Kalagayan at Pakikibaka ng Magsasaka sa Niyugan

Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (Pebrero 2021)

Balangkas

  1. Kalagayan ng niyugan sa Pilipinas
    a) Ang niyog bilang produkto at hilaw na materyales
    b) Ang industriya ng niyog
    c) Ang produksyon ng kopra
  2. Kalagayan ng Pilipinong magbubukid sa niyugan
    a) Pyudal at malapyudal na pagsasamantala
    b) Huwad na reporma sa lupa
    c) Patuloy na pagkakait sa Coco Levy Funds at Assets
    d) Pasismo
  3. Mga panawagan ng kilusang magniniyog
    a) Tunay na reporma sa lupa
    b) Mas mataas na presyo at sahod
    c) Pagbawi sa Coco Levy Funds
    d) Suporta at subsidyo
    e) Katarungan at karapatan

1. Kalagayan ng niyugan sa Pilipinas

Ang niyog bilang produkto at hilaw na materyales

Isang napakahalagang produkto at hilaw na materyales ng niyog. Lahat ng bahagi nito ay napakikinabangan kaya tinagurian din itong tree of life. Ang dahon ay ginagamit sa paggawa ng papel, walis, sumbrero, banig, pamaypay at iba pang gamit pambahay at dekorasyon. Ang dessicated coconut o pinatuyong niyog ay sangkap sa paggawa ng mga mamahaling tinapay, biskwit, tsokolate, at iba pa. Ang pinulbos na gata ng niyog ay ginagamit sa mga instant milk, instant coffee, at ice cream milk. Ang puno nito ay ginagamit bilang coco lumber. Ang ubod nito ay ginagawang pickles, lumpiang ubod, o ginataang ubod. Ang puso naman ng niyog o inflorescence ang pinanggagalingan ng katas na tinatawag na tuba na siya namang ginagawang suka, gin, at yeast.

Ang activated carbon na mula sa uling ng bao ng niyog ay pangunahing sangkap sa produksyon ng mineral water. Ang bao nito ay napagkukunan ng insecticide at pesticide. Ang bunot ay ginagamit para sa coil dust fiber at iba pa. Ang ugat nito ay sangkap sa paggawa ng ilang inumin at isa ring epektibong halamang-gamot. Samantala, nanggagaling sa bunga ng niyog ang kopra na bumubuo sa 85% ng lahat ng mga produktong mula rito.

Kopra ang pangunahing hilaw na materyales para sa mga produktong tulad ng langis o mantika ng niyog, copra meal, at copra cake. Ang mga produktong galing naman sa kopra ang hilaw na materyales para sa napakarami pang produktong ipinagbibili sa lokal at pandaigdigang pamilihan. Ang langis ng niyog ay mayor na sangkap sa paggawa ng sabong panlaba, sabong panligo, shampoo, toothpaste, fatty alcohol, at crude glycerine. Ang copra cake na galing sa pinigang kopra ay ginagamit sa paggawa ng mga solvent oil. Kahit na ang palyat o copra meal na natitira sa pagproseso ng niyog sa mga coconut oil mills ay ipinagbibili pa rin bilang pakain sa hayop.

Dahil sa katangian ng niyog at kaangkupan nito sa Pilipinas, may malaking potensyal na ambag ang niyugan ng bansa at mga karugtong nitong industriya sa pagpapaunlad sa kanayunan at pagtatayo ng mga pambansang industriya. Kung pauunlarin ang industriya ng niyugan at iba pang produktong karugtong nito, makalilikha ito ng trabaho sa kanayunan at mga intermedyang kalakal na mahalaga sa pagpapasigla sa mga lokal na merkado.

Ang industriya ng niyog

Isa ang niyog sa mga mayor na produktong agrikultural sa bansa. Nasa 69 sa kabuuang 82 probinsya ang may produksyon ng niyog. Sumasaklaw ito sa 3.6 milyong ektaryang lupain kung saan may tinatayang 347 milyong puno ng niyog at hindi bababa sa 2.5 milyong magniniyog sa buong kapuluan. Noong 2018 ay nakalikha ang bansa ng 14.7 milyong metriko tonelada ng niyog. Ang mga pangunahing rehiyong lumilikha ng niyog ay ang Timog Katagalugan, Bikol, Zamboanga, Eastern Visayas, Davao, Northern Mindanao, at ARMM. Ikaapat ang niyog (kasunod ng palay, mais, at saging) sa may pinakamalaking ambag sa produksyong agrikultural ng bansa. Ikalawa ang Pilipinas sa pinakamalaking tagalikha ng niyog sa buong mundo matapos itong maungusan ng Indonesia simula 2010.

Talahanayan 1. Pinakamalalaking tagalikha ng niyog sa mundo

#BansaProduksyon ng niyog (2018)
1Indonesia18,555,371 metriko tonelada
2Pilipinas14,726,165 metriko tonelada
3India11,706,343 metriko tonelada
4Sri Lanka2,623,000 metriko tonelada
5Brazil2,346,750 metriko tonelada

Bagaman maaaring gamitin ang niyog para sa produksyon ng iba pang mga produktong kailangan ng mamamayan, ang pangunahing oryentasyon ng industriya ng niyog ng Pilipinas ay para sa eksport. Ang halaga ng kabuuang ineksport na produktong niyog (coconut oil, desiccated coconut, copra meal / cake, at iba pa) mula Enero hanggang Hulyo 2020 ay USD 642 milyon, o 22.9% ng kabuuang USD 2.8 bilyong halaga ng agrikultural na eksport ng bansa. Noong Enero 2020, nasa 49% ng ineksport na coconut oil ng bansa ay napunta sa European Union, 40.6% sa US, at 5.3% sa Tsina; ang tatlong ito na rin ang pangunahing destinasyon ng iba pang produkto mula sa niyog na galing sa Pilipinas. Noong 2019, lagpas kalahati  o 53.2% ng kabuuang kita sa pandaigdigang eksportasyon ng copra cake ay mula sa Pilipinas, 37.7% nito para sa pinatuyong niyog at 38% para sa coconut oil. 

