Sinabi ngayon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na walang mapapala ang ordinaryong masa at publiko sa nagaganap na maruming pulitikahan ng kampong Marcos-Arroyo-Duterte.

Kahapon, inalis bilang Senior Deputy Majority Leader si Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at ipinalit sa kanya si Rep. Aurelio “Dong” Gonzales. Nagbitiw naman ngayong araw si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte bilang kasapi ng Lakas-CMD.
Sinabi ni Arroyo na wala siyang interes na maging House Speaker samantalang nagpatutsada naman si Duterte sa aniya’y nagaganap na “political toxicity” at “execrable power play.” Isa-isa namang nagpahayag ng suporta ang mga taga Lakas-CMD, National Unity Party, at Nationalist People’s Coalition kina Pangulong Bongbong Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez.
“Nakakadismaya na halos kakaisang taon pa lang ng mga ito sa pwesto, nagkakapulitikahan na at parang nakatanaw na sa 2028 presidential elections. Nakakahiya naman sa sinasabi nilang 31 milyon na bumoto sa UniTeam,” ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos.
“Ang daming problema ng ating bayan. Ang daming iniinda ng mamamayan — mataas na presyo ng bilihin, ang taas ng singil ng tubig, kuryente, pamasahe, malala ang kagutuman at kahirapan, nariyan ang unli corruption, at iba pa. Ito dapat ang inaasikaso ng mga lider ng bansa sa halip na magkampihan at mag-agawan sa kapangyarihan.”
“Sa Hunyo 30, isang taon na sa poder si Marcos Jr. at 11 buwan na siya bilang DA secretary pero lumalala pa rin ang krisis sa pagkain at napakataas pa rin ng presyo ng bilihin. Sa 12-puntong Doables in the Agriculture Sector na iniharap namin kay Pangulong Marcos, mas marami ang hindi pa natutugunan,” dagdag pa ni Ramos.
“Hanggang ngayon nga, hindi pa rin dinidinig ng 19th Congress ang Genuine Agrarian Reform Bill at Rice Industry Development Act na kailangan para maibsan ang krisis sa pagkain.”
Sinabi ng KMP na dapat mas maging mapagbantay ng taumbayan sa mga kaganapan at palagiang igiit ang mga makatarungang panawagan ng masa lalo na ang pagbibigay ng sapat na ayuda, pagtataas ng sahod at pagbaba ng mga presyo. ####
Image from here. CTTO.