Ang mga kagaya nina Wilma, Benito, kapwa mga beteranong lider ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), kasama ang walo pang martir ay pinagpupugayan ng Amihan National Federation of Peasant Women, sa pag-aalay nila ng panahon, talino, at buhay para paglingkuran ang masang magsasaka at kababaihang magbubukid sa kanayunan.
Ang brutal na pagpaslang sa kanila ay pagpapakita ng pagiging marahas ng estado at paglabag nito sa International Humanitarian Law kaugnay sa hindi pagkilala sa kanilang mga karapatan bilang mga prisoners of war. Gayundin, sila rin ay biktima ng extrajudicial killing dahil hindi kinilala ang kanilang mga karapatan batay sa Bill of Rights ng saligang batas. Kaisa ang kababaihang magbubukid sa panawagang hustisya at pagkakaroon ng masusi at indyependenteng imbestigasyon sa pamamaraan ng pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang pantao ng Armed Forces of the Philippines.
Pagpugayan natin sila sa kanilang dakilang ambag sa mamamayang Pilipino laban sa kontrol at dominasyon ng imperyalismo, buruktrata kapitalismo at pyudalismo. Malaki ang pagpapahalaga nila sa masang magbubukid para sa pagkakamit ng tunay na reporma sa lupa at pagpawi sa pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala sa kanayunan at ang mga kagaya nila ang nagpakita ng tunay na pagsisilbi sa bayan. Kabaliktaran ito sa ipinapakita ng estado na kontra-mamamayan, kontra-magsasaka, at gumagamit ng dahas at panlilinlang.
Signipikante ang kanilang ambag sa pagsusulong ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) sa peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines taong 2016-2017. Bilang peace advocates, panawagan nila ang pagkakamit ng “just and lasting peace” para resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa.
Kagaya nila, marami na rin ang biktima ng pasismo na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nakakamit na hustisya. Kagaya ni Randall “Ka Randy” Echanis, isa ring tagapamandila ng tunay na reporma sa lupa at kagalingan ng mamamayan at peace advocate, ay brutal na pinaslang ng estado.
Sa kasalukuyan, hindi nakapagtatakang lumalaban ang masang magsasaka at kababaihang magbubukid sa kanilang paggigiit ng karapatan sa lupa at kabuhayan.
Bilang panghuli, magtutuloy-tuloy ang pakikibaka ng uring anakpawis hangga’t nananatili ang pang-aapi at pagsasamantala. Hindi mababaon sa limot ang pamanang pakikibaka nina Wilma at Benito at dadalhin ito sa mga susunod na henerasyon. Hindi sila terorista kundi tunay na mga bayani ng sambayanan.
Kung gayon, ang kababaihang magbububukid ay buong lakas na mag-aambag sa pagpapalawak at pagpapalakas ng kilusang magbubukid para sa pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at pambansang kalayaan at demokrasya. ###