Ang produksyon ng kopra

Gayunpaman, nananatiling atrasado ang produksyon ng niyog sa bansa. Ang produksyon ng kopra, na pangunahing produkto ng niyog, ay nanatiling mano-mano at nakaasa sa handtools. Ang mga plantang nagpoproseso rito tungo sa iba pang kalakal ay gumagamit ng imported na mga makina at teknolohiya, at nagsisilbi rin para sa mga dayuhang negosyo.

Nagsisimula ang produksyon ng kopra sa pagkakawit ng bunga ng niyog mula sa mga puno nito, na karaniwa’y gamit ang mga kawayang may kutsilyo sa dulo. Sa ibang probinsya ay nananatili ang mas atrasado at delikadong paraan ng pag-akyat sa puno. Mano-manong bibilangin ang naaning niyog at hahakutin nang mano-mano rin o gamit ang kalabaw at kariton, papunta sa koprasan. Sa koprasan ito bubunutan gamit ang palaw na gawa sa kahoy o may metal na patalim. Bibiyakin ang mga nabunutang niyog at isasalang sa gatong para matuyo. Pagkatuyo, tatanggalin ang laman nito mula sa bao gamit ang tigkalan na kahawig ng kayuran ng niyog at gawa rin sa kahoy at metal. Pagkatapos ay tatadtarin ang luto nang kopra gamit ang itak at saka isasako. Dahil hiwalay na binibili ang mga sako, nakagawian na ng mga magniniyog na siksikin ang pinakamaraming kopra sa pinakakaunting sako.

Hahakutin ang mga nakasakong kopra papunta sa tabing kalsada, karaniwan gamit ang kariton at kalabaw, bago ito isakay sa motorsiklo o tricycle papunta sa kumprada (pinagbebentahan ng kopra) sa baryo o bayan. Ang mga mamimili sa baryo o bayan ang magbebenta sa mga kumprada sa lalawigan. Ang mga kumprada sa lalawigan naman ang magbebenta sa mga oil mills at iba pang planta ng niyog o kopra. Matapos timbangin, susukatin ang resiko o moisture content ng kopra. Iniimbak ang mga ito sa mga bodegang may karaniwang kapasidad na 20,000 metriko tonelada bago iproseso. Pinoproseso ng mga plantang ito ang kopra para maging iba’t ibang klase ng kalakal gaya ng crude coconut oil, copra cake, copra meal, margarine, sabon, shampoo, at iba pa. Bagaman may ilan sa mga produktong ito ang binebenta sa lokal na merkado, mayorya ay inieeksport sa labas ng bansa.

2. Kalagayan ng Pilipinong magniniyog

Pyudal at malapyudal na pagsasamantala

Walang sariling lupa ang malawak na mayorya ng magniniyog sa bansa. Nakakosentra sa kamay ng iilang panginoong maylupa at komprador ang pag-aari at kontrol sa malalawak na niyugan at mga planta. Dahil dito, binabalikat ng mga magniniyog ang patong-patong na pyudal at malapyudal na pagsasamantala. 

Talahanayan 2. Saklaw ng pag-aari at impluwensya ng pamilya Licup sa niyugan

Mga kumpanya
Primex Coco Products, Inc. (Oliver Licup, Marketing Director) Nagpoproseso ng 8 milyong niyog araw-araw sa 10 pasilidad sa Quezon, Albay, Northern Samar, Leyte, Zamboanga del Norte, Davao del Norte, Davao City, at Davao del Sur

Nagbebenta sa: Mars, Hershey, Nestle, Arnotts Biscuits, Kellog’s, Cadbury Schweppes Pty, Ltd., Marks and Spencers, Kraft, Sanitarium, ICA Handlarnas AB, Shoei Foods Corporation, Lotte Confectionery, atbp.
SC Global Coco Products (Sergio Licup, President; Antoinette Licup, Vice President-Marketing) Taunang kita: USD 10 milyon hanggang 50 milyon
Nagbebenta sa Nestle at Abbott.
Superstar Coconut Products Co., Inc. (Peter Licup, Owner; Manuel C. Licup, President; Carlos Licup, General Manager) Nagpoproseso ng 480,000 kilo ng niyog araw-araw sa apat na planta sa Quezon, Davao City, at Davao del Norte
Nagbebenta sa Araso, H2Coco, Catz International, Mars, Frutex, Zico, JF Braun, Bioriginal, Ducoco at Real Coco
Licup Oil Mills sa Candelaria, Quezon (Carlos Licup, President; Henry Licup, Vice President)
Mga asosasyon
Association of Philippine Coconut Desiccators, APCDAlejandro Licup, Vice President
Carlos Licup, Board of Director
Coconut Oil Refiners Association, CORACarlos Licup, Board of Director
Philipine Coconut Oil Producers Association, Inc., PCOPASergio Licup, Board of Director

Napakataas ng upa sa lupa at lubusang hindi makatarungan ang hatian sa niyugan. Laganap sa mga kaayusang tenante ang 60-40 partihan sa pinagbentahan ng produkto pabor sa panginoong maylupa. Dahil sa liit ng parte sa kita, karaniwang ang tenante na rin ang nagtatrabaho sa buong proseso ng pagkokopra.

Kasong aralin: Tenante sa niyugan. Mula sa panayam sa 200 magbubukid sa Ikatlong Distrito ng Albay noong 2018. Sa abereyds, ang lawak ng niyugan ay 1.3 ektarya na mayroong 73 produktibong puno at 45 hindi pa napoproduktuhang puno. Ang ani ay aabot sa 527 piraso kada 45 hanggang 60 araw. Sa 527 buo ay makakokopra ng 110 kilo. 50-50 ang umiiral na hatian.

