Mga manggagawa sa agrikultura may karapatan din sa pag-oorganisa
Nagpahayag ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ng suporta sa nagaganap na ILO-High Level Tripartite Mission na mag-iimbestiga sa paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.
Ayon sa lider ng KMP na si Danilo Ramos, kabilang ang mga manggagawa sa agrikultura o agricultural workers sa pinaka-pinagsasamantalahan. “Kagaya ng mga manggagawa sa pabrika at sa service sektor, may karapatan din ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura. Sila ang mga trabahador sa mga tubuhan, sa mga plantasyon ng prutas. Karaniwan na biktima sila ng violation of labor standards gaya ng kawalan ng sick leave, vacation leave, overtime pay, maternity benefits, death benefits, holiday pay, 13th month pay, SSS benefits, PhilHealth, at iba pa. Kadalasan rin na walang personal protective equipment ang mga manggagawa sa agrikultura.
“Sa totoo lang, mas mababa pa kaysa sa itinakdang agricultural wages ang natatanggap ng mga manggagawa sa mga tubuhan. Para nang sahod alipin. Nalalabag ang karapatan nila sa nakabubuhay na sahod at sapat na benepisyon dahil nalalabag din ang kanilang freedom of association at karapatan na mag-organisa,” ayon kay Ramos.
Sa probinsya ng Isabela sa Region 2, nasa P375 hanggang P400 na dapat ang wage rate ng mga sugar plantation workers subalit umiiral pa rin ang piece rate na pasuweldo o pagsusuweldo batay sa ginawa, gaya ng:
- P16-50 sa pagdadamo ng tubo o sugarcane
- P40 – P70 sa pagtatanim
- P150 sa paglalagay ng abono o fertilizer
- P75 sa patching, P63 sa de-strussing
- P94 sa paglilinis ng underbrush at recutting at
- P250 para sa isang buong araw na pag-aani ng tubo
Ayon kay Ramos, isa sa pinakamahirap at delikadong trabaho ang trabaho sa mga plantasyon ng tubo subalit napakababa ng sahod ng mga manggagawa dito.
Sa mga hacienda naman sa Negros, umiiral pa rin ang pakyaw system o batay sa quota ng magagawang trabaho ng isang grupo ng mga manggagawa. Karaniwan na sumusweldo lang P1,000-P1,500 kada kinsenas (15 days) o P2,000-P3,000 sa isang buwan ang mga manggagawa sa tubuhan. Malaganap din ang child labor at unpaid family labor. Kahit ang mga manggagawa sa hacienda na regular ay tumatanggap ng pinakamababang pasahod. “Hindi nasusunod ang itinakdang wage rate ng DOLE para sa mga manggagawa sa agrikultura,” ayon kay Ramos.