“Isunod nang arestuhin si Bato Dela Rosa at iba pang sangkot sa killings” — KMP

Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa kagyat na pag-aresto kina dating Philippine National Police (PNP) Chiefs Ronald “Bato” Dela Rosa at Oscar Albayalde, na kasama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong isinampa ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga krimen laban sa sangkatauhan dulot ng madugong “drug war killings.”

Matapos ang pag-aresto kay Duterte noong Marso 11 sa Maynila, dapat na ring papanagutin at hulihin sina Bato at Albayalde, gayundin ang lahat ng matataas at mabababang opisyal ng PNP na sangkot sa libu-libong kaso ng extrajudicial killings (EJK) at paglabag sa karapatang pantao.

Bukod kay Duterte, kabilang sila Dela Rosa, at Albayalde sa mga pangalang tinukoy sa mga dokumento ng ICC na may pananagutan sa mga pagpaslang sa ilalim ng kampanya kontra droga mula 2016 hanggang 2022. Si Dela Rosa, na naging PNP chief mula 2016 hanggang 2018, ang pangunahing arkitekto ng “Oplan Tokhang.

Binalewala ni Dela Rosa ang mga batikos sa human rights violations. Ipinagtanggol niya ang kampanya at iginiit na lehitimo ang mga operasyon ng pulisya sa kabila ng mga ebidensya ng pang-aabuso. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, libu-libong Pilipino ang napatay sa mga operasyong kontra droga, marami sa kanila ang naitala bilang “deaths under investigation” — terminong ginamit upang pagtakpan ang pagpatay ng estado.

Si Albayalde naman na pumalit kay Dela Rosa bilang PNP chief noong 2018, ay nagpatuloy sa Oplan Tokhang. Batbat ng katiwalian at pagkakasangkot sa mga anomalya sa droga ang termino nya. Inakusahan siyang nagtatanggol sa mga “ninja cops” o mga pulis na nagre-resell ng nakumpiskang droga. Nag resign sa PNP si Albayalde noong 2019.

“Hindi lubos na makakamit ang hustisya kung si Duterte lang ang mananagot sa mga krimen ng estado. Dapat managot din ang mga opisyal ng kapulisan na nagsagawa ng mga operasyong nagdulot ng takot at pighati sa libu-libong pamilyang Pilipino,” ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos.

Iginiit ng KMP ang agarang pag-aresto kay Bato Dela Rosa at sa lahat ng opisyal ng PNP na direktang sangkot sa mga operasyon ng Tokhang at pamamaslang. “Katarungan para sa mga biktima ng EJK at kanilang mga pamilya ang dapat manaig. Hindi sapat na si Duterte lamang ang managot! May command responsibility sina Bato at Albayalde pati na si dating PNP Chief Debold Sinas sa libu-libong kaso ng pagpatay na malinaw na batayan para sa kanilang pananagutan sa ilalim ng international laws,” dagdag pa ni Ramos.

Patuloy na naghahanap ng hustisya ang pamilya ng mga biktima. Dapat papanagutin sa kanilang mga krimen ang mga salarin mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababang antas ng PNP.

Kailangan din palakasin ang kampanya ng mamamayan laban sa mga abusadong pulis at militar na nagsisilbing kasangkapan sa pamamaslang at paglabag sa karapatang pantao. ##

Leave a comment