Farmgate priceP17 kada kilo ng kopra
Kantitad ng produkto 
Inaning niyog527 piraso
Nalikhang kopra110 kilo
Mga kaltas (parte ng komersyante)-24 kilo o -P408
20% resikada-22 kilo
1 kilong kaltas kada sakong may 70 kilong laman-2 kilo
Katumbas na presyo ng kaltas (24 kilo x P17 farmgate price)-P408
May bayad na kilo ng kopra  (110 kilo nalikhang kopra – 24 kilo kaltas)86 kilo
Kabuuang benta (86 kilo x P17 farmgate price)P1,462
Parte ng landlord (50%)P731
Parte ng tenante (50%)P731
Iba pang gastos-P200
Bayad sa sasakyan-P180
Bayad sa sako (P10 bawat isa x 2 sako)-P20
Netong kita ng tenante (P731 parte ng tenante – P200 iba pang gastos)P511
Katumbas na kita kada araw (P511 / 45 hanggang 60 araw ng pagtatrabaho)P11.36 hanggang
P8.52 kada araw

Napakababa ng pasahod na tinatanggap ng mga manggagawang bukid sa niyugan. Sa sistemang arawan, karaniwa’y P200 ang pasahod para sa isang buong araw ng pagtatrabaho. Sa sistemang pakyawan, karaniwa’y P1,500 ang binabayad para sa 500 niyog o katumbas ng P3 bawat niyog. Sa sistemang ribuhan, P250 naman ang ibinabayad para sa 1,000 niyog o katumbas lang ng P0.25 bawat niyog. Mas mababa pa ang sahod sa mga kababaihang manggagawang bukid sa niyugan. 

Dahil walang kontrol ang gobyerno sa presyo ng kopra, malaya ang oil millers at mga kumprada na magtakda ng farmgate price (o presyo ng pagbebenta ng magbubukid sa mga komersyante) at millgate price (o presyo ng pagbebenta ng komersyante sa oil millers) na lutang mula sa pandaigdigang halaga ng kopra. Sa ganitong pamamaraan, napapalobo nang husto ng mga mamimili ng kopra ang kanilang tubo habang napapasadsad pang lalo ang presyo ng produktong binibili mula sa mga magniniyog.

Sa datos ng PCA noong Setyembre 2020, P21.06 kada kilo ang farmgate price ng kopra samantalang P27.23 ang millgate price nito. Ibig sabihin, kumikita ng hanggang P6.17 kada kilo ang mga komersyante. Tinatayang lalo pang malaki ang kinikita ng oil millers sa pagbebenta ng iba’t ibang produktong mula sa kopra sa pandaigdigang pamilihan.

Talahanayan 2. Presyo ng kopra at buo batay sa mga ulat ng KMP chapters

RehiyonPresyo ng kopra kada kiloPresyo ng buo
QuezonP18 hanggang P21P4
BikolP17 hanggang P24P5.50 hanggang P7
Eastern VisayasP14
Central VisayasP18
Northern Mindanao RegionP18P4
CaragaP19 hanggang P20P3 hanggang P5
Southern Mindanao RegionP19P5

Arbitraryong itinatakda ang mataas na resikada o halagang binabawas sa presyo ng kopra dahil sa resiko o moisture content nito. Sa average, umaabot sa 28% ang kinakaltas na resikada sa mga magniniyog para sa average na 16% aktwal na resiko. Lubhang mapagsamantala ang resikadang ito. Ayon sa Administrative Order No. 1 series of 1991 ng PCA, kahit umabot sa 50% ang resiko o moisture content ng kopra, dapat ay hanggang 9.5% lang ang resikadang ibabawas sa presyo nito. Ayon sa parehong patakaran, ang tamang resikada para sa 16% resiko ay 4.7% lang. Ibig sabihin, mas mataas ng halos anim na beses ang aktwal na kinakaltas na resikada. Dagdag pa, dapat pa ngang dagdagan ang presyo ng kopra kung mas mababa pa ang resiko nito sa 12%. Kaya lang, malawak ang kawalan ng moisture meter sa mga kumprada para obhetibong sukatin ang resiko ng kopra.

Talahanayan 3. Tamang tantos ng resiko at resikada batay sa AO #1 series of 1991 ng PCA

RisikoResikadaRisikoResikadaRisikoResikada
<7.0+5.7`10.4+1.813.8-2.2
7.1+5.610.5+1.713.9-2.3
7.2+5.510.6+1.614-2.4
7.3+5.310.7+1.514.1-2.5
7.4+5.210.8+1.414.2-2.6
7.5+5.110.9+1.314.3-2.7
7.6+5.011.0+1.114.4-2.8
7.7+4.911.1+1.014.5-3.0
7.8+4.811.2+0.914.6-3.1
7.9+4.711.3+0.814.7-3.2
8.0+4.611.4+0.714.8-3.3
8.1+4.411.5+0.614.9-3.4
8.2+4.311.6+0.515-3.5
8.3+4.211.7+0.315.1-3.6
8.4+4.111.8+0.215.2-3.8
8.5+4.011.9+0.115.3-3.9
8.6+3.912015.4-4.0
8.7+3.812.1-0.115.5-4.1
8.8+3.612.2-0.215.6-4.2
8.9+3.512.3-0.315.7-4.3
9.0+3.412.4-0.515.8-4.4
9.1+3.312.5-0.615.9-4.6
9.2+3.212.6-0.716-4.7
9.3+3.112.7-0.816.1-4.8
9.4+3.012.8-0.916.2-4.9
9.5+2.812.9-1.016.3-5.0
9.6+2.713-1.116.4-5.1
9.7+2.613.1-1.316.5-5.2
9.8+2.513.2-1.416.6-5.3
9.9+2.413.3-1.516.7-5.5
10.0+2.313.4-1.716.8-5.6
10.1+2.213.5-1.816.9-5.7
10.2+2.113.6-1.917-5.8
10.3+1.913.7-2.1  

