Nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa administrasyong Marcos Jr na simulan na ang proseso ng pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC). Ayon kay Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP at Makabayan senatorial candidate, lalong pinatatatag ng pagkalas ng bansa sa ICC ang kultura ng kawalang-pananagutan ng mga may kapangyarihan.
“Mali at makasarili ang ginawang pagkalas ni Duterte sa ICC para takasan ang pananagutan sa libo-libong pinaslang sa kanyang war on drugs at madugong gera laban sa mamamayan. Ngayon, tanging sa ICC na lang maaaring mabigyang-katarungan ang mga biktima sa pamamagitan ng pagdakip at paglilitis kay Duterte,” ani Ramos.
Ginagamit ngayon ng ilang opisyal ng administrasyon ang linya na makatatanggap si Duterte ng patas na paglilitis sa ICC at na mananatili ang Pilipinas bilang responsableng miyembro ng pandaigdigang komunidad. Kung seryoso ang administrasyong Marcos Jr sa pahayag na ito, dapat nitong tiyakin ang pagbabalik ng Pilipinas sa ICC at aktibong makipagtulungan sa proseso ng hustisya.
Mariin namang iginigiit ni Marcos Jr na hindi na kailangang bumalik sa ICC dahil “gumagana” umano ang sistemang panghustisya ng Pilipinas. Ngunit paano niya ipapaliwanag ang naging pakikipagtulungan mismo ng kanyang administrasyon sa ICC para sa pag-aresto kay Duterte? Ano ang kinatatakutan niya—ang posibilidad na siya rin ay papanagutin sa mga patuloy na paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang rehimen?
“Dapat tayong magkaisa sa panawagang papanagutin si Duterte sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan. Kasabay nito, kailangang igiit ng mamamayan ang pagbabalik ng Pilipinas sa ICC upang tiyakin na ang mga pasistang mamamatay-tao sa gobyerno ay haharap sa hustisya—kung hindi man sa ating sariling sistema, sa ICC mismo,” pagtatapos ni Ramos. #
