Hinggil sa pagtaas ng mga presyo ng abono sa bansa

Nilalaman

  1. Gaano kalaki na ang itinaas ng mga presyo ng abono sa bansa ngayon?
  2. Anong tinuturing na dahilan ng gobyerno sa kasalukuyang pagtaas ng mga presyo ng abono sa bansa?
  3. Bakit labis na tumataas ang mga presyo ng abono sa bansa?
  4. Anong mga epekto ng pagtaas ng mga presyo ng abono sa masang magsasaka?
  5. Anong tugon ng gobyerno sa kasalukuyang pagtaas ng mga presyo ng abono sa bansa?
  6. Anong mga dapat gawin?

Pambungad

Sa mga nakaraang linggo at buwan ay tuloy-tuloy ang pagtaas ng mga presyo ng abono. Malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng abono sa kabuhayan ng masang magsasaka at gayundin sa lokal na produksyon ng palay at butil, iba pang produktong pagkain at agrikultural.

Halos lahat (85%) ng mga palayan sa bansa ay gumagamit ng abono. Gayundin ang 80% ng mga tubuhan, maisan, taniman ng oil palm, patatas, at tabako. Nasa kalahati (40-50%) rin ng mga taniman ng cacao, mga prutas, mga gulay, kape, at goma ang gumagamit ng iba’t ibang klase ng abono. 

Malaking bahagi rin ng kabuuang gastos sa produksyon para sa maraming tanim ang napupunta sa gastos para sa abono. Kaya naman talagang umaaray ang mga magsasaka sa pagtaas nito. Sa ilang pagkakataon, maaaring hindi na makapagtuloy na magtanim ang magsasaka dahil sa sobrang taas ng presyo ng abono.

Tanim%
Pakwan, manga, pinya23.4
Kamatis, cabbage, patatas, talong, cauliflower23.0
Mais15.7
Sibuyas, bawang, sitaw11.9
Palay11.1
Cassava, camote9.9
Talahanayan. Bahagi ng abono sa kabuuang gastos batay sa tanim. 2011.

Pinakamalaganap ang paggamit ng Urea, ammonium sulfate o ammosul, at NPK (nitrogen, phosphorus, at potassium) o Complete (tinatawag din na Triple 14 o 14-14-14) na bumubuo sa 95% ng kabuuang kinokonsumong abono sa bansa, batay sa taya ni Fertilizer and Pesticides Authority (FPA) Director Wilfredo Roldan sa isang press briefer ng Department of Agriculture. 

Grado%
Urea45
Ammosul30
Complete20
Iba pa5
Talahanayan. Bahagi ng kabuuang demand
batay sa grado ng abono, 2021.

Nasa 78% ng kabuuang konsumo ng mga abono sa bansa ay ginagamit din para sa mga butil at pagkain (palay, mais, prutas at gulay). Tiyak na makakaapekto ang pagtaas ng presyo nito sa lokal na suplay at presyo ng pagkain.

Tanim%
Palay38
Mais21
Prutas at gulay19
Tubo7
Iba pa15
Talahanayan. Kabuuang konsumo ng abono batay sa tanim. 2011.

Sa kabila ng halaga nito sa pagsasaka, halos walang sariling kakayanan ang bansa sa produksyon ng abono. Sa huling pahayag ng DA, mayroon lang dalawang (2) planta ng abono sa buong Pilipinas. Ang mga ito ay pag-aari ng Atlas Fertilizer Corp. (AFC) at Philippine Phosphate Fertilizer Corporation (PHILPOS), na nakakalikha lang ng hanggang 10% ng kinakailangang abono ng bansa. Kaya halos lahat (82% noong 2019) ng kailangang abono ng mga magsasakang Pilipino ay imported o inaangkat. Pangunahing pinagmumulan nito ang mga bansang may FTA (Free Trade Agreement) sa Pilipinas: mga bansa sa ASEAN, Australia, China, Japan, Korea, at New Zealand.

1. Gaano kalaki na ang itinaas ng presyo ng mga abono sa bansa ngayon?

Batay sa sariling monitoring ng KMP, aabot na sa P200 hanggang P400 kada sako ang itinaas ng mga presyo ng abono mula Hulyo hanggang Agosto pa lang.