Karaniwang arbitraryong nagkakaltas din ng isang kilo sa bawat sako ng kopra para umano sa timbang ng sako at mga dumi rito. Kinakaltasan ng taktak o hornal ang binibiling kopra at pati ang pambayad sa mga trabahador ng mga buyer ay kinukuha sa mga magbubukid. Kapag may isang sakong basa o hilaw, lahat ng produkto ng magbubukid ay ituturing na hilaw at hindi na bibilhin ng buyer/trader. Karaniwan nang nalulugi ang mga magbubukid dahil sa mga kaltas na pinalala pa ng mga pandaraya sa timbangan, pandaraya sa presyo at pagsasamantala ng mga buyer/trader na pinagdadalhan ng kopra ng mga magbubukid.  

Malaking bahagi ng populasyong nakaasa sa industriya ng niyugan ay kababaihan. Mas hirap ang kalagayan ng mga kababaihang magbubukid dahil sila rin ang bumabalikat sa mataas na gastusin sa pangaraw-araw gaya ng bigas, pagkain para sa pamilya, pagpapaaral sa mga anak at iba pang tustusin. Dahil sa mataas ng presyo ng mga bilihin, hindi nagkakasya at laging kapos ang badyet ng mga pamilyang magbubukid sa mga niyugan. Nadadagdagan pa ang paghihirap ng mga magbubukid dahil sa epekto ng TRAIN Law na nagpataas sa presyo ng bilihin at halaga ng pamumuhay kahit sa mga probinsya at liblib ng mga baryo at sitio. Napakamurang binibili ang produkto ng mga magniniyog subalit napakamahal naman ng mga bilihin. 

Dahil na rin sa atrasadong katangian ng produksyon, napakabulnerable ng mga niyugan sa bansa sa mga pagbabago sa klima at pananalasa ng mga peste. Dagdag itong nagpapahina sa produksyon at nagpapababa sa kalidad ng mga produkto.

Dahil walang sapat na panggastos ang mga magniniyog para sa pangaraw-araw na konsumo at gastos sa produksyon, napipilitan silang mangutang sa mga panginoong may-lupa at komersyante-usurero sa mga kumprada, gayundin sa iba pang institusyong pampinansya sa mga baryo, bayan at lalawigan. Karaniwang interes sa pautang ay 45% hanggang 60% pero sa mga pinakamatitinding kaso ay umaabot ito sa 80% hanggang 100%. Malaganap ang praktikang ipinagbabawal sa magniniyog na ibenta sa ibang kumprada ang kanyang produkto bukod sa pinagkakautangan niyang kumprada, kahit pa mas mababa ang bili nito.

Nagpapautang din ang ilang bangkong tulad ng United Coconut Planters’ Bank (UCPB), Rural Bank, Land Bank at iba pa. Naglipana na rin ang mga microfinance corporations at money lending institution. Tulad ng mga kumprada, napakataas ng interes sa pautang ng mga naturang institusyong pampinansya.

Sa kabilang banda, may maliit na bilang ng mga samahan o kooperatiba ng magniniyog at maliit na namumuhunan ang may operasyon ng pagpoproseso sa kopra at iba pang produkto ng niyog tungo sa virgin coconut oil at iba pang kalakal.

Sa lahat ng pagsasamantalang dinaranas ng mga magniniyog sa bansa, pinakanakikinabang ang imperyalistang US. Kontrolado nito ang pinakamalalaking oil mills, desiccating plants, oleochemical plants at iba pang korporasyon sa niyog sa bansa. Ito rin ang may hawak sa pandaigdigang pamilihan ng mga produktong galing sa niyog at mga kakumpetensyang produkto nito. Isa ang US sa mga bansang may pinakamalaking interes sa coconut oil. Higit sa lahat, pinananatili at higit pang pinalalala ng imperyalistang US ang panghihimasok sa industriya ng niyog at buong ekonomya ng bansa. Sa pamamagitan ng mga tagibang na kasunduan at pagpapataw ng mga neoliberal na patakaran, patuloy na nilulumpo ng dayuhang kontrol ang lokal na ekonomya.

Talahanayan 4. Pinakamalalaking importer ng coconut oil sa mundo

#BansaImportasyon ng coconut oil (2018)
1USAUSD 1.1 bilyon
2NetherlandsUSD 983 milyon
3ChinaUSD 863 milyon
4GermanyUSD 621 milyon
5MalaysiaUSD 483 milyon

Simula 2019, naglunsad ang mga transnasyunal na korporasyong bumibili ng niyog at mga produkto nito, ng serye ng mga pagpupulong sa suporta ng USAID. Layunin ng mga pulong na ito ang pagbubuo at pagpapalaganap ng isang “Sustainable Coconut Charter.” Inilabas ang Charter sa publiko noong Nobyembre 16, 2020 matapos magpulong ang 39 korporasyon, kabilang ang Barry Callebaut, Nestlé, Unilever, at Cargill. Kontrolado ng mga dumalong korporasyon ang mahigit 40% ng kabuuang suplay ng coconut oil sa daigdig. Sa tabing ng umano’y layuning gawing sustenable ang produksyon ng niyog, tunguhin ng Charter na pinuhin at pasaklawin ang pandarambong ng mga dayuhang monopolyo kapitalista sa mga magniniyog ng mga atrasadong bayang gaya ng Pilipinas. Kaugnay nito, pinatutupad na ng GIZ (German Development Agency) at mga katuwang nitong korporasyon kabilang ang Procter and Gamble at Nestle, ang isang internasyunal na programang public-private partnership para higit na pagsilbihin sa dayuhang negosyo ang ating mga niyugan.

