Kritika sa 2022 proposed national budget
Kilusang Magbubukid ng Pilipinas
Agosto 2021
Gutom na gutom pa rin ang naghaharing pangkating Duterte sa kapangyarihan, samantalang literal na gutom na gutom ang mamamayan para sa pagkain, kabuhayan, ayuda at para sa tunay na pagbabago sa gitna ng lumalang krisis.
Ang mungkahing ₱5.024 trilyong badyet (US$100.1 bilyon) ay malinaw na nagbibigay prayoridad sa pakinabang at kasiyahan ng mga dayuhang amo at mga lokal na kumprador ng naghaharing paksyong Duterte para makakakabig ng kinakailangan nitong suporta at rekurso para maimpluwensyahan ang pambansang halalan sa susunod na taon. Sa kabilang banda, kapipinsalaan nito ang masang anakpawis, gayundin ang hanay ng pambansang burgesya at mga kakumpetensya sa politika ng mga Duterte, dahil sa ibubungang mas matinding kagutuman, kahirapan, at panggigipit.
Mga mayor na punto ng kritika sa 2022 panukalang badyet
3. Kung ibubuhos sa lokal na produksyon ng bigas ang panukalang badyet na P28.1 bilyon ng NTF-ELCAC, hindi na kailangang mag-import ng bigas para sa buong taon.
7. Kakaltasan pa ulit ang badyet para sa irigasyon, sa ikaapat sunod na taon.
8. Itataas ang badyet ng DAR dahil sa pinalobong pondo para sa World Bank SPLIT program.
10. Kabilang sa mga pinakadehadong sektor ang mga mangingisda na wala halos nakalaan na pondo.
1. Dambuhala at kontra-produktibo ang halos kalahati ng pambansang badyet na nakalaan sa pambayad utang at imprastraktura
Sa kabuuang badyet, dambuhala ang hati ng hindi-kailangan at kontra-produktibong pambayad utang (26%). Gayundin, lagpas-lagpas sa kailangan ang 23% na hati ng imprastraktura. Hindi rin naman ito nakatuon sa mga produktibong imprastraktura gaya para sa lokal na agrikultura o pagmamanupaktura at sa halip ay nakadiin lang sa transportasyon. Nilalamon ng ₱1.3 trilyong pambayad utang at ₱1.18 trilyon para sa imprastraktura ang 49% ng kabuuang pambansang badyet.
Sa bawat P100 pondong pampubliko, ₱26 ang nakalaan sa pambayad-utang, ₱23 para sa mga kalsada, ₱4 para sa mga baril at bomba, samantalang P3 lang para sa agrikultura at pagkain. Tiyak na ang pambansang badyet para sa 2022 ay magdudulot pa ng mas malalang kagutuman at pasismo.

Taon-taong naglalaan ng dambuhalang pondo sa pagbabayad ng utang ang pamahalaan sa layuning panatilihing mataas ang “credit rating” ng bansa. Sa pagtatapos ng rehimeng Duterte, tinatayang aabot na sa lampas P13 trilyon ang kabuuang utang ng gobyerno ng Pilipinas mula sa kasalukuyang P 11.6 trilyong utang. Pinakamabilis at pinakamalaki sa kasaysayan ang paglobo ng utang sa ilalim ng rehimeng Duterte, dahil sa pangungutang nito para sa proyektong Build! Build! Build! bago pa man ang pandemya.
Napupunta ang mga inutang sa mga proyektong pangimprastukturang pinagkakakitaan ng mga kumprador na nagpapasok sa mga imported na materyales mula sa mga imperyalistang bansa, at mga burukrata na nagpapatupad at nangangasiwa sa konstruksyon at pagpapatupad sa mga proyektong pangimprastaktura.
Samantala, napakalaking parte rin ang badyet ang para sa pasismo na nakatabing sa ‘peace and order.’
