Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na magbitiw na si Senator Cynthia Villar sa dalawang malalaking komiteng hawak nito sa Senado — ang Senate Committee on Agriculture and Food and Agrarian Reform at Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change.
Kamakailan lang, nagbanggaan sa pagdinig ng Department of Agriculture budget sina Villar at Senator Erwin Tulfo dahil sa usapin ng land-use conversion.
Ayon sa KMP, malaking conflict of interest na si Senator Villar ang patuloy na may hawak sa nabanggit na dalawang malalaking komite sa Senado samantalang ang kanyang pamilya ang isa sa mga real estate moguls sa bansa na may malalaking negosyo ng mga subdivision (Vista Land), water utility (Prime Water) at iba pa. Simula 2013 pa hinahawakan ni Senator Villar ang dalawang komiteng ito sa Senado.
Ang pagtingin ni Senator Villar sa agrikultura ay negosyo. Mas importante din para sa kanya ang mga subdivision kaysa sa mga magsasaka at ang seguridad ng pagkain ng bansa. Ang gusto yata ni Senator Villar kumain na lang ng semento ang mga Pilipino,” ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos.
“Agriculture and Food and Agrarian Reform ang komite niya pero mas pinili niyang isabatas ang RA 11203 o Rice Tariffication Law kahit tutol dito ang mga magsasaka. Ang pagdagsa ng imported ng bigas dahil sa RA 11203 ang isa sa dahilan ng malaking pagkalugi ng mga magsasaka ng palay na umabot na sa P206-bilyon. Si Senator Villar din ang may hawak ng Committee on Environment and Natural Resources and Climate Change pero ang negosyo nilang Primewater Inc. ay nagtatangkang kontrolin ang lahat ng local water districts sa bansa. Sa mga ulat na nakarating sa KMP, napakamahal ng singil sa tubig ng Primewater Inc.
“Ang pamilyang Villar ang isa sa pinakamalaking bangkero ng lupa sa Pilipinas. Ang Vista Land pa lang, mayroon nang P309-bilyon inisyal na assets at sumasaklaw sa hindi bababa sa 2,925 ektarya ng lupa sa bansa. Ang mga lupain na ginawa nilang subdivisions ay mga lupang na-convert o nagpalit-gamit mula agrikultural at naging commercial o residential classification.”
“Tama ang posisyon ni Senator Tulfo na hindi dapat tayuan ng subdivision at i-convert ang mga lupang sakahan. Lalo ngayon na may krisis sa pagkain, dapat ipreserba ang mga lupa para produksyon ng palay at pagkain. Hinihikayat namin si Senator Tulfo na suportahan ang panawagan ng mga magsasaka na moratoryum sa land-use conversion,” sabi ni Ramos.
Noong 2012, ang mag-asawang Manny at Cynthia Villar ay may pinagsamang net worth na P1.45 billion. Mula 2010 hanggang 2022, si Manny Villar ang hinirang ng Forbes na pinakamayamang Pilipino at may estimate net worth na $8.3 bilyon o halos P475 bilyon.
Bukod sa Vista Land and Lifescapes Inc. at Primewater Inc., pagmamay-ari din ng mga Villar ang VistaREIT na kumpanya ng shopping malls at office towers. May negosyo din ang pamilya sa retailing, casino, TV network, renewable energy at iba pa. #