Talahanayan 5. Kita ng ilang internayunal na korporasyong bumubo sa monopolyo sa pagkain (2019)

KorporasyonBansaKabuuang kitaKita sa Asya Pasipiko (%)
CargillUSUSD 113.5 bilyonUSD 32.91 bilyon (29%)
NestleSwitzerlandUSD 91.92 bilyonUSD 12 bilyon (13%)
USD 2.66 bilyon (3%)*
Procter and GambleUSUSD 67.7 bilyonUSD 6.7 bilyon (10%)
*mula lang sa Pilipinas

Huwad na reporma sa lupa

Pinalalala pa ng mga anti-mamamayang patakaran ng rehimeng Duterte ang kalagayan ng mga magbubukid sa niyugan. Nariyan ang pagpapatuloy nito sa huwad na reporma sa lupang CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) at pagpapakatuta nito sa US sa pamamagitan ng pagsamba sa mga neoliberal na direktiba ng GATT-WTO (General Agreement on Tariffs and Trade – World Trade Organization) at IMF-WB (International Monetary Fund – World Bank). Ang programa nitong Build! Build! Build! na planong pondohan sa pamamagitan ng pangungutang ay nakaamba ring magkumbert sa malalawak na niyugan.

Sa pagbagsak ng presyo ng niyog at mga produktong galing dito, lalong nagiging talamak ang mga kaso ng pagbebenta ng lupa at malawakang kumbersyon nito. Lumaganap ang pamumutol ng mga punong niyog upang bigyang-daan ang pagpapalit-gamit ng lupa. Nariyan ang konstruksyon ng mga farm to market roads, pagtatayo ng mga commercial center, proyektong pang-ekoturismo at iba pa. Sa buong Pilipinas tinatayang may 721,000 puno ng niyog ang pinutol mula 1995 hanggang 1999. Hindi pa kasama rito ang bilang mula sa iligal na pamumutol ng niyog.

Patuloy na pagkakait sa Coco Levy Funds

Patuloy na ipinagkakait ng Rehimeng Duterte sa mga magniniyog ang P105 bilyong Coco Levy Funds (CLF).

Ipinatupad ang koleksyon ng CLF noong panahon ng diktadurang Marcos. Bubuuin umano ang naturang pondo para sa mga proyektong pangkaunlarang pangangasiwaan ng Philippine Coconut Federation, Inc. (COCOFED). Nagkabisa ito sa pamamagitan ng RA 6260 o Coco Fund Law. Nangolekta ng P0.55 sentimo sa bawat 100 kilo ng kopra sa loob ng sampung taon. Upang mapatunayang nagbayad ng buwis ang mga magniniyog at siya ring katibayan ng kanilang karapatan sa pondo, bibigyan dapat sila ng resibo sa pagbebenta ng kanilang mga produkto. Ang mga resibo naman ay irerehistro sa PCA sa bawat bayan at pagkatapos ay dadalhin sa pambansang tanggapan nito.

Ngunit napakaraming problema sa pagpapatupad nito. Hindi naipalaganap sa lahat ng mga magniniyog ang mga probisyon nito. Kalakhan ay nakapagbuwis nang hindi nalalamang dapat magkaroon ng resibo. Ang ilan namang nabigyan ng resibo ay nahirapan sa pagpaparehistro. Dahil malayo at pasikot-sikot ang aktwal na proseso, maraming magniniyog din ang nanghinayang sa gagastusin sa pagpaparehistro kaya hindi na lamang ipinasa sa PCA ang mga resibo. Ang ilang tenante naman ay inobligang ibigay ang kanilang mga resibo sa mga may-ari ng lupa. Sa pag-aaral na isinagawa ng PCA mula 1973 hanggang 1975 hinggil sa koleksyon ng coco levy fund, abereyds na 28% lang ng resibo sa pagbubuwis ang nairehistro habang ang 72% ay hindi nairehistro at hindi mahanap. Hindi napakinabangan ng milyun-milyong magniniyog ang pondo at malayang nakopo ng COCOFED ang coco levy funds.

Binubuo ang COCOFED ng mga panginoong may-lupa at komersyanteng may malaking interes sa pagkontrol sa industriya ng niyog. Liban pa sa pagkontrol nito sa CLF, minaniobra rin ng COCOFED na mahawakan nito ang kontrol sa PCA. Dito nagsimulang ilatag at patatagin ng lokal na naghaharing-uri ang kanilang kontrol sa industriya ng niyog.

May ilan pang mga batas ang ipinatupad sa karagdagang koleksyon para sa CLF. Sa rekomendasyon ng COCOFED at PCA, isinabatas ang Coconut Consumers’ Stabilization Fund o CCSF na pinagtibay ng PD 276 noong Agosto 1973 bilang pribadong pondo. Sa bisa nito, ipinataw ang P15 buwis sa bawat 100 kilo ng kopra. Umabot pa ito sa P100 bawat 100 kilo bago bumalik sa dating tantos. Binago naman ng PD 414 ang layunin ng CCSF mula sa pagiging subsidyo umano para sa mga produktong niyog tungong pagiging pondo sa pamumuhunan ng mga magniniyog. Ang CCSF ay direktang ikinaltas ng mga kumprada mula sa ibinentang produkto ng mga magniniyog. Sila na mismo ang nagdala ng buwis direkta sa PCA. Umabot sa P100 milyon kada buwan ang inilaan para sa subsidyong pinakinabangan ng mga kumprador, eksporter, repineriya at iba pang mamumuhunan sa industriya ng niyog.