250.4 B DILG budget
48.1 B Peace and order for fire protection, jail management and penology
190.7 B PNP
380 million Upgrade 1st phase safe Philippines Project
2.5 B Phil Anti-Illegal Drugs Strategy
286 million Barangay Drug Clearing Program of PDEA
28.1 B NTF-ELCAC rehab for 1,406 barangays in conflict-affected areas
222.0 B DND budget
35 B Revised AFP Modernization Program
929 million Operationalization 11th Infantry Division in Jolo, Sulu
348 million Phil Navy construction of Balabac Port to increase operations in WPS
74.8 B BARMM
850 million OPAPP – 2nd phase BARMM normalization program
Malinaw na sa halip na dagdag na pondo para sa pagtugon sa pandemya at pagpapalakas sa sistema ng kalusugan, lalo pang dinagdagan ng rehimeng Duterte ang pondo para sa panunupil at panggigipit sa mamamayan habang nagtitipid sa paggasta para sa pangunahin at kinakailangang serbisyong panlipunan — edukasyon, kabuhayan, pabahay at iba pa. Malinaw na hindi kalusugan at kabuhayan ng mamamayan ang prayoridad nito.
2. Kakarampot pa rin ang 3% ng kabuuang badyet para sa agrikultura, repormang agraryo, at produksyon ng pagkain ng bansa.
Kakarampot pa rin ang badyet para sa agrikultura, repormang agraryo, at pagkain sa kabila ng lumalalang krisis pangkalusugan at pangkabuhayan. Ang pinagsama-samang badyet ng DA, NIA, DAR, at iba pang kaugnay na ahensya at programa ng gobyerno ay aabot lang sa ₱152.1 bilyon o katumbas ng 3% ng kabuuang badyet. Mas malaki pa rito ang kabuuang ₱165 bilyong inilugi ng mga magsasaka ng palay dahil sa Rice Liberalization Law mula 2019.
Dept or program | Amount |
DA | ₱72 bilyon |
NIA | ₱31.4 bilyon |
DAR | ₱12.8 bilyon |
NFA | ₱7 bilyon |
PCIC | ₱4.5 bilyon |
PFDA | ₱4.2 bilyon |
Credit support to farmers and fishers | ₱2.5 bilyon |
Others… | ₱17.7 bilyon |
Total | ₱152.1 bilyon |
3. Kung ibubuhos sa lokal na produksyon ng bigas ang panukalang badyet na ₱28.1 bilyon ng NTF-ELCAC, hindi na kailangang mag-import ng bigas
Ang pondo na gustong ilaan sa NTF-ELCAC para sa 2022 ay mas malaki ng halos ₱12 bilyon kaysa sa kasalukuyan nitong pondong ₱16.4. bilyon. Pangunahin, ilalaan ang badyet bilang panuhol at insentibo umano sa mga barangay na malilinis sa ‘communist insurgency’ sa ilalim ng Barangay Development Program. Target na bigyan ng tig-₱20 milyon ang bawat isa sa 1,406 barangay sa buong bansa. Lalabas na halos tatlong ulit na malaki pa ang idadagdag na pondo sa NTF-ELCAC kaysa sa mga pampublikong ospital (₱3.64 bilyon) at sa emergency hiring ng dagdag na 6,810 health workers (₱3.8 bilyon).
Ang mungkahing ₱28.1 bilyon para sa NTF ELCAC ay mas produktibong mapakikinabangan ng mamamayang Pilipino kung direktang ibubuhos sa lokal na produksyon ng pagkain.
Batay mismo sa mga opisyal na datos ng gobyerno, kayang subsidyuhan ng ₱28.1 bilyon ang kabuuang gastos sa produksyon ng 620,282 magsasaka na may tig-isang ektaryang palayan. Makalilikha ito ng 2.5 milyong metriko tonelada (MT) ng palay na, matapos idaan sa mga gilingang may 65% recovery rate, magiging katumbas ng 1.6 milyong MT ng bigas. Sobra na ito sa 1.19 milyong MT kakulangan sa bigas para tugunan ang tinatayang 14.45 milyong MT kabuuang konsumo sa bigas mula sa tinatayang 13.26 milyong MT na kabuuang produksyon ngayong 2021.
