Mariing kinokondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang trahedyang dulot ng pagbagsak ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela. Ayon kay KMP Chairperson at Makabayan Senatorial Candidate Danilo Ramos, hindi ito isang simpleng aksidente kundi isang matibay na ebidensya ng malalang korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Hindi simpleng aksidente ang trahedyang ito. Isa itong trahedya ng katiwalian! Isang dekadang itinayo ang tulay, ginastusan ng bilyon-bilyon, pero bumagsak lang nang wala pang isang buwan mula nang buksan? Patunay na walang dekalidad at maayos na imprastruktura ang DPWH!” ani Ramos.
Sinimulang itayo ang Cabagan-Sta. Maria Bridge noong 2014 sa ilalim ng DPWH, sa pamumuno ni dating Kalihim Mark Villar. Sa halip na matapos noong 2019, nagkaroon ng mga aberya at kakailanganin pang i-retrofit bago ito tuluyang mabuksan nitong Pebrero 2025. Sa kabila ng mga pag-aayos, lumitaw ang tunay na kondisyon ng proyekto nang bumigay ang istraktura matapos dumaan ang isang dump truck na may dalang 102 toneladang karga.
“Hindi lang kapabayaan ito—kriminal na pagpapabaya at malamang na may bahid ng korapsyon! Ano ang dahilan ng pagkaantala ng proyekto? Bakit kailangang i-retrofit kung matibay ang pagkakagawa? Ilang porsyento ng pondong P1.2 bilyon ang napunta sa aktwal na konstruksyon at ilan ang naibulsa ng mga opisyal?” diin ni Ramos.
Sa ilalim ng panunungkulan ni Villar, sunod-sunod ang mga alegasyon ng overpricing, pekeng bidding, at substandard na mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program. “Napakaraming dapat ipaliwanag si Villar! Ang pagbagsak ng tulay sa Isabela ay patunay na puro papogi at pagpapapogi lang ang DPWH noon. Ang tunay na tanong: ilang imprastruktura pa ang delikado sa ilalim ng kanyang panunungkulan?” dagdag pa ni Ramos.
Giit ng KMP, hindi dapat masentro ang imbestigasyon sa driver ng dump truck at sa mga mabababang kawani ng DPWH. “Dapat ang managot ay ang mga may kapangyarihan—mga opisyal ng DPWH, contractor, at mga nag-apruba ng proyektong ito! Hindi lang ito kapabayaan, kundi sistematikong katiwalian. Hindi tayo papayag na manahimik na lang si Senador Mark Villar sa isyung ito!” ani Ramos.
Dagdag pa ni Ramos, hindi lamang ito tungkol sa isang tulay kundi sa isang bulok na sistema kung saan ang mga proyekto ng gobyerno ay nagiging gatasan ng iilan habang buhay ang nakataya. “Ilang tulay, kalsada, at gusali pa ang maaaring bumagsak dahil sa katiwalian? Dapat may managot at dapat itong magsilbing babala sa mga nagnanakaw sa kaban ng bayan!” pahayag niya.
Nanawagan ang KMP ng agarang, independent at malalimang imbestigasyon upang alamin kung paano ginamit ang bilyong pondo sa proyekto. “Ang pondo ng bayan ay para sa maayos at ligtas na imprastruktura, hindi para punan ang bulsa ng mga tiwali! Dapat nang tapusin ang ganitong klaseng pang-aabuso sa kaban ng bayan,” pagtatapos ni Ramos.
Pondo ng DPWH sa mga tulay: dapat busisiin
Sa kabila ng mga pumapalpak na proyekto, patuloy na lumalaki ang budget ng DPWH para sa imprastruktura. Sa nakalipas na tatlong taon (2022-2024), mahigit Php95.6 bilyon ang inilaan para sa pagpapabuti at pagpapalakas ng Maharlika Highway (N1), kabilang ang rehabilitasyon ng 367 tulay at 1,590 kilometro ng kalsada. Mula sa Php18.6 bilyon noong 2022, lumobo ito sa Php48.2 bilyon ngayong 2024—isang pagtaas ng 159%. Gayunpaman, ang aktwal na implementasyon ay nananatiling malaking tanong.
Ayon sa DPWH, nasa 1,263 tulay ang natapos sa parehong panahon, kabilang ang 335 expansion ng national bridges, 45 bagong tulay, 204 rehabilitasyon, 68 pagpapalit ng lumang tulay, 202 retrofitting, at 409 proyekto para sa mga lokal na tulay. Ngunit, sa kabila nito, patuloy ang mga kaso ng depektibong imprastruktura, tulad ng nangyari sa Cabagan-Sta. Maria Bridge.
