Lupa, sahod, at kabuhayan ang bitbit na panawagan ng mga welgistang manggagawang bukid sa Asyenda Luisita subalit bala ang itinugon sa kanila ng sabwatan ng mga panginoong may lupa at estado.
Sumadsad sa 9.50 pesos ang limos na sahod ng mga manggagawang bukid sa isang linggong pagpapagal. Kabi-kabila ang palayasan at banta sa paninirahan at kabuhayan sa pinabilis na pagpapalit gamit ng lupang agrikultural.
Kahirapan at demolisyon ang tistis na nagliyab ng galit ng mamamayan ng Asyenda Luisita para itaguyod ang Dakilang Welgang Bayan, ipanawagan ang pagbabasura ng SDO, ikondena ang bogus na reporma sa lupa na hatid ng CARP, at igiit ang pamamahagi ng lupa sa mga manggagawang bukid.

Labinwalong taon ang lumipas, walang napapanagot sa mga may sala sa masaker: PNP, AFP, DOLE, at si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Inamag sa opisina ng Ombudsman kahit pa may malinaw na itinuturong salarin sa resulta ng imbestigasyon ng NBI.
Sa kabila ng makasaysayang desisyon ng Korte Suprema noong Abril 24, 2012, nananatiling walang makabuluhang pamamahagi ng lupa sa Asyenda Luisita. Nagpapatuloy ang mga maniobra ng sabwatang panginoong maylupa at estado para sampahan ng gawa-gawang kaso ang mga manggagawang bukid, linlangin, takutin, dahasin, tawaging terorismo ang makatarungan paggigiit ng karapatan, at maglunsad ng walang kapararakang disimpormasyon at pagbabaluktot ng katotohanan.
Gayunman, muhon ng pakikibakang magbubukid ang ipinakitang lakas sa sama-samang pagkilos ng humigit kumulang 10,000 manggagawang bukid at mga pamilya nito sa buong 10 barangay ng Asyenda Luisita. Naging di naapulang apoy na patuloy na nagsisindi ng alab ng inspirasyon sa iba’t iba pang mga magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa hanggang nagpapatuloy ang kawalan ng lupa, hindi makataong kondisyon sa paggawa, at monopolyo sa lupa ng iilang panginoong may lupa.
Nananatiling sapol sa sikmura ng mamamayan ang panawagan para sa nakabubuhay na sahod, tunay na reporma sa lupa, libreng pamamahagi ng lupa at hustisyang panlipunan.
Hindi terorismo ang magbungkal at lumikha ng pagkain. Terorismo ng panginoong may lupa at estado ang angkinin ang napakalawak na lupain at pagkaitan ng lupa at kabuhayan ang libo-libong pamilya para lamang mapanatili ang luho ng iilan.
Tuloy ang laban sa Asyenda Luisita!
Tuloy ang laban ng uring magbubukid!