Kung pagbabatayan ang sobra-sobrang target i-import na bigas ng DA na 1.7 milyong MT ngayong 2021, kulang na lang ito ng 100,000 MT.
Hindi lang mga magsasaka ang makikinabang dito sapagkat ang 1.5 milyong MT bigas ay katumbas ng mahigit 53 araw o 7 linggo o 2 buwang konsumo sa bigas ng halos 100 milyong Pilipinong kumakain ng kanin araw-araw. Kung para lang sa 4.2 milyong pamilyang nakaranas ng gutom mula Marso hanggang Mayo 2021, aabot ng 34 linggo o halos 3 taon ang naturang suplay ng bigas.
Kung ibubuhos naman ang ₱28.1 bilyon para ipambili ng palay mula sa mga magsasaka sa makatarungang presyong P20 kada kilo, makabibili ang NFA ng 1.4 milyong MT ng palay. Magagawa na nitong bilhin ang kabuuang nililikhang palay ng buong rehiyon ng Bikol sa buong taon, na karaniwang nasa 1.2 milyong MT. Katumbas din ito ng halos apat na beses na mas maraming pagbili ng NFA mula sa 368,421 MT lang na target nito sa 2022.
Kung ipamahagi naman bilang P15,000 subsidyo, masusuportahan nito ang produksyon ng 1.9 milyong magsasaka.

4. Kakarampot ang idaragdag sa badyet ng agrikultura samantalang dambuhala ang idaragdag para sa transportasyon at panunupil
Tumaas subalit kakarampot ang idadagdag sa kabuuang agri-agra badyet (₱152 bilyon) na ₱8.7 bilyon o 6% pagtaas lang. Mas malaki pa rito ang iniluging ₱58 bilyon ng mga lokal na hog raisers dahil sa kapalpakan ng gobyeno na harapin ang ASF mula 2019.
Samantala, nagdagdag ng tumataginting na ₱63.4 bilyon o 72.1% pagtaas sa DOTr, ₱9 bilyon o 47% sa NTF-ELCAC, at ₱16.2 bilyon o 7.9% sa DND.
2021 | 2022 | |
DA | 71,039,875* | 72,014,494* |
DAR | 8,866,462 | 12,837,884 |
NIA | 31,658,839 | 31,458,839 |
DOTr | 87.9 billion | 151.3 billion |
NTF ELCAC | 19.1 billion | 28.1 billion |
DND | 205,817,505 | 221,979,951 |
*includes RCEF
May pinakamalaking bahagi sa kabuuang agri-agra budget ang ₱72 bilyong nasa DA. Pero sa kabila ng malawak na suporta para sa mas mataas na badyet para sa ahensya, ₱1 bilyon o P1.4% lang ang itinaas ng badyet nito. Napakalayo nito kahit sa 10% na pagtaas sa badyet ng DA na tinutulak ng isang kongresista.
Ang pinakamalaking bahagi ng badyet ng DA ay nasa mga pambansang programa para sa iba’t ibang tipo ng produktong agrikultural na aabot sa kabuuan sa ₱37 bilyon o 51% ng badyet ng DA. Gayunpaman, babawasan pa rin ang para sa corn, organic agricuture, high value crops, at fisheries programs.
Bawas na badyet para sa mga National Food Programs
Program | GAA 2021 | NEP 2022 | Decrease by % |
CORN | P1.517B | P1.497B | -1.32% |
ORGANIC AGRI | P779M | P518M | -33.5% |
FISHERIES | P3.34B | P2.81B | -16.05% |
HVC | P1.79B | P1.46B | -18.17% |
5. Kailangang bantayan at igiit na mapakinabangan ng maliliit at lokal na magsasaka ang napagtagumpayang pagtaas sa badyet para sa paghahayupan (livestock)
Lumaki ang badyet para sa National Livestock Program (NLP) mula ₱1.15 bilyon ngayong 2021 tungong ₱5.1 bilyon sa 2022 (o nadagdagan ng P3.95 bilyon o 343.5%). Maituturing itong tagumpay para sa lokal na industriya ng baboy, subalit kailangang bantayang pakikinabangan ito ng maliliit at lokal na hog raisers at manininda, hindi ng mga dayuhang negosyo, importer, o mga dambuhalang korporasyong lokal.
