[Pamana ng rehimeng Duterte] Bagsak na agrikultura, busabos na magsasaka

Hindi lang pandemya ang nagpabagsak sa agrikultura at ekonomiya ng bansa, hindi lang ang pandemya ang nagpalala sa kagutuman at kahirapan ng magbubukid at masang anakpawis – ang rehimen ni Rodrigo Duterte mismo ang pinakamalalang sakit at pinakamatinding sakuna na tumama sa bansa. Iiwanan ng kasalukuyang rehimeng Duterte na nasa mas malalang pagbagsak ang agrikulturang Pilipino at nasa higit na busabos na kalagayan ang masang magbubukid. 

Narito ang ilang datos kaugnay na iiwanang pamana ng rehimeng Duterte sa masang magbubukid. Nagsisilbing rin itong mga kongkretong batayan kung bakit nararapat lang na wakasan ngayon na ang papet, pahirap at pasistang rehimen.

1. Lumalalang kagutuman bago pa man ang pandemya

Hindi lang ang palpak at militaristang tugon sa pandemya ng rehimeng Duterte ang nagpalala sa kagutumang dinaranas ng mamamayan. Bago pa ang pandemya, ilan taon nang matindi at mataas ang tantos ng pambansang kagutuman.

Ayon sa FAO, kasing-aga ng 2017, unang taon ni Duterte, 63% na ng mga Pilipino ang hindi kayang tustusan ang isang malusog na diet, habang 31% ang hindi kayang tustusan ang diet na may sapat na nutrisyon. Inulat din na nadagdagan ng 14 milyon ang bilang ng mga nakakaranas ng malala at katamtamang kagutuman sa mga taong 2017-2019 kumpara noong 2014-2016. Kaya bago pa man ang pandemya, lampas 59 milyong Pilipino na ang nagugutom.

Ayon pa sa Food and Nutrition Research Institute (FNRI), anim o 64.1% sa bawat sampung pamilyang Pilipino ang walang kaseguruhan sa pagkain noon pa mang 2019. Mas tumaas pa ang tantos ng mga nagugutom mula sa naitalang 53.9% noong 2018. 

2. Tatlong ulit na mas gutom ang magsasaka 

Ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA), noon pa mang 2018, pinakamarami (11.5%) ang itinuturing na food poor o hindi sapat ang kinikita para masustine ang pagkain, sa hanay ng mga magbubukid. Mahigit triple ito ng pambansang average na 3.4% lang ng kabuuang populasyon. Sumunod na pinakamaraming food poor sa hanay ng mga mangingisda (8.3%) at mga nakatira sa kanayunan (8%). 

3. Pinakamalalang kahirapan sa hanay ng magbubukid

Nananatiling pinakamalala ang kahirapan sa hanay ng mga magbubukid (31.6%) kumpara sa pangkalahatang populasyon. Katunayan, halos doble ito ng pambansang average (16.7%). Kasunod na pinakamataas ang poverty incidence sa hanay ng mga mangingisda (26.2%), at mga naninirahan sa kanayunan (24.5%).

4. Kakarampot na inabutan ng kakarampot na ayuda 

Nasa 900,000 o halos isa sa sampung magbubukid lang ang tinukoy na nakatanggap ng ayuda mula sa Department of Agriculture. Katumbas lang ito ng 7% ng 13.6 milyong kabuuang bilang ng nakalistang magbubukid sa iba’t ibang rehistro ng gobyerno. 

Malala pa, kulang na kulang ang ibinigay na P2,000-halagang bigas at manok o itlog, at P3,000 cash na isang beses lang sa anyo ng relief noong 2020. Napakalayo nito sa P10,000 panawagang kagyat na ayuda buwan-buwan habang may lockdown. Gayundin, ang P15,000 panawagan para sa subsidyo sa produksyong agrikultural.

Samantala, naglaan ng P251 bilyong tax break para sa mga negosyante sa ilalim ng CREATE (Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act) Law. 

5. Nakatayo pa ring mga asyenda, yumaman pang mga kroni

Hindi nabuwag ang malalawak na mga hasyenda at iba pang ari-ariang lupa sa ilalim ng rehimeng Duterte na pangunahing kinatawan ng mga panginoong maylupa at kapitalista. Nakakonsentra pa rin sa iilang pamilya at korporasyon ang malalawak na lupain.