LugarHulyoAgostoItinaas
Cagayan(Urea)
P1,350 cash
P1,550 utang 
(Urea)
P1,400 cash
P1,620 utang

P50
P70
Cagayan (Triple 14) 
P1,400 cash
P1,550 utang
TarlacP1,100 (Triple 14)P1,500 (Triple 14)P400
Nueva EcijaP970 (Swire)P1,200 (Swire)P300
Nueva Ecija P1,250 (Triple 14)P1,400 (Triple 14)P150
PampangaP1,250 (Triple 14)P1,500 (Triple 14)P250
LagunaP1,200 (Urea)P1,400 (Urea) P200
IloiloP1,450 (Urea)P750 (21-0-0)
Talahayan. Presyo ng abono. KMP monitoring, Agosto 2021.

Hindi ito nalalayo sa mismong datos ng gobyerno, na nagpapakitang tumaas ng P181/bag hanggang P398/bag ang presyo ng abono mula naman sa Enero ngayong taon. Katumbas ito ng 16% hanggang 26% pagtaas sa loob lang ng anim na buwan.

Tipo ng abonoHulyo 26-30Enero 4-8Itinaas (%)
Urea prilledP1,415.99P1,044.65P371.34 (26%)
Urea granularP1,393.32P994.95P398.37 (29%)
AmmosulP778.79P598.11P180.68 (23%)
CompleteP1,268.19P1,063.77P204.42 (16%)
Talahanayan. Presyo ng abono. DA-FPA, 2021.

Sa pahayag ng Department of Agriculture noong Agosto 9, sinabi nitong patuloy pang tataas ang mga presyo ng abono para sa buong 2021.

2. Ano ang itinuturing na dahilan ng gobyerno sa kasalukuyang pagtaas ng mga presyo ng abono sa bansa?

Isinisisi ng DA sa pagtaas ng presyo ng abono sa pandaigdigang pamilihan ang sumisirit ding mga presyo ng abono sa lokal na merkado.

Ang $276 kada metriko tonelada (MT) average na presyo ng inimport na abono ng bansa noong Enero hanggang Mayo ngayong taon ay tumaas na sa $500 kada MT nitong Hulyo. Katumbas ito ng 81% o halos dobleng pagtaas. Gayundin, ang global fertilizers price index ay halos dumoble (90.1%) mula 66.80 noong Hulyo 2020 tungong 126.96 ngayong Hulyo 2021. 

Sinisisi rin ng ahensya ang ibang mga bansang nagdagdag ng ini-import na mga abono, gaya ng India at Australia; gayundin ang mga bansang nagbawas naman ng ini-eksport gaya ng China.

Tumaas din umano ang presyo ng pagbabyahe (cost of transportation) ng mga imported na abono.

Gayunpaman, wala namang kakulangan ng abono sa pandaigdigang antas. Sa taya ng Food and Agriculture Organization (FAO), may 267 milyong MT pandaigdigang suplay ng nitrogen, phosphorus at potassium ngayong 2021, at may pandaigdigang kapasidad pa para makalikha ng hanggang 316 milyong MT. Samantala, ang tinatayang kabuuang pandaigdigang demand ay nasa 251 milyong MT lang. 

Sa Pilipinas, may 293,473 MT pang kabuuang suplay ng abono nitong Hunyo. Ayon sa FPA ay sapat-sapat pa ito hanggang sa katapusan ng kasalukuyang taon. Sa ganitong kalagayan, posibleng mataas pa rin ang presyo ng abono hanggang sa 2022.

Sa madaling sabi, sapat naman ang suplay ng abono sa pandaigdigan at lokal na merkado subalit ang presyo nito ay nasa kontrol ng mga nagpoprodyus at nag-eeksport na dayuhang bansa, at ng mga lokal na importer at trader ng abono sa Pilipinas.

Tumaas ang presyo sa pandaigdigang pamilihan hindi dahil kulang ang suplay, kundi dahil may pagtaas sa demand o pagdami ng gustong bumili nito. Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga dayuhang bansang nagpoprodyus at nag-eeksport ng abono para magbenta sa mas mataas na presyo at kumita nang mas malaki.

Ipinapasa naman ng mga importer at naglalako sa Pilipinas ang mas matataas na presyo sa mga magsasaka.

May mahigit 7,000 rehistradong fertilizer dealers at mahigit 400 fertilizer distributor sa bansa, habang nasa 100 lang ang mga importer. Kabilang sa mga pinakamalalaki sa mga ito ang Universal Harvester at Atlas Fertilizer. 

Ang Atlas Fertilizer din, kasama ng La Filipina Uy Gongco Corporation, ang mga korporasyong sangkot sa 2021 Fertilizer Scam kung saan bumili ng overpriced na abono ang DA at nagwaldas ng P262 milyon.

