9 paraan pinahirapan ng mga Marcos ang magbubukid at winasak ang agrikulturang Pilipino

Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Enero 2022

Gaya ng maraming kandidato sa Halalang 2022, ipinipresenta ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang sarili bilang kakampi ng Pilipinong magbubukid.

Pinakamatingkad ang deklarasyon ni Marcos Jr. na “pabor” siya sa pagsuspinde sa Rice Liberalization Law (RLL). Isa itong mapangahas na deklarasyong tila naglalagay kay Marcos Jr. na isang hakbang na mas abante kaysa karamihan ng mga kandidatong sa ngayon ay hanggang rebyu sa RLL pa lang ang kayang ipangako.

Pero napakadaling mangako at magsalita, lalo ng mga kandidato sa isang krusyal na eleksyon. Bukod sa pakikinig sa mga pangako, higit na mahalaga ang pagsusuri sa mga aktwal na nagawa.

Ano nga ba kung gayon ang tunay na track record ng mga Marcos sa Pilipinong magbubukid?

1. Pinalala ng PD 27 ni Marcos Sr. ang kawalang-lupa ng magbubukid

2. Binangkarote ng Masagana 99 ni Marcos Sr. ang magsasaka

3. Ninakawan ng P150 bilyon ng Coco Levy ni Marcos Sr. ang magniniyog

4. Nagdulot ng taggutom sa Negros ang monopolyo sa asukal sa ilalim ni Marcos Sr.

5. Kinalbo ang walong milyong ektaryang gubat sa ilalim ni Marcos Sr.

6. Minasaker ng mga sundalo ni Marcos Sr. ang magbubukid

7. Inimport ni Imelda Marcos ang pesteng golden kuhol

8. Dinambong ni Imee Marcos ang P66 milyong pondo sa tabako

9. Walang sariling track record ng pagtulong sa magbubukid si Marcos Jr.

1. Pinalala ng PD 27 ni Marcos Sr. ang kawalang-lupa ng mga magbubukid

Noong Oktubre 21, 1972, eksaktong isang buwan matapos ideklara ang Martial Law, inilabas ni Marcos Sr. ang Presidential Decree (PD) 27. Malinaw na inilahad sa mga paunang pangungusap nito ang layunin ng batas: tugunan ang “marahas na tunggalian at panlipunang ligalig” bunga ng pagmamay-ari ng lupa ng iilan.

Higit na mapanlinlang kaysa sa mismong PD 27 ay ang paglalagay sa “redistribusyon ng lupa” bilang layunin umano ng batas. Ang mga nakaraang programa sa repormang agraryo ay nagdiin sa resettlement at regulasyon sa pakikisaka (tenancy) at hatian sa ani. Pero sa PD 27, idineklarang layunin ang “pagpapalaya sa mga tenante mula sa pagkakatali sa lupa, at paglilipat sa kanila ng pag-aari sa lupang binubungkal nila.”

Nabigo ang PD 27 sa lahat ng panig.

Mga palayan at maisan lang ang sinaklaw ng PD 27. Katumbas lang ito ng 14% ng kabuuang lupang agrikultural at 17% ng lahat ng manggagawang bukid.

Ang hindi pagsaklaw sa iba pang tanim ay nagligtas sa malalaking pag-aaring lupa ng mga kroni ni Marcos. Kasama rito ang malalawak na tubuhan ni Roberto Benedicto, mga niyugan ni Danding Cojuangco, at mga sagingan ni Antonio Floirendo. Kahit pa saklawin ang kanilang lupa, madaling naka-iwas ang mga panginoong maylupa sa pamamagitan ng pagpapalit ng tanim. Mula 1963 hanggang 1979, lumawak nang 124,700 ektarya ang eryang tinatamnan ng tubo.

Matapos ang dalawang taon, nilabas pa ni Marcos Sr. ang General Order (GO) 47 at PD 472. Itinulak nito ang ang mga korporasyon at mga konsesyon sa trosohan na “magpaunlad” ng mga palayan at maisan para sa kanilang mga empleyado at manggagawa. Pinalaganap nito ang pangagamkam sa lupa ng mga korporasyon at pinalawak pa ang mga plantasyon at mga corporative schemes. Pagsapit ng 1981, umabot na sa 86,000 ektarya ang kontroladong lupa ng mga multinasyunal na korporasyon gaya ng Caltex, Shell, Del Monte, at DoleFil.

Ang totoo, kakarampot ang sinaklaw ng umano’y redistribusyon ng lupa samantalang pinalawak pa ang kontrol sa lupa ng mga korporasyon.

Sa aktwal, pagsapit ng Disyembre 1984, nakapamahagi lang ng mga Emancipation Patent para sa 3.3% ng target ng PD 27.

Ang mga lupaing sinaklaw ng PD 27 ay ipinasok lang din sa esensya – sa transaksyong pangmerkado na pinangangasiwaan ng gobyerno.

Siningil ng PD 27 ng bayad o amortisasyon ang magbubukid at biniyayaan ng kompensasyon ang panginoong maylupa. Ang mga benepisyaryo ay kailangang magbayad ng taunang amortisasyon, katumbas ng halaga ng ini-award na lupa na may 6% interes.

Halos lahat ng mga benepisyaryong maralita ay walang kakayanang magbayad; aabot sa 90% ng benepisyaryo ang pumalya sa pagbabayad. (default).

Sa kabilang banda, naging “pangunahing pinagkakaabalahan ng mga ahensyang nagpapatupad ng PD 27” ang ang kumpensasyon para sa mga panginoong maylupa. Umabot sa 72% ang pagpapalobo sa presyo ng lupa para sa mas mataas na kompensasyon.

Pagsapit ng 1980, halos dumoble ang mga walang-lupang anakpawis sa kanayunan sa 61% ng kabuuang populasyon, mula sa 31% noong 1966.

Nabigo rin ang PD 27 sa kontra-insurhensya. Sa sariling taya ni Marcos Sr., lumaki ang bilang ng mga regular na NPA mula 1,028 noong 1972 tungong 16,000 noong 1985.

Patuloy na minumulto ng PD 27 ang mga Pilipinong magbubukid hanggang sa ngayon. Ang oryentasyon na pangmerkado nitong modelo ng amortisasyon sa magsasaka at kumpensasyon sa panginoong maylupa ay pinagpatuloy lang sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Isinabatas sa ilalim ng rehimeng Cory Cojuangco-Aquino, ipinagpatuloy ng lahat ng sumunod na administrasyon ang CARP. Ipinagpatuloy din ito ng rehimeng Duterte ngayon.

