Palakasin ang Produksyon, Hindi Importasyon

Position Paper for the Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform. Sent for the Virtual Senate Hearing on Alarming Increases in the Prices of Pork, Fish and Vegetables.

Nagpapahayag ang mga magsasaka, kababaihang magbubukid, mangingisda, manggagawa sa agrikulutura, masang anakpawis at mga maralita ng pagkabahala at pagkabalisa sa patuloy na sumisirit na presyo ng mga pagkain at pangunahing bilihin.

Simula Enero 2021, grabe ang itinaas ng presyo ng karneng baboy, manok, gulat at isda. Sa totoo lamang, noon pang 2020 ramdam na ng publiko ang papataas na ang mga presyo ng pagkain at ngayon, umabot na nga mas nakakagulantang na mga presyo. Kahit mismo ang mga magsasakang nagtatanim at mga manggagawang lumilikha ng pagkain ay hirap o hindi na makabili ng karne, manok, gulay at isda.

Latest market prices per kilo as of Jan 31, 2021:

  • Kasim 370
  • Pata 340
  • Baka 380
  • Bangus 200
  • Tilapia 130
  • Galunggong 240
  • Ampalaya 70
  • Repolyo 120
  • Patatas 90
  • Sili 500
Pork prices per kiloOctober 2020December 2020January 31, 2021
KasimP320P340P370
LiempoP360P380P400
PataP340P360P380
Average prices per kilo sa palengke.

Ayon sa mga nasa industriya ng hog raising, may African Swine Flu na sa 11 rehiyon, 34 probinsya, 392 munisipalidad at 2,061 barangays. Mula noong 2019 nang magsimula ang outbreak, lampas kalahating milyong baboy na ang pinatay sa Luzon. Ang kabuuang imbentaryo ay bumaba ng 13% sa loob ng isang taoon mula 2019 hanggang 2020. Bumaba rin ng 21% ang projected production para sa taong 2020 na 1.275 million MT ng karneng baboy. Ayon pa sa USDA, hindi pa makakabangon ang pork production ng bansa ngayong 2021.  

Sa ngayon, umaasa ang consumers sa NCR at Luzon sa pork meat supply mula sa Visayas at Mindanao para sa pangkonsumo. Dagdag pasanin pa ang mas mataas na halaga ng transportasyon ng mga produkto.

Nitong Enero 2021, nakapagtala na rin ng ASF sa Visayas, sa probinsya ng Leyte. Patunay na hindi naging epektibo ang ginawang management, control at containment ng ASF sa kabila ng malawakang depopulation o culling.

Totoong nakaapekto ang ASF sa lokal na produksyon ng karneng baboy.  

Subalit bakit tayo umabot sa ganitong kalagayan? Noong 2019 nang pumasok ang ASF sa bansa, minaliit ito mismo ng Department of Agriculture at ng mga economic managers. Nagpahayag pa ang DA na “nothing to worry about ASF” at nagsabi rin ang DOF noon na hindi makakaapekto sa mga presyo ng pagkain ang ASF.

Gayundin, totoo na ang mga backyard raisers at breeders ay hindi nakatanggap ng sapat na ayuda. Kulang ang P3,000 hanggang P5,000 per culled pig head at P30,000 na pautang ng DA sa mga hog raisers na naapektuhan ng ASF mula 2019. Marami sa mga hog raisers ay nalugi na at hindi na nakabalik sa produksyon dahil sa pinagsamang epekto ng ASF, pandemya at lockdown. Sa tantya, nalugi ng hindi bababa sa P56 bilyon ang hog industry ng bansa dahil sa ASF. Marami sa mga lokal na backyard and farm raisers ay hindi rin nakatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Dahil sa malawakang liberalisasyon ng agrikultura at kawalan/kakulangan ng regulasyon ng gobyerno sa produksyon at merkado, umiiral ang monopoly pricing sa karneng manok at baboy na itinatakda ng malalaking traders at kartel dito. Alam ito ng DA at inamin nila ito noon pang Oktubre 2020 nang magsimulang tumaas ang mga presyo. Lalong lumitaw ito nang lumayo na ng husto sa Suggested Retail Price (SRP) na itinakda ng DTI ang aktwal na presyo ng mga bilihin sa palengke.

