Ngayong araw ng ika-68 kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na wakasan na ang pagpapanggap ng Pangulo at Malakanyang sa harap ng malawak na katiwalian at kawalan ng pananagutan sa mga isyu ng multibilyong korapsyon. “Sa totoo lang, ang Office of the President ang makakatanggap ng pinakamalaking confidential and intelligence funds na P4.5 bilyon para sa 2026. “No happy birthday to the original Nepo baby, Bongbong Marcos,” ayon sa KMP.
Nasa P545 milyon halaga ng maanomalyang flood control projects ang inilista sa Sumbong sa Pangulo website pero mula 2022 hanggang 2025, nasa P1.2 trilyong piso ang inilaan ni Marcos Jr. sa flood control projects. Ayon sa KMP, kailangan imbestigahan lahat ng ito para malaman kung totoo ang mga ito o nalustay na ng mga pulitiko at contractors. Nanawagan din ang KMP na imbestigahan ang mga Farm-to-Market roads na hindi rin matapos-tapos kahit taun-taon pinopondohan ng multibilyon. Humihingi rin ng paliwanag ang KMP kung bakit umaabot na sa P14M hanggang P15 milyon ang kada kilometro ng Farm-to-Market roads.
Ipinunto pa ng grupo na dapat humanda si Marcos sa galit at pagkilos ng sambayanan sa darating na Setyembre 21, anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, kung saan nakatakdang ilunsad ang malawakan at pambansang kilos-protesta laban sa korapsyon, katiwalian, at bukukrata kapitalismo o paggamit ng kapangyarihan at pwesto sa gobyerno para magpayaman.
Dagdag pa ng KMP, magsisilbing paalala ang mga pagkilos na ito na hindi maaaring balewalain ang hinaing ng mamamayan, lalo na ng mga magsasaka na matagal nang nakararanas ng kawalan ng lupa, mababang presyo ng ani, at kawalan ng tunay na suporta mula sa gobyerno. ###