Nananatiling walang lupa ang mayorya ng magbubukid at laging bulnerable sa pagpapalayas. Sa Bulacan, mapanlinlang at marahas na pinapalayas ng Araneta Properties Inc. ni Gregorio Maria “Greggy” Araneta III ang 350 pamilyang magbubukid sa 700 ektaryang sakahan. Si Greggy Araneta ay bayaw ni Marcos Jr.

Naglulunsad ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ng mga pambansang pagkilos tuwing Oktubre, na tinagurian nitong Peasant Month, bilang paggunita sa PD 27 at para ipanawagan ang tunay na reporma sa lupa.

2. Binangkarote ng Masagana 99 ni Marcos Sr. ang magsasaka

Sinalanta ng mga sakuna at peste ang mga sakahang Pilipino noong 1972. Bilang tugon umano rito, at sa layuning pataasin ang produktibidad ng magsasaka, inilunsad ni Marcos Sr. ang Masagana 99 noong Mayo 21, 1973.

Binubuo ito ng 1) pagpapalaganap sa paggamit ng mga binhing hybrid o high-yielding varieties (HYV), at ng 2) malawakang programa sa pagpapautang na pinangangasiwaan ng gobyerno. Target nito ang mas “masaganang” ani para sa mga magsasaka, hanggang umabot sa 99 kaban ang inaani kada ektarya.

Ito ang bersyon ni Marcos Sr. ng Green Revolution (GR) para sa Pilipinas.

Ang GR ay isang pandaigdigang iskema noong 1970s na itinulak ng mga internasyunal na institusyong nagpapautang (gaya ng IMF-WB at USAID), mga transnasyunal na korporasyon sa agrikultura (gaya ng Bayer at Monsanto), at mga kapitalistang pilantropo (gaya ng mga Rockefeller at ni Bill Gates). Layunin umano nitong wakasan ang kagutuman at mga kakulangan sa pagkain sa pamamagitan ng mga HYV.

Ang mga HYV ay mga barayiti ng binhing gawa sa loob ng mga laboratoryo. Inimbento ang mga ito para mamunga nang mas marami kaysa sa mga tradisyunal na binhi. Pero para mamunga, nangangailangan ang HYVs ng mas maraming kemikal na abono at pestisidyo – na likha at pinagtutubuan ng mga agrochemical TNCs.

Agresibong nilako ang HYVs. Ang high-yielding rice varieties gaya ng IR 8 at iba pang binhing inimbento ng International Rice Research Institute o IRRI ay tinaguriang “miracle rice.”

Ang IRRI ay internasyunal na institusyong nag-iimbento ng mga binhi at iba pang teknolohiyang agrikultural alinsunod sa pangangailangan ng dayuhang monopolyo kapital. Pinopondohan ito ng mga dambuhalang korporasyon sa agrikultura at mga kapitalistang pilantropo. Mula sa rehimeng Garcia noong 1969 ay naka-istasyon na ito sa Los Banos, Laguna at nagsisilbing sentro ng GR sa buong Timog-Silangang Asya.

Nagbuhos ng kapital ang mga dayuhan para itulak ang pagpapatupad ng GR sa Pilipinas. Mula 1972 hanggang 1982, umabot sa USD 1.5 bilyon ang kabuuang pautang ng World Bank para sa agrikultura at kanayunan, o 44% ng lahat ng pautang nito sa bansa.

Kalakhan dito ay napunta lang din sa pagbili ng mga imported na kemikal. Noong 1984, umabot sa 99% ng USD 150 milyong pautang mula sa WB ang nakalaan sa pagbili ng mga imported na inputs (abono, pestisidyo, pakain) at mga pyesa ng makina.

Ang iba pang bahagi ng dayuhang utang ay napunta rin sa pagbabayad sa mga dayuhang eksperto na kinailangang magturo sa mga magsasaka kung paano magtanim ng HYVs.

Ang paggamit sa HYVs ay nagpalobo sa gastusin sa pagsasaka. Sa pagitan ng 1966 (bago ang GR) at 1979, lumobo ng 89% ang gastusin sa produksyon ng palay. Pinakamalaki ang pagtaas ng gastos sa imported na inputs, na halos nagtriple (262%) kaysa dati.

Para tiyaking nabibili ang mga kinakailangang kemikal para sa HYVs, itinulak ng Masagana 99 ang pagpapautang ng mga bangko sa magsasaka. Inalis bilang rekisito ang mga kolateral, pinabilis ang pagpoproseso, at sinagot ng gobyerno ang hanggang 85% ng pagkalugi ng mga bangko mula sa mga pautang.

Pagsapit ng Abril 1974, umabot sa P503 milyon ang naipautang na sa magsasaka.

Samantala, sa tulak din ng WB, hinayaang itakda ng “merkado” ang interes sa mga pautang. Pagsapit ng 1984, tumaas sa 16% hanggang 38% ang interes sa mga pautang sa Masagana 99, mula sa dating 12% lamang.

Sa pagitan ng 1966 at 1979, tumaas nga (nang 55%) ang inaaning palay ng magsasaka. Naabot ang rice-self sufficiency noong 1975 at nag-eksport ng bigas ang Pilipinas sa pagitan ng mga taong 1977-1983. Subalit mumunti ang mga “tagumpay” kumpara sa mas marami at pangmatagalang pinsalang idinulot ng Masagana 99 sa kabuhayan ng magbubukid at mamamayan sa kanayunan.

Kumpara sa 89% na itinaas ng gastos, maliit ang 55% na itinaas ng produksyon. Lalo pang mas maliit ang 20% lang na itinaas sa kita ng mga magsasaka sa pagitan ng 1966 at 1979.

Tumaas ang produktibidad pero napako ang kita. Dumami ang magsasakang nawalan ng kakayanang magbayad sa mga utang. Pagsapit ng 1979, nasa 45.8% na lang ang nakakabayad ng mga utang sa ilalim ng Masagana 99.

Unti-unting nawalan ng kakayanan ang mga magsasaka na kumuha ng mga pautang na pinangangasiwaan ng gobyerno. Noong 1980-1984, nasa 60,000 magsasaka na lang ang kabilang sa mga ganitong programa, mula sa kalahating milyon noong 1974-1975.

Nabangkarote ang milyon-milyong magsasaka at bumagsak ang antas ng kabuhayan sa kanayunan. Pagsapit ng 1983, umabot sa 73% ng pamilya sa kanayunan ang mahirap, mula sa 33% noong 1971.

