[Kilusang Magbubukid ng Bikol] Pahayag ng Paninindigan para sa Pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill (HB 239)

Kaming mga magsasaka sa Bicol ay mahabang panahon nang nakikibaka at nananawagan ng Tunay na Reporma sa Lupa — ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nakatali pa rin kami sa tanikala ng kawalan at kakulangan ng lupang binubungkal.

Sa panukalang Genuine Agrarian Reform Bill o GARB – HB239 ng BAYAN MUNA Partylist ay umaasa kami na ito ay maisabatas sa kagyat nang sa gayon ay maging daan para sa pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa sa ating bansa at libreng maipamahagi ang lupa na matagal ng hangarin naming magsasaka.

Naniniwala kami na ang pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa kaakibat ang suportang serbisyo ng gobyerno para sa produksyon ay ang tunay na mag-aahon sa aming kahirapan. Gayundin, ito rin ang magiging tungtungan sa tunay na pagpapaunlad ng ating bansa. Kung maunlad ang agrikultura, tutungo ito sa pagpapaunlad ng industriya.

Sa Bicol, 9 sa 10 magbubukid ang walang sariling lupa. Sa populasyon nito na 5,796,989 ang 75% nito ay mga magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda. Ang mga magsasaka dito ay nananatiling kasama (tenant), katiwala at upahang magsasaka.

Kontrolado pa rin ng mga Panginoong Maylupa at mga malalaking dayuhan at lokal na negosyante at developer ang malalawak na lupain. Ang ilan namang nareporma na sa lupa ay wala pa ring kasiguruhan sa pagiging may-ari. Walang titulo hanggang sa kasalukuyan ang mga benepisyaryo, muling nabawi o binabawi hanggang sa kasalukuyan, kinakasuhan ng samu’t saring kasong kriminal para lang mapalayas.

Malawakan at mabilisan ang mga Land Use Conversion (LUC) sa mga produktibo at agrikulturang lupain tungo sa komersyal, residensyal at eko-turismong gamit kasama na rito ang mga baybaying dagat. Sa ilalim ng Build Build Build na programa ng rehimeng Duterte tulad ng paliparan, eko-turismo, port, real estate, economic zones, kalsada at riles ay nagbubunsod ng pangangamkam ng lupa at sumasagasa sa kabuhayan ng masang magsasaka.

Ito ay nagbubunsod ng lalong kawalan ng lupa ng mga magsasaka at pagkasadlak sa matinding kahirapan. Bunga nito ay ang kawalan ng oportunidad ng mga pamilya ng magsasaka sa mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan, edukasyon, kalusugan at iba pang pangunahing pangangailangan para mabuhay ng maayos at disente.

Sa kabila ng ganitong kalagayan ay malaki ang ambag ng sektor ng agrikultura sa ekonomiya ng rehiyon at sa bansa sa pangkalahatan. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na niyog ang pangunahing produkto ng Bicol at ito ay napakahalagang produkto ng ating bansa. Gayundin, malaki ang ambag ng pangisdaan ng Bicol sa usapin ng isda at ang abaka na isa ang Bicol na pinanggagalingan nito.

Ang kalunos-lunos ay hindi ang magsasaka ang nakikinabang sa mga kita sa mga produktong ito kundi ang mga Panginoong Maylupa at malalaking negosyante dahil sa kontrol sa lupa, makinarya at kapital.

Kung kaya, kaming magsasaka sa Bicol sa pamumuno ng KMB-KMP ay itinataguyod at sinusuportahan namin ang panukalang Genuine Agrarian Reform Bill o GARB (HB239) ng BAYAN MUNA Partylist.

Sa kabilang banda, ang panukalang HB5507 – CARP Phase 2 ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamamagitan ng isang Representante sa Bataan ay isa na namang panlilinlang sa mga magsasaka. Hindi ito libre. Bagkus ay agaran ang kompensasyon sa Panginoong Maylupa at amortisasyon naman sa mga magsasakang benepisaryo. Mauulit lang ang naging masaklap na karanasan sa unang implementasyon ng CARP at sa naging ekstensyon nito na CARPer.

Nananawagan kami sa lahat ng Representante ng Kongreso lalo na ang mga nagmula sa rehiyong Bicol na manindigan sa aming kahilingang: Ipatupad ang Tunay na Reporma sa Lupa at Libreng Pamamahagi nito Ngayon Na! Nananawagan kami na suportahan at aprubahan sa kagyat ang pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill – HB239.

Ang Lupa ang Buhay ng mga magsasaka. Kung ang Santo Papa (#7 Pontifical Commission on Justice and Peace) ay nananawagan na libreng ipamahagi ang lupa—maging gabay rin sana ito ng mga nasa katungkulan sa gobyerno at makiisa sa panawagan naming magsasaka na lumilikha ng pagkain ng sambayanang Pilipino.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s