Program | Amt | Notes |
National Rice Program (NRP) | P15.63 bilyon | 11,789,771,000 PSS1,404,654,000 ESETS632,487,000 RND964,626,000 PAEF932,758,000 INS |
Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) | P10 bilyon | 50% for mechanization30% for seed growers10% for credit10% for extension service |
National Livestock Program (NLP) | P5.1 bilyon | 1,315,509,000 PSS611,269,000 ESETS1,000,000 RND3,174,000,000 PAEF |
National Fisheries Program | P2.8 bilyon | |
National Corn Program | P1.5 bilyon | 627,416,000 PSS286,583,000 ESETS127,495,000 RND422,006,000 PAEF33,520,000 INS |
High-Value Crops Development Program | P1.47 bilyon | 504,354,000 PSS378,426,000 ESETS109,107,000 RND383,323,000 PAEF93,137,000 INS |
Promotion and Development of Organic Agriculture Program | P518.52 milyon | 101,887,000 PSS157,056,000 ESETS50,000,000 RND197,856,000 PAEF11,717,000 INS |
Total | P37 bilyon |
PSS = Production Support Services,
ESETS = Extension Support, Education and Training Services,
RND = Research and Development,
PAEF = Provision of Agricultural Equipment and Facilities,
INS = Irrigation Network Services
Sa inisyal, ang karagdagang pondo para sa NLP ay tila napunta sa PAEF o pagbibigay ng mga equipment at mga pasilidad, na may ₱3.1 bilyon o 63% ng pondo para sa NLP. Kaduda-dudang dito mapupunta ang karagdagang pondo dahil ang higit na kailangan ng maliit at lokal na hog raisers ay suportang pamproduksyon gaya ng libreng pamamahagi o pagbebenta sa presyong may-subsidyo ng mga inputs gaya ng biik, feeds, at gamot (na karaniwang nasa PSS). Ang mga may kakayahang makakuha at magpaandar ng mga agricultural equipment and facilities ay iyong may relatibong malaki nang operasyon gaya ng mga korporasyon o mayamang magsasaka. Maari ring dito magmula ang mga kagamitang kailangan para sa pagbebenta ng mga imported na karne sa bansa, gaya ng mga freezer, alinsunod sa proyektong Presyong Risonable Dapat ng DA.
Gayundin, ang karagdagang halos ₱4 bilyon (kahit ₱1 bilyon lang ang kabuuang nadagdag sa DA) para sa livestock ay tila nagmula sa pagkakaltas naman ng badyet para sa farm-to-market roads, na bumagsak nang halos ₱5 bilyon, mula sa ₱9.96 bilyon ngayong taon tungong ₱4.98 bilyon sa 2022. Madali na itong kompromiso para sa rehimen dahil may mas dambuhala ang badyet sa imprastraktura labas sa DA. Gayunpaman, pinapakita nitong maaari talagang kaltasan pa ang napakadambuhalang alokasyon ng mga imprastukturang pangtransportasyon para laanan ng sapat na pondo ang mga tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Sa kabilang banda, pinakamalaki pa rin ang nakalaan para sa palay/bigas na may kabuuang ₱25.63 bilyon (pinagsamang NRP at RCEF) o katumbas ng 36% ng kabuuang badyet ng DA.