Dahil lugi sa mataas na gastos at baon sa utang, unti-unting nawalan ng kakayanang magtanim ang maraming magsasaka. Sa pagitan ng 1970 at 1981, bumagsak nang 39% ang produksyon ng bigas sa bansa. Pagsapit ng 1984 ay bumalik na sa pag-iimport ng bigas ang Pilipinas, at isang taon pagkatapos nito, tumigil na ring mag-eksport ng bigas. Nasa 800 rural banks din ang nabangkarote mula 1987 hanggang 1989.

Dagdag pa, winasak ng HYVs ang kalikasan, lubhang pininsala ang kalusugan ng mga magsasaka, at binura ang mayamang kulturang Pilipino sa pagsasaka.

Mas mabilis sumisipsip ng sustansya sa lupa ang HYVs at hindi ito hinahayaang kusang makarekober. Nagdulot din ang mas maraming paggamit ng kemikal ng paglakas ng resistensya ng mga peste laban sa kemikal. Itinulak nito ang laging pagpapadami o pagpapalakas sa mga ginagamit na kemikal sa mga sakahan. Nagdudulot din ng pinsala ang mga kemikal sa lupa, gaya ng soil erosion.

Ang mas madalas na pagkadikit sa balat ng kemikal ay nagdulot din ng mga sakit at pagkalason sa mga magsasaka. Marami sa mga manggagawang bukid sa laboratoryo ng IRRI sa Laguna ang kumaharap o namatay dahil sa Parkinson’s disease, liver cancer, liver failure, kidney failure at leukemia dulot ng eksposyur sa mga kemikal na kailangan ng HYVs.

Nagsikap ang mga pamilya nila na maningil ng indemnipikasyon sa IRRI subalit hinarangan din ito ni Marcos Sr. Inilabas ng diktador noong Abril 19, 1979 ang PD 1620 na nagbibigay ng immunity sa IRRI mula sa mga batas ng Pilipinas.

Unti-unti ring binubura ng imported at kumersyal na HYVs ang mga libre, tradisyunal at heirloom na barayiti ng binhing Pilipino. Dahil hindi maaaring binhiin, pinigilan din ng HYVs ang katutubong tradisyon ng libre at malayang pagpapalitan ng mga binhi o seed exchange.

Sa esensya ay ipinagpatuloy ng mga sumunod na rehimen ang modelo ng Masagana 99 na pagsandig sa dayuhang utang at teknolohiya.

Sa ilalim ng rehimeng Duterte, nakadiin pa rin sa pagpapautang kaysa sa ayuda at suportang subsidyo ang mga programa sa agrikultura (gaya sa Plant, Plant, Plant), ipinapalaganap pa rin ang HYVs kasabay ng pagtutulak sa “makabagong” GM crops (gaya ng Golden Rice), at parehong mga institusyon (gaya ng WB) pa rin ang pinagkukunan ng direksyon sa mga programa — lahat ng ito ay para pa rin umano maabot ang zero hunger at rice self-suffiency.

3. Ninakawan ng P150 bilyon ng Coco Levy ni Marcos Sr. ang magniniyog

Ang Coco Levy ay bungkos ng mga buwis na sinigil sa mga magniniyog sa ilalim ng diktadurang Marcos. Bubuuin umano nito ang isang pondo para sa pagpapaunlad sa kabuhayan ng magniniyog at sa industriya ng niyugan sa bansa.

Sa halip, dinambong ang mga nakolektang buwis at pinakinabangan ng mga kroni ni Marcos Sr.

Nagsimula ito sa RA 6260 o Coco Fund Law na isinabatas noong Hunyo 17, 1971 sa ilalim ng rehimeng Marcos. Binuo nito ang Coconut Industrial Investment Fund (CIIF). Siningil ng P0.55 sentimo kada 100 kilo ng kopra ang mga magniniyog. Katambas ng P38.45 noong 2020 ang P0.55 noong 1971.

Ibinigay sa Philippine Coconut Federation, Inc. (COCOFED), pinakamalaking organisasyon ng mga negosyante sa niyugan, ang pangangasiwa sa CIIF.

Matapos magdeklara ng Martial Law, sunod-sunod na naglabas si Marcos Sr. ng mga patakaran kaugnay sa niyugan.

Inilabas noong Hunyo 30, 1973 ang PD 232. Binuo nito ang Philippine Coconut Authority (PCA) na nagsentralisa sa iisang opisina sa mga responsibilidad at kapangyarihan ng tatlong ahensya kaugnay ng niyugan. Tinalaga ni Marcos Sr. ang protege nito na si Juan Ponce Enrile bilang presidente ng PCA.

Agosto ng parehong taon inilabas ang PD 276 na bumuo sa Coconut Consumers’ Stabilization Fund (CCSF). Nagpataw ito ng karagdagang P15 buwis kada 100 kilo ng kopra sa mga magniniyog.

Wala pang isang taon pagkatapos, naitransporma noong Abril 18, 1974 ang CCSF sa pamamagitan ng PD 414. Mula sa pagiging subsidyo para sa magniniyog, ginawa itong pondong pampuhunan para sa mga kumpanya sa niyugan. Umabot sa P100 milyon kada buwan ang napunta sa mga kumprador, eksporter, at iba pang malalaking negosyante sa niyugan.

Nobyembre 14 ng parehong taon inilibas ni Marcos Sr. ang PD 582 na bumuo naman sa Coconut Industry Development Fund (CIDF). Nagpataw uli ito ng karagdagang P20 buwis kada 100 kilo ng kopra.

Noong Hulyo 29, 1975 ay inilabas naman ni Marcos Sr. ang PD 755. Itinulak nito ang PCA, sa ilalim ni Enrile, na bilhin ang 64.98% ng First United Bank gamit ang lumalaking koleksyon mula sa coco levy. Ito ang ginawang United Coconut Planter’s Bank (UCPB). Nasa 7.2% sapi nito ang nakapangalan mismo kay Danding Cojuangco, 10% kay Marcos Sr., at 10% rin sa lahat na ng maliliit na magniniyog. Naging presidente at CEO ng UCPB si Cojuangco.

Inilibas ni Marcos Sr. ang PD 1468 noong Hunyo 11, 1978 na bumuo naman sa United Coconut Oil Mills (UNICOM). Ito ang kumontrol sa 97% ng kapasidad sa oil milling sa industriya ng niyog.