Nasa ibaba ang ilan sa mga pinakakilalang pamilya at korporasyong may pinakamalalaking ari-arian o kinakamkam na lupa sa bansa batay sa monitoring ng KMP mula 2017 hanggang 2021.

Indibidwal, pamilya, o korporasyonLandholing at lokasyonLawakEktarya
1. DMCI-ConsunjiTrosohan sa Sultan Kudarat102,954
2. YuloYulo King Ranch sa Palawan at Hacienda Yulo sa Laguna47,100
3. Ramon AngKabuuang deklaradong ari-arian ng San Miguel Corpo. sa buong bansa. Kasama ang energy areas nito sa Compostela Valley, ang Agusan Petroleum and Minerals Corp. sa Davao Oriental, at Talitip Aerotropolis sa Bulacan37,307
4. AboitizAboitiz Geothermal Powerplant sa Pampanga at Zambales29,000
5. Pamilyang Zobel-AyalaDeklaradong imbak na lupa ng Ayala Land, mga mall, mga opisina, at iba pang ari-arian sa buong bansa; at Hacienda Zobel sa Batangas25,440
6. Pamilyang CojuangcoHacienda San Antonio – Sta. Isabel at Hacienda de San Luis sa Isabela; Hacienda Luisita sa Tarlac; Hacienda San Antonio, Hacienda Araal, Hacienda Cainaman, Hacienda Fe, Hacienda Adelina, Hacienda Candelaria & Caridad, Hacienda Balatong, Hacienda Soledad, Hacienda Nieva, at Hacienda Bonifacia sa Negros Occidental25,046
7. ReyesHacienda Reyes sa Quezon13,000
8. MadrigalHacienda Madrigal sa Cagayan Valley12,000
9. GotianunDeklaradong imbak na lupa ng Filinvest sa buong bansa at New Clark City sa Pampanga at Tarlac11,350
10. EspinozaMga asyenda at rancho sa Masbate10,000
11. SyHacienda Looc sa Batangas at 76 malls sa buong bansa9,510
12. AranetaAraneta Estate, Lupang Isabela-Teresa, at iba pang ari-arian sa Bulacan at Rizal6,934
13. James MurrayTumbaga Ranch sa Quezon6,000
14. VillaceteHacienda Villacete sa Cagayan Valley6,000
15. MatiasHacienda Matias sa Quezon5,000
16. RoxasHacienda Roxas sa Batangas4,783
17. ZuluetaHacienda Dimzon-Zulueta, Hacienda Ballao, Hacienda Sevillana, at Hacienda Nueza sa Isabela4,538
18. EscuderoHacienda Escudero sa Laguna at Quezon4,000
19. PuyatPuyat Estate sa Batangas at Atlanta Lands sa Laguna3,900
20. VillarDeklaradong imbak na lupa ng Vista Land, 31 malls, 7 BPO offices, at iba pang ari-arian sa 49 probinsya sa buong bansa. May hawak sa 61% ng house lot market sa bansa3,135
21. Sara DuterteSagingan sa Mount Negron, Zambales3,000
22.Juanito UyHacienda Uy sa Quezon2,415

Lumago pang lalo ang inaaring lupa ng mga negosyanteng malapit sa Rehimeng Duterte. 

Ang Udenna Land ng kilalang kroni ni Duterte na si Dennis Uy ay may deklaradong 365 ektarya ngayong 2021. Noong 2018, kumita ito ng P2.8 bilyon o katumbas ng 260% paglago mula sa pagbebenta ng lupa, pagpapa-upa, at mga kita sa pantalan. 

Ang San Miguel Corporation ni Ramon Ang naman ay may deklaradong 17,123 ektaryang inaaring lupa lang noong 2016. Sa pagtatapos ng 2020, nasa 37,307 ektarya na ito, o katumbas ng 118% pagtaas sa loob ng apat na taon.

Ang VistaLand ng mga Villar naman ay may 45% kontrol sa lokal na house lot market noong 2016. Sa pagtatapos ng 2020, nasa 61% na ito matapos madagdagan ng mahigit 100,000 house and lot ang ibinebenta nito. Nasa 23% o 564 ektarya ang reseserba nitong lupa. Si Cynthia Villar ang Committee Chair ng Committee on Food and Agriculture sa Senado, samantalang si Mark Villar ang Secretary ng Department of Public Works and Highways.

