Noong Pebrero 3, naglabas ang Department of Agriculture ng Department Circular No. 3 o Declaration of Food Security Emergency on Rice due to Extraordinary Increase in Rice Prices na nagpapayag sa National Food Authority (NFA) na maglabas ng stocks nito na maaring bilhin ng mga LGU at sa Kadiwa ng Pangulo. Ang Food Security Emergency ay magkakabisa hangga’t hindi tinatapos at irerebyu bawat buwan. Mula Hulyo 2023, sumirit ng husto pataas ang presyo ng bigas at naging napakabigat ng epekto nito sa mga konsyumer at mamamayan, patunay ng kabiguan ng pangako ni Pangulong Bongbong Marcos Jr na ibababa ang presyo ng bigas.
Batay sa direktiba ng food security emergency, inuutusan ang NFA na maglabas ng bigas na bibilhin ng mga LGUs at GOCCs sa halagang P35 kada kilo na ibebenta naman sa P33 kada kilo sa mga konsyumer o publiko. Nilalayon umano ng hakbang na “maka-impluwensya” sa presyo ng bigas sa mga pamilihan. Nasa P12 to P15 kada kilo ang tinatayang lugi ng DA-NFA sa pagbebenta nito ng mas mababang presyo ng bigas.
Nasa 150,000 metric tons ng bigas ang ilalabas ng NFA kung aabot ng 6 na buwan ang deklarasyon mula sa sinasabi nitong 300,000 metric tons na suplay ng bigas na mayroon ito. Kung kukulangin pa rin ang suplay, maari pang bumili sa lokal o mag-import ang NFA.
Subalit matatandaan na noong Pebrero-Marso 2024, nabunyag na nagbenta ang NFA ng mas mababang presyong bigas sa mga pribadong traders sa halagang P25 kada kilo. Ang iregular na pagbebenta ng bigas ng NFA sa mga traders ay nagresulta ng suspensyon ng lampas 100 mga opisyal at empleyado ng NFA.
“Sa totoo lang, kung gugustuhin nito, kakayanin pa ng DA-NFA na mas maibaba pa ng mas mababa sa P33 ang presyo ng ibebenta nitong bigas. Kung gusto talagang mapababa ng gobyerno ang presyo, dapat unahin nito ang pagsawata o pagpigil sa pribadong kartel ng bigas na may kontrol sa suplay, presyuhan at distribusyon ng bigas sa merkado,” ayon kay KMP chairperson emeritus at dating DAR Secretary Rafael Mariano.
Kinwestyon din ni Mariano ang totoong estado ng suplay ng bigas ng NFA. Aniya batay mismo sa datos mula sa NFA, kalakhan o malaking bahagi ng sinasabing 300,000 metric tons na suplay na hawak ng NFA ay nasa porma ng palay. “Hindi sapat ang aktwal na bigas na hawak ng NFA sa ngayon para tunay ma maka-impluwensya sa presyuhan ng bigas sa mga palengke.” Batay sa record, as of January 15, 2025, ang hawak lang na bigas ng NFA ay 708, 217 bags ng bigas at ang mas marami ay palay pa na 7,991, 522 bags. Karamihan din sa mga milling contracts ay napaso o expired na. Paano ang gagawin ng NFA na pag-impluwensya o paghila pababa ng presyo,” dagdag pa ng lider magsasaka. Mayroon lang 72,799 bags o katumbas na 3,639 metric tons ng bigas na hawak ang NFA sa NCR. “Sabihin nang mayroon ngang 300,000 metric tons ng bigas ang NFA, sapat lang ito para sa 6-7 na araw na national consumption. Paano bababa ang bigas sa susunod na mga linggo o sa target na anim na buwan?
“Ang food security emergency nina Marcos Jr at ng DA-NFA ay panandalian at pakitang-tao lamang. Ang paglalabas ng buffer stock mula sa mga bodega ng NFA ay hindi pangmatagalang solusyon at hindi rin ito abot-kaya ng maraming Pilipino. Malinaw na bigo ang Rice Liberalization Law, lalo na matapos alisin ang mandato ng NFA,” ayon naman kay Cathy Estavillo, Pangkalahatang Kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas.
Nanawagan siya ng pananagutan mula kay Marcos at sa DA-NFA sa mga polisiyang lalong nagpalala sa krisis sa bigas. “Anim na taon na mula nang ipatupad ang Rice Liberalization Law, at malinaw ang pinsalang idinulot nito sa mga magsasaka at mamimili,” pahayag ni Estavillo. Magpoprotesta ang mga grupo sa Pebrero 14 sa ika-anim na taon ng batas na nagresulta sa mataas na presyo ng bigas at lugmok na lokal na industriya ng bigas at mga magsasaka sa palay.
Magpapatuloy ang importasyon ng bigas sa ilalim ng Rice Liberalization Law. Noong 2024, umabot sa 4.68 milyong metriko tonelada ng bigas ang pumasok sa bansa. Ayon sa USDA, tinatayang aabot sa 5.22 milyong metriko tonelada ang aangkating bigas ng Pilipinas sa 2025, kaya’t magiging pinakamalaking importer ng bigas sa buong mundo ang bansa.
Nanawagan ang KMP, Amihan at Bantay Bigas sa mga magsasaka, mga konsyumer, manggagawa, kabataan, estudyante, at iba pang sektor na magkaisa upang ibasura ang Rice Liberalization Law at itulak ang agarang at tunay na solusyon sa krisis sa bigas at pagkain. Hinikayat ang mga pagkilos upang papanagutin si Marcos sa tumitinding problema ng sektor ng agrikultura. Kailangan nating ipaglaban ang karapatan natin sa mura at abot-kayang pagkain at para sa pagpapalakas ng lokal na produksyon at agrikultura,” ayon kay Estavillo.###
