Sa pagsisimula ng 45-araw na pangangampanya ng mga kandidato sa lokal na pusisyon, nanawagan ang grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa publiko na maging mapanuri at mabusisi sa mga plataporma at rekord ng mga tumatakbong kandidato. Nasa 18,023 lokal na pusisyon ang paglalabanan sa darating na halalan.
“Alamin natin kung sino ang seryoso sa paglilingkod sa masa at kayang gumawa ng mga signipikanteng hakbang para masolusyunan ang problema ng kahirapan, kagutuman ng malawak na masa.”
“Tigilan na ang traditional at patronage politics. Tigilan na ang pagtrato sa mga halal na pusisyon sa gobyerno bilang negosyo. Kailangan ng mga tunay na lingkod bayan na mag-aangat sa kalagayan ng mga nasa laylayan,” ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.

Nabahala ang KMP sa impormasyon mula sa Comelec na 845 kandidato sa iba-ibang lokal na pusisyon ang uncontested o walang kalaban. Kabilang dito ang 39 walang kalaban sa congressional districts, 9 sa pagka gobernador, 45 pwesto sa Sangguniang Panlalawigan, 203 sa pagka-mayor at 254 sa pagka-vice mayor. May 284 namang pwesto sa pagkakonsehal ang walang kalaban. “Sa Pilipinas may tatlong panahon — tag-araw, tag-ulan at saka eleksyon. Pumili tayo ng mga kandidatong hindi tayo pahihirapan sa susunod na anim na taon.”
Pangunahin sa elektoral adyenda ng mga magsasaka ang tunay na reporma sa lupa at pagpapalakas sa lokal na agrikultura at produksyon ng pagkain. Ayon kay Ramos, kabilang ito sa criteria at pamantayan na titingnan ng mga magbubukid sa mga kandidato. #