6. Pekeng reporma, pinabilis na kumbersyon, parselisasyon

Sa pagitan ng 2016 hanggang 2019 ay nasa 161,445 ektarya lang ang naisyuhan ng CLOA sa ilalim ng CARP. Ibang usapin pa kung nakapusisyon ang magsasaka sa lupa. Walang aktwal na imbentaryo ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na nananatili pa sa lupa. 

Samanatala, may hindi bababa sa 1,820 ektaryang lupang sinaklaw na ng CARP ang pinahintulutang i-convert ng DAR mula 2016. Labas pa dito ang mga ilegal na kumbersyon. Noong 2019, inilabas din ng DAR ang Administrative Order No. 1 na nag-alis sa mga dating rekisitong sertipikasyon mula sa HLURB at DA para sa kumbersyon ng lupa. Pinaiksi rin nito ang proseso ng aplikasyon mula anim na buwan tungong isang buwan na lang para sa land use conversion application.

Umutang ang rehimeng Duterte ng P24 bilyon para sa programang SPLIT (Support to Parcelization of Land and Individualization of Titles). Wawatak-watakin ng SPLIT ang 1.4 milyong ektaryang lupa sa 78 probinsya, sa pamamagitan ng pag-iindibidwalisa sa Collective CLOAs ng 1.1 milyong benepisyaryo. Mula 2018 hanggang 2020 ay nakapagparselisa na ang DAR ng kabuuang 35,374 ektarya.

7. Kinatay na industriya ng baboy

Gaya sa COVID, palpak ang pagharap sa African Swine Fever (ASF). Patuloy itong kumakalakt, dalawang taon matapos unang madiskubre sa bansa mula sa smuggled na karneng baboy galing China.

Tinatayang aabot pa hanggang 2026 ang krisis sa karneng baboy depende sa pagresolba ng gobyerno sa ASF. Ngayong 2021, sinaklot na rin ng sakit maging ang Ilocos, Catanduanes, Sorsogon, Leyte, Masbate, Samar, Surigao del Norte, Misamis Oriental, Agusan del Sur, at Davao – mga lugar na hindi nito naabot noon lang Oktubre 2020. 

Nalugi na ang mga magbababoy ng hindi bababa sa P56 bilyon habang ang tugon ng rehimeng Duterte ay mag-import ng 250,000 metriko tonelada ng karneng baboy sa mas mababang taripa. 

Samantala, nananatiling mataas ang presyo ng karneng baboy. Sa sariling monitoring ng DA, nasa P340 kada kilo pa rin ang kasim at nasa P370 kada kilo ang liempo. Mas mataas pa rin ang mga ito kaysa P270 at P350 kada kilo na suggested retail price (SRP). 

Tinatayang lalamunin ng mga dayuhang importer at malalaking korporasyon gaya ng SMC at Universal Robina ang lokal at maliiit na magbababoy sa mga susunod na buwan.

8. Pabulusok na industriya ng bigas

Tumaas nang 304% ang import dependency ratio (IDR) ng bigas. Noong 2019, isang taon matapos ang Rice Liberalization Law, nasa 20% o 2 sa 10 kaban ng bigas na ang imported — pinakamataas mula 1998. Sa parehong taon, naging pinakamalaking importer din ng bigas ang Pilipinas sa buong mundo. Nauna nang iulat ng Bantay Bigas ang P90 bilyong pagkalugi ng mga magsasaka ng palay dahil sa RLL.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang average gastos sa produksyon sa isang ektarya ng palay ay nagmahal ng halos Php2,600 habang lumiit ang netong kita ng halos Php3,400, mula 2016 hanggang 2019. Para sa hindi bababa sa 3.8 milyong rehistradong magsasaka ng palay, nangangahulugan ito ng average na Php9.88 bilyong dagdag na gastos at Php12.92 bilyong kabawasan sa kita kada anihan ng palay sa loob ng nabanggit na mga taon.

Inulat na rin ng Anakpawis ang pagbagsak ng produskyon ng palay sa 27 probinsya sa buong bansa.

