Ipagdiwang ang 40-taon ng maningning na pakikibaka at mga tagumpay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas! Ibayong magpunyagi para sa tunay na reporma sa lupa!

Sa okasyon ng ika-10 Day of the Landless, inaanunsyo natin ang buong-taong kampanya para ipagdiwang ang maningning na 40 taon ng KMP.

Nagsimula tayo sa maliliit at hiwa-hiwalay na mga lokal na samahang magsasakang nanindigan laban sa Diktadurang Marcos Sr. Mula sa makasaysayan nating pagkakatatag noong Hulyo 1985, binuklod natin ang kapwa inaaping magbubukid sa iba’t ibang sulok ng bansa. Walang-patid tayong nakibaka para sa tunay na reporma sa lupa, hustisyang panlipunan, at pambansang paglaya sa ilalim ng huwad na demokrasya ng sumunod na mga administrasyon hanggang sa kasalukuyang Rehimeng Marcos Jr.

Hitik sa makukulay na tagumpay ang ating kasaysayan. Libo-libo ang ating mga bayaning walang-pagiimbot na nag-alay ng buhay para sa magbubukid at bayan. Wala tayong kakapusan sa pagkukunan ng inspirasyon at mga aral. Hindi matatawaran ang halaga ng pakikibakang itinataguyod ng KMP bilang natatanging pambansa at militanteng organisasyon ng maralitang magbubukid.

Kinakaharap natin ngayon ang tumitinding mga atake; ito mismo ang mga kalagayang nagbigay-buhay at pumanday sa atin. Binibigyang-diin lang ng lumulubhang pagsasamantala at pang-aapi sa magbubukid ang humihigpit na pangangailangan para sa mas matatag, malawak, at mapagpunyaging paglaban – para sa higit pang pagsulong ng KMP. Marami pa tayong pagtatagumpayan!

#KMP40

Leave a comment