3. Bakit labis na tumataas ang mga presyo ng abono sa bansa?

Sa batayan, labis na tumataas ang mga presyo ng abono sa bansa dahil sa malaon nang pagpataw ng mga patakarang neoliberal sa lokal na industriya ng abono. Dahil sa liberalisasyon, nawalan na ng sariling kakayahan ang Pilipinas na lumikha ng kailangan nitong abono at naging palaasa na sa imported. Dahil sa deregulasyon, binitawan na ng gobyerno ang mga kapangyarihan at tungkulin nitong iregulisa ang presyo ng abono. At dahil sa pribatisasyon, iniasa na lang ang pagsusuplay at distribusyon ng abono sa mga pribadong negosyo. 

Hindi sana singbilis at singlubha ang epekto sa lokal na merkado ng mga biglang pagtaas ng mga presyo ng abono sa pandaigdigang merkado kung may nakasasapat na lokal na produksyon sa bansa.  

Mula 1950s hanggang 1970s ay may pagdidiin pa ang gobyerno sa pagpapaunlad sa lokal na produksyon ng abono para matugunan ang mga lokal na pangangailangan. Nasa anyo ito ng mga proteksyon sa lokal na merkado mula sa labis na importasyon, tax exemption para sa mga lokal na producer, at subsidyo para sa abonong kailangan ng mga magsasakang lumilikha ng pagkain. 

Itinatag ang Fertilizer Industry Authority (FIA) noong Pebrero 13, 1973 sa bisa ng Presidential Decree (PD) 135 para sa proteksyon, suporta, at pangangasiwa sa lokal na produksyon at suplay ng abono sa bansa. Noong 1975 ay nagtakda rin ng quantitative restrictions (QR), o limitasyon sa dami, ng mga imported na abono. Mayo 1977 naman ipinalit sa FIA ang FPA sa bisa ng PD 1144. Pinagsama nito sa iisang institusyon ang pangangasiwa sa abono at mga pestisidyo, at nagpanatili sa mga kapangyarihan at tungkulin ng FIA.

Noong June 6, 1980 itinatag ang PHILPHOS bilang isang korporasyong pag-aari ng gobyerno. Natapos itayo ang planta nito ng abono noong 1984, na nagsimulang gumana noong 1987.

Noong 1981, tinatayang nasa 31.3% pa ang average na taripa sa iba’t ibang tipo ng abono.

TipoTaripa
Urea16%
Ammosul27%
Muriate of potash (MOP)86%
Mixed (NPK)-4%
Talahanyan. Tinatayang taripa sa abono. 1981.

Pero pagsapit ng 1986 ay nagsimula ang pagpapataw ng mga patakarang neoliberal sa industriya ng abono. Sa parehong taon ay inalis ang QR sa abono, at maging ang tungkulin at kapangyarihan ng FPA na magtakda ng mga presyo nito sa lokal na merkado. Nagsimula ring ibagsak ang mga taripa o buwis sa importasyon ng abono. 

Noong 1997, alinsunod sa Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA), pinahintulutan na rin ang walang-taripang importasyon ng mga abono ng mga empresang agrikultural (hal. plantasyon, palaisdaan, kooperatiba) na direktang gumagamit nito. Sa kasalukuyan ay wala hanggang halos wala na rin ang taripa para sa mga imported na abono. 

TipoTaripa (MFN)Taripa (FTA)
Urea1%0%
Ammosul3%0%
Superphosphate1%0%
Potassic fertilizers1%0%
Blended fertilizers3%0%
Talahanayan. Taripa sa abono. 2015.

Kasabay ng mga ito, inalis na rin ang mga subsidyo sa abono. 

Pagsapit ng taong 2000, ganap na ring isinapribado ang PHILPHOS, matapos lang ang 13 taong paggana. Ngayon, ang 70% ng PHILPHOS ay pag-aari na ni Salvador ‘Buddy’ Zamora II, malaking negosyante sa mining at kilalang backer ni Duterte, samantalang 30% ng PHILPOS ay pag-aari naman ng bansang Nauru. Imported ang lahat ng pinoproseso nitong hilaw na materyal sa abono, pangunahin mula sa China at Nauru. Gayundin, nasa 35% na lang ng produksyon nito ang nakalaan sa lokal na merkado, habang ang 65% ay para sa eksportasyon sa mga bansa sa ASEAN, India, Bangladesh, Pakistan, at Taiwan. Sa esenya, tila naging kawing na lang sa pandaigdigang negosyo ng dayuhang kapital sa abono ang PHILPHOS.

