Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na tuluyan nang isabatas ng Kongreso ang House Bill 1112 na nagdedeklara sa Enero 22 ng bawat taon bilang “Pambansang Araw ng mga Magsasaka” o “National Farmers Day”. Ang panukala ay inihain ng Makabayan Bloc sa Kongreso.
Ang January 22 bilang National Farmers Day ay magsisilbing pag-aalala sa mga magsasakang naging biktima at survivor ng Mendiola Massacre na naganap noong 1987 sa paanan ng Mendiola o Chino Roces Bridge sa Maynila. Ayon sa KMP, 36 taon na makalipas ang masaker, wala pa ring nakukuhang katarungan ang mga magsasaka.
Nitong Enero 2023, naaprubahang muli sa Committee on Revision of Laws ng Kongreso ang nasabing panukalang batas. Dati nang inaprubahan ng Mababang Kapulungan at naisumite sa Senado noong 2010 at 2020 ang panukala subalit hindi pa rin nagiging ganap na batas.
Matatandaan na nangyari ang malagim na Mendiola Massacre noong 1987 matapos pagbabarilin at paulanan ng bala ng mga Philippine Constabulary ang may 20,000 magsasaka mula sa Timog at Gitnang Luzon na nagmartsa mula sa Ministry of Agrarian Reform hanggang Mendiola para manawagan ng tunay na reporma sa lupa sa Presidente noon na si Corazon Aquino.




Matapos ang masaker, isinabatas ni Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Law bilang kapalit ng Presidential Decree 27 ni Ferdinand Marcos Sr. Subalit ayon sa mga magsasaka, bigo pa rin ang CARP na masolusyunan ang matagal nang usapin sa lupa ng mga magbubukid.
Ang mga naging martir sa Mendiola Masaker ay sina: Mga martir ng Mendiola Masaker sina Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez, at Roberto Yumul. ###