Naging napakalaking bagahe para sa mga magniniyog ang mga ipinataw na mga buwis dahil ang singil mula sa pinagsamang CLF at CCSF ay kumakatawan sa 43% ng kabuuang kita ng mga magbubukid sa niyugan. Dinagdagan pa ito ng Coconut Industry Development Fund (CIDF).

Ginamit lamang CLF para sa pagpopondo at pagpupundar ng pamamayani ng iilang lokal na naghaharing-uri sa industriya ng niyog. Ipinatayo ang mga institusyong kinontrol ng ilang malalaking burgesya kumprador at panginoong may-lupa at pinondohan din ang ilang mga pribadong negosyo ng malalaking mamumuhunan. Halimbawa nito ang pagsasabatas sa PD 755 na nagtatag sa United Coconut Planter’s Bank (UCPB) mula sa CLF sa layuning pangasiwaan umano ito. Ngunit ang UCPB ay kontrolado lang ng 11 tao at institusyon (77.9% ng bahagi ng UCPB) sa pangunguna ng yumaong si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. Mahigit 50% sapi sa naturang bangko ang nakapangalan sa 64 na indibidwal samantalang 10% sapi lamang ang inilaan sa maliliit na magniniyog. Ang 10% sapi ay napunta kay Marcos at binigyan ng pribilehiyo ang mga korporasyon ni Cojuangco na umutang sa UCPB nang walang interes.

Nanguna ang UCPB sa pagbili ng mga korporasyon, coconut trading firms, coconut oil mills, processors at exporting firms. Kalaunan, itinaguyod naman ang Coconut Industrial Investment Fund (CIIF) na nakatuon naman umano sa pagbili at pagtatayo ng mga oil mills. Bilang bahagi nito, isinabatas ang PD 1468 noong 1978 na nagtayo sa United Coconut Oil Mills (UNICOM). Ito ang kumontrol sa 97% ng kapasidad sa oil milling sa industriya ng niyog. Hinawakan ang UNICOM ng iilang makapangyarihan sa industriya ng niyog gaya nina Cojuangco at Juan Ponce Enrile, na tagapangulo ng UCPB at COCOFED. Itinulak din nina Cojuangco at iba pang panginoong maylupa-kumprador ang pagpapatupad sa Letter of Instruction 857 na nagtayo sa Cocofed Marketing Corporation (Cocomark). Ito ang pambansang samahan ng malalaking kumprada na mabilis na nagpabagsak sa mga kakumpitensyang maliliit na mamimili ng niyog. Ginamit din ni Cojuangco ang CLF sa pagbili ng P33 milyong pag-aari sa San Miguel Corporation.

Pagkatapos ng diktadurang Marcos, lahat ng mga nagdaang rehimen ay nangakong babawiin ang coco levy funds at ibabalik ito sa mga magniniyog. Noong panahon ni Cory Aquino, nagsampa ng kasong graft and corruption ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban kina Danding Cojuangco at iba pang opisyales ng COCOFED ngunit walang nangyari. Noong 1989, idineklara ng Korte Suprema na pampublikong pondo ang coco levy funds.

Noong Mayo 1998, sa ilalim ng rehimeng Ramos, inilabas ang EO 481 na direktang nagdedeklara sa CLF bilang pampublikong pondo matapos ang tatlong taon ng mga paggigiit ng mga magniniyog sa mga serye ng konsultasyon.

Sa ilalim naman ng rehimeng Arroyo, nalantad sa publiko ang P20 bilyong komisyon ni Arroyo mula sa interim agreement kay Danding Cojuangco. Ayon dito, ang P57 bilyong pondo mula sa coco levy ay gagawing trust fund habang ang tirang pondo ay ipambabayad sa mga creditors umano na sa aktwal ay mga galamay lamang nina Cojuangco, Enrile, Lobregat at iba pang kroni noon ni Marcos. Ang malala pa, ang 27% ng kapitalisasyon ng SMC na nauna nang binawi ng pamahalaan ay ginawang 24% na lang. 

Noong Mayo 7, 2004, idineklara ng Sandiganbayan 2nd Division ang 14 na kumpanya ng Coconut Industry Investment Fund – Oil Mills Group (CIIF-OMG) at mga nakumbert na sapi ng San Miguel Corporation (SMC) na may kabuuang 753,848,312 sapi bilang pagmamay-ari ng gubyerno para sa lahat ng magbubukid sa niyugan. Muling pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyong ito noong Enero 24, 2012, sa ilalim ng rehimeng Noynoy Aquino.

Mga Kumpanyang Hawak ng CIIF-OMGMga Holding Companies ng CIIF-OMG
Granexport Manufacturing Corp.Southern Luzon Coconut Oil MillsCagayan de Oro Oil Co. IncIligan Coconut Industries, Inc.San Pablo Manufacturing Corp.Legaspi Oil Co., Inc.Soriano Shares Inc., ACS Investors Inc., Roxas Shares Inc., Arc Investors Inc., Toda Holdings Inc., AP Holdings Inc., Fernandez Holdings Inc., SMC Officers Corps., Inc., Anglo Venture Inc., Randy Allied Ventures Inc., Rock Steel Resources Inc., Valhalla Properties Ltd., Inc.First Meridian Development Inc.

Hanggang ngayon, hawak ng CIIF-OMG ang pinakamalaking copra processing plant sa buong mundo (Granex, sa Iligan), at kinakatawan ng kabuuang kakayahang magproseso ng mga planta nito (370,000 metriko tonelada kada taon) ang 10% ng kabuuang oil milling industry sa Pilipinas. 

