KMP: Araw ng mga Manggagawa, ginawang Araw ng Panunupil ng  gobyerno

Militaristang ECQ ginagamit para dahasin ang gutom na mamamayan

Malakas na kinokondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang sunud-sunod na pag-aresto ngayong Araw ng Paggawa na bahagi ng militaristang lockdown o pinaigting na Enhanced Community Quarantine na ipinatutupad ng gobyerno.  

Kaninang umaga, hinuli sa Marikina City ang 10 volunteers ng Bayanihang Marikenyo Marikenya at CURE Covid na nagsasagawa ng feeding program sa mga kabataan.

Kasunod nito, sa Jaro, Iloilo, hinuli rin ang 40 aktibista na magsasagawa sana ng pagkondena sa extrajudicial killing  kay Bayan Muna coordinator Jory Porquia na brutal na pinaslang kahapon ng madaling araw sa Iloilo. Kasama sa mga hinuli ang isang pari, si Fr. Marco Sulayao at ang lider ng BAYAN Panay na si Elmer Forro.

Kaninang umaga rin, pinagbantaan na susugurin ng kapulisan ang mga magsasaka sa Lupang Ramos sa Dasmarinas, Cavite. Patuloy din na binabantayan ng pulisya ang mga magsasaka sa nasabing lugar. 

Ngayong tanghali naman, malisyosong iprinisinta ng PNP-Regional Office-IV ang mga inaresto nilang manggagawa ng Coca-Cola sa Sta. Rosa, Laguna bilang mga nagsurender daw na kasapi ng New People’s Army. Kahapon ng alas-dos ng hapon, sapilitang isinama ng pulisya ang mga manggagawa ng Coke at dinala sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City para sa isang programa ngayong araw. 

May mga hinuli ring tricycle drivers sa Rodriguez, Rizal kanina na nagreklamo dahil sa kawalan ng ayuda. 

Pinigilan at hinarass naman mga nakabantay na pulis sa checkpoint ang mga volunteers ng ACT for People’s Health na magbibigay sana ng pagkain at face masks sa mga drivers, construction workers at vendors sa kahabaan ng Visayas Avenue sa Quezon City. 

“Nanawagan kami na pakawalan na agad ang mga inaresto ngayong Mayo Uno. Walang respeto at bastos sa uring manggagawa ang rehimeng ito, laluna ang berdugong pulis na walang ginawa kundi ilegal na mang-aresto ng mamamayan. Mass testing para sa COVID19 at hindi mass arrest ang dapat na ginagawa ng gobyerno. Hindi ang mahihirap ang kalaban kundi ang virus. Pero ang pinupuruhan ng atake ay mga tumutulong at naghahananap ng ayuda,” ayon kay KMP chair emeritus at Anakpawis Partylist President Rafael Mariano. 

Ayon pa kay Mariano, hindi Martial Law o militaristang lockdown ang solusyon para mapigilan ang pagkalat ng COVID19. “Lalo lang mauubos ang pasensya at pag-unawa ng taumbayan dahil sa ginagawang panunupil at paglabag sa karapatang pantao nitong gobyerno.” 

Nakikiisa ang KMP sa mga isinasagawang offline at online protest sa buong Pilipinas ngayong Labor Day na malakas na nanawagan ng makataong tugon sa pandemya lalo na ang kagyat na sosyo-ekonomikong ayuda para mga manggagawa, magsasaka at mamamayan, proteksyon sa mga frontline health workers at mass testing at pagpapagamot sa mga nagkakasakit para masugpo ang COVID19. ###

Reference: Rafael Mariano, 0998-2898052

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s