Piket-Protesta at Street Conference
sa paggunita ng Ika-38 Anibersaryo ng CARP

Department of Agrarian Reform Central Office, Quezon City

Hunyo 10, 2026

9:00 AM
Sa ika-38 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), muling kikilos ang mga magsasaka at mamamayan sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) upang ilantad ang kabiguan ng programa sa paglutas sa ugat ng kawalan ng lupa at kahirapan sa kanayunan, at pagtindi ng imperyalistang pangangamkam na ginagawang tungtungan ito.
Sa kabila ng halos apat na dekadang implementasyon at paggastos ng bilyun-bilyong piso, nananatiling malaganap ang kawalan ng lupa sa hanay ng mga magsasaka. Ayon mismo sa datos ng gobyerno, pito sa bawat sampung sakahan sa bansa ay hindi buong pag-aari ng mismong nagbubungkal. Samantala, libu-libong ektaryang lupa ang nananatiling hindi naipapamahagi, habang marami sa mga lupang saklaw na diumano ng repormang agraryo ay muling napupunta sa kontrol ng iilan.
Higit pa rito, ginagamit ngayon ang mga programang nakasandig sa CARP upang pabilisin ang liberalisasyon ng lupa at pagbubukas nito sa dayuhang kapital. Sa ilalim ng mga programang gaya ng Support to Parcellization of Land for Individual Titling (SPLIT) at New Agrarian Emancipation Act (NAEA), lalong pinadadali ang pagbili at muling konsentrasyon ng mga lupang ipinamahagi sa kamay ng malalaking korporasyon at panginoong maylupa.
Kasabay nito ang pagpapatupad ng 99 Years Land Lease Act, na pinalalawig ang kontrol ng dayuhan sa lupaing pilipino. Sa kauna-unahang beses din, ginamit itong batayan sa pagpasok ng Pilipinas sa inisyatibang Pax Silica at sa pagpapatupad ng Luzon Economic Corridor, na itinutulak bilang sentro ng mga industriyang may kinalaman sa semiconductors, AI, kritikal na mineral, at iba pang pandaigdigang supply chain. Sa ngalan ng “economic security” at dayuhang pamumuhunan, nanganganib na ilaan ang malalawak na lupain para sa mga proyektong nagsisilbi sa interes ng mga dayuhang korporasyon at kapangyarihan, habang patuloy na isinasantabi ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa at ang pangangailangan ng bansa para sa tunay na pambansang industriyalisasyon at seguridad sa pagkain.
Panahon nang wakasan ang huwad at maka-dayuhang mga programa sa lupa. Panahon nang itulak ang tunay na reporma sa lupa na magwawasak sa monopolyo ng lupa, magbibigay ng libreng pamamahagi nito sa mga nagbubungkal, at magsisilbi sa pagpapaunlad ng pambansang agrikultura, lokal na industriya, at nagsasariling ekonomiya.
Inaanyayahan ang lahat ng magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan at iba pang sektor na makiisa sa piket-protesta at street conference upang ilantad ang kapalpakan ng CARP at tutulan ang tumitinding pagbebenta ng kalupaan ng bansa sa dayuhan.
Marcos Jr., bentador ng lupa!
Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!