9. Lumaking gastos, lumiit na kita ng magbubukid 

Ayon PSA, mula 2016 hanggang 2019 ay lumobo nang 13% ang gastos sa pagsasaka habang lumiit nang 24% ang kinikita ng mga magbubukid sa sumusunod na labing-dalawang (12) tanim. Katumbas ito ng average P16,283 dagdag na gastos at P26,020 kabawasan sa kita kada anihan para sa naturang mga tanim.

Pinakamalaki ang itinaas ng gastos sa produksyon ng kamatis (20%), papaya (19%), at pakwan (19%). Habang pinakamalala ang pagliit ng kita sa papaya (-125%), kamatis (-31%), sitaw (-24%), at patatas (-24%).

DahilanPagkalugi 
RLLP90 bilyon
ASFP56 bilyon
2020 typhoonsP12.3 bilyon
Taal eruptionP3.06 bilyon
Total161.36 bilyon

Dagdag pa, hindi bababa sa kabuuang P161 bilyon ang inilugi ng mga magsasaka sa iba’t ibang subsektor dahil sa RLL at mga kapalpakan ng rehimeng Duterte na paghandaan at harapin ang iba’t ibang kalamidad.

Nauna na ring pinaliit nang sampung (10) porsyento ang kita ng mga magsasaka noong 2018 dahil sa pagpapataas ng TRAIN sa buwis sa mga produkto. 

10. Dambuhalang pagkalugi sa kalakalang agrikultural 

TaonAgri importsAgri exportsBalanse
2016115.12– 5.88
201711.766.58– 5.18
201814.106.12– 7.99
201914.546.68– 7.86
202012.586.20– 6.38
Total63.9830.70– 33.29
Average12.806.14– 6.66

Taon-taon, halos doble ang halaga ng iniimport na produktong agrikultural ng bansa kaysa naie-eksport nito. Sa ilalim ng apat na taon ng rehimeng Duterte, nalugi na ang bansa mula sa kalakalang agrikultural ng kabuuang USD 33.3 bilyon, o USD 6.7 bilyon kada taon.

Sa kabila nito, hayok na hayok na tinutulak ng DA na pumasok sa paluging eksportasyon ang magsasakang Pilipino sa ilalim ng konsepto ng “global value chain,” sa halip na bigyang-diin ang lokal na produksyon para sa lokal na konsumpsyon lalo sa gitna ng malalang kagutuman. 

11. Pabagsak na agrikultura bago pa man ang pandemya

Taon% ng agri sa GDP 
201511.3%
201610.4%
201710.1%
2018 9.7%
2019 9.2%
202010.2% 

Dahil sa mga ito, hindi na nakapagtatakang halos taon-taong bumagsak ang hati ng agrikultura sa pambansang ekonomiya. Noong 2019, sumadsad ito sa 9.2%, pinakamababa sa nakaraang 13 taon.  Nagkaroon lang ito ng pagtaas noong 2020 dahil sa mas malalim na pagbulusok ng sektor ng industriya at serbisyo. 

12. Mga sakahang sahod ulan pa rin, makupad na irrigation development

Nakaasa pa rin sa ulan para sa patubig ang halos lahat ng mga sakahan sa bansa. Dalawang (2) milyong ektarya lang ang inaabot ng mga sistema ng irigasyon sa bansa, katumbas lang ito ng 16% ng kabuuang erya ng mga sakahan.

May hindi bababa sa 1.1 hanggang 3 milyong ektaryang sakahan ang maaaring patubigan ang wala pa ring patubig at bulnerable sa tagtuyot.

Napakakupad ng paglawak ng mga sistema ng irigasyon sa ilalim ng rehimeng Duterte. Mula 2015 hanggang 2019, kabuuang lumago lang ang mga irigasyon sa bansa ng 3.3% o wala pang isang porsyento kada taon. Kung mananatili sa parehong bilis, aabot pa ng 29 taon bago mapatubigan ang maliit na ngang target na 3.1 milyong ektarya lang.

Sa kabila ng pagsasabatas sa Free Irrigation Services Act (FISA) ng Anakpawis Partylist, nananatiling nagbabayad ng irrigation fees ang maraming magsasaka sa bansa.

