IBABA ANG PRESYO NG PAGKAIN!

Palakasin ang lokal na produksyon, hindi importasyon!

Ginulantang tayo ng mala-gintong presyo ng pagkain, bilihin at mga yutilidad pagpasok ng 2023. Pumalo na nga sa 8.1% ang implasyon o bilis ng pagtaas ng mga presyo noong Disyembre 2022, samantalang mas mataas pa ang 10.3% na food inflation o pagtaas ng presyo ng pagkain at inumin. Ang mas mabilis at mas mataas na pag-akyat ng mga presyo lalo ng pagkain ay nagpapakita sa kapalpakan ng Department of Agriculture (DA) at gobyerno na bigyang solusyon ang dati nang malalang krisis sa pagkain.

Umabot pa nga sa nakakalulang hanggang P700 ang kada kilo ng sibuyas. Katumbas na ito ng presyo ng isang sakong palay. Higit na mataas pa ito kaysa sa arawang sahod ng isang manggagawa sa NCR. Hindi pa hinihiwa ang sibuyas, umiiyak na ang masang anakpawis.

Kung mag-aalsa lamang ang mga sibuyas!

Nakakapagtakang tumaas nang mahigit 1,000% ang presyo ng sibuyas — ginagamit na panggisa at pampalasa sa pagkain ng maraming Pilipino — samantalang noong Enero 2022 ay bagsak ang farmgate price, hindi maibenta at nabubulok lang ang sibuyas ng mga magsasaka.

Kahit pa inilatag na ng mga magsasaka, agriculture stakeholders at malawak na mamamayan ang punto-por-puntong dapat gawin ng DA at gobyernong Marcos Jr. para maiangat ang kalagayan ng buong sektor ng agrikultura at mga magsasaka, hindi ito pinansin man lang ng Pangulo. Sa halip, sinunod nito ang udyok ng economic managers at tulak ng mga tiwaling opisyal sa DA na mag-import, import, import bilang tugon daw sa mataas na presyo.

May sapat na suplay ng sibuyas sa bansa. Tumaas ng labis-labis ang presyo nito dahil hinayaan ng rehimeng Marcos Jr. na umiral ang kartel na may pakana sa hoarding, profiteering at manipulasyon sa presyo at suplay ng sibuyas. Dagdag pa rito ang lansakang ismagling ng sibuyas at iba pang gulay mula Tsina na pumapatay sa mga lokal na magsasaka.

Malawakang pandaraya sa masang konsyumer ang mataas na presyo ng sibuyas kahit pa nasa kasagsagan ng anihan. Labis-labis na tubo ang kinikita ng malalaking traders, importers, pati na mga smugglers dahil sa napakamahal na presyo ng sibuyas. Sila rin mismo ang nagkokontrol at nagmamanipula sa suplay at presyo ng sibuyas mula sa farmgate hanggang sa retail.

Binibili ng traders sa mas mababang presyo ang sibuyas mula sa onion growers, at saka nila i-iimbak sa cold storage na sila lang din ang mayroon. Ilalabas o ibebenta lang nila ang sibuyas sa panahon na mataas ang demand kung kailan higit na mataas ang presyo. Matagal nang ganito ang kalakaran at alam na alam ito ng DA.

Kung nabigyan sana ng gobyerno ng signipikanteng agricultural subsidies at iba pang suporta ang onion growers gaya ng akses sa mga palengke, libre at pampublikong cold storage facilities, atbp., naibsan sana ang pagsasamantala ng kartel sa sibuyas. Gayunpaman, mas mapagpasya sanang tinugis, hinuli, at pinarusahan ang mga kartel na pinagkakakitaan ang pagdurusa pareho ng mga magsasaka at mamimili. May tungkulin at kapangyarihan ang gobyerno na buwagin ang kartel na ito subalit tila ba hinahayaan lang sila.

Solusyon ng tamad ang importasyon ng 21,060 metriko toneladang sibuyas. Sa halip na epektibong price control at pagtatakda ng mandated price ceiling, pinapasok nito ang bolyum ng imported onions para umano makaimpluwensya sa presyo. Pero matagal na nating napatunayang hindi awtomatikong napapababa ng importasyon ang mga presyo. Ganito ang ipinangako noon ng rehimeng Duterte na nagpumilit isabatas ang Rice Liberalization Law na nagresulta sa lampas P200-bilyong pagkalugi ng mga magsasaka ng palay at habang nanatiling hindi abot-kaya ang presyo ng bigas. Bukod sa bigas at sibuyas, lansakan din ang importasyon ng asukal, isda, karneng baboy, gulay at iba pa. Napakataas na ng import dependency o pag-asa sa import para sa pagkain ng bansa.

Hindi tayo iiyak, lalaban tayo sa mataas na presyo at kainutilan ng gobyerno!

Patuloy ang panawagan natin na palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain. Mula ito sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pagtigil sa kumbersyon ng lupa lalo na ang mga lupaing nakalaan sa produksyon ng pagkain — bigas, mais, gulay, atbp., hanggang sa paglalaan ng sapat na pondo at agricultural subsidies para maayudahan ang masang magsasaka na matagal nang inilubog sa utang ng mataas na gastos sa pagsasaka at pamumuhay. Kailangan rin ng direct production support kabilang ang P10,000 cash aid at P15,000 production subsidies.

Malakas na ang panawagan na magbitiw na bilang DA secretary si Marcos Jr. Kailangan ng isang tunay na maka-magsasaka at maka-mamamayang pinuno ng Kagawaran ng Agrikultura. Walang silbi at walang nagawa si Marcos Jr sa DA at lumala pa ang krisis sa pagkain.

Presyo ng pagkain, ibaba! Kartel, buwagin!

Palakasin ang lokal na produksyon, hindi importasyon!

Subsidyo sa magsasaka, ibigay ngayon na!

MAKIISA SA PAGKILOS NGAYONG ENERO 16 SA DEPARTMENT OF AGRICULTURE!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s