Noong Abril 16, desperadong ipinanawagan ni William Dar, ang kalihim nga Department of Agriculture, na itransporma ang mga tiwangwang na lupang ninuno ng mga katutubo upang gawing food production areas. Ipanangangalandakan ng kalihim na maglalaan ito ng pondo upang itransporma ang mga lupang ninuno patungo sa vegetable at high-value crop farms. Ito daw ay para tulungang pataasin ang suplay sa pagkain ng bansa sa harap ng pandemyang Covid-19. Dagdag ng kalihim na dagdag kita ito para sa mga katutubo.
Sa datos ng NCIP, nasa 7.7 milyong hektarya o 26 porsyento ng kabuuang 30 milyong hektarya ng bansa ang sakop ng lupang ninuno ng mga katutubo.
Isang desperadong hakbang ng departamento ang usapin nang pagbaling nito sa lupang ninuno upang sagutin ang problema sa suplay sa pagkain sa bansa dulot ng mga neoliberal na polisiya na pinaiiral nito.
Ginagamit lamang ng DA ang usapin ng pandemya at programa nito upang bigyang-daan ang tuluyang pag-agaw sa mga dinarambong nang mga lupang katutubo sa bansa para minahin at gawing plantasyon ng mga korporasyon.
Isa ring insulto sa mga katutubo ang sabihin ni Dar na tiwangwang ang mga ancestral lands ng mga katutubo. Daang taon nang pinapaunlad at pinangangalagan ng mga katutubo ang lupang ninuno dahil ito ang pinagkakunan nila ng pagkain at kita. Nasasagkaan lamang ang produksyon ng mga katutubo dahil sa pagpalayas sa kanila sa kanilang mga komunidad at lupain dulot ng militarisasyon at pandarambong gaya ng pagmimina. Hindi na kailangan ni Dar na pagsabihan ang mga katutubong magtanim dahil ito na ang kanilang ginagawa. Nagpapakita lamang ito na walang alam si Dar sa kultura ng mga katutubo.
Ginagamit lamang ng DA ang usapin ng pandemya at programa nito upang bigyang-daan ang tuluyang pag-agaw sa mga dinarambong nang mga lupang katutubo sa bansa para minahin at gawing plantasyon ng mga korporasyon.
Ang kakulangan ng suplay sa pagkain sa bansa ay masisisi natin sa deka-dekadang pagyakap ng bansa sa mga neoliberal na patakaran at pagpapabaya ng gobyerno sa sektor ng agrikultura.
Matatandaang noong 1996 ay pumasok ang gubyerno sa Agreement on Agriculture (AoA) bilang kasapi ng World Trade Organisation (WTO). Nagresulta ito sa pagbagsak ng presyo ng lokal na produktong agrikultural ng bansa gaya ng palay, mais, bawang, sibuyas, at karne ng baboy at manok. Mas lumala ito nang isabatas ni Duterte ang RA 11203 o ang Rice Liberalization Law (RLL) noong 2019. Dahil sa RLL, bumaba ang presyo ng palay at naapektuhan ang kabuhayan ng 2 milyong magsasaka. Ang RLL nagdulot ng PHP85 bilyones na pagkalugi sa industriya ng palay sa loob lamang ng isang taon. Ang mas malala pa, iniasa natin ang kaseguruhan sa pagkain ng Pilipinas sa produksyon ng ibang bansa.
Nakakatawa pa na iniaasa ni Dar sa mga lupang katutubo ang produksyon sa pagkain habang malawak ang agrikultural na lupain ang hindi namamaksimisa kagaya ng mga hacienda. Wala ring kongkretong tugon o suporta ang departamento sa mga magsasaka kung paano mapataas ang produksyon. Hindi din lang ipananawagan ni Dar ang pagpapatigil ng kumbersyon sa malalawak na lupaing agrikultural para gawing pabahay.
Kung usapin ng kaseguruhan sa suplay ng pagkain ng bansa ang habol ng DA, dapat itong manawagan na ibasura ang mga neoliberal na polisiya sa agrikultura kagaya nang Rice Liberalization Law. Dapat din nitong ipatigil ang pagpapalit-gamit sa malalawak na lupang agricultural at bigyan nang karampatang suporta ang mga magsasaka upang mapaunlad ang produksyon ng pagkain.
Dapat na suportahan ang mga katutubo sa pagpapaunlad ng kanilang produksyon na may pagsalang-alang sa kultura ng mga pamayanang katutubo. Protektahan din ang mga lupang ninuno mula sa pandarambong kagaya ng pagmimina at mga plantasyon.
At sa muli’t muli na, ipinapanawagan ng mga magsasaka at katutubo ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa upang mapaunlad at maitaas ang kapasidad ng bansa sa produksyon ng pagkain.#