13. Lumalalang pagsandig sa imported na pagkain

 20162019% increase
Galunggong0.421.95,375.0
Bigas5.020.2304.0
Hipon at sugpo5.78.243.9
Tuna21.227.931.6
Baka32.740.323.2
Potatas14.818.122.3
Baboy10.612.921.7
Mongo47.950.55.4
Bawang89.192.23.5
Mani72.575.03.4

Mula 2016 hanggang 2019, tumaas sa nakalulang 5,375% ang IDR o bahagi ng lokal na konsumong imported, ng galunggong. Mula 99.6% self-sufficiency noong 2016, lumalabas na dalawa (2) sa bawat 10 galunggong na ang imported. Malaki rin ang pagtaas sa antas ng iniimport na hipon at tuna. 

Malaki rin ang itinaas ng antas ng imported na baka (40% na) at baboy (13% na). Tiyak na tataas pa ito ngayong 2021 kasunod ng pagpapatupad sa Executive Order 134 na nagpahintulot sa pagpasok ng 250,000 metriko tonelada ng imported na karneng baboy sa mas pinababang taripa.

Kahit ang mga produktong dati nang napakataas ang import dependency gaya ng monggo, bawang, at mani ay tumaas pang lalo ang pag-iimport sa ilalim ng rehimeng Duterte.

14. Agrikulturang pinagkaitan ng badyet

TaonAmount of total agriculture budget% of total
201648.4B ng 3.002T1.61%
201745.2B ng 3.35T 1.35%
2018 53.3B ng 3.8T1.40%
2019 47.2B ng 3.7T1.28%
202062.3B ng 4.1T 1.52%
202166B ng 4.5T 1.47%
Average 1.4%

Mula pagkaupo ay pinabayaan na ng rehimeng Duterte ang agrikultura. Mula 2016 hanggang 2021, ni hindi umabot sa 2% ng kabuuang pambasang badyet ang inilaan nito sa agrikultura. Sa average, nasa 1.4% lang ng kabuuang badyet ang napunta sa agrikultura. Katumbas lang ito ng piso at .50 sentimo para sa bawat P100 pondo publiko.

Mas malala pa, matapos magsimulang harapin ng bansa ang isang krisis sa pampublikong kalusugan noong 2020, higit pang bumagsak ang hati ng agrikultura sa pambansang badyet noong 2021.

15. Walang patid na pamamaslang at terorismo sa magbubukid

May 336 biktima ng pulitikal na pamamaslang sa hanay ng mga magbubukid, kabilang dito ang mga biktima sa 25 masaker mula 2016. Nagpatuloy at sumahol pa ang mga pamamaslang kahit sa ilalim ng pandemya at mga lockdown. Kabilang sa brutal na pinaslang ang dating KMP Deputy Secretary General at peace consultant na si Randall Echanis. Pinakamaraming pinaslang sa Region 6 (Negros), Region 8 (Eastern Visayas), Region 5 (Bicol) at Region 11 (Southern Mindanao).   

Walang humpay ang mga pokus na militarisasyon sa komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa kanayunan sa ilalim ng iba’t-ibang Oplan ng AFP. Mistulang may Martial Law pa rin sa Mindanao habang nakapataw pa rin ang Memo Order No. 32 sa Bicol, Samar at Negros. Napakarami na ang pinaslang, ilegal na hinuli at ikinulong sa mga joint operations ng AFP at PNP-CIDG sa Synchronized Enhanced Managing Police Operations (SEMPO) at Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO). Hindi kapanatagan ang dulot ng Oplan Kapanatagan kundi dahas at pasismo sa mamamayan.

Tama na! Sobra na! Wakasan na!

Ang pagpapatuloy ng rehimeng Duterte ay nangangahulugan ng pagpapatuloy at paglala pa ng kagutuman, kahirapan, at pamamaslang na kinakaharap ng masang anakpawis. Tanging mga asyendero, panginoong maylupa, malaking kapitalista, kurarakot na opisyal, at mga dayuhang negosyo at importer lang ang nagdiriwang at nagtutulak sa pagpapatuloy pa ng bulok na bulok na rehimeng ito.

Buong lakas dapat labanan ang pagpapahirap at panunupil ni Duterte na nangangarap pang tumakbong Bise-Presidente katambal ang anak niyang si Sara Duterte. 

Nararapat lang na wakasan na ang rehimeng Duterte, ngayon na!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s