Planta ng PHILPHOS sa Isabel, Leyte

Sa kasalukuyan, nagdidiin na lang ang FPA sa pagtutukoy ng mga istandard at pagpaparehistro ng mga produkto, importer, at mga tagalako. Naiwan na lang itong tagapagpadaloy ng mga transaksyong pangnegosyo sa pagitan ng mga dayuhang bansa at importer, at sa pagitan ng mga lokal na naglalako at mga magsasaka.

Gayunpaman, nananatiling bahagi dapat ng mandato ng FPA ang “pagtitiyak… sa sapat na suplay ng abono at pestisidyo sa makatwirang presyo.”

Narito ang buong mandato ng FPA ayon sa PD 1144: “Assuring the agricultural sector of adequate supplies of fertilizer and pesticide at reasonable prices, rationalizing the manufacture and marketing of fertilizer, protecting the public from the risks inherent in the use of pesticides, and educating the agricultural sector in the use of these inputs.”

4. Anong mga epekto ng pagtaas ng mga presyo ng abono sa masang magsasaka?

Ang mga pagtaas ng presyo ng abono at iba pang gastusin sa produksyon nang walang karampatang pagtaas sa presyo ng mga produktong agrikultural, mga suporta at subsidyo mula sa gobyerno, at tunay na reporma sa lupa, ay pumipinsala sa kabuhayan ng masang magsasaka. Nagdudulot ito ng pagliit ng kita o pagkalugi, lalong pagkabaon sa utang, pagliit ng produksyon, o hanggang pagtigil sa pagsasaka.

Ang karagdagang P200 hanggang P400 kada sakong gastos para sa abono ay nangangahulugan ng dagdag na P600 hanggang P2,800 gastos para sa tatlo hanggang pitong sako ng iba’t ibang abono kada anihan. Papatong pa ang karagdagang gastos na ito sa iba pang sumisirit na gastusin sa produksyon, kagaya ng langis.

Kung hindi naman o wala talagang kakayanang magdagdag sa ginagastos ang magsasaka, matutulak siyang magbawas ng binibili at ginagamit na abono, o hindi na gumamit man lang nito. Halimbawa, ang ginagastos ng magsasaka na P3,980 para makabili ng kinakailangang apat na sako ng Urea noong nakaraang taon para isang ektarya ng palayan, ay dalawang sako na lang ang mabibili ngayon. Mangangahulugan naman ito ng mas mababang dami o kalidad ng aanihing produkto.

Sa parehong kaso, kundi man malugi, lalo pang mababawasan ang maliit na ngang kinikita ng magsasaka.

Sa kalagayang nananatiling malaganap ang kawalan ng salaping panggastos ng maraming magsasaka sa kanayunan, nananatiling malaganap din ang pangungutang at mga usurero. Kaugnay nito, nangangahulugan ang pagliit ng kita ng mga magsasaka ng lalong kawalang kakayanang magbayad, o ng lalo pang pagkalugmok sa mga utang. Itinutulak ng ganitong kalagayan ang mga magsasakang may maliit na pag-aaring lupa o iba pang kagamitan sa pagsasaka na magbenta ng lupa, hayop, o iba pang gamit o ipambayad mismo ang mga ito sa kanilang utang. 

Malala pa, maaaring gamitin mismo ng mga usurero ang mas mataas na posibilidad ng pagkalugi ng magsasaka bilang katwiran para magpataw ng mas mataas na interes sa pautang. Ang pagkalugi ng magsasaka, na kung mangyari man ay nangangahulugang hindi mababayaran ang usurero o hindi sa tamang panahon, ay ituturing na risk o risgo ng mga usurero na tiyak na tutumbasan nito ng mas mataas pang interes.

Ang maralitang magsasakang walang sapat at sariling lupa, hayop, gamit, at dagdag na panggastos, ay maaaring hindi na magtanim man lang dahil sa lahat ng ito. 

5. Anong tugon ng gobyerno sa kasalukuyang pagtaas ng mga presyo ng abono sa bansa?

Mabilis, direkta, at inaasahan na ang sagot dito ni DA Secretary William Dar: mas maraming importasyon.

