Vaccine mandate, mandatory vaccination at mga resolusyong naglilimita sa paggalaw ng mga hindi bakunado, pahirap at kontra-mamamayan!

PAMANGGAS-KMP
17 January 2022

Mula pa noong nakaraang taon, malaon nang tinatakot ni Duterte ang mamamayan na huhulihin ang mga indibidwal na hindi magpapabakuna. Nitong umpisa ng taon, muli na namang tinakot ni Duterte ang mga hindi-bakunadong indibidwal ng pagkakakulong. Liban rito, dinagdagan pa ng gubyernong Duterte ng mga mandatong “No Vax, No Labas”, “No Vax, No Ride”, at “No Vax, No Entry” sa mga pampublikong opisina.

Ang mandatong ito ni Duterte ang nag-udyok sa mga lokal na gubyerno na magpasa ng mga ordinansang naglilimita sa paglabas at pag-akses ng mga hindi-bakunadong indibidwal sa mga serbisyo ng gubyerno, mga malls at iba pang esensyal na establisyemento. Ilang siyudad na rin sa National Capital Region ang nagpasa ng mga ordinansa na naglilimita sa paggalaw ng mga hindi bakunadong indibidwal.

Partikular sa siyudad ng Iloilo, ilang buwan nang ipinapatupad ang ordinansang nagbabawal sa pagpasok sa Iloilo City Hall ng mga indibidwal na hindi lubos na bakunado o fully-vaccinated individuals. Ang nasabing restriksyon ang ipinatupad din ng ilang mga pribadong establisyemento sa naturang siyudad. Plano pa ng siyudad ng Iloilo na magpasa ng ordinansa na nagbabawal sa mga hind-bakunadong indibidwal na lumabas kapag nasa ilalim ng Alert Level 3 ang siyudad. Sa probinisya naman ng Iloilo, may ilang barangay na na nagpapatupad ng tsekpoynt na nagbabawal sa paglabas-pasok ng mga indibidwal na hindi bakunado.

Kaming mga magsasaka sa Panay, sa ilalim ng Paghugpong sang mga Mangunguma sa Panay kag Guimaras (PAMANGGAS), ang labis na tumututol sa mga naturang mandato at ordinansang naglilimita sa paggalaw ng mga hindi-bakunadong indibidwal. Ang mga naturang mandato ay klarong diskriminasyon, pahirap at labag sa karapatan ng mamamayan.

Ang mismong pagbabawal sa mga hindi bakunado sa mga serbisyo ng gubyerno at lipunan ay klarong diskriminasyon at lumalabag sa kanilang basehang karapatan para sa patas na pagtrato ng batas. Lumalabag din ito sa karapatan ng mamamayan para sa informed choice at consent. Bayolasyon din ang mandato sa Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program of 2021 kung saan nakasaad na hindi maaring gawing additional mandatory requirement ang vaccination card para sa edukasyon, trabaho at iba pang kaparehong transaksyon sa gubyerno.

Dapat na kilalanin ng gubyerno na may mga indibidwal na mayroong “severe allergic reaction” sa bakuna at may mga agam-agam ang mamamayan hinggil sa maaring idulot ng nasabing bakuna kaya ayaw magpabakuna. Kulang na kulang ang impormasyon na dumarating sa mamamayan laluna sa mga kanayunan na hindi naabot ng serbisyo ng gubyerno. Imbes na takot ang ipamayani ng gubyernong Duterte para piliting magpabakuna ang mamamayan, dapat na magkaroon ang gubyerno ng malawakan at kumprehensibong kampanya para bigyang edukasyon ang mamamayan hinggil sa bakuna upang mapangibabawan ang takot rito.

Pasista at pahirap ang nasabing mandato. Porma ito ng isang lockdown sa tabing na gustong protektahan ng gubyerno ang mga hindi bakunado ngunit sa esensiya ay plano nitong pigilin ang paggalaw ng mamamayan sa pananakot nitong ikukulong ang mamamayang hindi pa bakunado. Mas magdudulot ito ng malaking pasanin sa ekonomiya ng bansa imbes na makatulong. Nasa kalahati pa ng populasyon ang hindi bakunado at ang nasabing mandato na nagbabawal sa kanilang lumabas ang magdudulot ng dislokasyon sa kanilang trabaho at lulubha pa sa kahirapan ng bansa.

Sa higit dalawang taon mula nang ipinatupad ni Duterte ang lockdown ay nagdulot ito ng malaking pinsala sa ekonomiya ng bansa at mismo sa kabuhayan ngl mamamayan laluna ng mga magsasaka sa kanayunan.
Napatunayan na nitong nakaraang mga araw na hindi garantiya na tanging ang pagpapabakuna lamang ang paraan para bumaba ang kaso ng Covid-19 sa bansa. Kaya isang kahangalan na pagdamutan ng parehong karapatan na tinatamasa ng mga bakunadong mamamayan ang mga hindi-bakunadong indibidwal.

Sa higit na dalawang taon na ng pandemya, at pabago-bagong variant na ng Covid-19 ang pumapasok sa bansa, dapat na maalam na ang gubyernong Duterte sa pagsagot sa naturang pandemya. Hindi lamang ang pagpapabakuna ang tanging solusyon para pigilan ang pagkalat ng pandemya. Dapat na pagtuunan din ng pansin ng gubyernong Duterte ang pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan ng bansa na siyang sasagot sa kahirapan ng mga ospital na bigyan ng nararapat na atensyon ang mga natamaan ng Covid-19.
Dapat ding ibaling ang malaking pondo ng pamahalaan mula sa militarisasyon tungo sa pagpapalakas ng Sistemang Pangkalusugan ng bansa. At higit sa lahat, dapat na suportahan ang mamamayan sa pamamagitan ng ayuda para may kakayanang harapin ang dagok sa kanilang kabuhayan at para na rin makatulong sa muling pagbangon ng ekonomiya.

Kami sa PAMANGGAS, kasama ng ibang progresibong organisasyon sa isla ng Panay, ang TUMITINDIG at NAGPO-PROTESTA laban sa mga mandating “No Vax, No Labas”, “No Vax, No Ride”, “No Vax, No Entry”, “No Vax, No Ayuda”, at iba pang restriksyon laban sa mga hindi-bakunadong indibidwal. Dapat na kalampagin si Duterte dahil sa palpak na tugon nito sa pandemya at pagpasa ng bigat ng responsibilidad sa pagharap sa pandemya sa mamamayan.###

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s