Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang plano ng National Food Authority (NFA) na magpalabas ng 30,000 metric tons (MT) ng bigas bawat buwan sa mga ahensya ng gobyerno at local government units (LGUs) bago pa ang deklarasyon ng food security emergency. Ayon sa KMP, hindi nito tunay na malulutas ang krisis sa pagkain at mataas na presyo ng bigas sa bansa.
“Panandaliang hakbang muli ito at hindi tinutugunan ang ugat ng problema—ang kontrol ng mga pribadong negosyante at rice cartel sa suplay at presyo ng bigas. Sa nakaraang anim na taon, binigyan laya ng Rice Liberalization Law (RLL) ang mga ganid na negosyante upang manipulahin ang presyo ng bigas sa merkado, habang patuloy na nalulugi ang ating lokal na magsasaka,” ayon kay Rafael Mariano, chairperson emeritus ng KMP at dating Agrarian Reform Secretary.
Sa ilalim ng planong ito ng DA-NFA, aabot sa 150,000 MT ng bigas ang ipamamahagi sa loob ng anim na buwan, ayon kay NFA Administrator Larry Lacson. Bagama’t layunin nitong pababain ang presyo ng bigas at maghanda para sa paparating na anihan ng palay, iginiit ng KMP na ang ganitong hakbang ay hindi sapat upang masolusyunan ang krisis sa bigas.
“Mali ang pananaw ng gobyerno na ang pagpapalabas ng 30,000 MT kada buwan ay makakapagpababa ng presyo ng bigas. Ang pangunahing dahilan ng mataas na presyo ay ang kontrol ng malalaking negosyante at rice cartel sa suplay, kasama na ang walang habas na importasyon, hoarding, overpricing, at profiteering. Hangga’t hindi ibinabasura ang Rice Liberalization Law at hindi pinapalakas ang lokal na agrikultura, mananatiling mataas ang presyo ng bigas sa merkado,” diin ni Mariano.
“Kung talagang seryoso ang gobyerno sa pagpapababa ng presyo ng bigas at pagtulong sa mamamayan, dapat nitong ibasura ang Rice Liberalization Law, itaas ang suporta sa lokal na produksyon, at ipatupad ang mahigpit na regulasyon laban sa hoarding at overpricing ng malalaking negosyante. Ang gobyerno ang dapat may kontrol sa suplay at presyo ng bigas, hindi ang mga pribadong kartel,” dagdag pa ni Mariano.
Bukod sa RLL, binatikos din ng KMP ang patuloy na pagsandig ng administrasyong Marcos Jr. sa importasyon sa halip na palakasin ang lokal na produksyon. “Ang tunay na solusyon sa krisis sa pagkain ay hindi ang patuloy na pag-angkat ng bigas kundi ang pagbibigay ng sapat na suporta sa ating mga magsasaka upang mapataas ang produksyon at mapanatili ang abot-kayang presyo ng bigas,” pagtatapos ng grupo. ###