Mula 1979 hanggang 1982, tinatayang nawawala ang hanggang 42% ng kita ng magniniyog dahil sa coco levy at monopolyo sa niyugan.

Pumutok ang malalawak na protesta ng magniniyog laban sa coco levy at diktadura sa huling hati ng 1970s. Natulak si Marcos Sr. na suspendihin ang coco levy sa pamamagitan ng paglalabas sa PD 1699 noong Setyembre 17, 1980.

Isang taon lang pagkatapos, inilabas ni Marcos Sr. noong Oktubre 2, 1981 ang PD 1841 na nagbalik sa coco levy sa anyo ng Coconut Industry Stabilization Fund (CISF). Naningil ito ng P50 buwis kada 100 kilo ng kopra.

Pagsapit ng 1983, umabot na sa P9.8 bilyon ang nahuthot ng coco levy ni Marcos Sr. mula sa mga magniniyog.

Nagpatuloy ang mga protesta ng magbubukid. Pagsapit ng Setyembre 11, 1983, natulak si Marcos Sr. na tuluyan nang suspendihin ang coco levy sa pamamagitan ng EO 828.

Maraming samahang magbubukid na nanguna sa pakikibaka laban sa coco levy ang naging bahagi ng KMP, na itinatag noong Hulyo 1985.

Sa loob ng mahigit isang dekada, sina Cojuangco, Enrile, at iba pang kroni ni Marcos Sr. ay mga Tagapangulo o bahagi ng Board of Directors ng PCA, UCPB, COCOFED, at UNICOM. Sila-sila ang nanguna sa paniningil ng coco levy, nagkamkam sa nakolektang pondo, nagdisenyo at nagpanukala ng mga proyektong paggagamitan nito, at nag-apruba sa alokasyon nito. Dinambong nila ang coco levy na pondo at pagmamay-ari ng mga magsasaka sa niyugan

Aabot sa 81% ng nakolekta sa coco levy ang napunta sa sari-saring kumpanya ng mga kroni ni Marcos. Ginamit ni Cojuangco ang coco levy para bilhin ang controlling shares sa UCPB, San Miguel Corporation (SMC) at 14 iba pang kumpanya sa niyugan. Ipinambili rin ni Enrile ang coco levy ng shares sa mga kumpanyang Primex Coco, Pacific Royal, Clear Mineral, at iba pa.

Sa pambubuyo ng US, kasama si Enrile sa mga nagtangkang magkudeta laban sa diktadurang Marcos. Dumulo ito sa pag-aalsang EDSA o People Power ng Pebrero 25, 1986 na nagpatalsik kay Marcos Sr. Samantala, si Cojuangco ay kasama ng pamilyang Marcos na tumakas palabas sa bansa.

Ginawa ng mga kroni ni Marcos Sr. ang lahat para manatili sa kanilang kontrol at kapakinabangan ang mga dinambong na pondo at ari-arian mula rito. Nangako naman ang lahat ng sumunod na administrasyon na babawiin ang coco levy funds. Nagpatuloy ang pakikibaka ng mga magniniyog para maibalik sa kanila ang pondo.

Sa tulak ng desisyon ng Korte Supreme noong 2001, dineklara ng Sandiganbayan na pag-aari ng gobyerno ang UCPB noong 2007.

Noong 2014, pinagtibay ng Korte Suprema ang mga desisyon nito noong 2012 at 2001 pabor sa mga magniniyog na nagdedeklarang pag-aari ng gobyerno ang 24% ng SMC.

Namatay si Cojuangco noong Hunyo 16, 2020 na hindi pinagbayaran ang mga kasalanan niya sa magsasaka at hindi pa naibabalik ang coco levy. .

Noong Pebrero 27, 2021, sa ilalim ng rehimeng Duterte at sa pangunguna ng land grabber at Senador na si Cynthia Villar, isinabatas ang RA 11524 o “Coconut Farmer and Industry Act.”

Itinayo nito ang “Trust Fund Management Committee” na binubuo ng mga kalihim ng DoF, DBM, at DOJ. Wala ritong representasyon ang mga magniniyog.

Muli rin nitong binuo ang PCA na kabibilangan ng anim uling burukrata mula sa mga ahensya ng gobyerno, at tatlong “representante” ng magniniyog (isa para sa Luzon, Visayas, at Mindanao) na pawang pipiliin ng presidente.

Binalik nito sa kamay ng mga piling burukrata kapitalista, burgesya komprador, at panginoong maylupa ang coco levy fund.

Noong Abril 21, 2021, ibinasura ng Korte Suprema ang anim na kaso laban kay Cojuangco kaugnay ng pandarambong sa coco levy fund. Masyado na umanong mahaba ang naging paglilitis at hindi na rin makaka-depensa ang namatay nang akusado. Muling ipinagkait nito ang hindi pa tiyak na halaga ng coco levy fund mula sa mga magniniyog.

Tinatayang nagkakahalaga ngayon ng hanggang P150 bilyon ang coco levy fund at iba pang pag-aaring binili mula rito. Hanggang ngayon, hindi ito napakikinabangan ng magbubukid sa niyugan.

4. Nagdulot ng taggutom sa Negros ang monopolyo sa asukal sa ilalim ni Marcos Sr.

Nakilala pang lalo ang Pilipinas at si Marcos Sr. sa buong mundo dahil sa taggutom o famine sa Negros noong 1980s. Ang taggutom ay ibinunga ng deka-dakadang mabuway na ekonomyang nakaasa-sa-dayuhan, sukdulang pagkaganid ng monopolyo at komprador, at absolutong kapangyarihan ng diktadura.

Inilabas ni Marcos Sr. noong Pebrero 27, 1974 ang PD 388 na bumuo sa Philippine Sugar Commission (Philsucom). Binigyan nito ng monopolyong kapangyarihan ang Philippine Exchange Company, Inc. (Philex) sa eksportasyon ng asukal. Aabot sa 27% ng kabuuang kinikitang dolyar ng bansa ang nagmumula sa kalakalan sa asukal sa panahong ito.

Pinangunahan ang Philsucom ng kroning si Roberto Benedicto, fraternity brother ni Marcos Sr., at may-aari rin ng Philex. Makikilala si Benedicto bilang “Sugar King” ng Pilipinas.Ginamit ni Benedicto ang Philex para bumili ng murang asukal sa lokal na merkado at ibenta ito nang mahal sa U.S.

