Muling binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang administrasyong Marcos Jr. matapos lumabas sa pinakahuling ulat ng US Department of Agriculture (USDA) na mananatiling top rice importer sa buong mundo ang Pilipinas sa ikaapat na sunod na taon. Ayon sa USDA, inaasahang aabot sa 5.5 milyong metriko tonelada (MT) ng bigas ang aangkatin ng bansa sa 2026 — mas mataas sa 5.4 milyong MT ngayong 2025, at higit pa sa naitalang all-time high rice imports noong 2024 na 4.8 milyong MT.
“Habang ipinipilit ng gobyerno at Department of Agriculture (DA) na ‘optimistic’ sila sa produksiyon, ang mga datos mismo ang nagsasabing palpak ang polisiya ng liberalisasyon ng bigas. Sa kabila ng bahagyang pag-angat sa lokal na ani, daig pa rin ito ng dambuhalang importasyon. Resulta ito ng walang habas na pagbubukas ng palengke sa imported na bigas sa ngalan ng mga neoliberal na patakaran,” pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.
Ayon sa USDA, aabot sa 17.7 milyon MT ang demand sa bigas sa Pilipinas sa 2026, subalit nasa 12.3 milyong MT lang ang inaasahang lokal na produksyon, mas mababa pa sa record-high na 12.62 milyong MT noong 2023. Nakaapekto pa dito ang epekto ng mga kalamidad. Sa kabila ng sinasabing mga interbensyon ng Department of Agriculture (DA) gaya ng double cropping at rehabilitasyon ng irigasyon, hindi sasapat ang lokal na produksyon upang punan ang pangangailangan ng populasyon.
“Sa ganitong sitwasyon, sinasadyang iwan sa importers at rice traders ang kapangyarihang magtakda ng suplay at presyo ng bigas. Kontra-magsasaka at kontra-mamamayan ito. Dapat ay binubuo ang food security sa sarili nating kakayahan, hindi sa dayuhang suplay,” dagdag ni Ramos.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 1.32 milyong MT ang imported rice ang pumasok sa bansa mula Enero hanggang Abril, kung saan Vietnam ang pangunahing pinanggalingan ng 84.8% ng kabuuang inangkat. Pinakaapektado ng ganitong import dependence ang mga lokal na magsasaka ng palay, na patuloy na nakakaranas ng mababang presyo ng palay sa farmgate, mataas na gastos sa produksyon, at kawalan ng subsidyo at suporta.
Ayon sa datos ng PSA, nasa 4.69 milyong MT ang palay output sa Q1 2025 at halos walang pinagbago mula sa 4.68 milyon MT noong nakaraang taon. Sa kabila ng target ng gobyerno na umabot sa 20.46 milyong MT na palay ngayong taon (equivalent sa 12.89 milyong MT ng milled rice), aabot pa rin sa tinatayang 3.5 milyong MT ang kailangan umanong angkatin para mapunan ang kabuuang pangangailangan.
Matagal nang tinutulan ng KMP ang Rice Liberalization Law (RA 11203), na siyang ugat ng walang habas na pag-angkat ng bigas mula 2019 hanggang ngayon. Mula nang pairalin ang RA 11203, taun-taon ay palaki nang palaki ang volume ng imported rice. Nagpatuloy ito sa ilalim ni Marcos Jr. at sa halip na bawiin ang batas, mas pinagtibay pa ito. Habang ipinagmamalaki nila ang palay production target, ipinapasa naman nila sa importers ang kakulangan sa suplay,” ani Ramos.
Dagdag pa ni Ramos, “Walang saysay ang self-sufficiency targets kung ang aktwal na gawi ng gobyerno ay kontra-magsasaka. Kailangan natin ng libreng pamamahagi ng lupa, subsidyo sa abono at kagamitan, suporta sa irigasyon, at proteksyon mula sa bagsak-presyong imported at smuggled na produkto.”
Panawagan ng KMP na ipawalambisa ang RLL at ibasura ang patakarang import liberalization sa agrikultura. Dapat ay ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at maglunsad ng seryosong programa para palakasin ang lokal na produksyon ng bigas at pagkain. ###