6. Para matamasa ang halos lahat ng ayuda at suportang pang-agrikultura ng DA, kailangan ang rehistrasyon sa “hindi maaasahan” at manipis na RSBSA
Sa lahat ng programa ng DA, ang pagtanggap ng magsasaka sa halos lahat ng ayuda o subsidyo ay nakadepende kung nakarehistro ang magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA — kahit pa sinabi na ng COA mismo na hindi ito maaasahan (unreliable) bilang batayan dahil sa mga patong-patong na mga rehistro. Gayundin, sadyang manipis ang naaabot nitong bilang ng magsasaka dahil sa mga rekisitong titulo sa lupa o katibayan ng pagiging tenante mula sa may-ari ng lupa.
mula sa 2020 COA report
Kaya bagaman pinakamalaking bahagi ng badyet para sa palay/bigas ang nasa PSS o pamamahagi ng mga binhi, abono, at iba pang inputs, tiyak na milyon-milyong magsasaka ng palay ang hindi o mahihirapang makatamasa nito.
Dagdag pa, dito rin nagmula ang signipikanteng bahagi ng mga iregularidad sa pamamahagi ng ayuda ayon sa 2020 COA report. Kabilang dito ang P3.4 bilyong ayudang pinamahagi umano kahit wala o kulang ang mga dokumentasyon gaya ng mga listahan at katibayan ng pagtanggap ng mga benepisyaryo, at ang P251 milyong “sobrang” ayudang pinamahagi umano sa halos 62,000 di-kwalipikadong benepisyaryo at mahigit 14,000 doble o tripleng benepisyaryo.
*mula sa 2020 COA report
Katawa-tawa rin na may inilaan pang pabalat-bungang ₱10 milyong “Remedies Fund” para umano “sa proteksyon ng mga domestikong industriya at mga tagalikha mula sa pagtaas ng mga import” – sa gitna ng sunod-sunod na pagtutulak ni DA Sec William Dar ng mas malaking importasyon ng bigas, baboy, manok, isda, at asukal.
May nakalaan ding kakarampot na ₱1 bilyong Quick Response Fund ang DA. Tatlong ulit itong mas maliit kaysa ₱3.06 bilyong inilugi ng mga magsasaka dahil lang sa pagsabog ng bulkang Taal sa unang hati ng 2020.
7. Kakaltasan muli ang badyet para sa irigasyon, sa ikaapat sunod na taon
Ang badyet ng National Irrigation Authority (NIA) ay kinaltasan pa uli ng ₱200,000. Ikaapat na taong sunod-sunod na itong kinaltasan mula nang isabatas ang FISA o Free Irrigation Services Act noong 2018, sa kabila ng mahigpit na pangangailangang magtayo ng mga bago at libreng sistema ng irigasyon alinsunod sa naturang batas. May hindi bababa sa halos 1 milyon o 3 milyong ektaryang sakahang maaring patubigan ang wala pa ring patubig at bulnerable sa mga tagtuyot sa buong bansa.
2018 | 2019 | 2020 | 2021 | 2022 | |
NIA | 41,669,162 | 36,897,729 | 35,290,687 | 31,658,839 | 31,458,839 |
Pinakamalaki ang alokasyon ng NIA sa 2022 para sa Gitnang Luzon (₱5.5 bilyon), Cagayan Valley (₱3.8 bilyon), Ilocos (₱3 bilyon), at SOCCSKSARGEN (₱2 bilyon). Matatagpuan sa Gitnang Luzon ang 20 nakaplano/itinatayong dam na nagpapalayas sa mga magsasaka at pambansang minorya. Karugtong ng mga proyektong “smart cities” sa rehiyon, gaya ng New Clark City at Pampanga Megalopolis, nakaambang pakinabangan ng mga kumprador-panginoong maylupa ang mga bagong dam na ito bilang mapagkukunan ng kuryente.
Samantala, pinakamaliit naman ang alokasyon para sa CALABARZON (₱786 milyon), na isa ring sentro ng mga kumbersyon ng sakahan, at Bicol (₱786 milyon).
