Higit isang dekada nang nakabinbin sa Kongreso ang GARB na ang layunin ay libreng pamamahagi ng lupa. Buo ang pagsuporta ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), mga magsasaka, manggagawang bukid at mamamayan sa kanayunan sa House Bill 239 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Ang panawagan ng mga magbubukid sa Kongreso at sa gobyernong Rodrigo Roa Duterte — kailangan na ng bagong batas sa reporma sa lupa na makatutulong sa paglutas ng ilang daan-taong kahirapan at kawalan ng lupa ng mga magbubukid.
Kailangan ng bagong batas sa reporma sa lupa na hindi pagpapalawig o pagtutuloy lang ng peke at palpak na balangkas ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP.
Ang kailangan at malaon nang ipinapanawagan ng mga magsasaka sa buong bansa ay isang batas sa reporma sa lupa na tunay na tutugon sa usapin ng kawalan at kakulangan sa lupang sinasaka ng mga magbubukid. Pangunahin na dito ang panawagan para sa libreng pamamahagi ng lupa.
Kailangang wakasan na ang monopolyo sa lupa ng iilan, mabuwag ang mga malalaking hacienda at landholdings at mamaksima nang lubos ang lupa para tugunan ang mga pangangailangan ng sambayanan.
Mahigit anim (6) taon na mula nang magtapos ang Land Acquisition and Distribution (LAD) ng huwad na CARP. Nakatambak pa rin ang masasalimuot na problemang inianak ng CARP at ng pagpapatupad nito. Hanggang ngayon, marami pa ang nakabinbin na kaso sa Department of Agrarian Reform (DAR) kahit sinasabi ng ahensya na naabot na nila ang zero-backlog sa resolusyon ng mga kaso.
Labing tatlong (13) taon na mula nang unang ipanukala sa Kongreso noong 2007 ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Sentral na layunin nito ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magbubukid at sa lahat ng nagnanais at may kakayahang magbungkal ng lupa.
Sa mga nagdaang pagdinig ng Kongreso sa GARB, nailatag na ang matitibay na batayan at pusisyon kung bakit mahigpit ang pangangailangan sa pagsasabatas ng GARB. Umani na rin ito ng malawak at buong suporta mula sa mga magsasaka sa buong bansa, mga organisasyon ng mga magbubukid, gayundin mula sa mga tagapagtaguyod ng repormang agraryo.
Narito ang mga tampok na batayan kung bakit dapat isabatas ang GARB:
- Mahigit isang daang taon nang ipinaglalaban ng mga magsasaka ang karapatan sa lupa. Ang pinakawastong pagbibigay ng panlipunang katarungan para sa masang magbubukid – mga magsasaka at manggagawang bukid ay sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang pambansa demokratikong interes para sa tunay na reporma sa lupa.
- Nasa kanayunan ang mayorya ng populasyon — pinakamalaking hukbo ng wala at o kulang ang trabaho at kabuhayan. Ang kawalan ng lupa ay isa sa pangunahing dahilan ng kahirapan at kagutuman sa bansa. Ang mga magsasakang lansakang napapalayas sa lupa ay lumilikas upang maghanap ng kabuhayan at nagiging bahagi ng mga maralita lunsod.
- Kailangan ng mga substansyal na pagbabago sa mga patakarang pang-ekonomya at mga repormang sosyo-ekonomiko na magtataguyod sa interes ng nakararami, makapagpapaunlad sa buong agrikultura at ekonomya at hindi para sa interes ng iilan at dayuhan.
- Sa pamamagitan ng libreng pamamahagi ng lupa, epektibong mapapakawalan ang lakas ng mga magbubukid bilang pangunahing produktibong pwersa ng lipunan sa pagpapaunlad ng agrikultura at ng kanayunan bilang batayan sa pag-unlad ng buong ekonomya.
- Kinakailangan kapwa ang tunay na reporma sa lupa bilang batayang salik at ang pambansang industriyalisasyon bilang pangunahing salik para sa tunay at tuloy-tuloy na pag-unlad ng ekonomya.
- Mapapalaya ng tunay na reporma sa lupa ang mga magsasaka mula sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala, Mapapasakamay ng mga magsasaka ang produkto ng kanilang lakas-paggawa sa pagsasaka at maitatransporma ang kanayunan bilang malawak na merkado ng mga yaring produkto ng industriya.
- Kailangan ang tunay na reporma para sa pagpupundar ng pambansang industriyalisasyon. Kapag may tiyak na pagkukunan ng hilaw na materyales ang mga industriya, magtutuluy-tuloy ang pagyabong nito na siyang makakalikha ng maraming trabaho para sa mga manggagawa at mamamayan.
- Esensyal din ang tunay na reporma sa lupa sa pagseguro sa katiyakan at kasapatan sa pagkain para sa buong bayan. Sa tunay na reporma sa lupa rin matitiyak na ang paggamit ng lupa ay naayon sa pangangailangan ng mamamayan at hindi sa pakinabang ng mga panginoong maylupa, mga dambuhalang negosyo, plantasyon na matagal nang nagpasasa sa lupa at likas na yaman ng bansa.
Patuloy na igigiit ng mga magbubukid ang pagsasabatas ng GARB sa balangkas ng tuloy-tuloy na pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. ###