Reaksyon sa 8.7% January inflation rate

Patuloy lamang na tataas ang inflation rate sa bansa hangga’t hindi nabibigyang solusyon ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng pagkain. Ito ang reaksyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa 8.7% January inflation rate na inanusyo ngayong araw ng Philippine Statistics Authority. Ang panibagong pagsipa ng inflation ay mas mataas kaysa sa inaasahan ng gobyerno at record-high mula November 2008. Mas mataas pa ito kaysa sa 8.1% December inflation rate.

“Buwan-buwan lang aakyat ang inflation rate kung walang signipikanteng aksyon ang gobyerno para mapababa ang presyo ng mga pagkain at bilihin at mapataas naman ang purchasing power ng mga konsyumer. Ilang beses na rin nating nakita at napatunayan na hindi importasyon ang solusyon sa mataas na presyo,” ayon kay KMP lider Danilo Ramos.

Ayon sa KMP, may magagawa pa ang gobyernong Marcos Jr. kung pakikinggan lang nito ang panawagan ng taumbayan. “Dapat unahin ang pagwawalambisa sa Rice Tariffication Law at kapalit nito, isabatas ang Rice Industry Development Act o RIDA para mapalakas ang kakayanan ng mga magsasaka ng palay. Kung gagawin ito ng gobyerno, posible pang maabot ang ipinangako ni Pangulong Marcos Jr. na P20 kada kilo ng bigas. Sa kalagayan natin ngayon, mauuna pa yatang maging P20 ang bawat piraso ng itlog.” ayon kay Ramos. Umangat pa sa 10.7% ang food inflation nitong Enero mula sa 10.2% noong Disyembre.

Iginiit ng KMP na malaki ang pananagutan ng Department of Agriculture (DA) sa patuloy na tumataas ng presyo ng pagkain. “Dapat palakasin pareho ang production at consumption side para bumagal kahit papaano ang inflation rate.
Suporta at subsidyo sa produksyon ng mga magsasaka ang isang solusyon. Sa isang banda pa, kailangan ng nakabubuhay na sahod ng mga manggagawang may trabaho at sapat na ayuda at kabuhayan naman para sa mayorya ng mamamayan. Dito dapat ibuhos ang pondo ng gobyerno — sa ayuda at subsidyo — at hindi sa Maharlika Investment Fund,” dagdag pa ng lider magsasaka.

“Sana buksan ng mga taga NEDA ang kanilang mga mata at tainga para makita at marinig ang totoong kalagayan ng mga Pilipino. Walang silbi ang whole-of-government approach ng mga economic managers sa inflation kung wala itong magiging direktang epekto para mapagaan ang kalagayan ng naghihirap at nagugutom na mamamayan.” ###

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s