Kung pagbabatayan lang ang RSBSA o Census in Agriculture and Fisheries (CAF), dapat ay may hindi bababa sa 2,576,328 (o 98.26%) o 5,463,344 (98.21%) magsasaka sa mga sakahang pitong ektarya pababa ang nakikinabang sa FISA. Sa ilalim ng batas, hindi na dapat sinisingil ang mga magsasakang nagbubungkal ng walong ektarya pababa. Pero, sa ulat ng NIA sa pagtatapos ng 2020, may 1,271,371 magsasakang-benepisyaryo lang ang naaabot nito sa kabuuan.
Sa mismong proposed budget, lalabas na may kabuuang 2,347,597 ektarya ang pinagsamang saklaw ng mga National Irrigation System (1,425,031 ektarya) at mga Communal Irrigation System (922,560) – mas malaki ang lawak na ito nang 28,744 ektarya kaysa sa sinabing planong imentinang 2,318,853 ektaryang irigadong lupain batay sa President’s Budget Message.
8. Itataas ang badyet ng DAR dahil sa pinalobong pondo para sa World Bank SPLIT program
Pinakamalaki ang idaragdag na ₱4 bilyon sa badyet ng DAR sa 2022, mula sa ₱8.9 bilyon ngayong 2021 tungong ₱12.8 bilyon sa 2022, katumbas ng 45% pagtaas. Sa batayan, itinutulak ng World Bank ang SPLIT bilang bahagi ng neoliberal na patakaran sa reporma sa lupa.
Ang dagdag na ₱4 bilyon ay para sa programa ng DAR-World Bank na SPLIT (Support to Parcelization of Lands for Individual Titling) o paghahati-hati ng collective CLOAs (CCLOAs) tungo sa individual CLOAs. Bahagi na ito ng kabuuang ₱5 bilyong counterpart ng gobyerno sa ₱19 bilyong pautang ng World Bank. Sasaklawin nito ang 1.3 milyong ektarya at 1.1 milyong ARBs sa buong bansa mula 2020 hanggang 2024.
Gagawing gatasan ng DAR ang pondo ng SPLIT habang pinahihina ang pusisyon ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa lupa at ang panawagan ng mga mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.
Sinasabi ng DAR na para sa mas matatag na “security of tenure” at mas mataas na kita ng ARBs ang SPLIT. Ang totoo, itinuturing nitong problematiko ang CCLOAs dahil mahirap itong ipasok sa AVAs (Agriculture Venture Arrangements) kung may kahit iilang myembro ng mga ARBO (ARB Organization) ang tutol, hindi ito kwalipikado sa mga programang pautang ng gobyerno dahil hindi ito maaring gawing collateral, at hindi ito masingil ng amortisasyon at real property tax ng Landbank at mga lokal na gobyerno.
Dahil itinutulak naman ng DA ang “farm consolidation” bilang isa sa mga “pillars” nito, na sinusuportahan ng DAR sa ilalim ng “mega farms,” tiyak na muling ikokonsentra ang parcelized CLOAs sa mga AVAs at iba pang corporative schemes na siyang tatak ng huwad na CARP.
Tinutulak ang parselisasyon para itransporma ang CCLOAs bilang collateralizable assets para maipasok ang ARBs sa mga programang pautang ng gobyerno, para mas madaling ipasok ng mga dambuhalang negosyo ang maliliit na ARBs sa mga AVAs, at para masingil ng gobyerno ang ARBs ng amortisasyon at buwis sa lupa.
Hindi rin naman tinitiyak ng parselisasyon ng CCLOA o kahit ng individual titles ang mas mataas na produktibidad o kita ng ARBs at magsasaka. Sa kabilang banda, ang kolektibong pagsasaka ay napatunayan nang nakatatamasa ng economies of scale (o mga benepisyo sa produktibidad dulot ng laki ng operasyon), nakatutugon sa lokal na seguridad sa pagkain, at nagpapalakas sa boses ng mga magsasaka sa mga negosasyon.
