakamaagang panahon. Mahalaga ring paunlarin ang merkado sa mga lokalidad para mabawasan ang palitan at kung gayo’y posibilidad ng hawaan sa pagitan ng iba’t ibang rehiyon. Kailangang itayo na ang border facitilites para masinsing masuri ang kalidad ng mga pumapasok na baboy mula sa ibang bansa.

Kailangang magbuhos ang gobyerno ng pondo para sa lahat ng ito, para hindi tuluyang mawasak ang lokal na industriya ng baboy sa bansa at tulungan itong makarekober. Dapat isulong ang SHIELD Bill ng Makabayan na naglalaan ng P318.65 bilyon para sa ayuda at P673.5 bilyon para sa agrikultura, kabilang ang P5 bilyon para sa paghahayupan. Makakatulong din ang inaabanteng Bayanihan 3 sa Kongreso kung lalamanin nito ang karagdagang pondo para sa ayuda at agrikultura. Maaaring mag-realign ng pondo mula sa P19.1 bilyong pondo NTF-ELCAC para idagdag sa DA. Sa kasalukuyang P24 bilyong pondo ng DA sa ilalim ng Bayanihan 2 ay nararapat lang maglaan ng mas malaking bahagi para sa suporta sa produksyon ng baboy. Makatwiran din ang panawagang ilaan (earmark) ang nakokolektang taripa mula sa importasyon ng baboy para sa pagpapaunlad sa lokal na industriya.

Hindi dapat magdalawang-isip ang gobyerno sa pagbubuhos ng rekurso sa lokal na produksyon. Higit sa mga dayuhang pamumuhunan, mas direkta at pangmatagalan ang mga trabahong malilikha sa pagpapaunlad sa industriya ng baboy at kabuuang agrikultura ng bansa.

Sa huli, kailangang bumaklas na ang bansa mula sa mga palpak at mapanirang patakarang neoliberal. Kailangang puspusang ilantad ang pananagutan ng neoliberalismo at mga tagapamandila nito sa pagsasadlak sa bansa sa krisis ngayon. Dapat nang kumalas ang Pilipinas sa WTO. Dapat itigil ang walang-humpay na paghahabol para sa dayuhang pamumuhunan, bagkus ay agresibong mamuhunan ang gobyerno sa Pilipinong anakpawis. #

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s