Iilan lamang ang malalaking kumpanya ng hog raisers, contract growers at breeders sa bansa, kabilang ang Monterey Hog Contract Growing, Robina Farms Inc., Foremost Farms Inc. at iba pa. Kontrolado ng mga kartel — malalaking traders at mga kumpanya — ang bilihan, suplay at pagpe-presyo ng karne sa merkado. Kahit nakuha nila ang volume supply ng karne ng mas mababa mula sa mga raisers at breeders, ipinapasa nila ito ng mas mataas sa wholesalers, na ipinapasa naman muli sa mas mataas na presyo sa mga retailers hanggang sa mga manininda sa palengke. Sa kahulihan, ang mga mamimili at konsyumers ang nagpapasan ng napakamahal na presyo. Ang patuloy na pag-iral ng ganitong kalakaran ay nagpapakita sa kawalan ng kapangyarihan ng DA, DTI at gobyerno na ibaba ang presyo. Ganito rin ang umiiral na kalakaran sa bigas, isda at mga presyo nito.

Naninindigan ang mga magsasaka at lokal na prodyusers na hindi importasyon ang solusyon sa mataas ng presyo ng karneng baboy, manok at iba pa. Hindi ang pag-angkat ng 54,000 metric tons na pork imports mula US at Europe ang magpapababa sa presyo ng karneng baboy.

Gaya ng karanasan natin sa Rice Liberalization Law at malawakang importasyon ng bigas, hindi nahahatak ng husto pababa ang presyo hanggang sa retail. Convenient na band-aid solution ng DA at economic managers ng gobyerno ang importasyon. Malinaw na hindi solusyon ang importasyon sa mataas na presyo. Ito pa nga ang puno’t dulo ng kinakaharap nating problema sa sumisirit na presyo ng pagkain at mga bilihin.

Kailangan masawata ang kartel at matigil ang pagmomonopolyo nila sa bilihan, suplay at presyuhan ng karne at manok. Kailangan din matiyak na naipapatupad pabor sa mga konsyumer ang Price Act of 1992 para matiyak na abot kaya ng konsyumer ang presyo ng pagkain at mga bilihin.

Kailangan rin na palakasin ang lokal na produksyon at ayudahan ang mga local producers — mga backyard raisers at breeders at tulungan sila hanggang maka-rekober sa epekto ng ASF.

Narito ang ilan sa mga konkretong solusyon na dapat ikonsidera:

  1. Ibaba ang presyo ng karneng baboy sa pre-ASF prices (2019). Magagawa ito kung bibigyan ng tulong sa produksyon at support price and subsidies ang mga hog raisers. Ang price subsidies sa raisers ay dapat na pasanin ng gobyerno at huwag ipasa sa consumers.
  2. Kailangan na magbigay ng kagyat at sapat na ayuda para sa mamamayang na nakagulapay na dahil sa mahal na presyo ng pagkain at bilihin. Kagyat na P10,000 cash aid at P15,000 production subsidy sa mga magsasaka. Ayuda mula sa gobyerno at hindi pautang para sa mga magsasaka, manggagawa, maralita at konsyumer ang kailangan. Dagdag na sahod para sa mga manggagawa at manggagawa sa agrikultura, subsidyo para sa mga nawalan ng trabaho, subsidyo sa produksyon para sa mga magsasaka at social amelioration sa mga konsyumer. Ito ay kagyat na economic relief para sa mamamayan habang tinutulungan ang mga backyard hog raisers and chicken breeders.
  3. Kailangan seryosong suportahan at subsidyuhan ang ang local raisers and breeders para makapag makapag-alaga ulit sila ng baboy at manok. Kagyat at sapat na ayuda at subsidyo para sa mga mga backyard raisers at breeders na nawalan ng kita dahil sa ASF, bird flu at epekto ng pandemya.
  4. Epektibong lutasin ang ASF at iba pang sakit.  
  5. Kailangan ng mabisang interbensyon ng gobyerno sa pagbili at pagbebenta sa consumers para maalis ang monopolyong pagpepresyo at pagsasamantala ng mga malalaking traders at kartel.
  6. Palakasin ang lokal na produksyon, hindi importasyon.

Ang posisyon na ito ay sinusuportahan din ng AMIHAN Federation of Peasant Women, PAMALAKAYA, Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura at Anakpawis Partylist. ###

One comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s