Nauna nang ipinataw sa ilalim ng kolonyalismong Amerikano ang pagka-palaasa ng industriya ng asukal ng Pilipinas sa importasyon ng US mula rito. Mula 1930s, nakasandig sa US sugar quota, o dami ng asukal na nakatakda nitong i-import, ang produksyon ng at kalakalan sa asukal mula sa Pilipinas. Noong 1973, nasa 1.3 milyong tonelada ang US sugar quota.

Pero pagsapit ng 1974 ay nagwakas ang US sugar quota. Bumagsak ang importasyon ng US ng asukal mula sa Pilipinas. Dumausdos ang presyo ng nalikha at nakaimbak na asukal sa bansa. Ang USD 0.65 kada pound bentahan noong 1975 ay bumagsak sa USD 0.06 kada pound pagsapit ng 1977. Bumagsak pa ito hanggang USD 0.04 pagsapit ng 1985.

Nasira ang mga naka-imbak na asukal, pinaliit ang produksyon, at nawalan ng trabaho ang libo-libong manggagawa. Nabangkarote ang Philex. Hindi nito pinigilan si Benedicto na magpatuloy sa operasyong komprador.

Pagsapit ng Oktubre 21, 1977, inilabas ni Marcos Sr. ang PD 1192. Binigyan nito ng mas masaklaw pang mga kapangyarihan at absolutong monopolyo sa asukal ang Philsucom.

Itinayo pagkatapos ang National Sugar Trading Corporation (Nasutra) na naging trading arm ng Philsucom. Nagkaroon ito ng ekslusibong responsibilidad sa lahat ng pakikipagkalakalan sa asukal, lokal at internasyunal. Pinangunahan din ni Benedicto ang Nasutra.

Ibinalik ang US sugar quota noong 1982 pero sa mas mahirap nang mga kondisyon. Noong 1984-1985 ay nasa 312,000 tonelada lang ang US sugar quota, samantalang nasa 1.6 milyong tonelada ang tinatayang produksyon ng asukal sa bansa.

Ginamit ni Benedicto ang Nasutra para ipagpatuloy ang mga monopolyong operasyong ginawa nito sa Philex. Ang nabibili nitong asukal sa Pilipinas sa USD 18.16 kada picul ay naibebenta nito nang USD 63.70 kada picul sa labas ng bansa. Nasa USD 700 milyon ang kinita nito sa unang tatlong taon lang ng operasyon. Tinatayang aabot sa USD 1.15 bilyon ang dinambong ni Benedicto at Marcos Sr. sa industriya ng asukal mula 1975 hanggang 1984.

Nabangkarote o nabaon sa utang ang maraming sugar planters. Nagsara ang mga sugar mills. Pagsapit ng 1984, mahigit 190,000 manggagawa sa industrya ng asukal ang nawalan ng kabuhayan. Ang mga naiwang may-trabaho ay tumanggap ng mas mababang mga sahod. Sa parehong taon, bumagsak nang 44% ang sahod sa bukid kumpara noong 1968.

Tinamaan ng taggutom (famine) ang isang milyong anakpawis sa Negros. Mahigit 100,000 bata ang dumanas ng malnutrisyon. Hanggang 1986, nasa 490 bata ang namatay sa gutom.

Hinayaang mamayani ng mga sumunod na administrasyon ang malalawak na tubuhang kontrolado ng iilang asyendero sa Negros hanggang sa kasalukuyan.

5. Kinalbo ang walong milyong ektaryang gubat sa ilalim ni Marcos Sr.

Maraming mga maka-kalikasang pahayag si Marcos Sr., lalo laban sa ilegal na pagtotroso.  

Sa kabila nito, ibinigay ni Marcos Sr. sa kanyang mga kroni sa industriya ng pagtotroso ang kontrol sa malalawak na kagubatan. Sa huling bahagi ng 1970s, pinahintulutan ng diktadura ang mahigit 200 timber licensing agreements (TLA)  o konsesyon sa pagtotroso. Marami rito ay sumaklaw ng higit 100,000 ektarya.

Si Alfonso Lim ay binigyan ng pitong konsesyon sa Hilagang Luzon na sumaklaw sa 600,000 ektarya. Si Fortuna Marcos-Belba, bunsong kapatid ni Marcos Sr., ay pinasaklaw sa 200,000 ektarya at si Felipe Ysmael sa 155,000 ektarya. Ang mga kumpanya naman ni Herminio Disini ay pinayagang sumaklaw ng 99,565 ektarya sa Abra at Kalinga-Apayao.

Mula 1960s hanggang 1970s, tinatayang 300,000 ektaryang gubat ang kinakalbo kada taon.

Libo-libong magbubukid at pambansang minorya ang naging biktima ng pwersahang pagpapalayas dahil sa mga naturang dambuhalang operasyon ng pagtotroso. Nagsilbi sa mga pribadong konsesyoner ang mga sundalo ng diktadurang Marcos.

Sa huli, mahigit walong milyong ektaryang gubat ang kinalbo, dalawang milyon dito ay hindi na marerekober pa.

Hanggang ngayon ay sinisikap pa ring marekober ang mga kinalbong gubat sa ilalim ng diktadurang Marcos. Sa kabila ng National Greening Program mula 2011, hindi pa uli nakalapit sa 35% (noong 1969) ang forest cover ng bansa, na kasalukuyang nasa 24% na lang.

6. Minasaker ng mga sundalo ni Marcos Sr. ang magbubukid

Sa kabila ng Martial Law, naglunsad ang masang magbubukid at anakpawis ng mga kilos protesta laban sa mga kontra-mamamayang patakaran ni Marcos Sr. Sinalubong  ito ng dahas at pamamaslang ng diktadura.

Isa sa mga pinakakilala ang Escalante Masaker na naganap sa Negros Occidental noong Setyembre 20, 1985.

Nanganak ng mga kilos protesta ang krisis sa asukal at taggutom sa Negros mula huling bahagi ng 1970s. Bilang protesta sa ika-13 taon ng deklarasyon ng Martial Law noong 1985, naglunsad ng “Welgang Bayan” ang iba’t ibang organisasyong masa sa Negros. Sa ikalawang araw ng nakaplanong tatlong-araw na protesta, nagtipon ang mahigit 5,000 magbubukid, mangingisda, estudyante, at taong simbahan sa harapan ng munisipyo ng Escalante.

