Ngayong pandaigdigang Araw ng Manggagawa, sisingilin ng mga manggagawa sa agrikultura ang Rehimeng US-Duterte sa pangbubusabos sa masang anakpawis na ngayon ay nagdurusa mula sa kapabayaan at militaristang pagtugon nito sa pandemnya ng Covid-19. Mula sa hindi kaagarang pagpapatupad ng travel ban sa Tsina hanggang sa mabagal at kakarampot na ayuda sa mamamayan matapos ipataw ang di-makatao at pasistang lockdown, tiyak na magbabayad ang inutil, taksil at pasistang si Duterte!
AYUDA SA MGA MANGGAGAWANG AGRIKULTURAL, NGAYON NA!
Hindi ibig sabihing hinayaang magpatuloy ang mga trabaho sa agrikultura ay hindi na apektado ng lockdown ang mga manggagawa nito. Merong mga tapasero ng tubo na tumigil sa pagtatrabaho dahil ayaw silang papasukin sa mga barangay kung saan kailangan nilang mag-ani. May ilang linggo ding tumigil ang mga ilohan dahil sa lockdown kaya apektado ang mga manggagawa pati na ang mga nasa bukid tulad sa Bukidnon Sugar Milling Company at Crystal Sugar na nagsara nang 2 linggo kung saan 100,000 manggagawang agrikultural kaagad ang apektado. Tigil trabaho din sa tubuhan ng Medellin, Cebu dahil sa lockdown.
Nawalan man sila ng trabaho o nabawasan ang napakababa nang kita dahil sa lockdown ay hindi naman sila isinasama sa cash assistance ng gobyerno. Marami sa kanila ay hindi myembro ng 4Ps at hindi naman lahat ng pamilya ay sinaklaw ng Social Amelioriation tulad ng ipinagmayabang ni House Speaker Alan Cayetano. Hindi rin sila isinama sa P5,000 cash assistance ng DOLE at wala rin silang nahita sa TUPAD na 4-10 katao lang ang binigyan ng trabaho sa piling barangay. Kung may matanggap man na relief ay 2 o 3 beses lamang at hindi pa sasapat sa pang-dalawang araw na pagkain.
Mas masahol ang kalagayan ng mga sacada o migrant workers sa tubuhan na hindi na makapagtrabaho at hindi narin makauwi dahil sa lockdown. Hindi sila sinasama sa pamamahagi ng relief o cash assistance sa barangay dahil hindi daw sila taga-doon. Kaya naman napipilitan silang manglimos o kaya ay mangutang sa kanilang employer.
SEGURIDAD SA SAHOD, TRABAHO AT BENEPISYO, IPATUPAD!
Dahil kailangang ipatupad ang “physical distancing”, binabawasan ang araw ng paggawa ng mga manggagawang agrikultural. Ginawang 3 araw na lamang imbis na 6 ang araw ng paggawa sa mga plantasyon ng saging sa Soriano Farm at Lapanday sa Agusan del Sur. “No work, no pay” ang mga manggagawa kaya mas lalong nababaon sa utang at matinding kahirapan. Sa Lopez Sugar Mill sa Sagay, Negros Occidental, 75% na lang ng kanilang manggagawa ang pinapapasok sa trabaho kada 2 linggo. Dahil may unyon, nagawaing igiit na 75% ng basic salary nila ang matatanggap parin kapag hindi pumapasok habang may dagdag na relief package mula sa unyon para punuan ang kulang na sahod.
Marami rin ang nangangambang unang tatanggalin sa trabaho kapag nagbawas ng operasyon ang kanilang pinagtatrabahuan lalo pa at maraming manggagawa sa mga ilohan at plantasyon na kontraktwal kahit pa ilang dekada na silang nagtatrabaho dito.
KALUSUGAN AT LIGTAS NA KONDISYON SA PAGGAWA, IPAGLABAN!
Mabigat na nga ang trabaho sa mga plantasyon, hindi pa sumasapat ang sahod ng mga manggagawang agrikultural para makabili ng sapat at masustansyang pagkain para sa kanilang mga pamilya. Lantad din sila sa mga nakakalasong kemikal na ginagamit sa mga plantasyon ng saging at pinya. Kadalasan ay wala silang sapat o de-kalidad na mga Personal Protective Equipment at kung magkakaroon man sila nito ay ibabawas pa ito sa kanilang sweldo. Lahat nang ito ay nagpapahina sa kanilang resistensya para labanan ang mga sakit na maaaring dulot ng Covid-19.
