Mga magsasaka, hindi boboto sa alyansa ng mga trapo at dinastiya

Mariing tinututulan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang kandidatura ng mga tradisyunal na pulitiko at mga pulitikong mula sa dinastiya na bumubuo sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. Hindi ito ang mga lider na kailangan ng mga magsasaka at mamamayang Pilipino. Ang kailangan ng ating bayan ay tunay na kinatawan ng masa—mga lider na nagmula mismo sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, at ordinaryong mamamayan na tunay na nakakaunawa sa ating kalagayan. Walang 12-0 para sa alyansa ng mga trapo at dinastiya.

“Walang maaasahan ang mga magsasaka sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas. Ito ay alyansa ng mga pamilya at personaheng matagal nang naghahari-harian sa ating bansa at nagpapahirap sa mga magsasaka. Kung mananalo sila, magpapatuloy ang madilim na kabanata ng ating kasaysayan,” ayon kay Ronnie Manalo, Pangkalahatang Kalihim ng KMP.

Ang ipinapakita ng ticket ni Pangulong Marcos ang napakaruming mukha ng eleksyon sa Pilipinas—isang laban ng mga pangalan at hindi ng plataporma, isang paligsahan ng kasikatan at hindi ng kakayahan. Ang kanilang lineup ay binubuo ng mga pulitikong paulit-ulit nang nakaupo sa kapangyarihan, ngunit patuloy pa ring nagpapahirap sa taumbayan.

Ayon kay Manalo, hindi malilimutan ng mga magsasaka kung paano ipinagkait ng administrasyong Marcos Jr. at ng kanyang mga kapanalig ang tunay na reporma sa lupa, ang makatarungang presyo ng palay at bigas, at ang suporta para sa agrikultura. Sa halip na itaguyod ang kapakanan ng mga magsasaka, mas inuuna nila ang interes ng malalaking negosyante, dayuhan, at ng kanilang sariling mga pamilya.

Panahon na upang maging mas kritikal ang mga botante. Hindi dapat tayo malinlang ng matatamis na pangako at engrandeng kampanya. Hindi ang kasikatan o apelyido ang batayan ng pagpili ng ating mga lider, kundi ang kakayahan at tunay na malasakit sa mamamayan. Hindi na magpapaloko ang mga magsasaka. Ang boto namin ay para sa tunay na kinatawan ng masa—hindi para sa mga naghaharing-uri na matagal nang pinagsasamantalahan ang ating bayan! Itakwil ang mga trapo! Itakwil ang dinastiya! Ipaglaban ang tunay na pagbabago para sa mga magsasaka at para sa sambayanang Pilipino!

Leave a comment