Tinangkang idispers ng mga ahente ng estado ang mga nagpoprotesta sa iba’t ibang paraan. Binomba sila ng tubig ng bumbero. Ginamitan sila ng tear gas ng Regional Special Action Forces (RSAF), isang ispesyal na yunit ng kapulisan. Sa huli, pinagbabaril sila ng Civilian Home Defense Force (CHDF), isang yunit-paramilitar na kontrolado ng lokal na gobyerno. Si Armando Gustilo, gobernador noon ng Negros Occidental, ay isa ring kroni ni Marcos Sr.

Nasa 20 hanggang 30 magbubukid at mga nagprotesta ang napaslang sa insidente. May ilan pang sugatan.

Bago pa ito, naganap na ang Guinayangan Masaker sa Quezon noong Pebrero 1, 1981, Daet Masaker sa Camarines Norte noong Hunyo 14, 1981, at Sag-od Masaker sa Las Navas noong Setyembre 15, 1981.

Sa Guinayangan at Daet, pinaputukan ng mga armadong pwersa ng estado ang mga magsasaka sa niyugan na nagpoprotesta laban sa coco levy at para sa pagpapataas sa presyo ng kopra. Dalawa ang namatay at 27 ang sugatan sa Guinayangan, samantalang apat ang namatay at 50 ang sugatan sa Daet.

Sa Las Navas, pinagbabaril ng mga myembro ng CHDF na gwardya rin ng San Jose Timber Corporation ni Juan Ponce Enrile, ang mga residente ng Baryo Sag-od. Pinapalayas nila ang mga magsasaka para sa operasyon sa pagtotroso ni Enrile. Nasa 45 katao ang namatay at 13 lang ang natirang residente ng Sag-od.

Ilan lang ito sa mga naganap na pamamaslang at pangmamasaker ng diktadura laban sa nakikibakang magbubukid at mamamayan. Tinatayang may hindi bababa sa 3,257 biktima ng pamamaslang ng estado sa ilalim ni Marcos Sr. Kabilang dito ang mga pinaslang sa nasa 900 masaker sa panahon ng niya. Malaking bilang ng mga biktima ay mga magbubukid na nakikibaka laban sa mga pahirap na patakaran ng diktadura.

Hanggang ngayon ay hindi pa nakakamit ang hustisya para sa mga biktima ng masaker sa Guinayangan, Daet, Escalante, at iba pa. Nagpatuloy din ang politikal na pamamaslang laban sa magbubukid sa mga sumunod na administrasyon.

Sa ilalim ng rehimeng Duterte, mahigit 340 magbubukid na ang biktima ng politikal na pamamasalang. Marami rito ay mula sa Negros, Bikol, at Samar na tinambakan ng mga dagdag na batalyon alinsunod sa MO 32.

Mahigit 50 magbubukid ang biktima ng politikal na pamamaslang sa Negros, kabilang ang namatay sa Sagay Masaker at 4 iba pang masaker sa isla. Noong Nobyembre 14, 2020, sa ilalim ng pandemya, pinaslang sa probinsya ng Quezon ang lider-magbubukid na nangunguna sa pagbawi sa coco levy funds. Mahigit 14 magbubukid naman ang pinaslang sa Bikol, kabilang ang mga biktima sa Sorsogon Masaker noong Mayo 8, 2020. Tinagurian ding Masaker King si Duterte sa lampas 25 pagmasaker sa mga magsasaka at katutubo mula noong 2016.

7. Inimport ni Imelda Marcos ang pesteng golden kuhol

Noong 1983, tinulak ni Imelda Marcos ang importasyon ng Golden Apple Snail o golden kuhol sa bansa. Mula sa South America, tinanaw itong maging mapagkakakitaan bilang exotic na pagkain at alternatibong mapagkukunan ng protina.

Naging kanlungan at pagkain ng golden kuhol ang palay. Dahil kaya nitong mangitlog ng hanggang 500 sa isang linggo, at halos walang hayop sa bansa ang natural na kumakain dito, mabilis na naging peste ang golden kuhol.

Hindi rin ito pumatok sa mga mamimili, hindi nakaroon ng merkado, at hindi naging malaganap na mapagkukunan ng protina.

Pagsapit ng 1990, nasa 11% ng kabuuang eryang tinatamnan ng palay ang pininsala ng golden kuhol. Hanggang sa kasalukuyan, nananatili itong numero unong peste sa palay. Noong 2019, nasa 1.6 milyon ektaryang palayan ang pininsala nito.

8. Dinambong ni Imee Marcos ang P66 milyong pondo sa tabako

Noong Mayo 2017, nalantad ang pandarambong ni dating Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa P66 milyong pondo sa tabako. Posibleng mas malaki pa ang patuloy na dinadambong ng pamilyang Marcos mula sa tobacco excise tax.

Naganap mula 2010 hanggang 2016, ipinambili ng 110 sasakyan ang pondong para dapat sa mga magsasaka ng tabako sa probinsya. Nagmula ang pondo sa koleksyon ng 15% excise tax sa tabako na sinisingil sa mga magsasaka alinsunod sa RA 7171.

Hindi idinaan sa pampublikong bidding ang pagbili sa mga sasakayan, na overpriced pa nang P21.45 milyon. Pinagkakitaan ito ng pinagbilhan na si Mark Chua, nobyo ni Imee Marcos. Hindi rin rehistrado sa LTO ang mga sasakyan.

Ayon kay Imee, para umano sa mga magsasakang nagrerekwes ang mga naturang paggasta.

Bukod dito, may hanggang P250.16 milyon kwestyonableng cash advance at mga tseke ang natuklasan sa ilalim ng dating opisina ni Marcos.

Kasama si Marcos Jr. sa nagtanggol kay Imee sa Kongreso, matapos niyang magpayong huwag siputin ang imbestigasyon.

Inirekomenda ng Kongreso ang pagsasampa ng mga kaso laban kay Imee, Chua, at iba pang sangkot na lokal na opisyal. Noong Hulyo 2018, naglunsad ng sariling imbestigasyon ang Ombudsman para sa pagbubuo ng kaso.

Naluklok bilang Senador si Imee noong 2019.

Hanggang ngayon, wala pang naisampang kaso kaugnay sa pandarambong sa mga pondo sa tabako.

9. Walang sariling track record ng pagtulong sa magbubukid si Marcos Jr.

Sa sariling website ni Marcos Jr. ay mga “tagumpay” ng kaniyang ama ang nasa unahan ng listahan ng kaniyang mga “nakamit” sa larangan ng agrikultura. Sinunod umano ni Marcos Jr. ang mga programang nagbunsod ng “golden age” sa agrikultura ng Pilipinas sa ilalim ni Marcos Sr.

