Pakikiisa ng KMP sa laban ng mga manggagawa ng Nexperia: Labanan ang tanggalan, ibasura ang Assumption of Jurisdiction

Mahigpit na nakikiisa ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. sa kanilang laban kontra sa mass termination, union-busting, at pagsasamantala ng kapitalista. Kinukondena namin ang patuloy na panggigipit sa hanapbuhay, makatarungang sahod, at karapatang mag-unyon ng mga manggagawa. Ang tanggalan ng mahigit 600 manggagawa sa pangalan ng “cost optimization” at “automation” ay malinaw na paraan upang pumiga ng kita at tubo ng kumpanya habang ibinabasura ang kabuhayan at niyuyurakan ang karapatan ng mga manggagawa.

Kinokondena rin namin ang paglalabas ng Assumption of Jurisdiction (AJ) order ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma—isang tahasang pagsupil sa karapatan ng mga manggagawa na magwelga. Sa pagdeklara sa Nexperia bilang industriya na may “pambansang interes,” epektibong ginawang labag sa batas ang makatarungang paglaban ng mga manggagawa sa illegal na tanggalan at unfair labor practices. Muli nitong pinatunayan na ang gobyerno ni Marcos Jr ay kakampi ng kapitalista, hindi ng mga manggagawang Pilipino.

Mariin naming sinusuportahan ang House Bill 7096 ng Gabriela Women’s Party upang ibasura ang probisyon ng Assumption of Jurisdiction o AJ sa Labor Code. Isa itong mapanupil na batas na ginagamit upang buwagin ang mga makatarungang welga at pigilan ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa. Mula pa noong Martial Law ni Marcos Sr, ginagamit ito upang hadlangan ang lehitimong laban ng mga unyon laban sa pagsasamantala ng mga kapitalista. Dapat na itong tuluyang ibasura!

Ang laban ng mga manggagawa ng Nexperia ay laban ng lahat ng manggagawang Pilipino na patuloy na dumaranas ng kawalan ng seguridad sa trabaho, mababang pasahod, at pagsupil sa kanilang mga karapatan sa pag-uunyon. Ang mga umiiral na batas sa paggawa ay taliwas sa interes ng mga manggagawa at pabor sa malalaking negosyante.

Nanawagan ang KMP sa lahat ng unyon, organisasyon, at tagapagtaguyod ng karapatan ng manggagawa na makiisa sa laban ng mga manggagawa ng Nexperia. Ibalik ang mga manggagawang iligal na tinanggal, itigil ang tanggalan sa trabaho, ipaglaban ang makatarungang dagdag-sahod, at ang ibasura ang Assumption of Jurisdiction sa Labor Code.

Makibaka para sa trabaho at sahod! Ipaglaban ang karapatan ng manggagawa!

Leave a comment