US Troops Out Now! Imperyalismo at Korapsyon, Magkakabit Sa Kadena ng Pagpapahirap

Ngayong araw ay ang ika-34 na anibersaryo ng pagpapatalsik sa mga pangunahing base militar ng Estados Unidos. Ngunit kahit nawala ang mga permanenteng base, nanatiling napasailalim ang bansa sa impluwensiyang militar ng US sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement (1999) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (2014), na epektibong nagpanumbalik ng mga base militar sa bansa. Kaiba sinasabi ng gobyerno, ang presensya ng tropang US sa ating bayan ay hindi usapin ng “seguridad” o “disaster relief.” Ito’y tahasang pagpapakita ng imperyalistang kontrol: isang bakal na tanikala na ginagapos ang ating ekonomiya at pulitika sa dikta ng mga amerikanong amo. Sa tuwing dumarating ang kanilang barkong pandigma, sa tuwing nagsasagawa sila ng “military exercises” sa ating lupa, ipinapakita nilang sila ang tunay na gustong humawak ng kapangyarihan sa Pilipinas.

Ngunit ang imperyalistang paghahari ay hindi namumuhay nang mag-isa. Pinapakain at pinatitibay nito ang lokal na korap na naghaharing uri. Ang kasalukuyang eskandalo sa mga flood control projects ay hindi hiwalay na pangyayari: ito’y likas na bunga ng sistemang nagkakaltas ng bilyun-bilyong pondo para sa mga inutil, palpak, o kathang-isip na proyekto, habang ang mga magsasaka at maralita ay nalulunod sa tubig at pagkakautang. Ang korapsyon ay hindi lamang kabiguan ng pamamahala; ito mismo ang mekanismong bumubuhay sa mga naghaharing uri maging sa imperyalistang paghahari.

Paanong nangyayari ito? Sapagkat itinataguyod ng US ang isang uring komprador na handang ipagpalit ang soberanya para sa tubo. Pinapataba ng rehimen ni Marcos Jr. ang sariling bulsa at ng kanyang mga kroni sa pamamagitan ng sobrang mahal at palyadong kontrata, habang kumikita naman ang mga lokal at dayuhang kontraktor, konsultant, at mga pandaigdigang bangko tulad ng IMF-WB. Ang bunga: winasak na sakahan sa Bulacan, Bicol, Negros, at kahit mga pailan-ilang ulan ay magreresulta sa mga malalang pagbaha lalo na sa mga sakahan.

Kaya’t ang sigaw na “US Troops Out Now!” ay hindi maihihiwalay sa panawagang wakasan ang korapsyon. Upang tapusin ang pangungurakot, kailangang harapin ang ugat nito: imperyalistang pandarambong at dominasyon. Upang maputol ang siklo ng mga huwad na proyekto at walang katapusang krisis, dapat putulin ang tanikalang nagdudugtong sa atin sa kapangyarihang militar, politikal, sosyal, at ekonomiko ng US.

Bawat dolyar na pumapondo sa makina ng digma ng US dito ay katumbas ng pisong ninanakaw mula sa irigasyon ng mga magsasaka, sa sahod ng mga manggagawang bukid, at sa tunay na paghahanda laban sa kalamidad na primaryang sinasalag ng uring magbubukid. Bawat kurap na kontratang pinapasa sa ilalim ng dikta ng imperyalismo ay isa na namang pako sa kabaong ng ating soberanya.

Ipinakita ng baha ang malinaw na larawan: ang mamamayan ay iniiwang malunod, habang ligtas na lumulutang sa ibabaw ng delubyo ang mga kurakot at kanilang mga imperyalistang amo. Kaya ang ating tugon: bahain ng protesta ang mga lansangan!

US Troops Out Now! Wakasan ang imperyalistang pandarambong! Panagutin ang mga kurakot

Leave a comment