Gaya ng ipinakita sa itaas, kabaligtaran ng golden age ang dinanas ng Pilipinong magbubukid sa ilalim ng rehimen at diktadurang Marcos. Ang landas na ipinagmamalaking tinahak at tatahakin ni Marcos Jr. ay nagdulot at magdudulot lang muli ng pagpapahirap at pang-aapi sa masang magbubukid at mamamayan.

Sa gitna ng diktadura ng kaniyang ama, naging Vice Governor ng Ilocos Norte noong 1980 ang noo’y 23-taong gulang na si Marcos Jr.. Pagsapit ng 1983 ay naging Governor naman siya ng naturang probinsya.

Kasunod ng pag-aalsang EDSA, tumakas ang pamilyang Marcos tungong US noong 1986.

Namatay si Marcos Sr. noong 1989 at nakabalik si Marcos Jr. sa Pilipinas noong 1991. Naluklok siyang Kongresista ng Ilocos Norte 2nd District noong 1992. Ang kaniyang kauna-unahang House Resolution na ipinasa ay para itulak ang gobyerno na parangalan ang kaniyang ama. Nanatili si Marcos Jr. sa naturang pwesto hanggang 1995, pagkaraan tumakbo siya sa pagkasenador pero natalo.

Muli siyang naging gobernador ng Ilocos Norte noong 1998 at nanatili sa pwesto sa loob ng tatlong magkakasunod na termino, hanggang 2007. Bumalik siya sa pagiging Kongresista ng Ilocos Norte at pinalitan ang kaniyang kapatid na si Imee Marcos mula 2007 hanggang 2010. Pagkatapos ng termino ni Marcos Jr. ay bumalik na Kongresista ng Ilocos Norte si Imee.

Kung hindi mismong Marcos, mga kalapit na pamilya rin nila ang nasa iba’t ibang posisyon sa lokal na gobyerno ng Ilocos Norte. Pero sa kabila ng mahigit tatlong dekadang kontrol sa kapangyarihan, hindi napaunlad ng mga Marcos ang kabuhayan ng magbubukid o mamamayan sa naturang probinsya.

Sa huling ulat ng COA, lumitaw na Ilocos Norte ang pinakamahirap na probinsya sa buong Ilocos Region.

Probinsya2020 net worth
Ilocos NorteP6,419,898,000
Ilocos SurP9,852,827,000
La UnionP7,243,785,000
PangasinanP10,354,871,000

Mula sa: COA. AFR 2020.

Ayon pa sa 2012 CAF, halos lahat (87%) ng sakahan sa Ilocos Norte ay mas maliit pa sa isang ektarya. Mas malala ito sa 64% average sa buong bansa. Napakaliit din ng wala pang kalahating (0.47) ektaryang karaniwang lawak ng sakahan sa naturang probinsya kumpara sa maliit na ngang 1.3 ektaryang pambansang average.

Ipinasilip din sa parehong sensus ang mas malalang kawalang-lupa sa Ilocos Norte. Ayon dito, nasa 31% lang ng magsasaka sa probinsya ang may legal na inaaring lupa, mas mababa kaysa 46% pambansang average. Dahil hindi isinasama sa CAF ang mga manggagawang bukid, tiyak na mas malala pa ang aktwal na kawalang-lupa.

Ayon naman sa DOLE, kasalukuyang Ilocos Region ang may pinakamababang antas ng sahod sa buong bansa. Nasa P282 hanggang P340 ang minimum wage sa rehiyon. Pinakamababa rin ang P282 hanggang P295 minimum wage in agriculture dito. Tiyak na mas mababa pa ang mga antas ng sahod sa malaganap na mga kaayusang impormal.

Mula 2010 hanggang 2016 ay naging pambansang opisyal naman si Marcos Jr. bilang Senador.

Ipinagmamalaki ni Marcos Jr. na nag-akda/nag-isponsor siya ng 54 batas bilang senador. Halos sangkatlo (15) dito ay para sa pagtatakda ng mga bagong pyesta at bakasyon. Ang kalakhang iba pa ay para sa pagtatayo ng mga bagong legislative district o mga syudad. Samantala, wala ni isang patungkol sa mga magbubukid.

Sa buong panahon na siya ay Kongresista, hindi kailanman sinuportahan ni Marcos Jr. ang mga maka-magsasakang panukalang batas – ang GARB na nagtatakda ng libreng pamamahagi ng lupa sa magsasaka; ang RIDA, para sa pagpapalakas sa lokal na produksyon ng bigas; ang P750 National Minimum Wage para sa mga manggagawa ; at ang naisabatas na Free Irrigation Services Act na naggawad ng libreng irigasyon sa magsasaka.

Tumakbo si Marcos Jr. sa pagka-bisepresidente noong 2016 pero tinalo ni Leni Robredo.

Ilang beses siyang nagprotesta sa Comelec at Korte Supreme sa akusasyon ng dayaan. Naglunsad ng recount noong Abril 2018 sa mga presintong pinili ni Marcos Jr.. Natapos ang recount noong Oktubre 2019 pero lalo lang lumaki ang lamang ni Robredo. Pinal na ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Marcos Jr. noong 2021. Ayon dito, kahit kwentahin ang mga umano’y dinayang boto, talo pa rin si Marcos Jr. kay Robredo.

Mula 2016, pinalakas pa ni Marcos Jr. ang malapad na nitong makinaryang panlinlang online. Ang opisyal na Youtube channel ni Marcos Jr. ay aktibo na mula pa 2009. Sinimulang ipalabas dito ang lingguhang “BBM Vlog” noong 2018. Ang opisyal niyang Facebook page ay binuo naman noong 2010 at nagpapaandar na ng ads sing-aga ng 2018.

Noong 2020, inamin ng isang dating empleyado ng Cambridge Analytica na nilapitan sila ni Marcos Jr. para “baguhin ang imahe” ng pamilyang Marcos.

Ang Cambridge Analytica ay internasyunal na kumpanyang naniniktik sa social media users para mas epektibo silang targetin ng politikal na propaganda. Noong 2016, pinagsilbihan nito si Duterte sa Pilipinas, Trump sa US, at ang kampanyang Brexit sa UK. Nagsara ito noong 2018 kasunod ng pagkakasiwalat sa mga ilegal nitong aktibidad.