Kapag nagkasakit ay napakalayo ng mga ospital na mas mahirap puntahan ngayon dahil sa kawalan ng pampublikong transportasyon. Hindi rin sila nakakatanggap ng tulong medikal mula sa kanilang amo o kompanya kaya kailangan nila itong tustusan mula sa kanilang kakarampot na sahod. Kailan lang sa Batangas ay may manggagawang bukid na namatay mula sa asthma attack matapos tanggihan ng ospital sa pag-aakalang kaso ito ng Covid-19.
DUTERTE PATALSIKIN! ITAGUYOD ANG KARAPATANG PANTAO!
Hindi nag-aksaya ng panahon si Duterte na gamitin ang krisis para palakasin ang kanyang kapangyarihan at ikonsentra ito sa paghingi niya ng emergency power. Imbis na magpatupad ng malawakang testing, contact tracing at treatment, inatupag ng militaristang administrasyon ni Duterte ang paghuli ng mga taong napilitang lumabag sa quarantine para humihingi ng ayuda o maghanapbuhay; pagdakip sa mga relief volunteers ng Sagip Kanayunan, Tulong Anakpawis kahit pa may lehitimong food pass; pagbobomba at pagsasagawa ng operasyong militar sa mga komunidad; at pagpatay sa mga lider at aktibista na tinaguriang kritiko ng gobyerno. Kahapon lang walang habas na pinaslang si Jory Porquia, Bayan Muna coordinator ng Iloilo City.
Samu’t saring paglabag ng kaparatang pantao ang dinanas ng mga mamamayan. Ginamit ang lockdown para mang-harass at mang-interrogate ng mga pinaghihinalaang supporter ng NPA. Sa Abra, kahit ang mg manggagawang bukid ay hindi na makapunta sa kanilang sakahan dahil sa pananakot at panunutok ng baril ng mga sundalo.
Nilantad ng krisis pangkalusugan na ito ang sagadsagring kabulukan, korupsyon at kahungkagan ng administrasyon ni Duterte kaya naman noong Abril 1 ay nag-trending ang panawagang #OustDuterte sa Internet. Mas lalo pang tumitindi ang disgusto at galit ng mamamayan kay Duterte matapos niyang magbanta ng hayagang Martial Law sa buong bansa.
TUNAY NA REPORMA SA LUPA AT PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON MGA PANGMATAGALANG SOLUSYON SA KRISIS SA KALUSUGAN AT EKONOMIYA
Sariling lupang mabubungkal at suportang serbisyo parin ang pangmatagalang kahilingan ng mga manggagawa sa agrikultura. Katawa-tawa na gustong ipatupad ng gobyerno ang programang Balik-Probinsya matapos nitong agawan ng lupa ang mga magsasaka at manggagawang bukid. Matapos pagkaitan ng suportang serbisyo sa pagsasaka, inaasahan ng gobyerno na basta na lamang iiwan ng mga maralitang taga-lunsod ang kanilang kabuhayan at komunidad para bumalik sa mga probinsiyang napilitan din naman silang iwan dahil sa tindi ng kahirapan at kawalan ng hanapbuhay.
Tunay na reporma sa lupa parin ang sasagot sa ugat ng kahirapan ng mga Pilipino at reresolba sa krisis sa pagkain na malaki ang kaugnayan sa ating kalusugan. Ngunit hindi ito magiging matagumpay kung walang pambansang industriyalisasyon na tutuon sa paglikha ng mga industriya na tunay na kapaki-pakinabang sa sarili nitong mamamayan lalo pa at mas tumitindi ang pangangailangan para sa kagamitang pang-medisina at gamot.
Ngayong Araw ng Manggagawa, kailangang mas patibayin ang alyansa ng mga magsasaka at manggagawa para lubusang wasakin ang tanikala ng pagsasamantala at pang-aapi. Napapahon nang baguhin ang bulok na kapitalistang sistema at wakasan ang mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunang patuloy na nagpapahirap sa mamamayan. Wala nang ibang panahon para gawin ito kundi ngayon na!
Mabuhay ang uring manggagawa! Mabuhay ang hukbong mapagpalaya!
Oust Duterte Now!
Solusyong Medikal, Hindi Militaristang Lockdown!
Kalusugan, Kabuhayan, Karapatan, Ipaglaban!
Sugpuin ang COVID-19! Singilin si Duterte!
Kumilos sa Mayo Uno!