Wala man lang pangakong pagtitiyak sa makatwirang presyo ng mga abono, salungat sa mandato nito. Naglunsad umano ang FPA ng pakikipagdayalogo sa mga negosyante sa abono kaugnay ng isyu. Pero ang itinakbo lang nito ay ang pakikiusap ni FPA Director Roldan na magbenta nang tama ang mga importer at tagalako. Gaya ng inaasahan, ang tanging ipinangako ng mga negosyante ay magbebenta sila batay sa mga umiiral na presyo sa merkado.

Wala ring dagdag na ayuda o subsidyo para sa mga magsasakang apektado ng mga tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng abono. Nakiusap lang ang DA na magtiis ang mga magsasaka. 

Ayon pa kay Dar at Roldan, sapat na umanong suporta para sa mga magsasaka ang nasa RCEF (Rice Competitiveness Enhancement Fund) na bahagi ng RLL (Rice Liberalization Law).

Pero tanging mga magsasakang rehistrado sa RSBSA (Registry System for Basic Sectors in Agriculture) at nasa 57 probinsyang saklaw ng RCEF, o mga rehistrado ring samahang may pag-aaring hindi bababa sa dalawampung (20) ektaryang lupa lang ang sinasaklaw ng RCEF. 

Katumbas lang ito ng 1.89 milyong magsasaka ng palay, o 19% ng 9.8 milyong rehistradong magsasaka sa RSBSA. Milyon-milyong maralitang magsasaka rin ng iba’t ibang tanim, na apektado rin ng pagtaas ng presyo ng abono, ang mapagkakaitan ng mga pondong ito dahil hindi sila rehistrado man lang sa RSBSA. Kasama sa mga rekisito ng RSBSA ang titulo o iba pang katibayan ng pag-aari sa lupa, o pagkilala ng panginoong maylupa sa mga tenante.

6. Anong mga dapat gawin?

Sa kagyat, dapat isiwalat ang epekto ng pagtaas ng mga presyo ng abono sa kabuhayan ng mga magsasaka, na kumakaharap din sa krisis pangkalusugan dulot ng pandemyang COVID, at sa krisis pangkabuhayan dulot ng bagsak na ekonomya na pinalala pa ng militaristang lockdown at palpak na tugon ng rehimen sa pandemya. Mahalagang isiwalat din ang nakaambang epekto nito sa lokal na produksyon ng palay, pagkain, at iba pang produktong agrikultural.

Iugnay ang kampanya sa pagpapababa sa presyo ng abono sa panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Dapat igiit at malakas na ikampanya ang P15,000 subsidyo sa produksyon para sa mga magsasaka at mangingisda. 

Dapat itulak ang pamahalaang agarang suportahan ang mga apektadong magsasaka sa anyo mga kontrol sa presyo ng abono, pamamahagi nito nang libre o sa mas mababang presyo, at iba pa. Kailangang itulak ang DA na gampanan ang mga mandato nito para suportahan ang magsasaka at agrikulturang Pilipino. Gayundin, ang FPA sa mandato nito para tiyakin ang makatwirang presyo ng abono.

Kailangang isiwalat ang neoliberalismo bilang makasaysayan at ugat ng mga kasalukuyang suliranin sa mga presyo ng abono. Hindi dapat palagpasin ang ginawa nitong pagwasak sa lokal na industriya ng abono sa mga nakalipas na dekada. Gayundin, hindi dapat pahintulutan ang pagpapatuloy o pagpapalala pa sa mga patakarang neoliberal lalo pa ang pagpapakete sa mga ito bilang solusyon.

Mahalaga ring maglunsad ng masusing imbestigasyon sa mga partikular at kagyat na dahilan ng pagtaas ng presyo ng abono sa bansa. Kailangang magpaliwanag ang mahahalagang ahensya ng gobyerno kung ano ang kanilang mga ginagagawa at ano ang magagawa pa nila para tulungan ang magsasakang Pilipino. Mahalaga ring malaman kung sino-sino o ano-anong korporasyon ang nagkakamal pa ng gaano kalalaking kita sa gitna ng paghihirap ng masang magsasaka.

Sa pangmatagalan, kailangang iwaksi ang mga patakarang neoliberal sa abono, agrikultura, at kabuuang ekonomya ng bansa. Kailangang baligtarin ang liberalisasyon tungong proteksyon, ang deregulasyon tungong regulasyon, at ang pribatisasyon tungong nasyunalisasyon. Sa esensya, kailangang itulak ang tunay na reporma sa lupa, pagpapaunlad sa kanayunan, at pambansang industriyalisasyon. #

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s