Noong Disyembre 2017, sa ilalim ng rehimeng Duterte, nagdesisyong muli ang Sandiganbayan na kailangan na munang idaan sa serye ng mga pagdinig upang malaman kung paano maaapektuhan ang operasyon ng UCPB at United Coconut Planters Life Assurance Plan (Cocolife) sakaling pangasiwaan na ito ng gubyerno. Nitong 2018, muling naglabas ng desisyon ang Sandiganbayan at tinuldukan na ang ligal na sigalot kaugnay sa tunay na pag-mamay-ari ng coco levy funds at assets na ngayon ay umaabot na sa P105 bilyon. Muli nitong pinagtibay na ang CLF ay pondong publiko na dapat gamitin sa benepisyo at kapakinabangan ng mga magniniyog.

Noong Pebrero 27, 2021, isinabatas ang Republic Act (RA) 11524 o “Coconut Farmer and Industry Act.” Isinasapribado at ipinagkakait nito ang pondong dapat ay matagal nang ibinalik sa mga magniniyog. Sa ilalim nito, itatayo ang isang “Trust Fund Management Committee” na binubuo ng mga sekretaryo ng Department of Finance, Department of Budget and Management, at Department of Justice – walang representasyon ang mga magniniyog. Muli rin nitong bubuuin ang PCA na kabibilangan ng anim uling burukrata mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, at tatlong “representante” ng mga magniniyog (isa para sa Luzon, sa Visayas, at sa Mindanao) na pawang personal na pipiliin ng presidente. Sa madaling sabi, ibabalik nito sa kamay ng mga burukrata kapitalista, burgesya komprador, at panginoong maylupa ang CLF. 

Itinulak sa Senado ang RA 11524 sa pangunguna ni Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform Chairman Senator Cynthia Villar, isa sa pinakadambuhalang kumprador, panginoong maylupa, at burukrata sa bansa.

Pasismo

Kabilang din ang mga magniniyog sa mga biktima ng tumitinding pasistang atake ng Rehimeng Duterte. Ang mga rehiyong pangunahing lumilikha ng niyog, (Timog Katagalugan, Bikol, Eastern Visayas, at Northern Mindanao), ay mga rehiyon din kung saan konsentrado ang kaso ng mga pampulitikang pamamaslang, kampanyang peke at sapilitang pagpapasuko, militarisasyon, at red-tagging. Nakaprograma sa mga pasista at tiranikong patakarang Anti-Terror Law, Executive Order No. 70 (na lumikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict), Memorandum Order No 32 (na nagpatindi ng militarisasyon sa Bikol, Eastern Visayas, at Negros), at state of emergency sa buong Mindanao, ang pamamaslang at panunupil ng rehimeng Duterte sa mamamayan. Lampas 300 magbubukid na ang pinaslang sa buong bansa sa ilalim ng rehimeng Duterte, kabilang dito ang mula sa Central Visayas, Bikol, at Eastern Visayas, mga mayor na rehiyon sa industriya ng niyog sa bansa. Isa sa mga pinaslang ay si Armando Buwisan, tagapangulo ng Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (CLAIM) – Quezon.

Ang militarisasyon sa kanayunan at pagkakalat ng lagim at takot ng mga armadong elemento ng estado ay sumasagka sa produktibong aktibidad ng mga magniniyog at magbubukid. Malala pa, binibigyang daan nito ang malawakang pagkasira ng mga produktibong niyugan at iba pang sakahan para sa kapakinabangan ng mga malalaking dayuhang korporasyon at lokal na panginoong maylupa.

3. Mga panawagan ng kilusang magniniyog

Tunay na reporma sa lupa

Tunay na reporma sa lupa ang ultimong panawagan ng mga magsasaka sa niyugan at buong uring magbubukid. Nangangahulugan ito ng libreng pamamahagi ng lupa sa nagbubungkal nito. Para sa mga magniniyog, ibig sabihi’y libreng pamamahagi ng malalawak na niyugan sa mga maralitang magniniyog. Palalayain nito ang mga magniniyog sa pabigat na upa. Bibigyan nito ang mga magniniyog ng pagkakataong linangin ang lupa para sa kapakinabangan ng kanilang pamilya, komunidad, at ng bansa. Sa aktwal, nangangahulugan ito ng tuloy-tuloy na pagtatanggol at pagsusulong sa karapatan sa lupa ng mga magniniyog. Dapat tutulan at labanan ang anumang mapanlinlang o marahas na pangangamkam sa lupa na nagdudulot sa pagpapalayas sa mga magniniyog sa kanilang sakahan.

Sa lehislatura, nangangahulugan ito ng pagsuporta at pagsulong sa pagsasabatas sa Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na pangunahing nilalaman ang libreng pamamahagi ng lupa at pagwasak sa monopolyo rito, at sa panukalang Genuine Small Coconut Farmers Fund (GSCFF).

Dahil pangunahing nilalaman ng usapang pangkapayapaan ang usapin ng reporma sa lupa, nasa interes din ng mga magniniyog na suportahan ang pagpapatuloy sa negosasyon sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines.

Sa mga umiiral na sistemang hatian ay igiit ang hatiang 75-25 pabor sa magniniyog. 

Tutulan at pigilan ang kumbersyon sa mga niyugan lalo pa tungo sa mga maka-dayuhang negosyong mall, resort, pang-ekoturismo, o iba pang komersyal at pribadong establisyemento.

Mas mataas na presyo at sahod

Bilang ang niyog ay isang cash crop, mayor na panawagan ng mga magniniyog ang pagkakamit ng mas mataas at makatwirang presyo para sa kopra at iba pang produkto nito.

Tuldukan ang pandaraya ng mga komersyante at kumprada sa arbitraryong resikada at iba pang kaltas sa presyo o timbang ng kopra. Mahigpit na ipatupad ang AO 1 s. 1991 ng PCA. Ipaglaban ang pagkakaroon ng floor price para sa presyo ng kopra at ng subsidyo mula sa gobyerno para ipatupad ito. Igiit ang P50 kada kilo ng kopra at P12 kada buong niyog. Madaling gawan ng paraan ng mga lokal na gobyerno ang pagkakaroon ng mga istandard na timbangan sa mga kumprada at palengke para iwasan ang pandaraya rito.

Itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid sa niyugan hanggang P750 kada araw ng paggawa, sangayon sa panawagan para sa isang national minimum wage. 

Ilantad, ipagbawal, at tuloy-tuloy na labanan ang mapagsamantalang pang-uusura ng mga komersyante. Gayundin ang mataas na interes, at mapanlinlang at madadayang kontrata ng mga bangko, micro-financiers, at iba pang institusyong pampinansya.

Pagbawi sa Coco Levy Fund

Natatanging pambansang kampanya ng mga magniniyog ang pagbabalik sa P105 bilyong CLF. Tuloy-tuloy na palakasin ang CLAIM bilang natatanging pambansang samahan ng mga maliliit na magniniyog-benepisyaryo ng CLF. Nasa dalawang milyon na ang naabot ng samahang ito at kailangang patatagin ang kanilang pakikilahok sa pakikibakang magbubukid.

Tutulan ang anumang maniobra para patuloy itong ipagkait sa mga magniniyog at panatilihing nasa kamay ng mga burukrata at negosyante sa niyugan. Dapat ibasura ang CLF Privatization Bill o SB 1396.

Dapat na direktang mapakinabangan ng maliliit na magniniyog ang CLF. Para mangyari ito, dapat direktang mapasakontrol nila ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang Genuine Small Coconut Farmers Council na siyang mamamahala sa pondo. Bubuuin ito hindi ng mga burukrata at negosyante kundi ng mga representante ng mga samahan ng maliliit na magniniyog sa bansa. Para rito, dapat isabatas ang House Bill (HB) 255 o Genuine Small Coconut Farmers’ Fund.

Suporta at subsidyo

Kailangang linangin ang malaking potensyal ng niyog sa pagbubunsod ng ekonomikong aktibidad at kaunlaran sa kanayunan. Dapat magkaroon ng isang komprehensibo at pangmatagalang Coconut Industry Development Program na nagbibigay-diin sa pagpapaunlad sa kabuhayan ng maliliit na magniniyog at manggagawang bukid, at sa paggamit sa niyog at iba pang produkto nito para tugunan ang mga pangangailangan ng lokal o pambansang ekonomya. Tuloy-tuloy na paunlarin ang niyog at mga karugtong nitong industriya tungo sa pambansang industriyalisasyon at isang nakaasa-sa-sariling ekonomya.

Bigyan ng suportang serbisyo ang mga magniniyog sa anyo ng mga pataba, pestisidyo, at iba pang kagamitan at ayuda sa produksyon para mapataas ang produktibidad at kalidad ng niyog. Magkaroon ng access roads para sa mabilis na transportasyon ng produkto.

Idokumento, paunlarin, at palaganapin ang iba’t ibang katutubong kaalaman at teknolohiya kaugnay ng niyugan. Maglunsad ng mga pagsasanay o training at pagbibigay ng puhunan kaugnay sa iba’t ibang industriyang kaugnay sa pagpoproseso ng kopra at iba pang produktong niyog batay sa prinsipyo ng naaangkop na mga teknolohiya at pag-unlad. Suportahan ang mga lokal na pagpoproseso sa kopra at iba pang produktong niyog ng mga samahan o kooperatiba ng magbubukid, maging ng maliliit na namumuhunan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda, subsidyo, at suporta sa marketing.

Repasuhin ang pambihirang rekisito ng PCA na dapat ay may pagmamay-aring kalahating ektaryang lupa ang magniniyog para maka-access sa mga programa ng PCA at gobyerno.

Sa mga panahon ng kalamidad dulot ng bagyo o tagtuyot, agarang bigyan ng walang-kondisyong cash aid, relief goods, subsidyo sa produksyon, at rehabilitation program ang mga magniniyog. Kabilang na rin dito ang libreng pamamahagi ng gamot laban sa pananalasa ng mga peste gaya ng Cocolisap. 

Kailangan rin ng mga programa sa para sa preserbasyon at pagpaparami ng mga punong niyog. Kabilang dito ang pagbabawal sa pagputol at pagtroso ng mga puno ng niyog na mas mababa pa sa 60 taon at pagtigil sa kumbersyon ng mga niyugan tungo sa ibang gamit  gaya ng ekoturismo, negosyo at iba pa.

Katarungan at karapatan

Itigil ang pamamaslang at panunupil sa magniniyog, magbubukid, at mamamayan. Kailangang magkaroon ng hustisya at indemnipikasyon para sa mga pinaslang na magbubukid.

Wakasan ang militarisasyon sa kanayunan. Itigil ang pananakot, pagbabanta, pagnanakaw, paninira ng ari-arian, pagdukot, at pamamaslang ng mga armadong ahente ng estado. Palayasin ang militar, mga inaarmasan at sinasanay nitong paramilitar, at mga pribadong armadong goons sa komunidad ng mga magniniyog at magbubukid.

Itigil ang malisyosong red-tagging sa mga magbubukid lalo na iyong mga lider at kasapi ng mga organisasyong nagtataguyod ng kanilang mga karapatan. Gayundin ang sapilitang pagpapasurender at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa kanila.

Ibasura ang Anti-Terror Law, EO 70, Memo 32, at state of emergency sa Mindanao.

Tiyakin ang pagkakamit ng iba pang sosyo-ekonomikong karapatan ng anakpawis sa kanayunan. Kabilang dito ang karapatan sa edukasyon, kalusugan, pabahay, at iba pang serbisyong panlipunan. Kilalanin ang pantay na karapatan ng kababaihan sa lupa, trabaho, nakabubuhay na sahod, at iba pa. #

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s