Gaya ni Duterte, bumuo, nagpalawak, at nagpakawala ang kampo ni Marcos Jr. ng trolls at vloggers. Nagpakalat ang mga ito ng populista at mapanghating retorika sa masa, hinaras at inatake ang mga kritiko ni Marcos Jr., at naghatak ng mga tagasuporta mula sa ilusyon ng kasikatan (o bandwagon).

Sinamantala nito ang disgusto ng mamamayan sa mga institusyon ng burgis na demokrasya (midya, akademya, korte, atbp.) na malaon na silang binibigo.

Ang totoo, nasa likod ng kandidaturang Marcos Jr. ang pinakamalalaking burgesya sa bansa – mga pinakamasasahol na burukrata, kumprador, at panginoong maylupa.

Suportado si Marcos Jr. ng kampo ni Sara Duterte, kaniyang katambal na Bise Presidente at anak ng kasalukuyang presidente; ng dating presidente at House Speaker Gloria Arroyo; ng dating presidente at Manila Mayor Joseph Estrada; ng dating Senate President Juan Ponce Enrile; at ng mga pinakamayayamang kumprador-panginoong maylupa na pamilyang Villar (si Mark Villar ay bahagi ng Senatorial lineup ni Marcos Jr.) at Araneta (asawa ni Marcos Jr. si Liza Araneta). Sinuportahan din ng asyenderong si Danding Cojuangco, ninong ni Marcos Jr. na namatay noong 2020, ang kaniyang kandidatura noong 2016.

Pagtatapos

Ilan pa lang ang nakalista rito sa mga paraan at insidente ng pagpapahirap ng mga Marcos sa masang magbubukid at mamamayan.

Mula 1970s ay malinaw ang padron ng mga Marcos sa pagbibitiw ng mga enggrandeng pangako at maka-maralitang intensyon, pagbali sa mga ito at pagsisinungaling, pagsasamantala sa kapangyarihan, malakihang pandarambong, pagpapayaman sa mga kroni, pagpapahirap sa masa, at paggamit ng panlilinlang at dahas.

Sa kasalukuyang halalan ay nakikita na muli ang mga unang hakbang sa padrong ito. Hindi na dapat ito masundan pa. Dapat magpunyagi ang masang magbubukid para ilantad at biguin ang tangkang pagbalik sa poder ng mga Marcos. #

Biguin ang tambalang Marcos-Duterte!

Mga sanggunian at babasahin

Tadem, Eduardo C. 2022. “How Marcos Undermined Philippine Agriculture and Marginalized Further the Peasantry.” Philippine Journal for Public Policy: Interdisciplinary Development Perspectives: 68–86. https://cids.up.edu.ph/publications/pjpp/pjpp-2022-pjpp-202268/?fbclid=IwAR0u-Vt0_Ps0WKEcpNv9cTe0MFDJip1ujSb_1NtFGLMoHSNW55046e0TAn4 / https://drive.google.com/file/d/18GsoeNxeOcXCQ_v8CFj5bfjWxntewlzh/view 

Reyes, Miguel Paolo P.; Ariate Jr., Joel F; Del Mundo, Larah Vinda. May 24, 2020. “‘Success’ of Masagana 99 all in Imee’s head – UP researchers.” VERA Files.

https://verafiles.org/articles/success-masagana-99-all-imees-head-researchers

Martial Law Museum. “The Marcos Agrarian Reform Program: Promises and Contradictions.”

KMP. February 2021. “Kalagayan at Pakikibaka ng Magsasaka sa Niyugan.” https://peasantmovementph.com/2021/05/27/kalagayan-at-pakikibaka-ng-magsasaka-sa-niyugan/ 

Elemia, Camille. January 22, 2017. “The politics of the coco levy scam: From Marcos to Noynoy Aquino.” Rappler. https://www.rappler.com/newsbreak/in-depth/158400-politics-coco-levy-marcos-noynoy-aquino/

Elemia, Camille. January 23, 2017. “Return coco levy to farmers? Duterte’s promise and political will.” Rappler. https://www.rappler.com/newsbreak/in-depth/159102-duterte-coco-levy-bill-ramon-ang-san-miguel/ 

Buan, Lian. November 12, 20121. “Too long in court: SC clears the late Danding Cojuangco of coco levy civil suits.” Rappler. https://www.rappler.com/nation/supreme-court-clears-late-danding-cojuangco-coco-levy-suits/ 

Panela, Shaira. September 21, 2012. “Greener on the other side: Deforestation in the wake of Martial Law.” GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/scitech/science/275014/greener-on-the-other-side-deforestation-in-the-wake-of-martial-law/story/ 

Escueta, Julia. May 5, 2021. “Planting rice and lies: IRRI’s six-decade history.” UPLB Perspective. https://uplbperspective.org/2021/05/05/planting-rice-and-lies-irris-six-decade-history/ 

Martial Law Museum. “Green Devolution: Contradictions in the Marcos Environmental Agenda.”

de Dios, Emmanuel S.; Gochoco-Bautista, Maria Socorro; Punongbayan, Jan Carlo. November 2021. “Martial law and the Philippine economy.” University of the Philippines School of Economics. https://econ.upd.edu.ph/dp/index.php/dp/article/view/1543/1027?fbclid=IwAR15gZM2rcHPVW70RU3GshCMID2CVDyeGPB8MGsIUeMSvsSOvjt6oJ-ePSE

KMP. October 6, 2021. “BBM bro-in-law Greggy Araneta chasing farmers away from productive agri lands.” KMP Facebook page. https://www.facebook.com/kilusangmagbubukid/posts/10158825312838386 

GMA News. September 20, 2012. “Masagana 99, Nutribun, and Imelda’s ‘edifice complex’ of hospitals.” GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/healthandwellness/274389/masagana-99-nutribun-and-imelda-s-edifice-complex-of-hospitals/story/ 

Olea, Ronalyn. 2003. “Workers Decry IRRI Immunity from Suit.” Bulatlat. https://www.bulatlat.com/news/3-4/3-4-irri.html 

Reyes, Miguel Paolo P.; Ariate Jr., Joel F; Del Mundo, Larah Vinda. January 28, 2021. “The military’s obsession with UP: some historical notes.” VERA Files.

https://verafiles.org/articles/militarys-obsession-some-historical-notes

UMA. October 26, 2021. “Agri-workers: Slash the Marcoses’ Legacy of Lies!” UMA website. https://umapilipinas.wordpress.com/2021/10/26/agri-workers-slash-the-marcoses-legacy-of-lies/ 

Imahe mula sa CARMMA.

One comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s