Gayunpaman, hindi tayo tutol sa mga indibidwal na titulo sa lupa; katunayan, bahagi ito ng ating programa para sa tunay na reporma sa lupa. Pero hinihikayat at pinauunlad natin ang maliitan at hiwa-hiwalay na pagsasaka ng mga indibidwal na pamilya tungo sa kooperatibo at kolektibong pagsasaka. Taliwas sa mga layuning ito ang pagwawatak-watak sa mga nakatayo nang kolektiba ng magsasaka. Dagdag pa, hindi pa rin ganap na katiyakan ng karapatan ng magsasaka sa lupa ang CCLOA na nakabalangkas pa rin sa huwad na reporma sa lupang CARP.
Samantala, may nakalaan pa ring ₱6.7 milyon para sa kompensasyon ng mga landlord. Ang tila pagliit ng badyet para sa pagbabayad ng kompensasyon sa mga landlord ay tulak ng pagkapaso ng CARP noong 2014 (ie. pagtigil sa pag-saklaw ng mga bagong pribadong lupain para sa distribusyon) at pagsasawalambahala ng DAR sa mga pribadong lupaing agrikultural alinsunod sa EO 75 ni Duterte.
Pinagmamalaki ng DAR na libre o wala nang amortisasyon ang pamamahagi nito ng CLTs (Certificate of Land Transfer) sa Government Owned Lands (GOL) sa ilalim ng EO 75, pero tiyak na kasunod nito ang muling-pagtatali sa mga ARBs sa interes ng mga komprador-panginoongmaylupa sa ilalim ng mga AVAs at iba pang iskema.
Hindi pa rin malinaw kung magkano ang ilalaan ng DAR para sa NTF ELCAC gaya ng ₱411 milyon noong 2020.
9. Halos walang silbi ang NFA at PCIC sa sobrang liit ng mga pondo nito
Ang target na 368,421 MT palay procurement ng NFA para sa 2022, sa halagang ₱7 bilyon, ay walang halos silbi dahil sa sobrang liit. Katumbas lang ito ng 1.8% ng tinatayang 20.4 milyong MT kabuuang produksyon sa palay ngayong 2021, napakalayo sa 20% sanang standard para ma-impluwensyahan ang mga presyo nito sa merkado.
Ang P4.5 bilyon naman ng PCIC para sa 2,291,897 subsistence farmers na nakarehistro sa RSBSA ay katumbas lang ng ₱1,963 crop insurance kada benepisyaryo. Samantalang higit milyon-milyong maralitang magsasaka at manggagawang bukid pa ang hindi kasali sa bilang na 2.3 milyon. Noong 2020 lang ay dumanas ng pinagsamang ₱12.3 bilyong mga pagkalugi ang agrikultura dahil sa sunod-sunod na mga bagyo sa huling hati ng taon.
10. Kabilang sa mga pinakadehadong sektor ang mga mangingisda na wala halos nakalaan na pondo at nakuhang ayuda
Mula sa ₱4.8 bilyon ngayong 2021, bumaba sa ₱4.4 bilyon ang nakalaan na pondo para sa Bureau of Fisheries and Aquatic Reforms (BFAR) o kaltas na 7.8%. Habang nananawagan ng sapat at kagyat na suporta at ayuda ang mga mamamalakaya, itinutulak naman ng DA-BFAR ang higit pang importasyon ng isda at liberalisasyon ng pangisdaan sa pamamagitan ng pag-akit ng mga bagong pamumuhunan sa aquaculture.
Mahalaga ang aquaculture sa pagtiyak ng seguridad ng pagkain sa bansa subalit gaya ng padron na alam ng DA — importasyon ang sagot nito sa papaliit na bolyum ng huling isda at sa panahon ng closed fishing season. Gayundin, kahit sa mismong mga datos ng gobyerno, halos hindi nababanggit ang mga tulong at ayuda para sa mga mamamalakaya — patunay na kabilang sila sa pinakapinabayaan ng gobyerno sa panahon ng pandemya.
###